By: Michael Juha
getmybox@hotmail.com
Fb: Michael Juha Full
--------------------------------
Simula nang ginawa niyang panggatong ang pinaghirapan kong kama na para sana sa kanya, sa isang kama na lang kami natutulog. At palagi, sa kama rin kami nag-aaway dahil igigiit niya ang pagyakap sa akin. Marahil ay kung babae lang ako, iisipin kong gusto niyang maka-tsansing sa akin. Ngunit dahil pareho naman kaming lalaki, wala lang sa akin iyon. Iyon nga lang, nakukulitan ako, naiirita.
Ngunit sa kabuuan naman, masaya ako dahil may kasama ako sa bahay, may kaharutan, may kakuwentuhan, may masasabihan ng aking problema. Higit sa lahat, may nakakatulong sa panahon ng aking pangangailangan, may nakakaintindi sa aking kalagayan.
Hanggang sa napansin kong imbes yakap at patong ng kanyang hita sa aking hita o aking harapan ay nagpumilit na rin siyang humalik sa pisngi ko o ‘di kaya ay sa bibig ko. Minsan pa ay lantarang hihipuin niya ang aking p*********i.
Kadalasan ay iyan ang aming hindi pagkakasunduan kapag matutulog na kami.
“John ano baaaaa!!!” ang sigaw ko sa kanya isang beses na dinaganan niya ako at inipit ang aking mga kamay. Halos hindi ako makagalaw. Nahalikan na niya ang aking bibig bago ko pa man maipihit ang aking ulo upang maiwasan ang kanyang halik. “Bakit mo ba ako hinahalikan! Tangina na yan!” ang sigaw ko nang naka-alpas ako sa kanyang pagdagan sa akin at nakatayo na sa gilid ng kama. “Kapag palagi kang ganyan, sa sahig na ako matutulog. Kahit walang kulambo titiisin ko basta hindi lang kita makatabi,” ang pananakot ko.
“Sorry na. Sorry na,” ang sambit niya. “Hindi ko na uulitin. Basta magtabi lang tayo.”
Ngunit nang humiga na ako ay halatang nagtatampo na at tatagilid patalikod sa akin. Syempre, nakokonsiyensya ako kaya tatagilid ako paharap sa kanya, ililingkis ko ang aking bisig sa kanyang katawan. Alam ko naman na iyon ang weakness niya eh, ang yakapin ko siya. “Sorry na rin. Ikaw kasi. Alam mo namang ayaw ko ng ganyan eh,” ang paliwanag ko.
Hindi siya kumikibo ng ilang minuto bagamat hinawakan niya ang kamay ko na nakalingkis sa katawan niya, hinaplos-haplos iyon.
Hinayaaan ko lang siya. “Bakit mo ako hinahalikan?” ang tanong ko.
“Wala... nalilibugan lang ako. Ikaw ba ay hindi nalilibugan?” ang tanong niya. “Hindi pa kita nakitang nagpaparaos.”
“Bakit ko ipapakita sa iyo kapag nagpaparaos ako?”
“Hindi mo pa ba naranasan na magparaos may kasabay?”
“Hindi ah! Hindi ko gusto. Naiilang ako.”
“Hindi mo talaga gusto, kahit subukan natin?”
“Ayoko nga, eh! Kulit mo. Matulog ka na nga!” sabay tagilid patalikod sa kanya.
Iyon... siya na nman itong tatagilid sa akin at yayakapin ako.
Tahimik.
“May nahalikan ka na ba, Tok?”
“Wala pa,” ang sagot ko.
“Talaga?”
“Talagang-talaga! Sino ba ang hahalikan ko. Wala naman akong girlfriend.”
“O e, ‘di tama. Practice tayo ng halikan. Sige na!”
“Gago! Baliw!” ang sagot ko na lang. Nawi-weirduhan talaga ako sa mga pinagtatanong niya.
“Alam mo, kapag nalaman ko o makikita na may kahalikan ka, magtatampo ako, magagalit magseselos, sasama ang loob ko sa iyo.”
“Bakit naman sasama ang loob mo, aber? Hindi naman tayo magshota?”
Narinig kong binitiwan niya ang isang malalim na buntong hininga. “Basta...”
“Gago ka talaga, no?”
Iyon ang mga klaseng tanong niya sa akin. Nakakaasiwa ngunit ganyan lang talaga siya eh.
Minsan, nag-inuman kami sa bahay, nalasing siya. “Tok... Naranasan mo na bang magmahal?” ang tanong niya.
“Hindi pa... Siguro crush lang. Ayoko kasing pumasok sa ganyan habang nag-aaral pa. Dagdag sakit sa ulo lang iyan, lalo na kapag nagseselos, maraming tanong, hindi ka libreng gumalaw kasi magdududa, tapos kailangan mo pang ihatid, sunduin, at kung hindi mo magawa iyan dahil may iba kang gagawin, aawayin ka. At kapag nag-aaway kayo, ‘di ka makapagconcentrate sa pag-aaral o ibang gawain. Tapos may date-date kayo, walang pera. Kaya mas mabuti pa na ang oras ko ay igugugol ko sa pag-aaral o sa pag-aalaga ng hayop o pananim ng gulay. Atsaka, noong buhay pa ang inay, kailangan kong nasa bahay palagi dahil nahihirapan siya.” At baling kay John. “Bakit mo naman naitanong?”
“Wala. Masarap kasing magmahal. Ngunit masakit din kapag nabigo.”
“Mabigo? Paano ka mabigo, may girlfriend ka na. At mahal ka naman ata noon!”
“Minsan kasi, nalilito rin ang puso eh. Minsan din, nababaliw. Kaya ‘di mo alam kung ano ang iyong gagawin.”
“A-anong ibig mong sabihin?”
“Halimbawa, mahal mo iyong pusa. Naging kayo. Akala mo, kayo na talaga ang itinadhana. Marami na kayong plano sa buhay, malalim na ang inyong pinagsamahan, Tapos habang kampante ka na sana sa relasyon ninyo, sa hindi mo naman inaasahang pagkakataon ay biglang pumasok sa buhay mo si aso. Unti-unting nahulog ang loob mo sa kanya hanggang sa namalayan mo na lang na mahal mo rin pala siya. At hindi lang mahal... mas mahal mo pa kaysa kay pusa.”
Napangiti ako sa ginamit niyang simbolismo “Huwaaww! Ang lalim! Pero ikaw, ano ka ba? Aso o pusa?” ang tanong ko.
“Aso.”
Doon na ako natawa. “E, dapat doon ka sa aso. Aso ka pala eh!”
Ngunit hindi siya natawa. Seryoso siyang tinitigan ako. “E, paano kung ikaw iyong isang aso? So tayo na?”
Nahinto ang aking pagtatawa. Sa gulat ko sa kanyang sinabi ay bigla ko siyang itinulak. “Tarantado!” Sa isip ko ay nagbibiro lang siya. “Huwag ka ngang magbiro ng ganyan! Naiilang na talaga ako sa iyo eh!”
“Okay, okay. Sorry,” ang sagot niya.
Tahimik.
“Gusto mo na ako, Tok?”
“Gusto?”
“Gusto. Iyong kapag ‘di mo nakikita ay mami-miss mo.”
“Paano kita ma-miss, e 24 hours kang nakabuntot sa akin.”
“Sagutin mo lang ang tanong ko kung gusto mo ako.”
“Ba’t kailangan ko pang sagutin. Alam mo naman ang sagot niyan.”
“Gusto ko lang marinig.”
“Matulog ka na!”
“Ah, hindi mo ako gusto.”
“Gago!”
“Ay gusto pala.”
“Ulol!”
Isang araw na galing kami ng school at puro putik ang daan. May bigla siyang naisip. “Bibili tayo ng kabayo Tok? Mahilig ka naman sa hayop eh.”
“Playboy ka talaga, no?” ang tanong ko.
“Anong playboy iyang pinagsasabi mo?” ang tanong niyang halatang nalito.
“Noong isang gabi ay sabi mo mahal mo ang pusa, tapos aso. Ngayon naman ay kabayo? Hindi ka lang playboy, weird pa!” biro ko.
Natawa siya. “Tarantado! Iba iyon!”
“So anong gagawin natin sa kabayo?”
“Kagaya ngayon, maputik. At ‘di naman nakakadaan dito ang sasakyan na de gulong. E ‘di kabayo ang gamitin nating sasakyan para hindi na nga tayo maputikan, mas mabilis pa ang pagpunta natin ng school o bayan.”
“Ang mahal ng kabayo, John. At ipagpalagay natin na bibili ka, eh kung nasa school tayo, sino ang mag-aalaga noon?”
“Kapag nakauwi na tayo, tayo ang magpapakain. Ang daming d**o rito. Ngayon kapag pupunta naman tayo sa school, sakyan natin siya hanggang sa baba, tapos maghanap tayo ng tao na siyang maghandle sa kanya habang nasa eskuwelahan tayo. Babayaran natin. Maraming papayag niyan dahil titingnan lang naman nila ang kabayo at magkapera na sila.”
‘Gagastos ka na naman.”
“Okay lang sa akin. Para sa atin din naman iyan. At alam ko, hindi ka pa nakaranas na mag-alaga ng kabayo. Siguradong ma attach ka sa kabayo, Tok. Para rin silang aso, nakakakilala sa may-ari at nag-aalaga sa kanila...”
“Talaga?” ang excited kong tanong. “Saan naman tayo maghahanap ng kabayo?”
“Sa libro. Marami roon.”
“Gago. Drawing lang pala.”
“Joke lang... May pinapahanap na ako.”
“Sige, bahala ka,” ang sagot ko na lang.
Kaya hayun, nakabili talaga kami ng kabayo. Sobrang tuwa ko nang nasa amin na siya. “Anong ipapangalan natin sa kanya? Ang tanong ko? “Tok-John” ang sagot niya.
Nag-isip ako. “Tokhang na lang.”
“Bakit Tokhang?”
“Di ba, iyan na ang tawag nila sa atin sa klase simula nang palagi na tayong nagsabay. At ngayon na alam niyang dito ka na tumira sa akin, “Tokhang” na talaga ang official na tawag nila.”
Napangiti siya. “Paano pala nangyari na ‘Hang’ na ang tawag nila sa akin?”
Doon ko ikinuwento kung paano nagsimulang “Hang” ang tawag ng mga kaklase sa kanya, dahil kay Joy. Hindi naman siya nagalit. Alam naman kasi ng lahat na crush siya ni Joy, at alam din niya ito. “Kay Joy pala nagsimula iyan,” ang sambit niyang nakangiti.
“Oo. Siya ang pasimuno niyan. At crush na crush ka niya...”
“Malas niya. Sa aso na ako nagmahal,” sabay titig sa akin. Iyong titig na tila nagpapa-cute.
Sinuklian ko ang kanyang pagtitig. Iyon titig naman na kumunot ang aking kilay. Sa panahon na iyon ay tinuturing ko lang namang biro ang mga pagpaparamdam niya ng ganoon bagamat may tila kakaibang kilig din ito sa akin. “Aso? Wala naman tayong aso ah!”
“Ikaw...” ang sagot niya. “Ikaw ang aso ng buhay ko.”
“Aw! Aw! Aw!” ang sagot ko. Tapos tinitigan siya ng matulis. “GRRRRRR! GRRRRR!” ang tunog ng galit na aso na akmang mangangagat.
Tawanan.
Sobrang saya namin simula na nang dumating ang kabayong ipinabili niya. Ang amo ng kabayo at ang ganda ng kanyang kulay na dark brown. Nag-enjoy din kami sa aming pagpa-practice na sumakay, sa mismong pagpapatakbo nito, sa pagpapakain. Nariyan iyong experience na nalaglag kaming dalawa, nariyan iyong hindi malaman kung paano pahintuin o palikuin ang kabayo. At lalo na kapag kaming dalawa ni John ang nakasakay, ako ang nasa harap, siya ang nasa likod, yayakap talaga siya sa akin. Tuwang-tuwa naman si John lalo na kapag ako naman ang nasa likuran niya at nakayakap ako sa kanya habang pinapatakbo niya ang kabayo. At upang hihigpitan ko pa ang pagyakap, patatakbuhin niya ito nang mabilis. O kapang siya naman ang nasa likuran at ako ang nasa harap, sasadyain kong biglang patakbuhin ang kabayo upang magulat siya o kaya ay biglang pahintuan. Sobrang enjoy kami. Hanggang sa natuto kaming sumakay at magmaneho kay Tokhang.
Hindi pa rin nagbago si John sa kanyang pagiging sweet sa akin. Ganoon pa rin sa gabi, hindi kami magkasundo dahil gusto niyang yumakap at humalik sa akin o ‘di kaya ay gusto niyang laruin ang ari ko.
“John ano ba!”
“Ba’t ano ba ang ginawa ko?”
“Yang kamay mo, bat hinihipuan mo ako?”
“Anong masama?”
“Anong masama, pareho tayong lalaki!”
“Kaya nga, walang masama. Walang mawawala. Pareho tayong lalaki.”
“Ewan ko sa iyo. Laruin mo iyang sa iyo! Mayroon ka naman. Huwag itong sa akin.”
“Nanggigigil kasi ako sa iyo eh. Sarap lapirutin ang pisngi” sabay lapirot sa pisngi ko.
“Tangina naman John! Ayaw na ayaw kong kurutin ang pisngi ko!”
“O sige, smile ka muna para ‘di na kita kulitin. Smile!”
Pag napikon na talaga ako ay sigawan ko siya ng “Tanginaaaaaaa!” at sabay harap sa kanya at ipakita ang pinilit na pagngiti. “Hayan nag smile na ako!”
Naging sweet naman din siya. Iyon lang, to the point na parang ang trato niya sa akin ay karelasyon na niya. Halimbawa sa klase, sa pagdadala ni Emily sa akin ng tinapay hindi ko alam kung ano ang kakainin dahil binibilhan din niya ako ng empanada. Kapag nakita niyang ang tinapay ni Emilie ang kakainin ko, nagtatampo na siya at nagmamaktol. Kapag ang empanada naman ang kakainin ko, syempre, nasasaktan din si Emily. Kaya minsan ang ginagawa ko ay hindi na ako kumakain. Pag dinala ko naman sa bahay ang tinapay, siya ang kakain, ayaw niya akong pakainin. Para raw ang empanada niya ang kakainin ko. Kapag may kumakausap sa akin, nariyan siya palagi, nakikinig, minsan ay sumisingit sa usapan.
Ang sabi niya nagseselos daw siya kay Emily. Pero bale-wala lang naman sa akin iyon dahil alam ko naman na lalaki iyong tao at may girlfriend pa. Ang pabirong sabi nga niya isang beses, “Kapag naging kayo ni Emily... hindi na ako magpapakita pa sa iyo,” sabay tawa. Pagtatawanan ko na lang din siya. Tapos bibiruin ko rin siya kay Joy.
Dahil sa ipinakita nya, naguluhan na rin ako. Wala naman akong iniisip na masama talaga sa kanya. Hindi ko siya itinuturing na bakla. Lalaki siya. Nagkakagusto ng babae. Lalaki kung magsalita at kumilos. Magaling sa sports at malaki ang katawan. Ni minsan ay hindi ko pinagdududahan ang kanyang seksuwalidad.
Isang gabi kung saan ay may party ang eskuwelahan namin, nag-attend kaming pareho. Siya pa ang bumili ng mga isusuot namin. Terno kami.
Nang nasa party na, kaming dalawa ang magpartner. Kahit sa sayawan. Ngunit nang mag sweet music na, biglang nag-dim light ang paligid. Syempre, ‘di naman kami puwedeng magsayaw ng sweet ni John. Nakita ko si Joy na tinumbok ang kinaroroonan ni John kaya alam ko na ang balak ni Joy – isayaw niya si John. Lumingon ako kay Emily dahil gusto ko rin na siya ang makapareha ko. Ngunit laking gulat ko nang may biglang humawak sa aking kamay.
Nang tiningnan ko kung sino, si John! Nang nakita niya sa mukha ko na tila papalag ako, hinigpitan niya ang paghawak sa aking kamay sabay hila sa akin upang tumayo at sumayaw kami. “John ano ba! Nakakahiya!” ang pigil kong pagpalag.
“Anong nakakahiya? Anong problema?” ang sagot din niya habang patuloy ang paghila niya sa akin.
Nang makita ng mga barkada naming lalaki ang ginawa ni John, nag-cheer pa ang mga gago. “Pagbigyan mo na si Hang! Pagbigyan mo na Tok!” tapos may sumigaw din ng “Tok-Hang! Tok-Hang! Tok-Hang!”
“Sige na, sayang ang tugtog! Daliii!” ang sabi ni John.
Nang tiningnan ko sina Jeff, at iba pang mga officers na lalaki, “Tok, sige na. Okay na okay lang iyan.”
Wala na akong nagawa kundi ang sumang-ayon. Baka kasi sabihin nilang KJ ako. At sa gitna pa talaga ako dinala ni John. Nang nakita kami ng mga estudyante, lahat sila ay nagpalakpakan.
“See? Lahat sila ay boto sa akin para sa iyo,” ang sambit ni John.
“f**k you!” ang pigil kong pagbulyaw sa kanya.
Habang nagsayaw kami ni John, inilingkis talaga niya ang kanyang bisig sa aking katawan. Walang kiyeme, kagaya pa rin sa mga ginagawa nya kapag natutulog kami na yayapusin ako ng mahigpit, iyong mistulang nangigigil.
“Tangina mo! ‘Wag mo namang higpitan ang pagyapos sa akin. Nakatingin silang lahat sa atin! ‘Di ako makahinga!”
“Yaan mo na. Nangigigil ako sa iyo eh!” ang sambit niyang nakangiti pa. Talagang masaya siya.
Maya-maya lang ay nagsisunuran namang ang mga barkada kong lalaki sa dance floor. Ang kapartner ni Jeff ay si Daniel. Si Tony ay isang ka-klase naming lalaki, at may iba pang mga lalaki na ang kapareha ay lalaki rin sa sweet music na iyon. Parang moral support nila sa amin. Marahil ay nakita nilang nakasimangot ako at halatang nahiya.
Maya-maya ay sumunod naman ang mga babae. Babae sa babae rin. Tawanan silang lahat. Pati ang mga lalaki ay nagtatawanan din.
“Tingnan mo, ang sweet din nila no?” ang sambit ni John.
“Sweet ba iyan? Ang layo-layo ng mga katawan nila sa isa’t-isa. Naghahawakan lang sa kamay, puwedeng madaanan ng trak ang gitna samantalang ikaw, nasa umbok ng puwet ko pa talaga ang kamay mo? ‘Di ka na nahiya niyan?” ang pagmamaktol ko. Ayoko namang tanggalin ang kamay niya sa puwet dahil siguradong ibabalik din niya ito at lalong mapansin pa ng mga estudyante at pagtatawanan kami.
“Ah... tayo lang pala ang sweet. Sweet ko no?” sabay bitiw ng ngiting pang-aasar.
“Tarantado!”
Nang matapos ang tugtog, dali dali akong nagpunta ng CR upang makalayo lang kay John. Nang nakalabas na ako ng CR, timing namang sweet music uli ang pinatugtog. Dali-dali kong tinumbok ang kinauupuan ni Emily at niyaya ko siyang sumayaw. Sumang-ayon naman si Emily. Nang nagsayaw na kami, “Baka magalit si John,” ang sabi niya.
“Bakit mo naman nasabi iyan?”
“Sobrang pagka-protective niya sa iyo eh. Parang kuya na hindi mo maintindihan.”
“Huwag mo siyang pansinin,” ang sagot ko na lang. Habang sumasayaw kami ni Emily, may sumagi naman sa aking likuran.
Nang tiningnan ko kung sino, si John pala, at magkapareha sina Joy. Kumaway si Joy sa amin, “Hi!” ang sambit na bakas sa mukha ang tuwa. Nang tiningnan ko si John, kinindatan niya ako sabay bitiw ng nakakalokong ngiti. “Binigyan ko siya ng dirty-finger sign.
Nasa ganoon kaming pag-eenjoy nang sa hindi inaasahan ay may nagsisigaw na babae. Noong una ay hindi ko ito pinansin dahil malakas ang music at medyo madilim pa. Ngunit nang biglang may humablot sa buhok ni Joy atsaka inupakan siya ng sampal, doon na nagkagulo ang mga estudyante. Agad kong minuwestrahan si Tony na i-full ang ilaw at ihinto ang music.
“Walanghiya ka! Ikaw pala ang dahilan kung bakit hindi na sumasagot ni John sa mga tawag ko? Kung bakit pinapatay niya ang cell phone niya! Dahil sa iyo!” ang sigaw ng babae.
Nang tiningnan ko ang kanyang mukha, si Yeng.
Bitiwan mo ako, bitiwan mo akooo!” ang sigaw ni Joy. Natumba kasi siya sa dance floor at dinaganan ni Yeng.
“Walanghiya ka! Sinira mo ang aming relasyon ni John. Papatayin kitaaaa!” ang sigaw ni Yeng.
Dali-daling pumagitna si John. Hinila niya ang kamay ni Yeng at halos pakaladkad na dinala sa labas ng student hall. “Huwag kang mag-eskandalo rito!” ang narinig kong bulyaw ni John.
Habang nandoon sina John sa labas, tinulungan naman namin si Joy. Umiiyak siya. Inayos ng mga babae ang buhok at damit niyang nadumihan. Nagpunta sila ng CR.
Habang naroon sina Joy sa CR, muling itinuloy ang sayawan. Sinilip ko naman sina John sa labas ng hall. Nakita ko silang nag-argumento ni Yeng. Hindi ko na sila nilapitan pa. Naisip ko na baka magkabalikan din silang dalawa. Muli akong bumalik sa loob ng hall.
Maya-maya lang ay bumalik na rin ang mga babae sa dance hall, kasama si Joy na nanumbalik na ang ayos. Nakapagmake-up na rin, at naayos na ang kanyang buhok na sinambunutan ni Yeng.
“Kumusta ka na Joy?” ang tanong ko.
“Ayos lang, Tok. Ang sama pala ng ugali ng girlfriend ni John!”
“Oo nga Joy. Nakasama namin siya sandali, medyo may pagka-matapobre. Hayaan mo na, alam naman naming lahat na inosente ka, nadamay ka lang kung ano man ang kanilang mga personal na pinagdaanan. Tara, sayaw na lang tayo!” ang pag-anyaya ko kay Joy upang mawala ang stress niya.
Ngunit tumanggi si Joy dahil gusto raw muna niyang umupo. Nanginginig pa raw siya sa nirbiyos. Kumuha na lang ako ng sandwich at soft drink at dinalhan siya.
Nang tumugtog muli ang sweet music, nilapitan ko si Emily at niyayang sumayaw. Nang matapos ang tugtog, kami pa rin ni Emily ang partner, walang iwanan kumbaga. At dahil dimlight naman, niyakap ko nang mahigpit si Emily. Hindi siya pumalag. Niyakap din niya ako nang mahigpit. Marahil ay dahil sa higpit ng aming yakap, dagdagan pa sa dimlight na paligid, ewan ko ba, sumingit sa aking isip na marahil ay nag-date na rin sina John at girlfriend niya kaya nagawa kong haplusin ang mukha ni Emily habang patuloy kaming umindayog sa tugtog at nakayakap siya nang mahigpit sa akin. At kahit ako ay hindi makapaniwala sa sunod kong ginawa. Siniil ko ng halik ang bibig ni Emily!
Gumanti rin siya ng halik. Wala kaming pakialam sa mga tao sa paligid. Matagal kaming naghalikan. Nang nahinto na ang aming halikan, doon ko nalaman na wala na palang tugtog at kami na lang ang natira sa gitna ng dance hall. Siguro ay sinadya rin ng operator na hayaan munang walang music upang mahalata kami ni Emily na naghahalikan at walang pakialam sa paligid.
Nang nahimasmasan ay doon ko na napansin na nagtinginan na pala ang mga estudyante sa amin. Nang ibinaling ko ang aking paningin sa isang sulok, naroon si John na tila tulalang nakatingin sa akin, bakas sa kanyang mukha ang ibayong lungkot, at galit.
Bigla siyang tumalikod at tumakbo palabas ng hall nang nakita niyang nakatingin ako sa kanya.
“Excuse me, Emily,” ang sambit ko. Hinabol ko si John sa labas. Ngunit hindi ko na siya makita. Tiningnan ko ang kalsada, ang highway, binalikan ko ang gate at tiningnan ang CR sa guard house. Wala. Nagtanong din ako sa gate guard kung dumaan ba si John doon ngunit hindi rin daw siyang napansin.
Malungkot na bumalik ako sa hall. Simula noon, hindi na ako sumayaw. Tinitingnan-tingan ko kung bumalik na si John sa dance hall. Ngunit hanggang natapos na lang ang party ay hindi na nagpakita pa si John.
Hindi ko alam ang aking tunay na naramdaman sa sandaling iyon. Pakiwari ko ay nasaktan ko siya at may guilt akong nadarama.
Malungkot akong umuwing mag-isa. Nang narating ko na ang bahay kung saan namin iniwan ang aming kabayong si Tokhang, naroon pa rin ito. Kinuha ko na lang siya at sinakyan pauwi ng bahay, inisip na baka sa apartment niya si John umuwi.
Madilim ang bahay nang nadatnan ko ito. Naka lock pa. Pumasok ako at sinindihan ang lampara. Dahil sa lungkot ko sa gabing iyon, naisipan kong pumunta ng pampang.
Ngunit laking gulat ko nang nakita ko roon si John. May bonfire sa kanyang likuran. Habang patuloy na nag-aapoy ang mga nakatumpok na malalaking kahoy, siya naman ay tila isang tuod na nakaupo lang sa pampang, pinanuod ang pag-agos ng tubig. At sa kanyang kamay ay hawak-hawak ang isang malaking bote ng alak.
“John... kanina ka pa ba rito?” ang tanong ko.
Hindi siya sumagot. Nanatili lang siyang naka-tingin sa tubig sa ilog.
“G-galit ka ba sa akin, John?” ang tanong ko habang dahan-dahan akong umupo sa kanyang tabi.
Hindi pa rin siya nagsasalita. Inakbayan ko siya. Hindi siya pumalag. Nang inaninag ko ang kanyang mukha, napansin kong basa ang kanyang pisngi. Umiiyak siya.
Hindi ko lubos maintindihan ang aking nadarama sa nakitang iyon kay John. Tila may sibat na tumusok sa puso ko at labis akong nasaktan.
Maya-maya ay nagsalita siya. “Alam mo, napunta ako rito sa bayan ninyo dahil nakapatay ako, aksidente. Lasing kaming magkabarkada noon nang ang isang kaibigan ko ay nagyayabang na may baril siya. Ipinakita niya ito sa amin. Tinanggalan muna niya ng mga bala atsaka pinahawakan niya ito sa akin. Itutok at iputok ko raw ito sa kanyang ulo habang lilitratuhan ito ng isa naming kasama. Nang hinaltak ko na ang gatilyo, doon ako nagulat dahil may bala pa palang natira at tumagos ito sa ulo ng aking kaibigan. Bumulagta siya sa semento, nagkalat ang dugo mula sa kanyang ulo.” Nahinto siya sandali. “Kahit mayaman ang aking ama, mayaman din ang pamilya ng aking kaibigang napatay. At mahirap takasan ang aking nagawa. Kaya napagdesisyunan ng aking ama na dito na muna ako mag-aaral dahil may banta sa aking buhay. Isinama niya sa akin ang isang kamag-anak namin na siyang guardian ko, ang aking Tito. Kasama ko rin ang isang ang driver-bodyguard. Inaamin ko na sa amin ay nagda-drugs ako. Nagbabarkada, naninigarilyo, lahat ng bisyo ay naranasan ko. Spoiled brat ako sa amin, basagulero, abusado. Lahat ng tao sa amin ay takot sa akin. Nang dumating ako sa bayan na ito, masama ang loob ko. Hindi ko kasi matanggap na mapalayo ako sa amin, mapalayo sa mga barkada, hindi na magawa ang mga nakasanayan. Ang balak ko sa pagpunta ko rito ay gagawa ako ng kabulastugan sa eskuwelahan upang mapatalsik at mabalik sa syudad. Kahit hindi sa amin basta sa malalaking syudad kung saan ay puwede ko pa ring gawin ang aking mga nakasanayan. Noong unang araw na pumasok ako sa eskuwelahan, napansin na kita. Alam ko ikaw ang leader ng section na iyon. Alam ko rin na ikaw ang pinakamatalino at pinakaresponsableng estudyante sa batch na iyon. Kaya ikaw ang gusto kong gawing target, asarin, guluhin, makikipag-away sa iyo upang isusumbong mo ako, gagawan ng report hanggang sa mapatalsik ako. Ngunit nagbago ang lahat nang nalaman ko ang kuwento ng buhay mo. Lalo na noong ipinahiya ka ni class president ng kabilang klase, bigla akong naawa sa iyo. At ewan... pati ugali ko ay tila nagbago. Tinigilan ko ang paninigarilyo. Pinilit kong maging responsable upang mapansin mo. Pinili kong maging positibo ang pananaw, pinilit kong matutong magsaing, maglaba, umakyat ng niyog, magtanim ng kamoteng-kahoy... dahil sa iyo. Tinitingala kita, iniidolo, hinahangaan...” nahinto siya at binitiwan ang ngiting hilaw. “...hindi ko maintindihan ang aking sarili. Iyong awa ko sa iyo ay naging gusto. Hanggang sa hindi na kita mawaglit sa isip ko. Palagi na kitang hnahanap. Kahit minuto lang na ‘di kita makikita ay nagpapanic na ako. Dahil sa naramdaman ko ay naguguluhan ako. Tila may malaking giyera sa loob ng aking isip at pagkatao. Hindi ko matanggap sa sarili ko na may naramdaan ako para sa iyo. Hindi ko maipaliwanag kung bakit sa kapwa lalaki pa. Kung gaano katindi ang aking kalituhan, ganoon din katindi ang kasiyahan na kasama kita. Litong-lito ako sa aking sarili. Kung nakikita mo akong masaya na kasama ka, nakikipag-harutan ako sa iyo, kabaligtaran naman ito kapag ako lang mag-isa. O kaya ay habang tulog ka, naiiyak ako habang pinagmasdan kitang himbing na himbing, napaka-inosente at walang kaalam-alam sa naramdaman ko. Habang ganyang tulog ka at pinagmasdan, tinatanong ko ang aking sarili ko kung bakit ako nakaramdam ng ganito para sa iyo. Pinapangarap ko na sana ay ganoon na lang tayo palagi. Na sana ay wala nang taong sisira sa ating pagsasama. Ngunit may bahagi rin sa aking isip na nagsasabing hindi puwede. Bawal. Kaya noong na suspend ako, minabuti kong umalis na lang muna upang bigyan ng distansya ang aking sarili, makapag-isip nang mabuti, makapagdesisyun kung babalik pa ba ako rito o hindi o manatili na lang sa Baguio kasama si Yeng. Ang sabi ko sa sarili, kapag tumawag ka, babalik ako. Ngunit kapag hindi ka tumawag, tuluyan na akong magpakalayo sa iyo. Iyan ang tanda na hinahanap ko. Ngunit tumawag ka. At lalo na’t ramdam kong kailangan mo ako kung kaya ay nagmamadali akong pumunta rito. Hindi kita matiis na nag-iisa at nagdurusa. Alam mo bang dahil doon ay nag-away kami ni Yeng? Dahil ayaw niya akong bumalik. Ngunit nagpumilit ako. At dahil hindi siya pumayag, hiniwalayan ko siya...” Nahinto siya nang sandali, pinahid niya ang mga luhang patuloy na dumadaloy mula sa kanyang mga mata. “Ngunit huwag kang mag-alala Tok dahil tanggap ko naman na hindi tayo puwede eh. Alam ko naman na kaibigan at kapatid lang talaga ang turing mo sa akin. Nang makita ko kanina na naghalikan kayo ni Emily, doon na ako natauhan. Alam ko na kung saan ako lulugar. Gumuho man ang aking mundo sa nakita, okay lang ako. Kaya huwag kang mag-alala, Tok. Kung sinabi ko man sa iyo ang naramdaman ko, ito’y hindi dahil kaawaan mo ako o pilitin mo ang sarili mong suklian ang pagmamahal ko. Gusto ko lang malaman mo ang saloobin ko. Upang hindi mo ako sisisihin na may itinatago pala akong lihim. Para sa akin, okay lang na mahalin kita... at okay lang din na iba ang iyong mahalin.”
Mistulang pinutol ang aking dila sa narinig at hindi na makapagsalita. Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama. Naawa ako sa kanya, na-guilty, nahiya na sa dami nang naitulong niya sa akin at sa amin ng inay ay may itinatago pala siyang mabigat na pinapasan. Niyakap ko siya. Hinawakan ko ang kanyang kamay. Doon ko napansin na may dugo ang kamao niya. “Ba’t dumudugo iyan?”
“Wala,” ang sagot niya.
Hindi na ako nagtanong pa. Alam kong marahil ay sa nakita niya sa halikan namin ni Emily ay may sinuntok siyang matigas na bagay.
“S-sorry John. Sorry. Sorry talaga,” ang nasambit ko na lang.
“Huwag kang mag-sorry. Hindi mo naman kagustuhan ang lahat, ‘di ba? Wala kang kasalanan. Nasa akin ang mali.”
Tahimik.
“Alam mo, sa amin, siga ako, takot ang lahat sa akin, maliban sa papa ko. Pero dito, takot na takot ako sa iyo,” ang sambit niya sabay bitiw ng isang pilit na ngiti, napailing, iyong feeling na nanghihinayang.
Hindi ko sinagot ang sinabi niya. “Tara, uwi na tayo... naubos mo na ata ang laman niyang bote ng alak ah. Ikaw lang mag-isang uminon niyan. Ang dami niyan,” ang sambit ko.
“Sanay naman ako,” ang sagot niya.
Nang hinila ko na siya upang tumayo, halos hindi na niya magawang maglakad nang diretso. Kaya kinarga ko na siya.
“Ikaw dapat ang kakargahin ko eh,” ang sambit niya habang nakaangkas na sa aking likuran.
“Paano ka makakarga sa akin... ‘di mo nga kaya ang sarili mo.”
Tahimik.
“Mahal na mahal kita,” ang sambit niya.
Hindi ko na sinagot ang sinabi niyang iyon. Wala naman akong isasagot. Hindi ko lubos maisalarawan ang tunay kong naramdaman. Totoong gusto ko siya, ayaw kong mawalay sa kanya, namimiss ko siya, at sobrang naawa ako sa kanya. Ngunit hindi ko alam kung sapat na ba iyon upang masabi kong mahal ko na rin siya. At nariyan si Emily... ang alam ko, may nararamdaman ako para sa kanya. Kung gagamitin ko ang simbolismo niya tungkol sa pusa at aso at si Emily ang pusa, hindi ko masabi kung mahal ko rin ba ang aso.
Nang nakarating na kami sa bahay ay agad ko siyang pinahiga sa kama. Tulog na siya at ako naman, dahil sa pagod ay diretso ring nakatulog
Alas 9 ng umaga nang magising ako. Wala naman kasing pasok kung kaya ay sinadya kong hindi gumising ng maaga. Nang tiningnan ko ang aking tabi, wala si John.
“John! John!” ang sigaw ko. Bumalikwas ako ng higaan. Nang napadaan ako ng kusina, nakita kong nakahanda na ang aming agahan. May mga takip ang mga ito. “John! John!” ang sigaw ko uli.
Ngunit walang John ang sumagot. Lalabas na sana ako ng bahay nang may napansin naman akong papel na nakatupi sa ibabaw ng cabinet ng mga damit namin. Binuksan ko ito. Sulat ni John.
“Dear Tok. Nakapagdesisyon na ako na hihinto na lang ng pag-aaral. Huwag mo na akong hanapin o tawagan upang mas matulungan mo akong limutin ka. Ma-miss kita pero kakayanin kong labanan ang aking naramdaman. Alam kong masasaktan ako ngunit sa kabilang banda ay may dulot din itong saya dahil maging malaya ako, at ikaw... malaya ring magmahal kay Emily. Good luck sa inyong dalawa. Hangad ko ang inyong kaligayahan. PS. Alagaan mo ang iyong sarili. Alagaan mo rin si Tokhang. Siya lang ang buhay na alaalang maibibigay ko sa iyo. Love, Johnny”
Tiningnan ko ang kanyang kabinet. Wala na itong laman. Dinala niya ang lahat ng kanyang damit at gamit sa eskuwelahan.
(Itutuloy)