By: Michael Juha
getmybox@hotmail.com
Fb: Michael Juha Full
-------
Lunch break nang nakarating kami sa school. Ako ang nauna at sa likod ko ay nakabuntot si John. Dumeretso kami sa student center. Nang napansin ng aming mga kaklase pagsabay naming dalawa, kitang-kita ko sa kanilang mga mata ang pagkagulat at pang-uusyuso.
Umupo ako sa mesa kung saan sila nag-uumpukan habang si John naman ay sa kabilang mesa, nag-iisa.
“Tok... nagsama kayo niyan? Friends na kayo?” ang tanong ni Daniel na halos pabulong, inilapit ang kanyang mukha sa mukha ko at palihim na itinuro si John.
“Oo nga..,” ang pagsegunda naman ng ibang mga officers.
Nilingon ko si John. “Di ah! Aksidente lang kaming nagkasabay niyan sa may gate,” ang sagot ko naman. Syempre, in denial ako dahil ayaw ko ng maraming tanong, lalo na kapag nalaman nila na doon iyong tao natulog sa amin at kinarga pa ako sa pag-uwi.
“Ba’t sabay kayong nag-absent? Tapos, sabay din kayong nagreport ngayon?” ang tanong uli ng isang officer.
“Ah, malay ko ba sa kanya,” ang sagot ko. “Basta nagpang-abot lang kami sa gate.”
“Ah,” ang halos sabay nilang pagtango na tila hindi naniniwala.
“Akala namin friends na kayo eh,” ang sambit naman ni Jane.
“Alam mo, kapag naging magkaibigan kayo, ang tawag sa inyo ay ‘Tok-Hang!’ Ang pangit pakinggan! Parang war on drugs lang!” ang sambit ni Jeff.
Nagtawanan naman ang grupo.
“Ah. Baka mahirap sigurong mangyari iyan,” ang sagot ko.
“In fairness Tok... ipinagtanggol ka niya kahapon. Bigla akong napahanga sa kanya,” ang seryosong sambit ni Daniel.
“At ang galing niyang manuntok! Kamag-anak yata ni Manny Paquiao eh! Knock out agad si Enchong. Lalong ma inlove nito si Joy sa kanyang ‘Hang’!” Ang sabi ni Jeff.
“True!” ang biglang pagsagot din ni Joy. “Pero, dati pa, alam ko na, mabait iyang si ‘Hang’ ko,” ang sagot din ni Joy.
“Ayiiiiiiiiii!” ang sigaw ng mga barkada.
“Totoo! Syempre, nakakausap ko rin naman siya. At Hang-bait!!!”
Tawanan.
Nakitawa na lang din ako. Ngunit sa isip ko lang, “Kung alam niyo lang na siya rin ang muntik nang bumasag ng mukha ko...”
“Oo nga pala, Tok, hinahanap kayong dalawa ni Mr. Cervantes kanina,” ang pagsingit ni Tony.
“Ha? Bakit kasama ako?”
“Ikaw dahil siguro presidente ka at baka may itatanong sa iyo. At siya..,” sabayabay turo kay John, “...dahil sa nangyaring pambugbog niya kay Enchong.”
“Bakit? M-may hatol na ba sa kanyang parusa?” ang tanong ko.
“Wala namang sinabi.”
Nang may napansin naman ang mga officers. “Wow! Bago ang uniporme natin ah!” ang sambit ni Jeff na hinipo pa talaga ang aking uniporme. Isinuot ko na kasi ang bigay na uniporme ni John. Hindi siya pumayag na papasok kami sa school na hindi ko suot ang ibinigay niya. Iginiit niyang nag-promise daw ako na isuot ang unipormeng bigay niya nang magkainuman kami nang nakaraang gabi.
“Bakit ba kung bago? Anong akala ninyo sa akin, poor?” ang biro ko.
Tiningnan ako ni Emily, iyong tingin na nagpahiwatig na hindi siya naniniwala na binili ko ang uniporme. Umikot siya sa aking likuran at palihim na hinawi ang dulo ng polo, tiningnan ang kabilang side. May nakatagong borda kasi roon na mga initials, “JJI”, initials ni John. Nang makita ito ni Emily, nakangiting tiningnan ko siya. Napangiti rin siya sa akin at binigyan ako ng thumbs up sign. Inilapit niya ang kanyang mukha sa aking tainga at bumulong. “In fairness, bago rin ang knapsack mo ha?”
Natawa na lang ako.
“Woi! Ano iyon?” ang sambit ni Jeff na napansin na tila may inilihim kami sa kanila.
“Amin na lang iyon,” ang sagot ko. “Bigyan niyo naman kami ng privacy paminsan-minsan.”
Tawanan.
Maya-maya ay umihi ako. Nasa may gilid ng pader ang aming CR sa ground floor kaya doon ako nagtungo.
Papasok na sana ako sa CR nang may naulinigan akong boses sa may highway sa gilid lang ng pader ng eskuwelahan. Mataas ang boses. Halatang galit. “Ba’t ka ba nandito? Hindi mo ba alam na dapat ay wala akong contact sa mga tao sa atin?”
Dali-dali akong lumapit sa may pader. Hindi ako nagpahalata. Nagulat ako nang nakita ko si Johnny na nasa gilid ng kalsada, nakatayo sa gilid ng nakaparadang itim na SUV, ang kausap niya ay isang magandang babae.
“Na-miss na kasi kita, Johnny hindi ko matiis eh,” ang sagot naman ng babae.
“Namiss mo ako? Diyos ko naman Yeng! Hindi ka ba nag-iisip? Alam mo bang sa ginawa mo ay maaaring may masamang mangyari sa akin?”
“Nag-iingat naman ako eh.”
“Nag-iingat? Eh kung may sumunod sa iyo at malaman na nandito ako, anong magagawa mo? Okay lang sa iyo na mapatay ako???”
“S-sorry na please. Gusto kong makasama ka kahit ngayon lang,” ang sabi ng babaeng umiiyak.
“Hindi nga puwede, eh!”
Doon na tumaas ang boses ng babae. “Hindi puwede? Siguro ay may iba ka na rito, ano?”
“Arrggggghhh!” ang sambit ni Johnny na halos gutayin na lang ang ulo sa pagpigil sa inis. At baling niya sa driver na nasa loob lang ng sasakyan, “At ikaw, bakit mo ba dinala ito rito? Ni ayaw ko ngang magpasundo sa iyo tapos heto, dinala mo rito? Gusto mo bang ipasesante kita? Anong klaseng…” Hindi na itinuloy ni Johan ang sasabihin. “Ibalik mo to sa pinaggalingan nito! At ayaw na ayaw kong makikita ko pa kayo rito ha?”
“Hindi ako babalik John kung hindi mo ako bibigyan ng oras na makasama ka!” ang banta ng babae.
Napakamot si Johnny sa kanyang ulo. “Sige… basta umalis lang kayo rito. Dali!” ang sagot ni John. Pinasakay niya ang babae sa sasakyan na agad ding pinaandar ng driver. “Nasa apartment mo lang ako!” ang sabi ng babae na dali-daling sumakay.
Dali-dali akong pumasok sa CR. Nang nakabalik na ako sa student center, naroon na rin si John sa kanyang inuupuan. Tila napakalaking palaisipan sa akin ang aking narinig na usapan nina John at kanyang girlfriend, kung girlfriend niya nga iyon. Ang alam ko lang ay mayaman siya. Kahit ‘di niya sinasabi ito, at kahit hindi siya nagdidisplay ng mamahaling gamit o gadgets, halata ito sa kanyang balat, sa kanyang mga suot na damit, at mismong sa kanyang pananamit. Sabagay, transferee lang siya sa eskuwelahan na iyon kaya inaasahan ko na marami pa talaga kaming hindi alam tungkol sa kanya. Ngunit sa narinig ko sa kanilang pag-uusap, hindi maalis sa aking isip na maaaring malalim ang dahilan kung bakit napadpad siya sa aming probinsya.
Nakaupo na kaming lahat sa klase at handa na para sa pagdating ng guro sa unang subject namin sa hapon na iyon nang biglang pumasok ang secretary ng principal at tinawag si John. “Mr. Iglesias, please come!”
Tumayo si John at sumunod sa secretary. Tila expected na niya iyon. Walang pag-aalangan na sumunod siya.
Paglipas ng may kalahating oras, bumalik si John. Umupo sandali at inilapit ang kanyang mukha sa aking tainga. “Suspended na ako, Tok. Hindi na ako pinapapasok, effective ngayon mismo. Hindi ko na tatapusin ang mga klase natin ngayon.”
“Ha?” ang aking pabulong na reaksyon. Napalingon ako sa kanya. “I-ilang araw?” ang pabulong kong tanong.
“Two weeks,” ang sagot niya. Natahimik siya sandali. Kitang-kita sa kanyang mukha ang ibayong lungkot. “Aalis na ako,” dugtong niya.
room at lumabas. Ni hindi man lang siya lumingon.
“O-okay…” ang tanging naisagot ko na lang. Tila isang bomba ang narinig ko sa kanyang sinabi at sa tindi ng aking pagkagulat ay hindi ko alam kung ano ang isasagot.
“Ingatan mo ang iyong sarili, Tok,” ang dugtong niya sabay tayo at bitbit sa kanyang knapsack. Tinumbok niya ang pintuan ng kuwarto.
Sa aking kalituhan ay wala akong nagawa kundi ang pagmasdan siya habang naglalakad patungo sa pinto ng kuwarto. Gusto ko pa sana siyang sundan at kausapin, itanong sa kanya kung hindi ba kami magkita, o ano ang plano niya sa dalawang linggong suspended siya, kung pinagbawalan din ba siyang dumalaw sa eskuwelahan o makipagkita pa ba siya sa akin. Ngunit naunahan ako ng hiya. Nakayuko lang siya na halos hindi tumingin sa mga kaklase namin hanggang umabot siya sa pintuan.
Kitang-kita ko ang pagkagulat ng aming mga ka-klase. Lahat sila ay lumingon sa akin. Ang iba ay nagbubulungan.
Hindi ko lubos maisalarawan ang naramdaman ko sa sandaling iyon. Bigla akong nalungkot at na-guilty. Ako ang ipinagtanggol niya ngunit siya itong nasu-suspend. Sobrang nahiya ako at ewan, may panghihinayang din akong nadarama na baka hindi ko siya makita nang dalawang linggo. Kung kailan nagkagaanan n asana kami ng loob, saka naman siya mawawala.
Nagsilapitan sa akin ang aking mga kaklase at nagtanong kung anong nangyari kay John. Sinabi ko ang totoo. Pati sila ay nalungkot. Kagaya ko, napamahal at napabilib sila kay John dahil sa ipinamalas niyang pagtanggol sa akin. Ngunit hanggang sa awa lang ang magagawa namin.
Nang matapos ang klase sa hapon ay mistulang wala ako sa aking sarili. Na-miss ko yung pangungulit ni John, o iyong kahit nariyan ang guro at abala sa pagtuturo abala rin si John sa pangungulit at pagtatanong sa akin ng mga irrelevant at walang kwentang tanong gaya ng kung bakit iyong pusa ay nguminiyaw, kung bakit ang English ng buwan ay moon, kung bakit ang dalawang mata ng tao ay hindi nagkakakitaan, kung bakit ang paa ng manok ay may mga kaliskis, kung bakit ang baboy ay nakayuko kapag naglalakad. Kung bakit ang puwet ng tao ay nasa likuran imbes na nasa mukha at ang bibig ay dapat nasa puwet. Mga katarantaduhang tanong, pang-inis lang, pagpapapansin. At kung hindi ko naman papansinin, hindi siya mahinto sa pangangalabit.
Minsan habang kinulit niya ako ay sinigawan ko siya ng “Ano baaaa! Ang kulit mo!”
Nagkataon na nagdiscuss ang aming guro, si Miss Yap. “Anong ingay iyan, Timmy?” ang tanong ni Miss Yap.
“Ito po kasing si John, tanong nang tanong po eh. Ang kulit!” ang sagot ko.
“Bakit, ano ba ang tanong niya? Baka masagot ko.”
Sa inis ko ay talagang sinabi ko. “Bakit daw may pekpek ang babae.”
Kitang-kita ko ang pamumula ni Miss Yap. Pansin ko naman ang pigil na pagtatawa ng mga kaklase ko. “Totoo ba yan, John?” ang galit na tanong ni Miss Yap.
Tarantang tumayo si John. “H-hindi po Maa’m! Ang tanong ko po ay ‘Bakit may pakpak ang babaeng ibon.”
“Totoo ba, Timmy?” ang tanong naman ng guro sa akin.
“Hindi po pakpak ang narinig ko Miss. At wala po akong narinig na ibon sa sinabi niya.”
Dahil doon ay naparusahan siya ng pagtayo isang buong oras sa harap ng klase habang nagle-lecture si Miss Yap. Tuwang-tuwa naman ako dahil wala nang makulit sa aking likuran.
Natapos ang buong araw ko sa school na mabigat ang kalooban. Nang nasa may gate na ako ng eskuwelahan, nagulat ako at tila naglulundag ang puso ko sa tuwa nang makita ko si John sa labas ng gate. “Kanina pa ako naghintay sa iyo rito, Tok… hindi na kasi ako pinapapasok pa ng guard eh. Pinagbawalan na ako.”
“G-ganoon ba? Mabuti naman nahintay mo pa ako.”
“Oo nga eh. Tyaga-tyaga lang para sa ekonomiya,” ang sambit niya sabay tawa. Inabot niya sa akin ang isang supot. “Heto pala, para sa iyo, paborito mo.”
“Ano ‘to?” ang sagot ko’ng medyo excited habang tinaggap ko ang binigay niya.
“Tingnan mo.”
Nang tiningnan ko, Empanada ang laman. Natawa ako. “Naghintay ka sa akin para bigyan lang ako ng empanada?”
“Syempre, best friend kita,” ang sambit niyang binitiwan ang isang nakakalokong ngiti, sinabayan pa ng pagkindat.
Napangiti na rin ako. “Best friend ba talaga?”
“Bakit ikaw ba ay ayaw mo akong maging best friend?”
Tiningnan ko siya. “Oo naman,” ang sagot ko. “Paano mo pala nalaman na gusto ko ‘tong empanada?”
“Di ba inilaglag ka ng inay mo sa akin? Sabi mo raw sa kanya na masarap ang empanada? Ba’t nga ba sinabi mo sa kanya iyon?”
Inirapan ko lang siya. “Wala lang akong maikuwento kaya iyon na lang ang sinabi ko.”
Natawa siya. “Hmmm. Nagdedeny pa to!”
“Iyan nga ang totoo,” ang sagot ko. “Musta ka na?” ang paglihis ko sa usapan.
“Heto… malungkot. Pero okay lang,” ang sambit niya. “Tara, sama ka muna sa akin.”
“S-saan?”
“I-treat kita. Mag inuman tayo kahit sandali lang.”
“Anong mayroon?” ang tanong ko.
“Celebration sa pagkasuspinde ko.”
Tiningnan ko na lang siya. “Tado!”
Pinuntahan namin ang lugar kung saan kami nag-inuman noong nakaraang gabi. Nang naroon na kami, nag-order siya ng kalahating case na beer at sampung pirasong barbecue na manok at sampung piraso rin na barbecue na baboy. Nag-order din siya ng kanin. Kumain muna kami.
“Kalahating case lang ang inumin natin Tok kasi… naghihintay ang girlfriend ko. Nandito kasi siya, na-miss daw niya ako. Sinabi ko sa kanya na makipagkita ako sa iyo upang magpaalam. Pumayag naman siya. Bukas kasi ay uuwi kami ng Baguio hanggang matapos ang aking suspension. Tapos babalik na rin ako rito after two weeks para sa klase,” ang sabi niya. Bagat pilit niyang itinatago, ramdam kong may lungkot sa kanyang mga mata.
“B-Baguio? ‘Di ba sa Manila ka?”
Nahinto siya. “E... ‘di ko pala nasabi sa iyo, may bahay din ang papa ko sa Baguio. Doon kami uuwi.”
“Ah... g-ganoon ba?” ang sagot ko. “So 2 weeks pala tayong hindi magkikita nito.”
“G-ganoon nga Tok. Nakakalungkot. Ma-miss mo kaya ako?”
“Oo naman. Kahit ganyan ka kakulit, ma-miss pa rin kita.”
Binitiwan niya ang isang hilaw na ngiti. “Mabuti naman. Promise, hindi na kita kukulitin kapag nakabalik na uli ako sa klase natin.”
Sinuklian ko lang ng matipid na ngiti ang kanyang sinabi.
Tahimik.
“Oo nga pala, pakisabi sa inay mo na pagbalik ko galing ng Maynila, ipapa-check up natin siya. Iyong executive check up, lahat-lahat na sa kanyang katawan para alam natin ang karamdaman niya at ano ang tamang gamot para sa kanya.”
“Huwag na John. Nakakahiya naman. Mahal yata iyang ganyan eh. Maliban sa mga gamot niya, may mga herbal supplement siyang ininom.”
“Mas maigi na na makita talaga kung anong karamdaman mayroon siya. Mahal mo ang inay mo, ‘di ba? Ayaw mong mawala siya sa iyo, ‘di ba? Atsaka nasabi mo sa akin na sinula’t-sapul ay hindi pa na-check ng doktor ang iyong inay. May edad na siya, at may karamdaman. Maganda kung alam natin ang status ng kanyang kalusugan. Kaya kailangan talagang ipatingin natin siya.”
Tumango ako.
“At isipin mo na lang na para sa kanya itong pagtulong ko, parang regalo ko na sa inyong dalawa dahil sa pagiging magkaibigan natin. Mag best friends,” ang paggiit niya sa salitang best friends.
Napangiti ako sa kanyang sinabi. At kahit nahihiya ako, practical na lang siguro na tanggapin ko ang alok ni John. Wala talaga akong magagawa para sa inay eh. Wala rin akong malalapitan upang hingian ng tulong. Kaya sumang-ayon ako. “S-salamat, John. Hulog ka ng langit para sa amin. Hindi ko akalain na hahantong sa ganito ang pagtulong mo sa akin.”
“Walang anuman, Tok. Ikaw pa. Ang lakas mo sa akin,” sabayabay taas ng kanyang bote ng beer at isinagi iyon sa hawak ko ring bote. “Cheers!”
Maya-maya ay inabot niya ang aking knapsack. May hinanap sa loob nito. Tapos, hinugot niya ang ballpen at isang notebook. May isinulat. Inabot niya sa akin ang notebook at pinabasa ang kanyang isinulat. “09123456xxx. Tawagan mo ako, Tok kapag na-miss mo ako.”
Tiningnan ko siya. Nginitian atsaka tumango. Kahit wala naman akong cell phone, natuwa pa rin ako na kahit papaano ay binigyan niya ako ng paraan upang ma-contact siya kung sakali.
Inangat niya ang kanyang kamao at inilapit sa akin. Alam ko ang ibig niyang sabihin. Sinagi ko ang kamao niya sa kamao ko. Nag fist bump kami.
Naka tig-lilimang na beer na kami nang biglang may dumating na sasakyan, iyon iyong sasakyan na nakita ko sa may highway sa gilid ng eskuwelahan. Isang babae ang lumabas mula sa loob nito.
“John! Nandito ka lang pala!” ang sigaw ng babae. Siya rin iyong babaeng nakita ko sa eskuwelahan. “Akala ko ay sa Star Resto Bar ka nagpunta!” ang dugtong na sabi ng babae tapos nahinto, tiningnan ang aming mesa. “Ewww. Kadiri naman dito! Ang dumi-dumi ng mesa at plato! May mga langaw pang dumadapo! Ano ba iyan! Mabuti’t nakakakain kayo niyan!” ang pagturo niya sa kanin na hindi namin naubos at barbecue na nakalagay sa plato. At baling kay John, “Dati ang arte-arte mo kapag nakakakita ka ng ganitong klaseng kainan, o kapag may dumi ang plato o kutsara, lalo na kapag dinadapuan pa ng langaw, ayaw mo nang kumain. May nagbago na ata ah. Is there anything I missed out?”
Tinitigan lang ni John ang babae, iyong matulis na may pagbabanta. Agad namang natahimik ang babae. Naramdaman niya ang galit ni John.
“Upo,” ang utos ni John.
Umupo ang babae na halatang nandidiri pa rin. “Ito pala si Timmy. Timmy Suarez. Best friend ko sa school,” ang pagpapakilala ni John sa akin. “Tok, si Yeng.”
Iniabot ko ang aking kamay upang makipaghandshake ngunit hindi ito tinanggap ng babae. At imbes na makipagkamay ay kumaway lang siya. “Hi!” ang sambit niya sabay bitiw ng isang pilit na ngiti.
Ngumiti na lang din ako. Alam ko, mayaman din iyong babae kaya ganoon na lang siya kung umasta. Naintindihan ko siya.
Naubos ko na ang panglimang beer at ganoon din si John nang nagyaya ang girlfriend niya na umalis na sila. “P-pare, mauna na kami sa iyo ha? May pupuntahan pa kasi kami, tapos maghanda pa para sa biyahe namin bukas ng umaga,” ang pagpapaalam ni John. “Ikaw na ang bahala d’yan pare. Bayad na iyan. Pahiwatig niya sa natirang beer at pagkain.
“Ok lang John. Happy trip na lang! Ingat sa biyahe!” ang sambit ko rin.
Sinundan ko sila ng tingin habang naglalakad patungo sa nakaparadang sasakyan. May inggit akong nadarama. Bagay na bagay kasi silang tingnan, guwapo at maganda, parehong matangkad, sexy ang babae at parehong mayaman. Parang mga artistang love team sa isang pelikula. Binitiwan ko na lang ang isang malalim na buntong hininga.
Dahil ako na lang mag-isa, pinabalot ko na lang ang pagkain at dali-dali kong tinungga ang dalawang bote ng beer hanggang sa naubos ito.
Medyo lasing na ako nang umuwi. Nang nakarating ako ng bahay, sinabi ko sa inay na na-suspend si John at sa pagbalik niya ay ipapa-check up siya ni John. “Nakakahiya naman, Tok,” ang sagot ng inay.
Ipinaliwanag ko na lang na mayaman si John at wala namang hinihingi na kapalit. Halos maluha-luha ang inay sa narinig.
“Alam mo, Tok, hindi ka na makakahanap pa ng kaibigan na kasing-bait ni John,” ang sambit ng inay na binitiwan ang isang matipid na ngiti. “Kung sakaling darating ang panahon na magkaroon kayo ng hidwaan, pilitin mong ayusin ang pagkakaibigan ninyo. Huwag mong pabayaan na mawala ang ganyang klaseng kaibigan sa iyo.”
Hindi ako nakakibo. Hindi ko rin kasi alam kung bakit niya nasabi iyon tungkol kay John. Dahil ba ito sa tulong ni John sa kanya o dahil sa paghatid sa akin ni John na kinarga niya ako sa kanyang likuran. O nagkausap din sila at may sinabi si John sa kanya na siyang dahilan upang maging positive ang pagtingin niya kay John.
“Lalo na Tok... kapag isang araw na wala na ako, may isang kaibigan na kagaya ni John ang nariyan para sa iyo at hindi ka iiwan.”
Doon na ako umalma. “Inay naman! Bat kayo nagsasalita ng ganyan! Kakabadtrip eh!”
“Totoo naman iyan, Tok eh. Matanda na ako, syempre, mauuna ako.”
“Huwag mo ngang banggitin iyan Nay! Tigas ng ulo ah!”
“Naawa lang kasi ako sa iyo, Nak... mag-isa ka na lang kapag nangyari iyan.”
“Kaya nga ipapa-check up ka ni John eh! Kulit!” ang pagtaas na ng aking boses sabay walk out na nagdadabog. Dumiretso ako sa aking kuwarto at doon ay umiyak nang umiyak. Nalungkot lang kasi ako dahil umalis na nga si John, kamatayan pa niya ang sinabi.
Lumipas pa ang ilang araw at doon ko na naramdaman ang pagnanabik ko kay John. Parang nagkaroon ako ng isang kapatid na biglang nawala sa akin at hindi ko alam kung paano sumaya nang bigla siyang nawala. Palagi siyang pumapasok sa aking isip. Nangunguila ako sa mga kulitan namin, sa awayan, sa mga kabulastugan niya. Sa klase ay tila wala akong ganang makinig sa mga leksyon. Lalo akong nalulungkot kapag nakaupo sa aking puwesto na wala na siya sa aking likuran. Gusto ko sana siyang tawagan sa numero na binigay niya ngunit wala naman akong cell phone. Kahit puwede naman akong manghiram kay Emily o kahit sino sa mga kaibigan ko ngunit nahihiya naman ako na baka kasi maka-istorbo sa kung ano man ang ginagawa nila ng girlfriend niyang si Yeng sa Baguio. Naisip ko kasi na baka nasa kasagsagan sila ng saya o adventure at maiistorbo ko sila. Kaya minarapat kong huwag nang tumawag.
Pangsampung araw na iyon na suspension ni John. Maaga akong nagising sa hindi ko maintindihang dahilan. Agad akong naghanda ng agahan, nagsaing ng kanin at pagkatapos ay naligo. Nang nakapagbihis ay inihanda ko na rin ang aming agahan, ginising ko ang inay.
“Nay! Nay! Kain na po tayo!” ang sambit ko.
Ngunit hindi gumalaw ang inay.
Muli ko siyang ginising at hinila pa ang kanyang braso upang tumayo siya. Ngunit hindi pa rin siya gumalaw.
Matinding kaba ang aking naramdaman. Tiningnan ko ang kanyang mukha. Nakapikit siya na mistulang natutulog lang bagamat walang emosyon at tila namumutla. Inilapit ko ang aking tainga sa kanyang bibig at ilong upang mapakinggan ko kung humihinga ba siya. Ngunit wala akong naramdamang paghinga. Pati ang kanyang pulso ay wala ring t***k.
Doon na ako napasigaw. “INAAAAAAAAYYYYYYYYYYY!!!”
(Itutuloy)