Deja Vu

5231 Words
By: Michael Juha Fb: Michael Juha Full -------------------------------- =========== Timmy’s POV =========== Pang-apat na araw ko na iyon sa bahay ni Papa Miguel, ang papa naming dalawa ni John. Sa Maynila na raw kasi ako mag-aaral base sa payo sa akin ng papa namin ni John, sa parehong eskuwelahan din na papasukan namin ni John at Jishin. Iyan ang plano bagamat hindi ko alam ang plano rin ni John para sa sarili. Alam ko naman kasing minsan ay kinokontra niya ang mga plano ng papa niya. Matigas ang ulo ni John, at hindi kayang kontrolin ng papa niya kapag nagmamatigas ito.   Ngunit ako, buo na ang isip na sundin ang gusto ng papa namin. Maganda rin naman kasi ang eskuwelahang papasukan namin. Business Administration ang kurso na gusto ko at si Jishin naman ay ganoon din. Hindi ko lang alam kung nagbago na ang plano ni John. Nang nasa bukid pa kami, naalala kong pareho ang kurso na plano naming kunin, Business Administration. Paggraduate daw namin ay mag put-up kami ng business, at mag-partner kami upang hindi hindi na talaga kami maghihiwalay.   Ngunit iba ang kalagayan namin sa panahong iyon. Sa kasalukuyan ay may mga bagay na nagbago na. Kagaya ng relasyon namin. Una ay magkaaway, tapos ay naging magkaibigan. Naging magkarelasyon, at ngayon, naging magkapatid. Parang iPhone lang, naga-upgrade.   Anyway, normal na araw lang iyon, kagaya ng nagdaang unang tatlong araw ko ng Maynila. Ang kaibahan lang sa araw na iyon ay darating na si John, kasama ang kanyang ina. Masaya ako para sa kanya. Alam ko ang naramdaman niya nang hindi pa sila nagkita ng kanyang inay; malungkot, masakit. Nakikinita ko kung gaano siya kasaya nang sa wakas ay nagkita rin sila. At least, natupad ang kanyang pinakahahangad sa buhay. Ipinapanalangin ko na sana ay maligaya na siya. Kung tutuusin nga ay mas masuwerte pa siya kaysa sa akin dahil nakita na niya ang kanyang inay. Samantalang ako ay papa lang ang nariyan. Pero happy na ako roon. Kasi nga, nakapiling ko naman ang aking inay. At ang aming papa ay nariyan lang naman para sa amin ni John. Sana lang ay magsama na kaming lahat – ang papa namin at ang mama niya sa isang bahay upang maging masaya ang lahat, mapayapa, magkakasundo at kuntento. Kapag nangyari iyan, ako na siguro ang pinakamasayang tao sa buong mundo. Kasi, tanggap ko na kahit wala na ang inay, may papa naman ako. Kahit magkapatid na lang kami ni John, at hindi na puwedeng maging magkarelasyon, kapatid ko naman siya hanggang sa kahuli-hulihang t***k ng aking puso. Sapat na iyon para sa akin. Basta, hindi ko sasayangin ang pagmamahal ng papa namin sa akin.   “Timmy! Darating na si Kuya insan! Sasama ka ba sa pagsundo?” ang excited na sabi ni Jishin.   “Dito na lang siguro ako, Jish. Darating din naman sila rito, ‘di ba? Sino ba ang susundo pala?”   “Ang driver... at tayo! Sige na, sama ka na! Wala akong kasama eh!” ang pakiusap ni niya.   Tiningnan ko lang siya. Nanumbalik sa aking isip ang napagkasunduan namin ni John na pilitin naming kalimutan ang isa’t-isa, pati na ang aming nakaraan. Pinilit ko ang sariling tuparin ito, kahit masakit na masakit. Ngunit habang unti-unti na sana akong nasanay na mabuhay na wala siya, babalik na naman siya. Ngunit marahil ay masakit lang ito sa simula.   “Sige na couz, pleaseeeeeee?”   “Okay, okay. Sasama ako. Hindi ba susundo si Papa?”   “Hindi raw eh. Sa bahay na lang daw sila siya maghintay.”   Alas 11:00 ng umaga ang expected na arrival ng eroplanong sinasakyan ni John at ng kanyang inay. Ngunit alas 10:30 pa lamang ay naroon na kami ni Jishin kasama ang driver. Hindi ko lubos maisalarawan ang tunay kong naramdaman sa sandaling iyon. Ang isip ko ay pilit siyang itinataboy samanatalang ang puso ko ay kumalampag sa tindi ng kagalakan na makita siya.   Eksaktong alas 11:15 ay nakalabas na sila ng airport. Nang nakasakay na sila sa sasakyan, nasa pinakalikod na hilera kami ni Jishin samantalang nasa gitnang hilera naman silang mag-ina sa likuran ng driver.   “Nay, ito pala si Timmy,” ang pagpapakilala niya sa akin. At turo kay Jishin, “Ito naman po si Jishin.”   Iyon lang ang pagpapakilala niya sa amin. Nang lumingon ang inay niya sa amin, nagmano ako. “Mano po. Kumusta po kayo?” ang pagbati ko sa kanya.   “Mabuti naman,” ang sagot niya.   Sumunod namang nagmano si Jishin.   Habang umaandar ang sasakyan ay mistulang nakakabingi ang katahimikan. Parang hindi ako kilala ni John. Hindi man lang ako kinausap o tinanong. Wala.   “Paano pala kayo nagkita ng inay mo, Kuya?” ang pagbasag ni Jishin sa katahimikan.   Doon na niya ikinuwento ang lahat. Ngunit napansin ko lang na puro Jishin lang ang kanyang binabanggit. Puro si Jishin ang kanyang tinatanong kung ano na ang nangyari sa bahay, sa papa namin. Tila hindi ako nagi-exist.   “Kuya, baka next week ay magpa-enrol na kami ni Timmy. Business Admin ang kursong kukunin namin. Ikaw ano ang gusto mong kunin?”   “Ah...” nag-isip siya. “Engineering ako.”   “Ayaw mo ng Business Admin para pareho tayong tatlo?”   “Wala naman akong kahilig-hilig sa Business Admin na iyan. Kahit noon pa, Engineering ang hilig ko.”   Ewan ngunit tila may tumusok na isang sibat sa aking puso sa naring kong sagot niya. Sariwa pa sa aking alaala ang sinabi niya na pareho kaming kukuha ng Business Admin. Tila gusto kong magdabog sa pagsisinungaling niya.   “Saang school ba ang gusto mo?”   “Kayo, saan?”   “Ateneo kami Kuya. Pumasa na kami sa Test.”   “Sa La Salle na lang ako. O sa ibang university na puwed pang tumanggap ng late enrollees.”   “Ay… sayang naman, ‘di tayo magkakasama, kuya...”   “Okay lang iyan. At least magkasama kayong dalawa.”   Hindi na ako nagsalita. Nang nakarating kami ng bahay, naaroon na si Papa sa sitting room, naghintay sa amin. Nang pumasok na sina John, tumayo si Papa at niyakap si John. Ngunit kitang-kitang hindi ramdam ni John ang kanyang yakap. Hinayaan niyang si Papa lang ang yumakap sa kanya. Hindi niya siya sinuklian ang yakap. Para sa akin na bahagi na ng pamilya, parang ang sakit tingnan. Kung dati na nasa relasyon pa kami ay naging magalang siya sa kanyang papa, tila bumalik ang kanyang pagka-bad boy sa sandaling iyon.   Niyakap din ni Papa ang inay ni John. Nagyakapan sila na parang walang samaan ng loob.   Dahil nakahanda na ang tanghalian, dumiretso kami sa hapag-kainan. Ramdam ko ang tension na bumalot sa amin sa sandaling iyon. Ako, si Papa, si Jishin, si John at ang kanyang inay ang magkasamang kumakain.   “Pa... hindi na ako magpatumpik-tumpik pa. Ang aking inay ay narito upang hikayatin ka na sumang-ayon sa isang annulment,” ang matigas na sabi ni John.   Nagkatinginan kami ni Jishin sa pagkabigla. Ang nasa isip ko kasi ay umuwi sila ng kanyang inay upang makipagbalikan at tuluyan nang magsama. Akala ko ay buo na ang pamilya namin.   Hindi kaagad nakasagot si Papa. Tiningnan si John at ang inay niya. “Iyan ba ay kagustuhan mo, Esmeralda?” ang tanong niya sa inay ni John.   Tango lang ang isinagot ng inay ni John habang nakayuko ito. Tila natakot o nahiya.   “Kung ganoon, gagawin natin sa lalong madaling panahon. Walang problema sa akin. Ipa-proseso natin sa ating abugado.” At baling niya kay John, “Iyan lang ba ang pakay ng inay mo rito?”   “Bilang asawa, gusto ko ring ibigay mo sa kanya ang nararapat na sustento para sa kanya.”   “Ah... Okay. Ipa-process na rin natin iyan sa ating abugado. Ibigay ko sa kanya ang nararapat na para sa kanya for 19 years na wala siya sa poder ko.”   Kitang-kita sa mga mata ni John ang pagkagulat. Hindi niya inaasahan na ganoon lang pala kadaling pakiusapan si Papa. Tiningnan niya ang kanyang inay.   “M-Miguel, kahit simula nitong buwan na ito na lang ang sustento na ibigay mo. Okay na sa akin iyon. Hindi ako maghahabol pa sa nakaraang labing siyam na taon.”   “Inay, dapat ay ibigay niya iyon sa iyo! Hindi ganoon kadali ang mga pinagdaanan mong hirap sa bukid. Hindi ganoon kadali ang masira ang buhay, Nay. Labing siyam na taon kang nagdusa. Napakasakit noon. Sinayang mo ang buhay mo roon!” Ang matigas na pagtutol ni John.   “Ibigay ko ang para sa labing-siyam na taon. Dadagdagan ko pa iyan ng bonus.”   “Kung ano lang ang karapatan ng inay sa ilalalim ng batas, iyan lang ang tanggapin namin,” ang sagot naman ni John.   Hindi na umimik si Papa.   Natahimik si John at hindi na nagsalita. Itinuloy namin ang pagkain na wala nang nagsalita pa.   Pagkatapos ng aming pananghalian ay bumalik ako sa aking kuwarto. Sinundan ako ni Jishin samantalang si John naman ay sinamahan ang kanyang inay sa guest room na siyng magsilbing tulugan niya habang naroon siya sa bahay. Malamang ay nag-uusap rin sila sa mga desisyon na binitiwan ng aming ama.   “Malaki ang matatanggap ng ina ni John, ‘di ba?” ang sambit ni Jishin nang nasa kuwarto na kami.   “Malamang.”   “Ilang milyon din iyon!”   “Siguro. Depende sa kung paano nila i-compute ang paghahatiang halaga ng ari-arian na dapat isali.”   “Tapos mag-annul din ang kanilang kasal.”   Hindi na ako sumagot. Hindi naman kasi ako involved sa kaso nila. At wala rin akong pakialam sa pera ng Papa namin. Kahit walang pera ay okay na sa akin basta buo ang pamilya, lahat ay masaya, magkaintindihan, magkaunawaan, magtulungan.   Alas 4 ng hapon ay pumunta kami ni Jishin sa swimming pool. Nang naroon na kami, nandoon din pala si John at kasalukuyang naliligo.   Tuwang-tuwa si Jishin na nakita si John doon. “Yeheey! Maliligo rin kami Kuya. Sabay tayo!” ang sigaw ni Jishin sabay hubad sa kanyang damit.   Naghubad na rin ako. Ang natirang saplot na lang sa aking katawan ay ang aking swimming trunk.   Ngunit hindi pa kami nakalusong sa tubig ay siya namang pag-ahon ni John. Naka-swimming trunk lang din siya. Lantad ang magandang hugis ng kanyang katawan. Tuloy-tuloy lang siya sa pag-akyat sa hagdanan hanggang sa nakalabas siya sa pool. Kinuha niya ang kanyang tuwalya, pinunasan ang kanyang katawan atsaka ibinalik ito sa upuan sa gilid ng pool. Pumasok soya sa loob ng bahay.   Sinundan ko siya. Tinungo niya ang kusina at binuksan ang refrigerator, tiningnan ang loob nito. Dumampot ng juice atsaka isinara uli ito.   “Kuya,” ang pagtawag sa kanya. Hindi ko napigilan ng aking sarili.   Bigla siyang napalingon. Hindi niya inaasahan na susundan ko siya. “Yes?” ang sagot niya.   “Ba’t mo ako iniiwasan?”   “Bakit, ano sa palagay mo? ‘Di ba ikaw rin ang nagsabi na dapat ay wala na tayong ugnayan? Na limutin na natin ang isa’t-isa? Na mag-kuya na lang tayo dapat?”   “Tama naman eh. Bakit ang magkuya ba ay nag-iiwasan?”   “Hindi mo naintindihan eh. Ilagay mo nga sa kukute mo,” ang sambit niyang ang boses ay may galit ngunit pinipigilan, kasabay sa pagdiin niya ng kanyang hintutro sa noo ko. “Ang tali-talino mo, tapos hindi mo makuha. Mahal kita hindi bilang kapatid, tanga! Alam mo iyan. Kapag dumidikit ako sa iyo, paano ko mabura itong nararamdaman ko?   Hindi ako nakaimik sa kanyang sinabi. Hindi ako makasagot. Hindi ko alam kung ano ang isasagot.   “Mabuti ka at limot mo na ako. Nag-eenjoy ka na sa buhay mo. ‘Di mo na ako mahal. Ganyan ka kadaling makalimot. Ngunit ako, heto, oras-oras ay nilalabanan ang sarili lalo na kapag nakikita kita at gusto kitang yakapin at halikan. Mahal na mahal pa rin kita! Ikaw pa rin ang tinitibok nitong tarantadong puso ko!” Tangina!!!”                   “Mahal pa rin naman kita kuya eh,” ang bulong kong halos ako lang ang nakarinig.   “Anong sabi mo?”   “Wala!” ang sagot ko.   “Hindi! May sinabi ka...”   “Wala nga! Ang ibig kong sabihin ay gusto ko lang na na mabuo tayo bilang isang pamilya. Ipakita natin sa papa natin at sa iyong inay na buo tayo. M-mas maganda nga sana kung... kung...”   “Kung ano...?”   “M-magkabalikan sila ng iyong inay, ‘di ba? Masaya tayo.”   “Sinong masaya? Ikaw lang! Hindi kami, hindi ang papa mo.”   “Mahal ka ni Papa kuya...”   “Bullshit! At imposibleng magkabalikan sila ng inay. Hindi niya mahal ang inay ko at may mahal na ring iba ang inay sa probinsiya. Mahal na mahal siya ni Tito Tonying. Gusto kong si Tito Tonying ang makasama ng inay sa habambuhay,” ang sambit niyang may pagmamatigas.   Hindi ko ipagkaila na nalungkot ako sa kanyang sinabi. “E di... kapag natapos na ang annulment ay aalis din kayo pabalik ng Mindoro?” ang tanong ko.   “Oo... at doon na kami manirahan. Kailangan ako ng inay. Kayo na lang ang matira rito ng papa mo. Mahal ka naman niya. At kami na hindi niya mahal ay lalaya na sa kanyang pamamahay.”   Hindi ko na napigilan ang biglang pagbagsak ng aking mga luha. Dali-dali akong tumalikod upang hindi niya makitang umiiyak ako. “S-sige kuya. Punta muna ako sa kuwarto ko.” Nagtatakbo na patungo sa aking kuwarto at nang naroon na, ni-lock ko ito. Doon ko na ipinalabas ang bigat ng aking damdamin. Hindi ko alam kung magalit o maawa sa kanya, o maawa sa aking sarili. Sinusuntok-suntok ko ang dingding na semento ng aking kuwarto. Sobrang sakit na malaman mula sa kanya na habang nais kong mabuo kami bilang pamilya, may iba pala silang plano.   Maya-maya lang ay kumatok si Jishin. Dali-dali kong pinunasan ang aking mga luha. “Akala ko ba ay maliligo tayo?” ang tanong niya.   “M-may nakalimutan lang ako kaya bumalik ako sakuwarto.”   “Ah ganoon ba.”   Bumalik uli kami sa swimming pool at ipinagpatuloy ang paliligo.     LUMIPAS ang tatlong araw, nagulat na lang ako nang biglang kumatok si Jishin sa aking kuwarto. Tila nininerbiyos at nagmamadali. “Timmy!” ang sambit niya. “May good news at bad news ako sa iyo!”   “Ano?” Ang medyo kinakabahan kong tanong.   “Anong uunahin ko, good news o bad news?”   “Good news.”   “Si Kuya John ay hindi na kakasuhan ng r**e noong babae sa Roxas City.”   “Wow! Good news nga! Sinabi mo na ba iyan kay Kuya?”   “Oo. Ang ninong daw pala niya na isang General na nag-trabaho sa NBI ang naglakad upang maareglo ang kaso.”   “Ah. Mabuti naman. Eh, iyong bad news naman?”   Inabot niya sa akin sa cell phone niya na nakabukas ang sss. “Ikaw itong nasa litrato, ‘di ba?”   “Oo... paano napunta iyan sa sss? Alam ko ay selfie ko iyan gamit ang cp ni John noong araw na paalis siya patungong Roxas City eh.”   “Ah... Kaya pala nanakaw ng babaeng manyak ng Roxas City. At binulgar niya ang relasyon ninyo! Na magkapatid daw kayo ni Kuya John at mag-boyfriend. Tingnan mo ang caption sa iyo,” Tinuro ni Jishin ang caption, “John’s boyfriend and biological brother. Ewwww!” ang nakasulat.   Dali dali kong pinuntahan ang kuwarto ni John. Nang binuksan na niya ang pinto, nakita ko siyang nakahiga sa kama, nanuod ng TV. Tila balewala lang sa kanya ang pagpasok ko. Hubad ang kanyang katawan maliban sa boxer short. “John... alam mo ba ito?” sabay upo ko sa gilid ng kama niya at inabot sa kanya ang cp ni Jishin na naroon ang litrato ko.   Pinindot niya ang remote ng TV. Kinuha niya ang cp at tiningnan ito. “Anong mayroon d’yan?”   “Anong mayroon??? Ba’t narito ito sa f*******:? Ba’t na-share ito rito? At may caption pa na, “John’s boyfriend and brother. Ewwww!”   “Aba’y malay ko ba. Basta hindi ako ang nag-share niyan at wala akong f*******:. Okay?”   “So sino ang nagpakalat nito?”   “Alam mong may babaeng naghabol sa akin sa Roxas City, ‘di ba? Kung gusto mo, itanong mo sa kanya kung siya ba ang nagpakalat niyan.”   “Pilosipo mo namang sumagot.”   “Ano ba dapat ang isasagot ko? Turuan mo nga ako, iyong gusto mong isagot ko.”   “Nakakahiya! Dahil sa pagka-manyak mo, nadadamay ako!”   “Ah ganoon. So hindi totoong mag-boyfriend tayo sa panahong iyon? Hindi totoong magkapatid tayo? Ikinahihiya mo?”   “Bakit hindi ka ba nahihiya?”   “Bakit ako mahihiya? Totoo naman. At sa panahong mag-boyfirned tayo, hindi natin alam. At ngayong alam na natin, aalis din naman kami. Magkalayo na tayo. Anong problema? Iyan lang ba ang ipinunta mo ritosa kuwarto ko?”   Hindi ako naka-imik.   “Gamitin mo iyang utak mo! Simpleng bagay ginawa mong kumplikado!” Kinuha niya ang remote at binuksang muli ang TV. “Baka may ibang motibo ka sa pagpunta mo sa kuwarto ko. Ginamit mo lang na dahilan iyang post sa facebook.”   “Anong sabi mo?” ang tanong kong tumaas ang boses.   “Na-miss mo ako. Kaya pumasok ka rito sa kuwarto ko. Sabihin mo lang. Maintindihan ko,” ang sambit niyang hindi man lang lumingon sa akin.   “Kapal ng mukha!” ang padabog kong sabi sabay tumbok sa pinto.   “Tinalo mo pa ako sa share at likes ah! Mamaya niyan sa sss mo, marami nang nag-freind request. Sure, maraming guwapo sa kanila at makahanap ka na ng pamalit sa akin.”   Doon na ako dali-daling bumalik sa kanya, hinablot ko ang isang upuan at hinambalos iyon sa kanyang katawan. “Itsura nito! Ang kapal ng mukha mo, hayop ka!” ang bulyaw ko. Mabuti na lang at mabilis niyang naitakip sa kanyang katawan ng makapal na kumot. Nag-walk out ako sa kanyang kuwarto na nagmamaktol habang hindi naman siya maaawat sa katatawa.   “Kainis!” ang bulong ko sa sarili.   Dumating ang takdang araw ng pagsipot sa korte ng inay ni John at aming papa. Dahil malaking event ito sa pamilya, naroon kami pareho ni John at sumama rin si Jishin upang suportahan sila.   Nasa labas kami ng gate ng bahay noon, si John, ang kanyang inay, at si Jishin. Hinihintay naming makalabas mula sa garahe ang SUV na sasakyan namin. Nang nakalabas na ang kotse ni papa, huminto ito sa aming harapan. Binuksan niya ang bintana ng kotse at nagpaalam sa amin na mauna na sila sa korte ng driver niya.   Ngunit bago pa man napaandar ng driver niya ang kanyang kotse, may isang lalaking naka-bonnet na bumaba mula sa isang motor na nakaparada sa gilid ng kalsada at nagmamadali itong lumapit kay John mula sa kanyang likuran, may bitbit na baril na nakatutok kay John. Ako lang at ang papa ni John ang nakakita.   Dali-dali akong tumakbo sa kinaroroonan ni John upang itulak siya ngunit nauna ang aming papa na iniharang ang kanyang katawan kay John.   “Bang! Bang! Bang!” Tatlong putok ang pinakawalan ng salarin.   Magpaputok pa sana siya ngunit mabilis na pinaputukan din siya ng driver body-guard ni papa. Bumagsak ang bumaril kay John. Bigla naming pinaharurot ng naka standby na driver ang getaway na motorsiklo ng mga salarin.   Nang tiningnan namin si John, kasalukuyang tumayo na siya. Hindi siya natamaan ngunit si Papa ay nakahandusay sa semento, nakataob ito at kitang-kita namin ang dalawang tama sa kanyang likod kung saan ay bumulwak ang maraming dugo.   Dinampot siya ni John sa kanyang bisig at pinatihaya. “Dadalhin ka namin sa ospital, Pa!” ang sambit ni John na halatang nataranta.   “H-huwag na! Huwag na J-john. O-kay lang ako. M-may sasabihin lang muna ako sa inyong dalawa ni Timmy,” ang sabi ni Papa.   “Uunahin natin ang ospital Pa!” ang giit ni John na kinarga ang si Papa sa kanyang bisig at ipinasok sa kanyang kotse. Tinulungan ko si John sa pagbuhat sa kanya. Nang nakasakay na sila sa kotse, sumakay ako sa harap katabi ng driver habang silang dalawa ni Jishin ang nasa hilera sa likod ng driver. Habang umaandar ang sasakyan, pinilit pa ring magsalita ng aming ama. “J-John... g-gusto k-kongg m-mal-laman m-mo nah m-mahal nah m-ahal k-kitah.”   “Huwag ka ngang magsalita Pa. Huwag mong ubusin ang iyong lakas,” ang sambit ni John na humahagulgol na rin. Humarap ako sa kanila. “Huwag po kayong magsalit amuna pa!” ang sambit ko.   Ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pagsasalita. “N-nangg d-dahil s-sa p-pagma-mahall k-ko sa i-iyo, -nak, n-nagk-kasalah r-rin a-ako k-kay TiTim-mmy. H-h-hindi k-ko s-sya t-tunayy n-na a-anakkh. P-pek-ke a-ang p-patern-nityy t-test nyah. G-ginaw-wah k-ko i-iyonn d-dahil n-natuw-aa a-kong n-nagbag-goh k-ka n-nang m-maging k-k-kaibigann k-kayoh. A-at n-nais-sip k-ko n-na m-mass m-mag-ganda k-kung m-mag-ging m-magk-kapatidd k-kay-yo p-par-ra t-tuluy-yan k-kang m-magb-bag-go. I-imb-bentoh k-ko l-langg a-ang m-mga k-kuw-wentoh t-tungk-kol s-sa r-relas-yyonn n-nam-min n-ng i-ina n-ni T-Timm-my. A-nng n-ninongg m-mo s-sa N-NBI a-ang n-nagb-bigayy s-sa a-akinn n-ng m-mga i-imp-porm-masyonn t-tungk-kol s-aa i-inayyy ni-yah u-up-pang m-mas m-mag-ging m-mak-katoto-h-han-nan a-ang l-lah-hattt... P-p-pa-t-taw-war-rin n-nin-yo a-ako.”   Nang narinig ko iyon ay mistulang gumuho ang aking mundo at nilamon ako nito. Parang hindi ako makahinga sa sobrang sikip ng aking dibdib sa hindi mawari na naramdaman. Mistulang nag-black out ang aking paligid at nawalan ako ng lakas. Biglang naawa ako sa aking sarili. Biglang pumasok sa isip ko ang inay. Pakiramdam ko ay pinaglalaruan lang nila ang aking buhay, ginamit pa ang namayapa kong inay upang maging mas maayos ang mas importanteng mga buhay nila.   Nakita ko namang natigilan si John at nilingon niya ako. Hindi ako makatingin-tingin sa kanya sa sobrang hiya sa sarili at  habang nilabanan ko ang matinding sakit na aking nadarama. Kulang ang mga salita na maglarawan sa tindi ng sakit na aking naramdaman. Parang tinadtad ang aking puso. Tila tinanggalan ako ng kaluluwa.   “S-sab-bih-hin m-mo r-rinn s-sa m-mam-ma m-mo, J-Johnnn n-na n-nangh-hing-gi r-rin a-akoh n-ng p-pat-tawadddd.”   Iyon na ang huli niyang sinabi. Narinig ko na lang na nagsisigaw na si John “Pa! Pa! Paaaa! Paaaaaaaaaaaaa!!!!!!!!!”   Nang nakarating na kami ng ospital, doon na nakompirma ng doktor na dead on arrival ang papa ni John.   Hindi ko na hinintay pa ang araw ng libing. Nagpaalam ako kay John at sa kanyang inay na uuwi na lang ako upang mahabol ko pa ang enrollment ng klase sa probinsiya. Pinayuhan ako ng inay ni John na ituloy ang pagiging Iglesias ko dahil iyon naman daw ang kagustuhan ng yumaong ama ni John. Ngunit tinanggihan ko ito. Una, hindi naman talaga ako tunay na anak. Pangalawa, nasasaktanan ako na pati ang kuwento ng aking inay na namayapa na ay binastos nila, ginamit na rason para sa kanilang convenience. At pangatlo, mapanlinlang ang ginawang proseso ng planong pag-ampon niya sa akin. Sana kung kinausap na lang ako nang maayoa ay maaaring pumayag pa ako. Ngunit sa paraang iyon, hindi ko ito matatanggap.   Bago ako umalis ay nag-iwan ako ng sulat para sa Papa ni John. Sinabi ko kay John na ihagis ito sa kanyang kabaong kapag inilibing na siya.   “Dear Mr. Iglesias... Una ay gusto kong magpasalamat sa plano ninyong ampunin ko. Isa po itong dakila na plano. Na-appreciate ko ito, bagamat ang pamamaraan ay hindi. Hindi ko alam kung nagkataong kayo po ang nasa aking katayuan ay matuwa kayo na parang pinaglaruan lang ang buhay ko at ang alaala ng yumao kong inay. Napakasakit po. Porket mahirap lang kami ay hindi ibig sabihin na manhid kami sa sakit kapag ang aming pagkatao at katayuan sa buhay ang binalasubas. Pasensya na po sa mga nakasulat rito. Sadyang masama lang talaga ang loob ko sa inyo. Hindi po madali ang mabuhay na walang ama, at nang biglang magkaroon n asana ako nito, na akala ko ay talagang tunay ngunit sa huli ay malalaman ko na lang na peke pala. Pinaniwala po niyo ako sa isang bagay na walang katotohanan. At ginamit niyo pa po ang aking inay upang maisakatuparan ang panlilinlang ninyo sa akin. Anyway, tapos na po ang lahat at wala na akong magagawa pa. Pasensya na talaga na sa iyong pagpanaw ay imbes magagandang salita ang aking sasabihin, sisi at sumbat ang ibinigay ko sa inyo. Hindi ko po alam kung kaya kitang patawarin at kung kailan. Ang sakit na dulot sa iyong panlilinlang sa akin ay sagad hanggang sa aking kaluluwa. Ngunit ipanalangin ko pa rin po na balang araw ay maghilom ang sugat na dulot ng sakit sa ginawa ninyo sa akin at mapapatawad din kita. Kung sakaling magkita man kayo ng inay sa kabilang buhay, sana ay mapapatawad ka rin niya. –Timmy”   Ihahatid sana ako nina Jishin at John sa airport ngunit tinanggihan ko sila. Gusto kong umuwi na hindi umasa sa pera o tulong ng mga Iglesias.   Iyak nang iyak si Jishin nang pasakay na ako ng taxi. Si John naman ay tulala at hindi halos makapagsalita. Naintindihan ko siya. Hindi pa lubos na na-proseso ng kanyang utak ang bilis ng mga pangyayari. Tulad ko, litong-lito at hindi alam kung ano ang gagawin. Nanghingi si John ng patawad sa akin. Umiiyak siya. Nagmamakaawa. Ngunit hindi ko sinagot ang kanyang pagsusumamo. Sa aming dalawa, ako ang mas nakakaawa. May inay siya samantalang ako ay wala. Kung ito ay isang larong chess, may naiwan pa siyang queen. Samantalang ako, ubos na ang aking piyesa.   Pagdating ko ng probinsya ay ang puntod kaagad ng inay ang aking tinungo. Doon ko ipinalabas ang lahat ng aking sama ng loob. Doon sa kanya ako nagsumbong sa mga paghihirap at masasakit na karanasang pinagdaanan ko sa Maynila, sa paglalaro ng ibang tao sa buhay ko, sa paggamit nila sa pangalan ng inay.   Bagamat mabigat ang aking loob, ipinangako ko rin sa puntod ng inay na pipilitin kong magpakatatag at bumangon, at ituloy ang buhay sa kabila ng mga pagsubok. Suungin ang darating pang mg dagok kahit nag-iisa...   ******   NAKAPAG PA-ENROLL ako sa isang state university sa aming rehiyon. Dahil may scholarship ako, hindi ako nahirapan. Malapit-lapit lang din naman sa dati kong eskuwelahan ang unibersidad kung kaya ay hindi masyadong mahirap para sa akin ang commutation. Ganoon pa rin ang arrangement ko, umuuwi sa bukid araw-araw. Kaya wala akong problema sa boarding house. At dahil nariyan naman si Tokhang, siya ang sinasakyan ko patungo ng eskuwelahan. Medyo masaya rin ako dahil nakita ko roon ang dating mga classmates at ang mga officers sa aming klase sa Grade 12. Doon nag-enrol  sina Jeff, Daniel, Fe, Jane, Emily, at Tony. Si Joy lang ang nawala. Nasa Maynila raw nag-enrol dahil ang Tita niya roon ay walang kasama at siya ang magpapaaral sa kanya. Naalala ko pa noon nang magkuwentuhan kami tungkol sa kukunin naming kurso. Nang sinabi kong Business Administration ako, naki-sunod din sila. Gusto raw nilang hindi kami maghihiwalay hanggang college. Tinupad nila iyon.   Kaya kahit papaano ay naibsan ang bigat ng aking dinadala. Dahil si Jeff ang best friend ko talaga sa kanila na nakakaintindi sa kalagayan ko, sa kanya ko ibinunyag ang lahat na nangyari sa akin sa Maynila. Sa kanya rin ako nagpapalabas ng sama ng loob. Kay Jeff puwede akong umiyak kung gusto ko.   “Pare, alam mo ba na putok na putok dito ang kuwento ni John na napost sa sss at iyong issue ninyo?”   “Oo. Alam ko kasi kahit sa airport ay maraming nakakilala sa akin. May mga lumalapit talaga at nagpa-selfie. Pati na sa pagdating ko sa airport dito sa atin. Tapos, nang nagpa-enrol ako, maraming mga babae at may mga lalaki rin na nagrequest ng selfie. Hayun...” Turo ko sa isang estudyanteng palihim na iniharap ang kanyang CP sa amin, “Hokage move. Kumuha ng picture iyon,” ang sambit ko kay Jeff. Nang nag “V” sign ako sa estudyanteng palihim na kumukuha ng video sa akin, doon na natawa ang babae nang narealize niya na nahuli ko siya. Lumapit na talaga siya sa amin ni Jeff at nagpa-selfie.   Natawa si Jeff. “Artista ka na talaga, pare!”   LUMIPAS ang mahigit isang linggo simula nang magbukas ang klase, tumawag na general assembly ang Dean ng College of Business Administration para sa mga freshmen. Hindi ko alam ang dahilan ng pagtawag. Hindi rin alam nina Jeff at mga kaibigan namin.   Puno ang isang malaking silid-aralan na ginamit namin para sa assembly na iyon. Nasa mahigit isang daan ang freshmen sa College of Business Admin. Standing room ang nangyari sa venue.   “The purpose of this assembly is to elect officers of the Freshmen in College of Business Admin. We will elect President, Vice President, Secretary, Treasurer, Auditor, PIO, two Sgt-at-arms, and a Prince Charming...” nahinto ang mga dean sa pagsasalita gawa ng maingay na naghiyawan ng mga estudyante, “...at Muse” ang dugtong ng Dean. Muling nagpalakpakan ang mga estudyante. “The president will also serve as the represnetative of the Freshmen College of Business Admin to the Student Council.”   “Now if there is no objection...” naghintay siya kung may magtaas ng kamay. Ngunit nang walang nagtaas ng kamay ay nagpatuloy siya, “The table is now open for the nomintation of President.”   Agad namang nagtaas ng kamay si Jeff. “I nominate Mr. Timmy Suarez.”   “Oyyy! Bakit ako pare!” ang bulong kong sinita siya.   “Yaan mo na! ‘Di ka naman mananalo eh,” ang biro niya.   “Paano kung mananalo?”   “Eh, sabihin ko na lang na joke lang iyong sa akin.”   “Tado!” sabay batok ko sa kanya.   Tawanan.   Bale apat ang na-nominate sa pagka presidente.   My name is Timmy Suarez, I’m 19 years old... “ ang pagpapakilala ko sa aking sarili.   Ramdam ko kaagad ang pagbubulungan ng ibang mga estudyante. Alam ko, dahil iyon sa sss post at sa intriga na kinasasangkutan namin ni John. Ngunit marahil ay nakatulong ang post na iyon upang manalo ako sa boto. Halos 80% ng boto ay para sa kin.   Nang nadeklara na ng Dean na ako ang official na elected president, tinawag niya ako upang siyang magpatuloy sa nominations sa iba pang mga officers. Nanalo si Jeff bilang Vice President, si Jane bilang treasurer, at Daniel bilang Auditor. Ang ibang nanalo ay galing na sa ibang eskuwelahan.   Simulan ko na sanang buksan ang nomination ng pagka Prince Charming nang sa hindi inaasahang pagkakataon ay may biglang pumasok na estudyante. Dahil ang pinto ng kuwartong iyon ay nasa harapan, ako ang unang nakakita sa kanya. Biglang kumalampag ang aking dibdib at hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama. Bagong gupit at brush cut ang kanyang buhok, suot niya ay ripped jeans, at asul na adidas ang kanyang sapatos at ang pang-itaas naman ay puting sweatshirt na may stripes na asul at pula na may nakasulat. Hindi ko na pinansin kong ano iyong nakasulat.   Natulala ako. Muling naulit sa eskuwelahang iyon ang isang eksena sa aking buhay na kinamumuhian ko. Deja vu.   Nagkunyari akong hindi ko siya kilala at iminimuestra ko ang dulo ng silid-aralan upang doon siya pumuwesto. Sa biglang pagpasok niyang iyon ay mistulang natameme ang lahat at natulala. Napansin ko kaagad ang mga nagbubulungan na mga estudyante, lalo na iyong galing sa ibang eskuwelahan at hindi kami kilala. Parang kinilig. Nai-imagine ko sa aking isip na ang mga ibinubulong nila ay, “Di ba siya iyong nasa sss na boyfriend daw ng ating bagong presidente? Ang guwapo niya! Ayiiiiiii!!!”   Tiningnan ko rin ang kinaroroonan nina Jeff at mga kabarkada ko sa Grade 12. Nakita kong abot-tainga ang mga ngiti nila. Nakakaloko lang.   “Mr. Iglesias?” ang pagtawag sa kanya ng Dean. “Since you are a late enrollee, please introduce yourself to the other freshmen before we proceed,” ang utos sa kanya ng Dean.   Tumalima si John. Nang nasa harap na siya ay pumuwesto ako sa gilid. Bago siya nagsalita at tiningnan muna niya ako. Ngunit nagkunwaring iba ang aking tiningnan. Ibinaling ko ang aking paningin sa dulo ng silid na iyon. Sariwa pa sa aking isip at ramdam ko pa sa aking puso ang sakit na idinulot ng kanyang ama.   “My name is John Iglesias. I’m 20 years old. I’m from Manila. I decided to enrol here because, I beleive that I love this place more than any other places on earth.” Nahinto siya. “And...” hindi niya itinuloy pa ang sasabihin ngunit itinuro niya ang nakasulat sa kanyang T-shirt. Hinawakan niya ito upang klarong mabasa naming lahat, “I’m here to win back my love,” sabay bitiw ng nakakaawang tingin sa akin.   “Ayiiiiiiiiiiii!” “Oh mg Goddddd!!!” ang sigaw ng mga estudyante. Ang iba ay pumito, ang iba ay nagpalakpakan.   At nang sumigaw si Jeff ng “Tok-Hang! Tok-Hang! Tok-Hang!” na sinabayan pa ng mga dati naming kaklase at ka-batch sa Grade 12, nagsisunuran na rin ang iba pang mga estuyante.   Agad kong ipinahinto ang kanilang pagsisigaw. Wala akong ipinakitang emosyon bagamat nagtatawanan at kinilig ang mga estudyante. Sa sandaling iyon, mas ramdam ko ang sakit at poot.   Nahinto ang mga estudyante. Ipinagpatuloy namin ang botohan at nanalo si John bilang Prince Charming ng Freshmen College of Business Admin. At kagaya ng nakaraang taon, si Emily pa rin ang aming muse.   Sa pagsulpot ni John sa buhay ko ay muling nanumbalik ang galit at sakit na naranasan ko. At tila ay lalo pang tumindi ito, sumagad hanggang sa kaibuturan ng aking puso.   Hindi ko alam kung ano ang balak ni John sa muli niyang pagbalik sa aming probinsiya. Ngunit kung ano man iyon, hindi ito mahalaga para sa akin. Ang alam ko lang, ramdam ko pa rin ang sakit na dulot ng kanyang ama sa akin. Kung kailan mapapawi ang sakit na ito ay tanging panahon lamang ang makapagsabi…   Wakas.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD