By Michael Juhagetmybox@hotmail.comfb: Michael Juha Full
----------------
3RD POV
----------------
“Una ay magkaaway, tapos naging magkaibigan. Naging magkarelasyon, naging magkapatid. At ngayon ay tila bumalik uli kami sa simula. Parang kanta lang ang aming relasyon; mayroong refrain.”
Ito ang linyang nakaukit sa utak ni Timmy.
English ang unang subject nila sa umagang iyon. Maaga siyang dumating sa silid-aralan at diretsong umupo sa kanyang silya. Nasa may likuran sila ng kuwarto at katabi niya ang mga kaibigan at barkada noong Grade 12 pa sila.
Maya-maya lang ay pumasok si John. Bilang late enrollee, iyon ang pinakaunang araw ni John sa klase. Nang nakita niya si Timmy, agad niyang tinumbok ang bakanteng upuan sa likod nito. Habang binati ng mga kasama ni Timmy ang papalapit na si John, tahimik lang si Timmy. Tila wala siyang nakita. Tila hindi niya kilala ang taong dumating.
“Hi Tok!” ang pagbati ni John kay Timmy nang napansin niyang hindi siya pinansin nito.
Hindi sumagot si Timmy. Tiningnan lang siya nito nang matulis atsaka ibinagsak ang ulo sa kanyang desk, isinubsob ang mukha roon na animoy pagod.
Nang nakaupo na si John, kinalabit niya si Timmy. “Hey, Tok… sa bukid pa rin ako matutulog mamaya ha? Nagpaalam na ako sa Tito ko, hindi ako uuwi ng apartment,” ang masayang sambit ni John na tila wala lang nangyari.
Inangat ni Timmy ang kanyang ulo atsaka nilingon si John, binitiwan ang isang matulis na tingin. “Ano ba! Hindi puwede!” ang matapang na sabi niya.
Nagsiyukuan ang mga nakasaksing barkada nila nang marinig ang padabog na sagot ni Timmy. Alam nila ang kuwento kung bakit may hinanakit si Timmy kay John. At bagamat gusto nilang magkabalikan ang dating magkalapit at masayang samahan ng dalawa, naintindihan nila ang panig ni Timmy. Kaya hindi sila nakialam.
“Bakit hindi? Dati naman akong natutulog doon, ‘di ba?”
Nilingon uli siya ni Timmy. “Ang kulit mo! Dati iyon! Hindi na puwede ngayon!”
“Bakit hindi na puwede? Ano ba’ng nagbago?”
At dahil hindi sumagot si Timmy, muli siyang kinalabit ni John. Kinulit. “Woi... anong nagbago?”
Sa pagkakataong ito ay hindi na napigilan ni Timmy ang sarili. Tumayo siya at hinarap si John. Sinigawan niya. Matulis ang kanyang tingin kay John. “Anong nagbago? Tanga ka ba? Pinaglaruan ng pamilya mo ang buhay ko! Pati ang alaala ng inay ay binaboy ninyo! Ginamit ninyo ang kawalan ko ng ama upang papaniwalain na anak ako ng papa mo! Ako naman si tanga, naniwala. Akala mo ba ay madaling kalimutan iyon?! Akala mo ba ay hindi masakit iyon! Tapos ngayon ay magtatanong ka??? Manhid ka ba? LAYUAN MO AKO! GO AWAYYYY!”
Mistulang isang bombang sumabog ang mga binitiwang salita ni Timmy sa silid-aralan na iyon. Lahat ay natahimik at natigil sa kanilang ginagawa. Lahat ay napatingin sa kanila.
Pati si John ay tila hinataw ng isang matigas na bagay sa kanyang ulo. Gusto pa sana niyang sagutin si Timmy at ipaliwanag na wala siyang kinalaman sa mga plano ng kanyang ama. Ngunit dahil nakatingin sa kanila ang lahat, minabuti nitong yumuko na lamang at huwag nang kulitin pa si Timmy.
Nang mapansin ni Timmy na nakatingin sa kanila ang buong klase, agad siyang umupo at muling isinubsob ang ulo sa kanyang mesa. Ramdam pa niya ang matinding galit. Ngunit ang matinding galit niyang iyon ay may kasama ring guilt at pagsisisi. Mistulang hiniwa ang kanyang puso sa masasakit na salitang binitiwan niya kay John at sa harap pa ng mga kaklase. Sa lob-loob niya ay pilit niyang nilabanan ang kanyang pagkaawa kay John.
Sa sobrang inis niya sa kanyang sarili ay tatlong beses niyang kinalampag ang kanyang desk gamit ang kanyang kamao habang pigil siyang umiiyak.
Muli na namang nagsitinginan ang mga kaklase niya sa kanya. Ngunit bigla ring tumayo si Timmy at nagtatakbo patungo sa labas ng klase. Nang nakababa na siya sa ground floor, naupo siya sa isa sa mga bangko sa student center. Gusto niyang umiyak ngunit hindi siya makaiyak sa kabila ng bigat ng kanyang dinadala. Doon na niya pinalampas ang buong oras ng klase nila sa English.
“Tok... hindi ka pumsok sa English natin, ah. Hinahanap ka ng professor,” ang sambit ni Jeff. Sinundo niya si Timmy. Dala-dala niya ang knapsack ni Timmy na may lamang mga notebooks at iba pang gamit. Umupo si Jeff sa tabi ni Timmy.
“Anong sinabi mo?” ang tanong niya.
“Sinabi namin na hindi maganda ang iyong pakiramdam, baka nasa clinic ka.” Gusto pa sanang sabihin ni Jeff na naawa siya kay John dahil hindi na ito kumikibo at malungkot na malungkot. Ngunit sinarili na lang niya iyon. Ayaw niyang magalit sa kanya si Timmy. Hindi na nagtanong pa si Timmy.
Tumayo si Jeff. “Tara na Tok. Next subject na natin. Sa N-1 room tayo.”
Walang imik na tumayo rin si Timmy at sinundan ang noo’y naglalakad nang si Jeff.
Nasa loob na ng N-1 room ang mga kaklase nila sa subject nang dumating sila. Naroon na rin ang guro sa harap ng klase. Bago umupo si Timmy ay inikot muna niya ng tingin ang loob ng silid. Hinahanap niya ang isang tao, si John. Ngunit walang John sa silid na iyon.
Maya-maya lang ay nagsalita ang guro. “Class, we have a late enrollee. Mr. John Iglesias where are you?”
Lahat ng mata ng mga estudyante ay umiikot sa paligid ngunit walang silang nakitang John.
“His first day and he is already absent?” ang sambit ng guro.
Dahil wala namang sumagot sa tanong ng guro, itinuloy na lang niya ang kanyang discussion. Natapos na lang ang klase ay hindi pa rin sumipot si John. At natapos ang buong araw ay hindi pa rin nagpakita si John sa iba pang mga subjects. Tanging ang class card lang niya ang isinumite ng isang estudyanteng pinakisuyuan niya.
Umuwi si Timmy na may naramdamang pagkalito. Habang nakasakay siya sa likod ni Tokhang na binaybay ang daan patungo sa bahay niya sa bukid, hindi niya maiwasang makaramdam ng lalo pang pagbigat ang kanyang kalooban sa mga nangyari sa araw na iyon. May galit siya para kay John at may pagsisisi rin siya sa binitiwang masasakit na mga salita.
Alas 10 ng gabi, tinungo ni Timmy ang pampang at naupo siya roon. Malamig ang simoy ng hangin. At dahil maaliwalas ang langit, nakamamangha ang ganda at sinag ng bilog na bilog na buwan. Matiwasay ang paligid at ang tanging naririnig niya ang mga tinig at ingay ng kalikasan – ang tilamsik ng pagdaloy ng tubig sa ilog habang bumabangga ang agos nito sa mga bato at dalampasigan, ang mga awit ng kuliglig na mistulang nagdiwang sa pagsasama ng gabi at buwan, dagdagan pa sa ingay ng pagkikiskisan ng mga dahon habang hinihipan sila ng hangin.
Muling nanariwa sa isip ni Timmy ang mga alaala niya ng kanyang inay sa ilog na iyon. Simula noong bata pa siya hanggang sa lumaki at... pumasok sa buhay niya si John na naging bahagi rin ng alaala niya sa ilog at pampang na iyon. Binitiwan niya ang isang malalim na buntong-hininga.
Maga-alas 11 na ng gabi nang nasa loob na siya ng kanyang dampa. Handa na siyang matulog nang may narinig siyang boses sa labas ng pintuan. “Tok... papasukin mo ako, Tok.”
Biglang nakaramdam ng malakas na kalampag si Timmy sa kanyang dibdib. Boses iyon ni John bagamat alam niyang nakainom ito dahil sa malumanay nitong pananalita.
Nang buksan niya ang pinto, hindi nga siya nagkamali. Nakita niya ang silweta ni John na nakaupo sa pinakamataas na baitang ng hagdanan. Nakatalikod, nakayukyok na mistulang natalo ng milyones sa sugal at pasan ang buong daigdig sa sama ng loob.
“Bakit ka ba nandito?” ang tanong ni Timmy.
“Puwede bang dito ako matutulog, Tok...?” ang sambit ni John na dahil sa kalasingan ay halos hindi na makatayo at pilit na humarap sa kanya.
“Di ba ang sabi ko sa iyo ay hindi puwede!” ang galit na sambit ni Timmy.
“K-kung galit ka pa rin sa akin, dito na lang ako matutulog sa labas ng bahay mo.”
Isinara ni Timmy ang pinto atsaka bumalik sa kanyang higaan. Ngunit lumipas ang 30 minutos ay binubulabog siya ng kanyang konsiyensya. Naisip niya na malamig sa labas, walang kumot si John at maraming lamok.
Muli niyang tinumbok ang pinto at binuksan ito. Nakita niyang nakahiga si John sa lupa sa ibaba ng hagdanan.
“Pasok!” ang bulyaw ni Timmy kay John.
Sa sobrang kalasingan ay hindi na narinig pa ni John ang sigaw ni Timmy. Ngunit nagising siya nang hilahin ni Timmy ang kanyang kamay atsaka kinarga siya patungo sa loob ng bahay.
Inilatag ni Timmy si John sa sahig, sa sala ng bahay. Walang banig, walang kumot. Basta nakahiga lang siya roon.
“Alam kong galit ka sa akin, Tok... pero sasabihin ko sa iyo na wala akong kinalaman sa ginawa ng aking ama na papaniwalain ka na anak niya. Ako man ay nagalit sa kanya dahil ‘di ba, masaya na tayo sa ating relasyon? Ayaw kong maging kapatid ka. Tapos bigla tayong naging magkapatid nang dahil sa ginawa niya. Hindi ko gusto ang ginawa niya. Alam mo iyan. Alam mo kung gaano ako kagalit sa kanya. Pero... alam ko, may dahilan ang lahat eh. ‘Di ba dahil sa galit ko sa kanya ay nahanap ko ang aking inay? Kung hindi dahil sa ginawa niya, hindi ako maglakas-loob na hanapin ang aking inay. Ngunit nalungkot lang ako dahil habang nabuo ang aking pamilya, ikaw naman ang nasaktan.” Nahinto iya nang sandali. “Kung ikaw ang nasa kalagayan ko, Tok... sino ang pipiliin mo, ang iyong inay o ako?” ang malumanay na pagsasalita ni John na tila nahihirapan at mistulang wala sa sarili o nagsleep-talk lang.
Hindi siya sinagot ni Timmy. Para kay Timmy ay masakit pa rin ang ginawa ng kanyang ama sa kanya. Sa isip niya ay pinaglalaruan lang ang buhay niya dahil lang sa mahirap lang siya, isang ulila at walang magawa.
Maya-maya ay natahimik si John. Hindi naman makatulog si Timmy. Paglipas ng 15 minutos ay muli siyang nakonsiyensya. Kahit nasa loob na ng bahay nakahiga si John, malamig pa rin ang sahig na kawayan at maraming lamok ang nakakapasok dito.
Muli siyang tumayo at tinumbok ang nakahigang si John. Hindi na niya ginising pa. Kinarga na lang niya si John sa kanyang mga bisig at inilatag sa kanyang kama, ang kama kung saan nabuo ang kanilang pagmamahalan.
(Itutuloy)