Ang Bibero

5597 Words
By: Michael Juha getmybox@h*********m Fb: Michael Juha Full ------------------------------ ========= John’s POV ========= Dali-dali akong pumara ng tricycle at imbes na tumungo sa airport, inatasan ko ang driver na sa terminal ng bus ako ihatid. Sinabi ko kasi sa checker ng ticket na sa magchance passenger ako sa eroplano. Baka iyon din ang sasabihin niya sa mga taong maghahanap sa akin at iyon din ang tutumbukin ng mga police. Habang nasa tricycle ako, dali-dali akong nagpalit ng t-shirt. Tamag-tama naman na pagkatapos kong magpalit ng t-shirt ay may nakita akong mga pulis na mistulang nagbabantay sa kalsada, nagmanman sa mga taong dumadaan, parang may hinahanap. Hindi lang ako sigurado kung ako ba talaga ang hinahanap o may iba silang pakay. Ngunit hindi ko maiwasan ang hindi kabahan.   Nag-ring ang aking telepono. Wala sa phone book ko ang number. “Hello” ang sagot ko.   “John, si Ella ito. Please bumalik ka at harapin mo ako. Alam na ng daddy ko na may ginawa ka sa akin at pinapahanap ka na niya sa mga kapulisan. Kaya bumalik ka na rito upang mapag-usapan natin ng maayos ito at hindi ka masaktan.”   “f**k!” ang bulong ko sa sarili sabay putol saa linya. Dinayal ko ang number ni Jishin. “Jish, paki text nga sa akin ang number ni Ninong? Need ko ang tulong niya. ASAP please. Thanks.”   Maya, maya lang ay may text na si Jishin, number ng aking ninong. Tinawagan ko kaagad ang nasabing numero. Sinabi ko sa Ninong ko ang buong pangyayari at ang banta sa akin ni Ella, na pinahahanap ako ng kanyang daddy na isang militar. Binigay ko rin ang pangalan ng daddy ni Ella.   “Kasalukuyang patungo po ako sa terminal ng bus, Ninong. May mga naghahanp na pong pulis sa akin, baka dito po nila ako mahuli sa mismong terminal ng bus. Gusto ko pong makaalis dito at tutungo ng Maynila sa lalong madaling panahon. Mukhang ita-trap po nila ako rito sa Roxas City.”   “Don’t worry, John. Akong bahala. Kakausapin ko ang head ng NBI Western Visayas na nariyan sa Roxas City. Ico-contact ko rin ang daddy ng babae na nagkakagusto sa iyo. Kilala ko rin siya. Basta kapag hinuli ka nila at wala silang dalang warrant of arrest, huwag kang sumama. Igiit mo ang iyang karapatan,” ang sambit niya.   Medyo nabawas-bawasan ang aking kaba. Nang dumating kami sa terminal ng bus, ay may mga nakahilera ring van. Ang van ang aking tinumbok. Mas mabilis kasi ito at hindi masyadong namimick-up ng pasahero. Tamang-tama naman na ang naka-schedule na sunod na aalis para sa Iloilo ay may tatlong tao na lang ang kulang. Sinabi ko sa driver na gamitin ko ang isa at bayaran ko na lang ang dalawang upuan para makaalis lang kami.   Ngunit matagal pa rin palang umalis ang van gawa nang may pasahero palang nakareserve at hindi pa dumating. “Puwede bang umalis na lang tayo? Babayaran ko na lang din po ang upuan niya?” Ang Pakiusap ko sa driver.   “Hindi puwede boss... kamag-anak iyon ng may-ari nitong van eh. Baka ako naman ang mayari,” ang sagot ng driver.   Wala na akong nagawa kundi ang maghintay. Muli na namang nanumbalik ang aking kaba nang may dalawang pulis na sumilip sa van. “Anong oras ang alis nito?” ang tanong ng isang pulis.   “Hinihintay lang po namin ang isang pasahero, Sir. Natagalan lang ng kaunti,” ang sagot ng driver.   “May bakante pa ba?”   “Mayroon pang dalawa po. Kaso binayaran na ng isa naming pasahero para makaalis na raw kami agad.”   “Saan ang pasaherong iyon?”   Tinuro ako ng driver.   Tinitigan ng pulis ang aking mukha. Doon na kumalampag nang mabilis ang aking dibdib.   “Puwedeng lumabas, bossing” ang utos ng pulis na tumitig sa akin. Mahinahon naman ang tono ng kanyang pagsasalita.   “Bakit po?” ang tanong ko.   “May hinahanap kaming tao. Pakilabas lang boss para ‘di tayo makaperwisyo sa iba.”   Nang nasa labas na ako ng van, tinanggal ng pulis ang aking shades at cap. Ikinumpara niya ang mukha ko sa dala-dala nilang litrato. Tiningnan niya ang kanyang kasama. “Positive,” ang sabi niya.   Agad nilang hinawakan ang aking kamay at tangka sanang posasan. Ngunit pumalag ako. “Bakit po ninyo ako poposasan, Sir?” ang tanong ko.   “May kaso ka kaya dapat ay sumama ka sa amin.”   “Sasama lang po ako kapag maipakita ninyo ang warrant of arrest para sa akin. Illegal po itong ginagawa ninyo,” ang pangangatuwiran ko.   Ngunit bagamat wala silang maipakitang warrant, gusto pa rin nila akong posasan. Doon na ako nakipagsambuno sa kanila. Kaya ko sana sila dahil hindi naman sila kalakihang tao. Mas malaki at matangkad ako. Ngunit ayaw kong magkaroon ng kaso kaya panay ilag lang ang ginawa ko habang pilit nila akong pinposasan.   Nasa ganoon akong pagpapalag habang hinahawakan nila ang ang aking mga kamay nang may biglang dumating na apat na katao na tila mga military na naka-civilian clothes. “Sir, pamangkin ito ni General Beltran,” ang sambit ng isa sabay turo sa akin. “Ang instruction ay huwag siyang kunin kung wala pang warrant of arrest. Kapag may warrant na, si General na mismo ang magbabalik sa kanya rito. Kinausap na ni General Beltran si Colonel Rocero, ang ama ni Ella na nagsampa ng reklamo laban sa kanya,” ang sambit ng mga taga NBI.   Binitiwan ako ng mga pulis. Saka naman nag-ring ang aking telepono. Ang Ninong ko ang tumawag. “John, gusto kong kausapin ang mga taga-NBI. Nariyan na ba sila?” ang tanong niya.   “Opo, Ninong. Ibibigay ko po ba ang telepono?”   “Please John.”   Nag-usap sila ng mga taga-NBI. Nang ibinalik sa akin ang cp, kinausap ako ng ninong ko. “Di ba patungo kang Maynila, sabi mo?”   “Opo.”   “D’yan ka na lang sa airport ng Roxas City mag book ng flight imbes na pupunta ka pa ng Iloilo. Pa-escortan kita ng mga taga-NBI riyan para safe ka. Tungkol naman sa kaso mo, ako na ang bahala roon. May kaibigan akong abogado sa Roxas City at once na maisampa ang kaso, agad ko siyang pababayarin ng piyansa. Pero kausapin ko rin si Coronel Rocero na kung maaari ay pag-usapan na lang.”   Doon na ako nakahinga ng maluwag. “Marami pong salamat Ninong.”   “Walang anuman, John. Ituloy mo lang ang paghahanap sa inay mo at ako na ang bahala sa kaso mo.”   Kaya sa wakas ay naka-alis din ako ng Roxas City.   Gabi na nang lumapag ng Maynila ang eroplanong sinakyan ko mula Roxas City. Paglabas ko ng airport ay dumiretso agad ako sa ticekting office para sa kinabukasan kong flight patungo naman ng Mindoro. Nagcheck-in ako sa isang hotel pagkatapos.   Dahil abala ako sa paggo-google ng mga detalye tungkol sa lugar na patutunguhan ko sa Mindoro, alas 11 na ng gabi ako nakapagpahinga. Nahiga na ako nang nag-ring ang aking cp. “Kuya... nakita mo ba ang mga viral posts ngayon sa internet?” ang sambit ni Jishin.   “Bakit? Anong mayroon?”   “May litrato ka na ipinost ng isang babae! Ni-r**e mo raw siya. Sa litrato ay nakahiga ka, hubad ang buo mong katawan, ang tanging may takip lang ay ang iyong p*********i, pinatungan ng kumot. Nakatihaya ka at himbing na himbing. Tapos, may litrato rin ng mga nagkalat na punit na damit ng babae at panty na may dugo sa sahig at ibabaw ng kama.”   “Ano!” ang gulat kong sagot. Bigla akong napabalikwas sa higaan. Mistulang may pumutok na bomba sa aking harapan at biglang nagising ang aking diwa.   “Opo kuya. At may caption na nakasulat at ang sabi ay, ‘ito ang lalaking lumapastangan sa aking p********e. Ang pangalan niya ay John Iglesias.’” Naroon pa talaga ang pangalan mo.   “Huwag kayong maniwala riyan. Sinungaling ang babaeng iyon! Muntik na nga akong hindi maka-alis ng Roxas City nang dahil sa kanya! ‘Di ba nanghingi ako sa iyo ng number ni Ninong? Dahil ‘yan sa tangingang babaeng iyan. Makapangyarihan ang pamilya nila sa Roxas City. Gusto niya akong pikutin.”   “Ah, ganoon pala iyon.”   “Galit ba ang mga tao sa akin sa post niya?”   “Anong galit? Sa babae sila nagalit. Hindi naman daw kapani-paniwala na ang postura mo ay r****t. Ang sabi ng ibang commenters ay maniniwala lang daw sila na r****t ka kung pangit ka at walang babaeng magkakagusto. Ngunit ang guwapo mo naman daw at mukhang mayaman. Ang dami ngang nagka-crush sa iyo eh! Kaya nga trending ka dahil maraming nagaguwapuhan sa iyo. Ang ganda raw ng katawan, artistahin ang hitsura at makinis, at ang ganda rin ng kuha mo habang himbing na himbing sa pagtulog. Kita pa ang abs mo. Parang ang inosente mo lang tingnan sa litrato,” sabay bulong ng, “Hindi lang nila alam.”   “Gago. Bakit inosente pa rin naman ako ah!”   Tawanan.   “Baka ang iba riyan Kuya ay nagsearch na sa mga internet accounts mo. Mag-sss ka nga Kuya para makita mo kung ilan na ang nag-add sa iyo.”   “Wala na akong sss. Deactivated na simula nang maghiwalay kami ni Yeng. Alam kasi ng babaeng iyon ang password ng sss ko kaya para ‘di niya magalaw ay pinalitan ko ng password sabay deactivate.”   “Buksan mo uli.”   “Huwag na. ‘Di ako interesado. Dagdag problema lang ang mga iyan.”   “Pero Kuya, si Timmy. Ewan parang malungkot na malungkot. Halos hindi nakikipag-usap eh. Pinakita ko kasi sa kanya ang post noong babae, iyong sinabi niyang nirape siya. Simula noon ay parang nawalan siya ng gana.” Nahinto siya. “Ano ba talaga ang mayroon sa inyo kuya? Like there is someting na hindi ko alam. Sa totoo lang, may duda ako.”   “Duda saan?”   “Ewan... Malisyoso lang siguro ang utak ko.”   “Malisyoso ka? O baka naman tama ang hinala mo,” ang sambit kong pabiro.   “Na... may relasyon kayo maliban sa pagiging magkapatid?”   “Kung sasbihin kong oo, maniwala ka ba?”   “Puwede. ‘Di  ba sabi nila, love is mysterious. Atsaka masaya rin ako kuya kung totoo iyan kasi, kung natandaan mo dati, tanong nang tanong ako tungkol sa barkada mong si Junmark? Tapos nakulitan ka at sinigawan mo ako ng ‘Bakla ka ba?’”   “Oo, naalala ko.”   “Type ko siya noon, sa totoo lang. At alam mo rin bang naging kami? Hanggang ngayon ay kami pa rin.”   Natawa ako sa narinig. Si Junmark? Ang pinaksiga sa grupo namin? Kumakain ng basag na baso at kapag sinabing magpadugo siya ay tutusukin o ‘di kaya ay laslasin talaga ang balat niya?”   “Opo...”   “Tangina. ‘Di ko alam iyon ah!”   “Ayaw niyang ipaalam eh. Pero nang naging kami na, ang sweet niya Kuya. Kapag kayo ang kasama ay matapang siya, walang kinatatkutan, pero kapag ako naman ay nagagalit sa kanya, susuyuin niya kaagad ako susunduin agad kung ano man ang ipapagawa ko sa kanya. Kapag sinabi kong samahan ako sa mall, sasamahan ako niyan kahit may gagawin pa iyan, kahit may pupuntahan pa iyan. Kapag sinabi kong ayaw ko siyang pumunta sa isang lugar, susundin niya. Kapag sinabi kong pumasok sa school, o huwag umabsent, susunod siya.”   “Kaya pala minsan ay bigla na lang mawawala ang gagong iyon sa umpukan namin. Naglalandi pala!”   Tawanan. “Opo Kuya. Baka sinusundo nya ako o hinahatid.” Nahinto siya sansadali. “So... kayo rin talaga ni Timmy Kuya?”   Doon na ako napaamin. “Oo... bago namin nalaman na magkapatid pala kami ay naging kami na. Pinilit ko siya na maging kami. Sa kalaunan ay nahulog din ang loob niya sa akin. Ako ang naghahabol sa kanya. Hindi ko siya nilubayan. At kagaya ni Junmark, takot din ako kay Timmy. Ayaw kong malungkot siya, o magalit sa akin. Love na love ko iyang bunso ko.”   “Kaya pala...”   “Huwag mong sabihin sa iba ha? At huwag mo ring sabihin kay Timmy. Baka malaman niyang nag-uusap tayo.”   “Actually kuya nagduda na siya. ‘Di ba sabi mo ay may tumawag sa iyo at hindi sumagot? Wala akong ibang pinaghinalaan kundi siya.”   “G-ganoon ba?”   “P-Paano na lang kayo Kuya? Ang relasyon ninyo? Magkapatid kayo eh.”   “Kaya nga umalis ako, ‘di ba? At nagkasundo na kami tungkol diyan. Babalik lang ako kung wala na kaming nararamdaman para sa isa’t-isa. Kaya pinilit niya ang kanyang sarili na hindi ako kausapin o i-contact dahil iyan ang aming kasunduan.”   “Kawawa naman kayo, Kuya. Para akong maiiyak sa love story ninyo...”   “Malas kami eh. Pero hanggang nandito pa siya sa puso ko, hindi ako maghahanap ng iba. Wala akong ikakama, wala akong liligawan. Kaya huwag kayong maniwala sa babaeng nag-upload ng litrato ko at nag-accuse sa akin na nirape ko siya. Kasinungalingan ang lahat ng mga sinasabi niya. Gusto lang niyang pikutin ako.”   “Opo, Kuya. Naniwala ako sa iyo.”   Tahimik.   “Puwede ko bang sabihin kay Timmy Kuya na alam ko na ang tungkol sa inyo?”   “Gusto kong makalimutan na niya ako, Jish. Mas maigi kung turuan mo siyang maghanap na lang ng iba. Basta huwag lang lalaki. Manligaw siya ng babae, okay lang sa akin. Pero huwag mong ipahalata na alam mo ang tungkol sa amin.”   “Okay kuya. Noted. Akong bahala kay Timmy. Mag-ingat ka riyan Kuya. At sana ay mahanap mo na si Tita.”   Kinabukasan ay bumiyahe na ako patungong  Mindoro. Dahil malapit lang ang hotel ko sa airport, walang pressure sa aking pagtungo ng airport. Nang nakapila na ako sa check-in, laking pagtataka ko nang may mga nagsitinginan sa akin. Hindi ko na lang sila pinansin dahil ganyan naman talaga minsan. Sa daming tao ba naman sa airport, hindi maiwasan na may titingin sa iyo na iyong casual lang, o ‘di kaya ay nakatabi mo na pala ang isang artista o mismong kamag-anak o kaibigan ng ibang pasahero at akala mo ay ikaw ang tinitingnan pero iyong mga katabi mo pala.   Ngunit may dalawang babaeng hindi nakatiis at lumapit talaga sa akin, “Puwedeng magpa-selfie, John?” ang sambit ng isa.   Nagulat ako na tiningnan siya. Hindi ko naman kasi maalala kung namukhaan ko siya. Pero napangiti pa rin ako. “B-bakit mo ako kilala?” ang tanong ko.   “Ay, hindi mo alam? Sa f*******:! Nagkalat ang litrato mo roon,” ang sagot niya sabay bulong sa kasama, “Ang guwapo-guwapo pala niya sa personal!” habang nagtatalon at tuawang-tuwa na parang batang binigyan ng candy. Pumayag ako na makipag-selfie sa kanya. Wala na akong nagawa kundi ang ngumiti. Nang napansin naman ng iba na game lang akong magpa-selfie, lumapit na rin sila at nagpa-selfie rin. May nakita rin akong nagvivideo. Game na game na lang akong nag V-sign or thumbs up sign habang naka-ngiti or wacky sa mga selfie at video nila.   “Ang bait-bait pala ni John! Kaya hindi talaga ako naniniwala sa sinabi ng babaeng iyon!” ang narinig kong sambit nila. Pakiramdam ko ay isang sikat na artista talaga ako.   Nang nasa loob na ako ng pre-departure lounge, ganoon uli ang eksena. May mga nakakilala sa akin na lumapit at nagpa-selfie. May iba ring nag video.   Tila gusto ko nang pasalamatan si Ella. Baka sa ginawa niya ay hahabulin na ako ng mga malalaking TV network at gagawin nilang artista. Napatawa na lang ako sa aking sarili.   Dahil walang delay ang flight, alas 12 ng tanghali ay nasa San Jose Mindoro na ako. Nagrenta ako ng tricyle at binayaran ko ang driver nito sa kanyang serbisyo bilang tour guide ko na rin. Ibinigay ko sa kanya ang address at pangalan ng aking inay. Una naming tinumbok ang opisina ng kapitan ng Baranggay Ipil. Kinumpirma niyang may isang babaeng biyuda raw, nag-iisang nakatira sa kanilang Baranggay.   May kahirapang tahakin ang lugar na kinaroroonan ng bahay ng nasabing babae. Baku-bako ang daan at halos natatakpan ito ng malalaking puno, mahahabang d**o at matatayog na kawayan. Naalala ko ang lugar nina Timmy at ng kanyang inay. Halos magkapareho ang layo at hirap ng daanan. Naisip ko na kung nag-iisa nga ang babaeng iyon, nakahahabag ang kanyang kalagayan. At kung nagkataong siya nga ang aking inay, baka mahirapan akong mapatawad ang aking ama at ang aking sarili sa nangyari sa kanya. Naramdaman kong sumiklab na naman ang galit ko sa aking papa. Sinira niya ang buhay ng aking ina, sinira niya ang buhay ko. Sinira na nga niya ang buhay-pag-ibig ng inay, at pati na rin ang sa akin ay sinira niya rin.   Mahigit isang oras naming sinuong ang sakripisyo ng pagtahak sa daanan na iyon. Hanggang narating namin ang isang dampa na nakahapay at may tukod na kawayan sa parte na halos babagsak ito.   “Tao po! Tao po!” ang pagtawag ng tanod na sumama sa amin.   Maya-maya lang ay may sumilip na babae na sa tingin ko ay nasa kuwarenta o mahigit ang edad. Mahaba na gusot ang kanyang buhok, sunog ang balat ng kanyang mukha, halatang bilad sa araw. Halata na rin ang mga kulubot sa kanyang mukha.   “Sino po ang hinahanap nila?” ang tanong niya. Halatang nagulat. Medyo paos din ang kanyang boses na medyo may iniindang karamdaman.   Hindi ko lubos maisalarawan ang aking nadarama sa pagkakita sa kanya. Ramdam kong bumilis ang t***k ng aking puso, may kakaibang kaba akong nadarama. Hinahanap po namin si Esmeralda Reyes?” ang sagot ko.   “Ah... ako nga po iyon. Tungkol saan po?”   Napatingin ako sa tanod at sa tricycle driver. “P-puwede po bang m-makausap kayo? May ilang bagay lang pong itatanong ako,” ang sagot ko uli.   “A, eh... p-puwede naman,” ang sagot niya. “Sandali at lalabas ako ng bahay.”   Pinagmasdan ko siya habang bumaba sa hagdan na kawayan. Payat siya bagamat sa tingin ko ay malakas pa ang kanyang katawan. Nakasuot siya ng lumang T-shirt na may mga maliliit na butas sanhi ng kalumaan  at kulay abo na palda.   “Tungkol saan po ang kanilang itatanong?” ang tanong niya na nakatingin sa akin, ang kanyang mga mata ay may bakas na pag-alala.   “Huwag po kayong matakot. Ilang tanong lang po...”   “S-sige po,” ang pag-aalangan niyang sagot.   “Tagarito po ba kayo? I mean dito po ba kayo isinilang?”   “Eh... h-hindi po. Bale, s-sa i-ibang lugar po ako nanggaling. P-pero matagal na ako rito. Hindi ko na mabilang ngunit mahigit labinlimang taon na ako rito.”   “Ah...” ang sagot ko. “S-saan po kayo nanggaling?”   “Eh... P-puwede po bang h-hindi ko na sasagutin iyan? At, puwede po bang babalik na ako sa loob ng bahay? M-may gagawin pa po ako,” ang sambit niya sabay talikod at akmang aakyat na sa hagdanan.   “May kilala po ba kayong Miguel Iglesias?” ang pahabol kong tanong. xyz   Bigla siyang napalingon sa akinKitang-kita ko sa kanyang mga mata ang ibayong pagkagulat. Hindi siya nakasagot agad. Tila nag-isip. “Ahm... W-wala, w-wala akong kilalang Miguel,” ang sagot niya.   Ngunit hindi ako kumbinsido sa sagot niya. “Si John Iglesias po, natatandaan niyo po ba ang pangalang iyan?” ang pagtanong ko uli sabay hugot sa isang bibero mula sa bulsa ng aking bag at inabot iyon sa kanya. “Ito po natatandaan niyo pa rin po ba ito? Kayo po ang gumawa nito para po sa anak ninyo. Kayo po ang nag-ganstislyo niyan. Kayo rin oo ang nagborda ng pangalan ng anak ninyo sa bibero. At sa likod nito, nariyan ang pangalan ninyo. Sabi niyo raw po ay upang hindi malimutan ng anak ninyo ang pangalan mo. At ipinagbilin niyo rin po sa yaya ng inyong anak ay ibigay ito sa kanya paglaki niya at sabihin sa kanya na kayo ang gumawa nito... at kung gaano ninyo siya kamahal.”   Nang hinawakan niya ang bibero na inabot ko ay hindi na niya naitago pa ang kanyang emosyon. Humagulgol siya nang humagulgol. Hindi siya nagsasalita. Nasta humagulgol na lang siya nang humagulgol.   Sa pagkakita ko sa kanya sa ganoong postura ay agad ko siyang niyakap. Napahagulgol na rin ako. “Inay... sabik na sabik na po ako sa inyo Nay... Patawarin niyo po ako, Nay. Ngayon lang po ako nagkaroon ng lakas na hanapin kayo.”   “I-ikaw si John!” ang sigaw niyang bahagyang kumalas sa aking yakap at tiningnan ako mula ulo hanggang paa.   “O-opo nay. Ako po si John. Ako po ang anak ninyo.”   “Ang laki mo na!” sabay yakap muli sa akin at muling humagulgol. “Patawarin mo rin ako, anak... naging duwag ako. Wala akong lakas na hanapin ka at ipaglaban ka. Natakot akong hindi mo ako matanggap bilang ganito, nabaon sa kahirapan, at higit sa lahat, natakot ako na baka galit ka sa akin dahil iniwan kita. Sobrang sakit ng aking kalooban, anak. Ngunit kailangan kong gawin dahil hindi na kami maaaring magsama pa ng iyong ama at ayokong magdusa ka rin sa hirap, madamay sa kahirapan ko.”   “Aaminin ko, Nay. Noong una ay hindi kita maintindihan. Ngunit nang nabanggit ni papa na hindi ka niya mahal, doon na ako nagduda at nakaramdam ng pagkaawa sa iyo. Sabi ko, kailangan kong mahanap kita upang malaman ang paning po ninyo. Pakiramdam ko rin po kasi ay hindi ako mahal ni papa, eh.”   “Bakit paano ka ba itrinato ng iyong ama?” ang tanong niya.   Sasagutin ko na sana ang tanong niyang iyon nang napabaling ang aking paningin sa tricycle driver at tanod. “S-siguro po ay puwede na ninyo akong iwan dito Sir,” sabay hugot sa aking wallet at binayaran ko ang tricycle driver. Binigyan ko rin ng tip ang tanod na naghatid sa amin. Ipinabatid ko ang sobrang pagpapasalamat sa kanila dahil natulungan nila ako sa aking paghahanap sa aking inay.   Nang nakaalis na ang tricycle driver at ang tanod, dinala ako ni Inay sa loob ng kanyang bahay. Pinaupo niya ako sa isang kahoy na silya. May isang maliit na mesa siya, at ang kusina ay deretso na sa kanyang sala na walang laman mga kasangkapan maliban sa dalawang silya na upuan.   Doon na ako mas nahabag sa kanya. Babae siya, nag-iisa, malayo ang lugar sa bayan at walang katuwang. Nang inikot ng aking mga mata ang kanyang bahay, masasabi kong mas malala pa iyon kaysa bahay ng inay ni Timmy. At habang siya ay may Timmy ngunit ang aking inay ay wala dahil ako sa piling niya. Ang atip na nipa ay may malalaking guwang na, butas-butas pa ang iba. Ang dingding naman ay halos nalalansag na at kapag naglalakad sa loon ay umuuga ang buong bahay.   “Sino ang tumutulong sa iyo Nay sa pagkumpuni ng mga sira sa bahay niyo po?” ang naitanong ko. Medyo nahimasmasan na kami sa aming iyakan.   “Minsan ako lang. Minsan naman, kapag nakaikot ang mga tanod dito ay nakikisuyo ako. Minsna naman, m-may kapitbahay ako na palaging tumutulong, si Tonying.”   Napatingin ako sa kanya. “Boyfriend niyo po?” ang biro ko.   Yumuko siya na tila nahihiya. “Hindi... kaibigan lang. Ayoko na sa ganyan-ganyan. Masaya na ako na ganito. Kaibigan ko lang iyong tao.”   “Hmmmm!” ang expression na kunyari ay hindi naniniwala.   “Kaibigan nga lang, ano ka ba!” ang sagot niyang tila may mga alitaptap sa kanyang mga mata.   “Okay lang naman sa akin, Nay kung may mapupusuan kang lalaki. Karapat-dapat kang sumaya, magkaroon ng katuwang sa buhay. Ang tagal mo nang nag-isa sa buhay. Labing siyam na taon!”   “Heh! Iba na nga lang ang pag-usapan natin.”   “Ay namula siya!” ang biro ko uli.   “Ay hindi ah! Itong batang ito...”   Tahimik.   “Alam niyo, Nay, naaawa ako sa inyo, Ang tagal niyo nang nagdusa. At wala pa ako sa piling ninyo.”   “Okay lang ako anak. Ang mahalaga ay iyong malakas ang katawan. Atsaka nandito ka na. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya ngayon. Walang mapagsidlan ang saya ko. Hindi lang kita nakita, tanggap mo pa kung ano man ako nang buong puso.”   “Syempre naman, Nay. Ikaw ang nag-iisa kong Nanay, wala nang iba.”   “Salamat anak...”   Nahinto ako nang sandali. “Nay... ‘di   ba hindi naman talaga kayo naghiwalay ni papa? Hindi naman na-annul ang kasal ninyo, ‘di   ba?”   “Hindi nga anak.”   “Gusto ko sana Nay, igiit ninyo ang inyong karapatan kay papa. Hindi po puwedeng magdusa kayo ng ganito. Dapat ay pinandigian niya ang pagiging asawa niya sa iyo.”   “Hindi na anak. Hindi na kami puwedeng magkabalikan pa. Hindi niya ako mahal. Hindi ko na rin siya mahal. Atsaka, wala naman akong habol sa pera ni Miguel. Pera niya iyon, eh. Wala akong naiambag doon.”   “Nay, hindi pera ang habol natin kundi kung ano ang karapatan mo sa ilalim ng batas. Matanda na po kayo. Isang araw, bibigay ang inyong katawan lalo na’t mabigat ang trabaho ninyo rito at wala kayong katuwang. Paano na lang kapag darating ang araw na iyan?”   “Kung ano ang darating, anak... bahala na ang nasa taas. Tatanggapin ko.”   “Nay... hindi ko matatanggap.”   “Huwag na anak... ayoko ng gulo.”   “Nay, malaki na ako. Kaya nating habulin iyan. At kung ayaw niya talgang ibigay sa inyo ang nararapat na para sa inyo, ako ang aampon sa iyo. Ibabahay kita sa Maynila.”   “Dito na lang ako, anak. Gusto kong dito na lang din ilibing kapag oras ko na.”   “Ano ba iyang pinagsasabi ninyo, Nay. Ang bata-bata niyo pa. Dapat ay ma-enjoy niyo po ang buhay. Hindi po ako papayag na dito ka manirahan. Kung dito lang kayo manirahan, dito na rin ako. Hindi kita iiwan dito. Pagsisilbihan kita, ako ang katuwang mo rito. Kahit hindi ako magpatuloy sa pag-aaral okay lang basta dito lang ako sa tabi mo.”   “Huwag naman anak. Huwag mong pahirapan ang sarili mo.”   “Kaya nga po Nay, eh. Kung ayaw ninyo akong mahirapan, sumama kayo sa akin sa Maynila. Doon tayo manirahan, doon na rin ako mag-aaral. Gusto kong kayo mismo ang magbantay sa akin doon. Kayo ang sisita sa akin kapag nagkamali ako, kayo ang magbigay sa akin ng payo, ang gumiya sa akin, sa parehong paraan na ako rin ay nariyan din sa tabi mo. Labing siyam na taon Nay ang nawala sa atin. Kailangan nating humabol.”   “Pinahirapan mo akong mag-isip anak...”   “Puwes puwede kang magdesisyon hanggang kailan, Nay. Walang pressure. Basta hanggang hindi ka makapagdesisyon, o kung ayaw mo talaga roon, hindi ako babalik ng Maynila o sa Baguio. Dito lang ako sa iyo. Sasamahan kita rito” Ang sambit ko sabay pagputol sa usapan.   Tinumbok ko ang kusina. Tiningnan ko ang kaldero, ang lagayan ng bigas at mga gulay na naroon sa kanyang banggera. “Magsaing ako, Nay! At itong mga gulay mo, gawin nating bulanglang! Nagutom ako eh.”   “Marunong ka?”   “Opo. Kaya relax ka lang d’yan. Tikman mo kung gaano kagaling magluto itong anak mo,” ang sabi ko.   Natawa siya. “Sige nga,” ang sabi niya, tinungo naman niya ang kuwarto.   Habang nagluluto ako, hindi ko naman maiwasang hindi maalala si Timmy. Parehong-pareho ang ginagawa kong iyon sa mga ginagawa namin sa bukid. “Kung hindi sa kanya, hindi ko matututunan ang ganito. Marami akong dapat ipagpasalamat kay Timmy,” ang bulong ko sa sarili. Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong hininga.   Nang naluto ko na ang ulam at kanin. Ako na rin ang naghain ng mga ito sa mesa. Tinawag ko ang inay. Sinabayan niya na ako, “Ang sarap naman talaga ng luto ng anak ko!” ang sambit niya.   “Nay, ang compliment na iyan ay hindi nakabase sa pagka-nanay mo sa akin ha. Masarap talaga ang luto ko, kahit sinong tao ang magsabi.”   Natawa ang inay. “Syempre naman. Talagang masarap ang luto mo.”   Nasa ganoon kami kasayang pag-uusap nang may nag-tao po. Boses lalaki.   Hindi pa man nakatayo ang inay upang tingnan kung sino ang nag-tao po, nakapanhik na ang lalaki. Halos nasa 50 na ang edad niya. May dala siyang isang basket na puno ng mga gulay at bitbit na mga isda, iyong itinuhog ang mga bibig sa isang tali, preskong-presko na galing pa ng ilog. At nagulat siya ng nakitang may kasama ang inay.   Tumayo ang inay at sinalubong siya. “Ah... T-tonying, ang anak ko, si John. Siya iyong palagi kong kinikuwento ko sa iyo?”     Tila nahiya ang kaibigan ni inay. Inilatag niya sa ibabaw ng banggera ang dalang mga gulay at isda. Ipinahid ang kamay sa kanyang pantalon at inabot sa akin ang kanyang kamay. “Kumusta” ang sambit niyang halatang nahihiya.   “Okay lang po, Tito,” ang sagot ko naman habang tinanggap ko ang kanyang pakikipagkamay.   Tiningnan ko ang inay. Nakangiti siya sa amin. “Halika, Tonying, samahan mo kaming kumain,” ang pag-anyaya ni inay.   “Kain po kayo,” ang pag-anyaya ko rin.   Sumang-ayon ang bisita ng inay. Dahil dalawa lang ang silya, nakatayo lang siyang sumali sa amin sa mesa.   Habang kumakain na kami, pansin ko namang tila nagkahiyaan silang dalawa. Halos hindi sila makatingin sa isa’t-isa at halos nakakabingi ang katamhimikan na namagitan sa amin. “Saan po ang bahay ninyo, Tito Tonying?” ang pagbasag ko sa katahimikan.   “Ah, siguro ay may ‘di   lalampas sa 500 metro galing dito.”   “Ah... hindi naman pala kalayuan. M-may pamilya po kayo?”   “Ang asawa ko ay halos dalawang taon nang namayapa. Ang dalawang anak kong lalaki ay parehog may mga asawa na rin, ang mga bahay nila ay nasa gilid lang din ng bahay ko. Nag-iisa na lang ako sa bahay ko,” ang sagot niya.   Doon na sumali ang inay sa usapan. Ipinagmalaki niya ako kay Tito Tonying na kesyo raw ang laki-laki ko na, ang tangkad, at ang guwapo. At sinabi rin niyang naggraduate na ako ng Grade 12 nito lang linggo na ito.   Pagkatapos naming kumain ay bumaba si Tito Tonying. Tinumbok niya ang nakatambak na mga kahoy at nagsibak. Nilapitan ko siya. “Tito... gusto kong magpasalamat sa iyo sa tulong na ibinigay mo sa inay.”   Nahinto siya at nilingon ako. “Itong batang ito. Kapitbahay ko siya at nag-iisa lang, babae pa. Kaya naawa rin ako sa kanya.”   “Kaya nga po. Hindi niyo po siya kaano-ano ngunit tinutulungan po ninyo ang aking inay. Naaawa din po ako sa kanya nang makita ko ang kanyang kalagayan. Kaya napakalaking pasasalamat ko po na nariyan po kayo para sa kanya.”   Sinuklian lang niya ako ng ngiti at nagpatuloy na sa pagsibak ng kahoy. “Dito ka ba mgpapalipas ng gabi?”   “Opo...”   “Ah,” ang sagot niya. Maya-maya naman ay kinuha niya ang mga nakahilerang kawayan at ito naman ang pinagkaabalahan. Inipon niya ang mga ito. Pagkatapos niyang sukatin ang mga ito, “Uuwi muna ako, John. Kukuha ako ng lagari, martilyo at pako. Babalik din ako,” ang pagpapaalam niya.   “Sasamahan na kita, Tito” ang sambit ko   Pumayag naman siya. Kaya habang naglalakad kami ay kinausap ko siya. “Tito... may itatanong ako sa iyo. Sana ay hindi ka mahiyang sumagot sa akin at hindi mo mamasamain.”   “Itong batang ito,” ang sagot niyang nakangiti. “Syempre naman. Ano ang tanong mo?”   “May pagtingin po ba kayo sa inay?”   Nahinto siya sandali. Binitiwan ang isang buntong hininga. “Halos dalawang taon nang nawala ang asawa ko, John. Nangungulila ako ng kasama, iyong babaeng magiging katuwang hanggang sa pagtanda namin, lalo na’t ang mga anak ko ay may mga sarili nang pamilya. Malungot ang mag-isa, John, lalo na’t magsimulang maramdam mo ang takip-silim ng iyong buhay.” Nahinto siya sandali. Tiningnan ako, hinawakan sa balikat. Seryoso ang kanyang mukha. “At oo... may pagtingin ako sa iyong inay. At hindi lang pagtingin. Gusto kong alagaan siya, gusto kong sumaya siya at nariyan para sa kanya hanggang sa matandang-matanda na kami... Napakabait ng inay mo. Masipag, maalalahanin. Maswerte ang lalaking mamahalin niya.”   Halos maluha ako sa kanyang sinabi. At ang naisagot ko na lang ay, “Alam niyo po, masayang-masaya po ako sa mga sinabi ninyo. At gusto ko pong magkatuluyan kayo ng inay. Pag nakauwi po ako ng Maynila, gusto kong dalhin ang inay upang ilakad po namin ang pag-file ng annulment nila ng papa ko. Pagkatapos ay babalikan po namin kayo rito upang magsama na po kayo at wala nang hadlang.”   “Salamat naman kung ganoon, John. Iyan kasi ang dahilan kung bakit ayaw ng inay mo na magsama kami. Dahil nga raw bawal at ayaw niyang magkasala kami.”   Nang nakabalik na kami sa bahay ng inay, agad niyang nilagari ang mga kawayan na nauna na niyang sinukat. Nang halos mabuo na ito, doon ko nakita na kama pala ang kanyang gagawin. Napangiti ako. Naalala ko kasi ang parehong kama na ginawa ni Timmy para sa akin. Doon ko nakita kung gaano pala kahirap ang pinagdaanan ni Timmy upang makagawa ng kama para lamang may mahigaan ako. Kung maaaring balikan lang sana ang panahon kung saan ay naroon din ako sa paggawa ni Timmy ng kama, baka pagkatapos nang isang gabing mahigaan ko ang kama niya... (bigla akong natawa) susunugin ko pa rin iyon. Wala nang sasarap pa sa pagtulog sa ibabaw ng isang kama na masikip ngunit kayakap naman ang pinakamamahal kong Tok. Iyon ang isa sa pinakamasayang sandali sa buhay ko.   “O... tapos na! May mahigaan ka na mamaya,” ang sambit ni Tito  Tonying nang nabuo na ang kama.   “Wow! Salamat Tito!” ang sabi kong tuwang-tuwa. Nakita ko kasi na walang ibang kama ang inay para sa bisita. Talagang alam na alam niya ang mga pangangailangan ng inay.   Pagkatapos naman niya sa kama ay mabilis din siyang nakagawa pa ng dalawang upuan. Pinagtulungan naming i-akyat ang mga iyon sa bahay. Ang kama ay nakapuwesto sa sala katabi ng mesang kainan at mga silya.   Kinagabihan naman, dumalaw uli si Tito Tonying. May dala siyang banig, unan, kulambo, at kumot. Maliban doon, dala rin niya ang kanyang dalawang anak na lalaki, na may dala ring isang galon na tuba. May dala ring pagkaing adobong manok. Kitang-kita ko sa mga mata ng inay ang ibayong tuwa. Syempre, tuwang-tuwa rin ako sa ipinakita ng pamilya ni Tito Tonying sa akin at sa aking inay. Kung dalaga lang sana ang inay, maiisip ko talagang namanhikan sila. Sobrang saya ko sa gabing iyon.   Kinabukasan, maaga akong gumising. Agad akong naghanda ng aming agahan. Nagsaing ako ng kanin, pinirito ko ang itlog na dala ni Tito Tonying para kay inay nang nakaraang araw. Pagkatapos ay nag-ihaw ako ng apat na talong, binalatan iyon bago ko inilagay sa pinggan at nilagyan ng bagoong. Nagtimpla rin ako ng kape.   Ginising ko ang inay. “Sus ang batang ito...”   “Masarap iyan, Nay,” ang sambit ko.   Habang kumakain kami ay dumating naman si Tito Tonying at sumali sa amin agahan. May dala siyang piniritong isda.   Halos araw-araw ay ganyan ang aming set-up. Kasalo namin si Tito Tonying sa agahan, sa tanghalian, at minsan ay sa hapunan.   Lumipas ang mahigit isang linggo. Sa isang linggong iyon ay mas lalo ko pa siyang nakilala ang aking inay. Napakabait niya. Napakasipag, napaka-maalalaanin. Doon ko rin mas lalo pang nakilala si Tito Tonying. Wala akong masasabi sa sobrang kabaitan niya kay Inay at sa akin. Kaya nabuo na talaga ang isip ko na hindi ko sila hahadlangan kung gusto man nilang magsama. At ang maibigay kong regalo para sa kanila ay ang annulment ng kasal nila ng aking papa. Gusto kong sa nalalabing mga araw ng inay ay sumaya siya, maramdaman ang pagmamahal, at mahanap ang taong maging katuwang niya hanggang sa kanyang pagtanda.   Isang araw, habang nag-agahan kami ng inay, bigla siyang nagsalita. “Papayag na ako, John na puntahan natin ang iyong papa at igiit ko ang aking karapatan. Papayag na rin akong mag-magfile ng annulment.”   Tuwang-tuwa akong napatingin sa inay. “Kung ganoon inay, bukas na bukas din ay pupunta na tayo ng Maynila...”   “S-sige anak,” ang sagot ng inay.   Bigla rin akong natahimik. May kakaibang excitement akong nadarama sa desisyon na iyon ng inay. Magkikita na uli kami ni Tok...   (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD