Sagradong Kama

5383 Words
By: Michael Juhagetmybox@hotmail.comFb: Michael Juha Full    -------------------------   Tila hindi ako makahinga sa sobrang sakit na nadarama at halos hindi gumana ang aking isip kung ano ang dapat gawin sa sandaling iyon. Ang tanging sumagi na lang sa aking isip ay ang tawagan si John.   Nagtatakbo akong umiiyak habang tinungo ang pinakamalapit na kapitbahay. Doon ako nanghingi ng tulong. Nanghiram din ako ng cell phone upang matawagan ko si John.   Nang narinig ko ang boses ni John, doon na lalo pang bumuhos ang aking emosyon. Humahagulgol ako. Feeling ko kasi ay siya lang ang nag-iisang tao sa mundo na maaari kong lapitan, siya lang ang aking masasandalan, siya lang ang nag-iisang makakatulong sa akin. Wala akong kapera-pera, hindi ko alam kung saan kukuha ng pambili ng kabaong. Ni hindi ko alam kung ano ang proseso ng pagpapalibing.   Mistula akong isang kaawa-awang batang paslit na nagsusumbong. “John... wala na ang inay! Hindi na siya nagising kanina,” ang sambit ko.   “Ha?” ang sagot ni John sa kabilang linya. Matagal siya bago nagsalitang muli. Hinayaan niya akong umiyak nang umiyak.   “Hindi ko alam ang gagawin ko, John,” ang sunod kong nasabi.   “Okay Tok... pupunta ako riyan ngayon na. Hahabol ako ng flight, mag chance passenger na lang ako...” yun lang ang sabi niya at pinatay na niya agad ang kanyang cell phone.   Ala-una ng hapon nang nakarating si John. Pagdating na pagdating ay kaagad niya akong niyakap. “Sorry sa nangyari sa iyong inay. Nakikiramay ako,” ang sambit niya. Doon na naman ako napaiyak. Hinaplos-haplos niya ang aking likod.   Dahil may mga kapitbahay nang tumulong sa pag-asikaso sa bangkay at may mga lalaking gumawa na rin ng kabaong gamit ang mga tira-tirang piraso ng kahoy na donasyon ng iba, sinabihan sila ni John na huwag nang ituloy ang kanilang ginagawa dahil magbabayad na lang daw siya ng isang funeral service, at sa funeral parlor na lang iburol ang inay.   “Dito na lang siya sa bahay iburol ng isang gabi, John. Nang buhay pa ang inay, palagi iyong nagpaparinig sa akin na kung sakaling may mangyari sa kanya, gusto niyang ilibing kaagad. Naalala ko pa nang pabiro niyang sinabi sa akin iyon, hindi ako natuwa. Nagalit ako. Tapos sa gabi hindi na ako nakatulog sa kaiiyak. Isa pa, malayo ang funeral parlor, hindi makapunta ang mga kapitbahay at mga kakilala ng inay roon,” ang paliwanag ko.   “O sige... ngunit ang funeral parlor pa rin ang mag-asikaso rito sa bahay. At bilhan natin siya ng kabaong na kahit hindi kamahalan pero marangal tingnan. Tapos, pagawan natin siya ng nitso upang kahit papaano ay hindi magmukhang kawawa ang kanyang huling himlayan.”   “I-ikaw ang bahala,” ang sagot ko na lang.   Pinakisuyuan ni John ang mga lalaki na imbes gumawa ng ataul, bumili na lang ng semento at gumawa ng nitso sa sementeryo. Binigyan sila ng pera ni John at inatasan silang magsimula agad.   Lumuwas kami ng lungsod upang makipag-usap sa funeral parlor. Kasama naman namin ang isang kapitbahay na nagkusang magprocess sa death certificate ng inay. Mabuti na lang at may sasakyan si John kaya hindi kami nahirapan sa mga pinaproseso. Nakabili pa kami ng mga pagkain para sa mga maglalamay, generator upang may pang-ilaw sa bahay, baraha, board games at iba pang mga laruan na magagamit sa mga naglamay.   “Alam mo John, ang laki na ng gastos mo. ‘Di  ko alam kung paano kita mababayaran,” ang sambit ko.   “Hayaan mo na Tok...” nahinto siya. “Actually, may kasalanan din ako eh. Marahil ay kung ipinacheck-up muna natin siya bago ako umalis, siguradong buhay pa ang inay mo. Nagsisisi tuloy ako... Napakatanga ko.”   “Huwag mong sisihin ang sarili mo, John. Siguro ay talagang hanggang doon na lang ang inay. Pagod na rin siya eh. At least nakapagpahinga na rin siya. Masakit man sa aking kalooban, iyan na lang ang pakunsuwelo ko sa sarili. Tahimik na siya roon, nakapagpahinga na siya. Wala tayong dapat sisihin,” ang sambit ko.   Kinagabihan sa lamay ay dumating ang mga kaklase ko. Kanya-kanya silang bitbit ng mga pagkain at maiinom. May nagdala rin ng mga disposable na kutsara, tinidor, plastic cups, paper plates.   Nang nakita nila si John, nagulat sila, lalo na’t nasaksihan nila kung gaano siya kaabala sa pagtulong sa mga bisita at pangangasiwa sa mga gawain. Doon ay nahikayat na rin silang tumulong. May naglagay ng sandwich sa sliced bread, may nagbalot ng mga pagkain, may nagtimpla ng juice, kanya-kanyang paghahanap kung paano makatulong.   “Tok... mabuti naman at nandito si John kasama mo,” ang sambit ni Joy.   “Oo Joy. Hindi ko talaga alam kung paano na lang kung hindi siya dumating. Walang-wala ako, walang mga kamag-anak, walang makakatulong lalo na pagdating sa pera. May mga kapitbahay kami ngunit hanggang sa serbisyo lang sila. Kagaya namin ay mahihirap rin sila,” ang sagot ko.   “Kaya nga Tok, eh.”   “Hindi natin akalain na kahit ganoon si John noong una, ang bait pala niya ano?” ang pagsingit naman ni Jeff.   “Oo nga eh. Halos wala pa iyang pahinga. Alas 3 ng madaling araw pa iyan umalis ng Baguio at dumiretso dito. Tapos pagdating naman ay sabak kaagad sa pag-asikaso sa mga kailangang gawin namin.”   Kahit papaano ay naibsan ang bigat ng aking damdamin nang makita at makausap ang aking mga kaklase at kaibigan. Kahit papaano ay napangiti nila ako. At sa lamay, sila rin ang nag nag-initiate ng mga palaro, kagaya ng kapag natalo sa baraha, lalagyan ng uling ang mukha, o ‘di   kaya ay kapag nakatulog, itatali ang dalawang paa at kamay  at lalagyan ng uling ang mukha.   Alas 3 ng hapon kinabukasan ay inilibing ang inay. Halos ang lahat ng mga kaklase ko ay nakilibing din. Bago ipinasok ang kanyang kabaong sa nitso, hindi ko na naman mapigilan ang aking sarili na humagulgol. Nasa gilid ko lang si John, inaakbayan ako. Pinipisil-pisil ang aking balikat.   Nang nagsiuwian na ang mga tao, kaming dalawa na lang ang naiwan. “Nay... sana kahit nariyan ka kabilang buhay, patuloy mo pa rin akong gabayan. Mahal na mahal po kita, nay. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko ngayong wala ka na. Wala nang maghihintay sa akin sa galing sa eskuwelahan o sa aking mga lakad. Wala na akong kaharutan at kabiruan sa bahay. Wala nang magbibigay sa akin ng payo, wala na rin akong mapagsabihan sa mga problema ko. Ma-miss kita, Nay... Huwag po kayong mag-alala Nay, pipilitin ko pa ring labanan ang mga pagsubok at ituloy ang buhay. Kahit wala na po kayo na siyang aking inspirasyon po, pipilitin ko pa ring ipagpatuloy ang pag-aaral upang makamit ko ang pinapangarap mo para sa akin na makapagtapos. At kapag naabot ko na iyon, iaalay ko po ang aking diploma sa inyo. Paalam, Nay.. Rest in peace po.,” ang bulong ko.   Tatalikod na sana ako upang umuwi na nang nanatili pa rin si John na nakatayo. Hinawakan niya ang aking kamay at nagsalita... “Tita... huwag po kayong mag-alala. Sa iyong paglisan, ako po ang magpapatuloy sa naputol ninyong tungkulin para kay Tok. Ipangako ko po sa harap ng iyong puntod na nariyan lang ako para sa kanya... Gawin ko po ang lahat na makakaya ko upang hindi siya malungkot. Tutulungan ko po siya upang makamit niy ang kanyang pangarap. Salamat po Tita sa pagtitiwala ninyo sa akin, sa pagpayag po ninyo na maging kaibigan ako ni Tok. Hindi ko po sisirain ang tiwala ninyo. Maraming salamat po, Tita. May you rest in peace po...”   Sa pagkarinig ko sa kanyang sinabi ay napatitig ako sa kanya. Naalala ko kasi ang sinabi ng Inay. “...hindi ka na makakahanap pa ng kaibigan na kasing-bait ni John. Huwag mong pabayaan na mawala siya, lalo na... kapag isang araw na lilisanin ko na ang mundong ito, may isang kaibigan kang nariyan para sa iyo at hindi ka iiwan.”   Muli na namang dumaloy ang aking mga luha. Pakiwari ko ay alam ng inay na si John ang taong makakatulong sa akin, lalo na sa oras ng kanyang paglisan. Tila nakita niya kung gaano kahirap ang aking kalagayan sa araw ng kanyang pagpanaw. At maaaring nakita rin niya ang katapatan ni John.   Inakbayan ako ni John. Pinisil-pisil niya ang aking balikat. Tila nababasa niya ang laman ng aking isip.   Nang nakarating na kami ng bahay. Doon ko naramdaman ang nakakabagot na katahimikan. Mistulang nagluksa din ang ang lahat sa paligid. Dumiretso ako sa kuwarto ng inay at inikot ng aking mga mata ang kabuuan nito. Tila naroon pa rin ang inay sa ibabaw ng kanyang higaan, natutulog.   Muli na namang dumaloy ang aking mga luha. Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Nay... kahit wala ka na rito ay aalagaan ko pa rin itong kuwarto mo, na parang narito ka pa rin. Hindi ko ito gagamitin o ipapagamit nino man,” ang bulong ko. Iniligpit ko ang mga gamit ng inay, inayos sa pagkalagay ang mga ito. Pagkatapos ay lumabas ako at kinuha ang ekstrang padlock na itinago ko sa aking kuwarto. Bumalik ako sa kuwarto ng inay at ipinadlock ko ang pinto nito.   Alas 8 pa lamang ay natapos na ang padasal sa gabing iyon. Nakiusap kasi ang nag-handle sa padasal na agahan palagi ang schedule gawa ng nalayuan siya sa bahay namin. Nang nakaalis na ang mga taong dumalo, nagpaalam si John na umalis sandali at may bibilhin siya sa merkado. Pumayag ako. Nang nakabalik na siya ay dala-dala niya ang isang case ng beer, may isang bote ng alak, isang malaking balot ng barbecue at isang plastic ng kanin. “Mag-inom tayo, Tok. Alam kong gusto mong makalimot,” ang sambit niya.   Dumiretso siya sa kusina at kumuha ng pambukas. Dinala niya ang beer at mga pagkain sa labas ng bahay. Bilog ang buwan at maganda ang ambiance sa labas. Kaya naisipan ni John na sa labas na lang kami uminom. Tumalima ako. Presko at malamig ang hangin, at maliban sa ingay ng mga kuliglig at panggabing hayop ay wala ka nang ibang ingay pang maririnig.   Marami kaming pinag-usapan ni John. Mga plano sa buhay. Kagaya nang hindi raw kami maghihiwalay kahit ano ang mangyayari, na hanggang sa pagtanda namin ay aalagaan at ipagtanggol pa rin niya ako, na palagi siyang nariyan para sa akin. Nagplano rin siya na ang kursong kunin namin ay pareho, Business Administration ang gusto niya.   Tahimik lang akong nakikinig sa kanya. Hindi ko binigyang pansin ang kanyang mga sinasabi. Hinayaan ko siyang magsalita. Ang isip ko ay nababalot pa sa lungkot ng paglisan ng aking inay. Hindi pa rin matanggap ng aking isip na wala na siya. Tila lumulutang pa ako sa kawalan. Matinding sakit at lungkot pa rin ang aking naramdaman.   Nang malasing na kami, inalalayan niya ako upang bumalik na ng bahay. Hindi ko na kasi kayang tumayo at maglakad. “Gusto ko doon sa pampang, John. Dalhin mo ako sa pampang,” ang sambit ko.   Walang imik na kinarga niya ako sa kanyang likuran. Tinumbok niya ang ilog. Habang kinakarga niya ako, walang humpay ang aking pag-iyak. Nang narating na namin ang ilog, pinaupo niya ako sa gilid ng pampang. Naupo rin siya sa tabi ko. Ngunit dahil lasing ako, hindi ko magawang umupo ng tuwid. Isinandal ko ang aking katawan sa katawan niya. Inakbayan niya ako.   “Unang gabi ko ngayon na wala nang inay,” ang sambit ko. “...at labing-walong taon na rin ako sa mundong ito na walang itay,” dugtong kong pautal-utal dahil sa pag-iyak. “Ang saklap lang talaga ng buhay. Bakit hindi ako kagaya sa iba na may mga magulang na nagmamahal? Na masaya sa buhay nila? Kahit mahirap lang kami, wala naman akong reklamo eh, basta may mga magulang lang sana ako.”   Naramdaman kong hinaplos niya ang aking buhok at idinampi ang kanyang bibig sa aking ulo. Hinalikan niya ito. “Huwag kang mag-alala, Tok. Nandito naman ako, eh. ‘Di  ba nag-promise ako harap ng puntod ng inay mo na hindi kita pababayaan. Narito lang ako para sa iyo.”   “Wala nang magpaalala sa akin kapag may ginawa akong mali. Wala nang magagalit sa akin kapag matagal akong umuwi sa gabi, wala nang mang-ookray sa akin kapag kumakanta ako nang wala sa tono, wala nang pupunas sa aking katawan kapag may lagnat ako o ‘di   kaya ay malasing, wala nang mag-uutos sa akin na mag-igib ng tubig o ayusin ang bubong... wala na akong mapagsabihan sa mga problema ko, sa mga sikreto ko, wala nang maglalaba ng mga brief ko...”   “Nandito lang ako, Tok. Ako ang magpaalala sa iyo, Tok... pagagalitan kita kapag matagal kang umuwi sa gabi, ookrayin kita kapag kakanta ka ng wala sa tono, ako ang pupunas sa iyong katawan kapag may lagnat ka o malasing ka, uutusan kitang mag-igib ng tubig o mag-ayos ng bubong, makinig ako kapag may problema ka, o sikreto, at ako ang maglalaba ng mga brief mo.”   Patuloy pa rin ako sa pag-iyak.   “Simula ngayon, ako na ang nanay mo, tatay mo, kapatid mo, pamilya mo. At kung may mas higit pa roon, ako pa rin iyon...”   Iyon na ang huli kong natandaan. Nakatulog akong sumasandal sa balikat ni John habang inaakbayan niya ako at hinahalikhalikan ang aking buhok. Nang magising ako kinabukasan, nasa kuwarto na ako, nakatakip ang buong katawan ko ng kumot habang sa gilid ko naman ay si John, naka-boxer short lang, ang isa niyang braso ay nakapatong sa aking dibdib habang ang aking ulo naman ay nakapatong sa isa rin niyang braso.   Hinawi ko ang kanyang kamay na nakapatong sa ibabaw aking dibdib. Dali-dali akong bumalikwas at bagamat masakit pa ang aking ulo. Tumayo ako at ginising si John. “John... gising na.”   Kinuskos ni John ang kanyang mga mata at inaninag ang paligid. “Uhmmm.” Iniunat niya sa kanyang katawan.   Napatingin ako sa gitna niyang katawan habang umunat siya. Hindi ko sinadyang makita ang malaking bukol ng kanyang boxers. Hindi ko na pinansin iyon. Normal lang naman iyon. Ganoon din kasi ako lalo na sa umaga. Tinumbok ko ang isang sulok at naupo sa may bintana at ibinaling ang paningin sa kawalan.   “Umaga na pala. Ang sarap ng tulog ko. “Anong gusto mong kainin Tok,” ang tanong ni John.   Nilignon ko siya. “Wala akong gana, eh. Bahala ka na lang d’yan,” ang sagot ko.   Tumalikod siya at tinumbok ang kusina, naghanda ng almusal. Nang matapos na, dala-dala niya ang isang plato na may kanin, may scrambled na itlog, at may kape rin. “Kain na Tok... Gusto mo, subuan kita?” ang tanong niya.   “Wala akong gana talaga eh...”   “Pilitin mo ang sarili mo, Tok. Para rin ito sa iyong kapakanan. Para hindi ka gugutumin, hindi ka manghina o magkasakit. Kung nakatingin sa iyo ang inay mo ngayon, sigurado akong malulungkot siyang nakikitang ganyan ka. Kaya kumain ka, please...” ang panunuyo niya.   Nang tiningnan ko siya, nakahanda na pala ang isang kutsara na may lamang pagkain at dali-dali niyang isinubo ito sa aking bibig. Sa bilis ng kanyang ginawang pagsubo sa akin ay hindi na ako nakapalag. Nasa bibig ko na ang kanin at wala na akong nagawa. Mistula akong isang batang hindi marunong humawak ng kutsara at kailangang subuan pa. Nang naka apat na subo na siya, kinuha ko ang plato. “Ako na John,” ang sambit ko. Ngunit inilagay ko lang iyon sa sahig at ang kinuha ko ang ay ang baso ng kape at ipinatong iyon sa gilid ng bintana.   Sa gabing iyon ay nag-inom uli kami. Walong beer lang ang kanyang binili. Tama na raw iyon dahil ayaw niyang gabi-gabi kaming umiinom-inom. Baka masanay daw ako at magiging lasenggero. Doon pa rin kami sa pampang nag-inom.   “Dito sa ilog na ito ay palaging naglalaba ang inay. Noong bata pa ako, ang saya-saya ko kapag naglalaba siya at dinadala niya ako rito. Naglalaro ako sa tubig. Kapag nagutom na, kakainin namin ang aming baon na balinghoy at ang kapares noon ay bagoong.”   Tahimik. Nakinig lang siya sa akin.   “Minsan ay may isang insidente na inanod ako sa malalim na bahagi ng tubig. Muntik na akong malunod, nakainom ako ng maraming tubig. Mabuti na lang at napansin ako ng inay. Agad niya akong sinagip. Simula noon, tinuruan na niya akong lumangoy kahit ang liit-liit ko pa.”   “Gusto mo, maligo tayo sa ilog?” ang tanong niya.   Napangiti ako sa kanyang sinabi. Tiningnan ko siya. Kitang-kita ko ang saya sa kanyang mukha nang makita niyang nakangiti ako. Dali-daling inilatag niya ang kanyang bote ng beer sa damuhan, tumayo at naghubad ng pantalon at T-shirt atsaka mag-dive. “Habulin mo ako Tok!” ang sigaw niya.   Naghubad na rin ako ng short at t-shirt at dumive. Hinabol ko siya. Naghabulan kami sa ilog.   Sa gabing iyon ay kahit papano, napangiti niya ako, napasaya. Panandalian kong nalimutan ang sakit ng pagkawala ng aking inay.   Kinabukasan ay halos ganoon pa rin ang aming setup. Malungkot pa rin ako. Si John pa rin ang naghanda ng agahan.   Alas 10 ng umaga, nakita kong tumungo siya sa likod ng bahay, dala-dala ang balde at itak. “Saan ka?” ang tanong ko.   “Nakita ko ang balinghoy sa likuran ng bahay, puwede na sigurong mag-harvest.”   Hinayaan ko na lang siya. Maya-maya bumalik uli siya sa loob ng bahay. May laman na ang balde na kanyang dala. Dumeretso siya sa kusina.   Alas 11 ng mapansin ko na naman siyang hinalungkat ang mga labahin namin. Ipinasok niya ang mga iyon sa palanggana.   “Anong gagawin mo?” ang tanong ko.   “Maglaba tayo sa ilog. Dalhin natin ang balinghoy na niluto ko,” ang sagot niya.   Napatitig na lang ako sa kanya. “Hindi mo naman kailangang gawin ito eh. Puwede naman akong maglaba. Gulong-gulo pa lang ang isip ko kung kaya ay halos hindi pa gumana iyong normal na takbo ng aking utak. Parang bangag ba...”   Natawa siya. “Okay lang iyan. Normal lang ang iyong naramdaman. Kaya nga narito ako upang damayan ka, gabayan ka, tulungan ka,” ang sambit niya sabay bitbit sa palanggana, balde. “Tara na! Dalhin mo iyong kaldero ng balinghoy. May bagoong na rin sa baso at inilagay ko sa loob ng kaldero,” ang nakangiting sabi niya.   Tumalima na lang ako. Nang nasa ilog na kami, tinulungan ko siyang maglaba. “Nasaan ang brief ko? Dalawa iyon na nasa labahan?” ang tanong ko.   “Heto o... nilabhan ko,” sabayabay angat sa brief na kasalukuyang kinuskos niya. “Ang isa ay tapos na,” sabay turo rin sa isang nakalatag na sa ibabaw ng bato kasama sa iba pang nasabonan na.   Napatingin ako sa kanya. “Ba’t ikaw ang naglaba niyan?” ang tanong ko. Syempre, nahiya ako. Personal na gamit iyon at hindi pa mga bago, iyong harapan ay nag-iba na ang kulay.   “Hayaan mo na, Nak. O, baka gusto mong maglaro sa tubig, mag-ingat ka lang baka makalunok ka ng maraming tubig. Tuturuan kitang lumangoy mamaya,” ang biro niya.   Natawa na lang akong napatingin sa kanya. “Tarantado!”   HULING ARAW na iyon ng suspension ni John. Huling araw din iyon ng hiniling kong pag-absent sa klase dahil sa pagkamatay ng inay. “Papasok na ako bukas, John..,” ang sambit ko.   “Ako rin ay papasok na bukas..,” ang sagot niya. “Tapos na ang suspension ko. Sabay tayong pumasok bukas.”   “At doon ka na rin matutulog sa apartment mo?”   Tiningnan niya ako. Binitiwan ang isang matipid na ngiti. “Ano sa tingin mo?”   Binitiwan ko ang isang malalim na buntong-hininga. “Syempre, sa apartment mo. Hinahanap ka na ng tito mo.”   Binitiwan niya ang isang ngiti. “Dito na ako titira sa iyo, Tok,” ang sambit niya. Ngunit may pahabol. “Kung papayag ka.”   “Ha? P-paano ang apartment mo? Iyong mga kasama mo roon? Anong sasabihin ng tito mo?”   “Nagpaalam na ako sa kanila. Okay lang sa kanila.”   “Eh... buti’t pumayag sila. Okay lang sa akin kung ganoon,” ang sagot ko.   “Alam mo naman, ‘di ba? Walang pakialam sa akin ang papa ko. Binibigyan lang niya ako ng pera. Para sa kanya, pera lang ang katapat ng lahat. Ang mama ko naman, hindi ko alam kung nasaan siya, at wala rin siyang pakialam sa akin. Kahit magpalaboy-laboy pa ako sa lansangan, okay lang,” ang sambit niya.   “Eh, ang tito mo na siyang guardian mo rito?”   “Naintindihan ako noon. Kahit anong hihilingin ko sa kanya, papayag iyon.”   “K-kawawa ka rin pala, John. Halos pareho tayo ng kapalaran.”   “Siguro nga. Baka itinadhana talaga tayo para sa isa’t-isa,” sabayabay tawa.   “Ngek!” ang sagot ko. “Ah tama. Itinadhana tayong maging magbest friends,” dugtong ko.   Tinitigan niya ako. Pagkatapos ay pinisil ang pisngi. Itatanong ko pa sana ang tungkol sa aksidenteng narinig kong usapan nila ng girlfriend niya sa may highway, sa gilid ng eskwelahan. Ngunit hindi ko na itinuloy pa ang tanong. Baka kasi masyadong personal na.   “Basta okay lang sa iyo na dito ako tumira, ha?” ang tanong niya. “Baka makulitan ka sa akin?”   “Oo naman! Ikaw pa!” ang sagot ko rin.   “Gusto ko... Tok na rin ang tawag mo sa akin,” ang sambit niya sabay katok sa dinding na kawayan, nagpatawa.   “Kilalanin muna kita,” ang sagot ko rin.   Simula noon ay nagsama na kaming dalawa sa bahay. At dahil nakapagbitiw ako ng pangako sa aking inay na ila-lock ko ang kuwarto niya at hindi ko pakikialaman o gamitin ito para lagi ko siyang maalaala, sa kuwarto ko natutulog si John, magkatabi kami sa aking kama.   Napakalaking tulong ang naibigay sa akin ni John sa pagtira niya sa bahay namin. Marahil ay kung ako lang ang mag-isa roon, mahihirapan ako. Bagamat may maliit na manukan naman ako at nagtatanim ng mga gulay at kamoteng-kahoy. Kung iyon lang ang aking aasahan, hindi ko mabibili ang iba pang mga pangangailangan at gamit ko sa eskuwelahan. O baka mapilitan akong maghanap ng mag-extrang trabahong mapagkakakitaan. Ngunit dahil naroon si John, natulungan niya ako sa financial na pangangailangan. Syempre, natulungan din niya akong mabilis na makamove on sa pagkawala ng inay. Nakakahiya ngunit sabi nga niya ay kagustuhan niya iyon at wala siyang hinihiling na kapalit.   May mga pinaayos din siyang mga parte ng bahay na nasira na sa tagal na hindi naayos ang mga ito, kagaya ng bubong at dinding na butas-butas na, ang balon ay pinagawa niyang de-bomba upang mas mabilis at madali ang pag-igib, at marami pang iba. Gusto ko sanag imungkahi sa kanya na bumili ng kama para tig-iisa na kami kasi malikot ako kapag natutulog ngunit nahiya na ako. Mahal din kasi ang kama.   Sa mga gawaing bahay naman ay hati kami sa trabaho. Pero kadalasan, siya ang gumagawa. Ayaw kasing paawat. Nakakahiya na ang isang mayaman na kagaya ni John ay nagtiis na samahan ako, natulungan ako, at halos magpaalipin na lang sa akin.   Lumipas pa ang ilang araw at halos tanggap na sa aking isip na wala na ang inay. Marahil ay kung wala si John, mahihirapan akong tanggapin ang lahat. O baka tuluyan pa akong mababaliw. Malaki ang naitulong ni John upang matanggap ko ang lahat, at mabilis na maka-recover. Nanumbalik na ang pagiging masayahin ko, ang pagiging positive ko sa buhay.   Sa ilang araw na nagsama kami ni John ay unti-unti ko na rin siyang nakilala. Iyong impression ko sa kanya dati na tahimik na tao, nagmamanman sa isang sulok, hindi masalita ngunit kapag nagsalita naman ay straight to the point, tapos hindi mahilig sa dada o kuwento, lahat ay ipinapakita sa gawa. Kapag galit, impulsive, walang takot at kapag may sinabi ay gagawin kahit may magagalit pa. Napagkamalang masungit o snob ngunit mabait pala. Tahimik na tao ngunit may kulo rin sa loob at marunong ding magbiro, mang-okray, at makipagharutan. Iyon ang mga nakita ko sa aming pagsasama, ang isang side niya na masayahin, makulit, mahilig magbiro, may pagka-pilyo ngunit maaalalahanin, sweet, at mapagmahal. Marahil ay kung babae lang ako at manligaw siya sa akin, siguradong sasagutin ko siya. Masuwerte ang taong mamahalin niya.   Ngunit syempre, habang lumalalim ang pagkakakilanlan mo sa isang tao, may madiskubre ka ring mga bagay na nakakainis, o nakaka bad trip. Sa akin ay iyong sobrang pagkasweet niya na parang ang turing niya sa akin ay syota niya. Hindi naman sa ayaw ko noon, naiilang lang siguro ako. Hindi kasi ako sanay na kapwa lalaki ay ganoon ang turing sa akin. Parang ano iyon? Kagaya nang sa kainan, gusto niyang subuan ako. Nilalagyan ng ulam ang plato ko. Pinapakialaman ang mga gamit ko at kapag ayaw niya ay sasabihin sa akin na itapon na ito, o heto ang isuot mong T-shirt. Ayaw ko ng ganoon. Ang inay nga hindi ako pinapakailaman kasi, alam ng inay ko na nagagalit ako kapag pinapakialaman ako.   At ang pinakaayaw ko sa lahat ay iyong sa pagtulog namin sa gabi. Kung sa unang mga gabi na nagsama kami sa isang higaan ay wala akong napansin dahil either lasing ako o iyong sobrang lungkot ko dahil bago pa lang namatay ang inay, okay lang iyon. Ngunit habang tumatagal ang pagsasama namin sa iisang kama, naiirita na ako kapag ganyang ipatong niya ang kanyang hita sa aking harapan, yayakapin ako, o isingit sa ilalim ng aking ulo ang kanyang braso. Naiinitan na nga ako, nakakabalisa pati ang ganoon. Para kaming mag-asawa. At lalo na kapag magising ako sa umaga na tumitigas ang ari, tapos nakikita kong tulog siya ngunit ang kanyang kamay naman ay nakapatong sa ibabaw ng ari ko. Ew.   Ngunit ang isang kagandahan din kapag malalim na ang inyong pagkakakilanlan sa isa’t-isa ay iyong hindi na kayo masyadong naiilang na gawin o sabihin ang mga bagay na dati ay hindimo magawa o masabi sa harap niya. ‘Di  ka na rin nahihiyang sawayin siya, o sigawan, o makikipagharutan, o makikipaglokohan. Nawala na iyong hiya at pagkailang.   Kaya sa oras ng tulugan ay parang aso’t pusa kami sa ibabaw ng kama. “Ano ba John! Umusog ka nga roon! Ang liit-liit na nga ng kama, nasa gitna ka pa pumuwesto! Wala na akong ispasiyo rito sa gilid!” ang bulyaw ko.   “Ikaw ang umusog rito,” ang sagot din niya.   “Bakit ako uusog sa iyo? Ang init-init eh.”   “Gusto kong yakapin ka.”   “Yakapin? Bakit mag-asawa ba tayo?”   “Kahit ‘di tayo mag-asawa, puwede naman tayong mag-s*x, ‘di   ba?” ang biro niya at matatawa.   “Eww! Usog na roon! Tatadyakan kita kapag ‘di ka umusog eh!”   Kapag ganoong nagagalit na ako, uusog na siya. Ngunit kapag tulog na ako, ‘di ko na alam. Magigising na lang kasi ako na minsan, naging unan ko na ang bisig niya. Minsan naman, nakalingkis na ang kanyang braso sa aking katawan o kaya, ang hita niya ang nakapatong sa aking p*********i. Ang matindi ay minsan ang kamay talaga niya ang nasa ibabaw ng aking bukol. Magulat na lang ako niyan pagkagising ko.   Kaya isang araw, ‘di ko na talaga natiis ang pagkabad trip ko kapag natutulog kami. May naisip akong paraan. Umalis noon si John, nagunta sa apartment niya, may kukuhaning gamit at may mga bibilhin daw. Doon ko na isinagawa ang aking plano. Hapon na nang nakabalik siya kaya wala siyang kaalam-alam sa ginawa ko. Pagdating na pagdating niya ay kumain kaagad kami. May binili kasi siyang pagkain kaya iyon na ang aming hapunan.   Oras ng tulugan, nagulat na lang siya nang pumasok sa aming kuwarto. “Ba’t dalawa na ang kama riyan? Ang tanong niya.   “Ba’t ‘di ka ba masaya na ginawan kita ng kama? Maging matiwasay na ang pagtulog natin, presko, hindi na masikip. Nag-effort pa ako na mamutol at maglagari ng kawayan, napagod ako sa kakamartilyo para mabuo iyan, nagutom... at ako lang mag-isa ang gumawa niyan, wala ka man lang thank you?”   “Ba’t ako mag thank you. ‘Di ko naman hiniling iyan? At ang pangit ng pagkagawa! Ang sakit sa likod! Paano ako makakatulog nito?” Ang dami niyang tanong. Tila napakalaking problema. Hindi niya matanggap na may sarili na siyang kama.   “Paano ka makakatulog? ‘Di ba nasanay ka nang mahiga sa kawayan na kama ko? Ngayon ka lang magrereklamo? Kung gusto mo, palit tayo ng kama, ako d’yan sa bago.”   “Bakit ka ba gumawa ng isa pang kama? Wala naman tayong problema sa isang kama ah!”   “Walang problema? Ang init-init, tapos minsan pa ay sinasakop mo ang buong kama at nasa dulo na ako. Tapos nangyayakap ka pa!”   “Ano daw? E ikaw nga itong yumayakap sa akin at hindi makatulog kung hindi ko niyayakap eh! Ang himbing-himbing mo nga! Kapag tumalikod naman sako sa iyo, ikaw naman itong tatagilid paharap sa akin at ililingkis mo pa ang braso mo sa katawan ko, ‘di ako halos makakilos! Himbing na himbing ka. Tapos ipapatong mo ang hita mo sa harapan ko.”   “Ano? Niyayakap kita? Tsura mo!”    “D’yan na lang tayo kasi!”   “D’yan ka sa bagong kama mo. Huwag kang mag-alala, sagrado ang kama na iyan. At may powers iyan. Siguradong himbing na himbing ang tulog mo riyan,” ang nakangiti kong pang-aasar.   “May powers pala ha!” ang sagot niya habang sumampa sa akin na nakahiga na sa aking kama. Nakipagbunuan ako.   “Ano baaaaa! Lumipat ka na roon! Letse!” ang bulyaw ko.   Ngunit hindi pa rin siya lumipat, nanatiling nakayakap sa akin. Nagpambuno kami. Ngunit dahil mas malaki ang katawan niya, talo ako. Sa inis ko ay tumayo ako at pumunta ng kusina. Nang bumalik na ako ng kuwarto ay dala-dala ko ang itak. Doon ako humiga sa kama niya dahil ang kama ko ay hinigaan niya. Inilagay ko ang itak sa aking tagiliran. Panakot sa kanya. “Kapag ikaw ay lumipat dito, iitakin talaga kita,” ang pagbabanta ko pa.   Tumingin siya sa akin. “Kapag may naputol na bahagi ng aking katawan bukas... Wala akong ibang pagbibintangan kundi ikaw!” ang sambit niya.   “Iyan ay kung buhay ka pa niyan!” Ang sagot ko rin.   Kaya hayun, wala na siyang nagawa. Kaso, halos hindi rin ako makatulog dahil sinadya niyang magdadaldal. Kesyo ang sakit-sakit ng likod niya, kesyo hindi siya makatulog kung walang kayakap o patungan ng kanyang paa, kesyo takot siya sa dilim... sobrang laki talaga ng problema niya sa gabing iyon, parang mas malaki pa kaysa problema ng global warming o mga giyera sa mundo.   Pero kahit papaano, nakahinga ako ng maluwag. Habang nagmamaktol sya, ang sarap-sarap naman ng pakiramdam ko na solo ko ang aking kama. Nakangiti pa ako habang nagtalukbong ng kumot. “Ang sarap talagang nag-iisa sa kama,” ang parinig ko sa kanya.   “Mabuti  ka pa. Ako rito hindi makatulog!” ang sagot din niya.   SABADO IYON, wala kaming pasok ngunit may practice ang aming grupo para sa isang role-playing sa English na subject. Requirement kasi iyon para sa aming grado sa mid-term. Kaya obligado akong pumunta sa eskuwelahan. Hindi sumama ni John. Himala dahil kadalasan ay sumasaman naman siya sa akin, kahit saan ako magpunta ay palagi siyang nakabuntot. Ngunit sa pagkakataong iyon ay hinayaan niya ako.   Alas 2 na ng hapon nang matapos ang aming practice. Nang nakarating na ako ng bahay, laking gulat ko nang nasa labas ng bahay si John, sa harap ng malaking kawa na puno ng tubig at nakapatong sa pugon na nag-aapoy pa. Bigla akong kinabahan dahil nakakakita lang ako ng ganyan kapag may kakataying baboy. Iyong baboy na alaga ko pa naman ay maliit pa, hindi pa puwedeng katayin.   “Anong ginagawa mo?” ang tanong kong kinabahan.   “Nagpakulo ng tubig,” ang kalmante naman niyang sagot.   “Para saan?”   “Wala lang, gusto ko lang.”   “Gusto mo lang? May sayad ka? Nagpakulo ka ng tubig d’yan sa malaking kawa dahil gusto mo lang? Walang dahilan?”   “Oo... gusto ko lang magpakulo.”   Dahil kinabahan ako, inusisa ko ang paligid at pati na ang kanyang gingawa. Doon ko napansin sa isang gilid ang pira-pirasong kawayan na ginamit niyang panggatong. Iyong iba ay may nakakabit pang pako. Naghinala na ako. “Iyan ba iyong kama na ginawa ko para sa iyo?” ang tanong kong tumaas ang boses.   “Oo..,” ang kalmante pa ring sagot niya habang ang malaking sandok ay inilubog niya sa tubig na nasa kawa at pinaikot-ikot pa ang tubig na para talagang may niluluto siya.   Doon na tumaas ang boses ko. Tila ang lahat ng dugo ko sa katawan ay umakyat sa aking utak. “Diyoskopooooo! Bakit naman Johnn! Bakit mo ginawang panggatong ang kama na ginawa ko! Hayop ka!!!” sabay hila sa isang pirasong kawayan na nakasalang pa sa apoy at nag-aapoy pa ang dulo. Dali-dali kong hinabol si John dala-dala ang umaapoy pang kawayan habang simbilis naman ng kidlat siyang kumaripas, hawak-hawak ang malaking panandok. “Kapag naabutan kita ikaw ang ilublob ko d’yan sa kawa ng pinakuluan mong tubig, tangina mo!!!”   “Wala akong panggatong eh! Kaya naisipan kong gawing panggatong itong sagradong kama na gawa mo. At makapangyarihan nga talaga siya! Ambilis kumulo ng tubig sa kawa eh!” ang sagot niya habang patuloy na tumatakbo.   “Walang panggatong, nagpakulo ka lang ng tubig na hindi ko alam kung para saan hayop ka, kama talaga ang kailangang panggatong!” ang bulyaw ko habang sinugod siya, dala-dala ko ang mahabang kawayan na umaapoy pa ang dulo.   “Tok!!! Maghunos-dili ka! Makakapatay ka ng pogii!!!” ang sigaw niya.   “Iyan nga ang gusto ko eh! Pogi ang gusto kong pakuluan ko sa kawang iyan, animal ka!!!”   Humantong ang aming paghahabulan sa ilog. Nang nasa pampang na ako, sinabuyan niya ng tubig ang dala-dala kong kawayan dahilan upang mapatay niya ang apoy. Kaya wala na akong nagawa kundi ang umuwi sa aming bahay. Nang nadaanan ko ang isinalang niyang kawa, nanghinayan na lang ako sa pagkakita kong sunog na kamang pinaghirapan kong gawin.   Kinagabihan ay balik uli kaming nagtabi sa iisang kama. Habang sarap na sarap siya sa pagyayakap sa akin, ako naman itong nag-alburoto at minumura siya.   (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD