Hotel,
Baguio city
"Pasok ka na, Boyong," paanyaya ni Damien sa batang kasama niya. Mabuti na lang at medyo nawawala na ang dumo-dobleng paningin niya. Pero naroroon pa rin ang epekto ng alak sa katawan niya.
Nahihiya pa pumasok si Boyong kaya siya na mismo ang kumuha sa kamay nito para papasukin sa loob ng kuwartong inuukupa niya sa Hotel.
"Nagugutom ka ba? Teka, magpapa-deliver ako ng makakain natin," wika ni Damien.
Hindi niya naman puwedeng pabayaan 'tong bata na dala niya at maghumilata na lang buong magdamag, at magkunwaring mag-isa siya ngayon sa kuwarto niya. Dahil may obligasyon siya sa batang ito. Iyon naman ang kagustuhan niya kaya nga sinama niya si Boyong.
"Opo, Kuya Damien!" nagningning ang mga mata ni Boyong. "Kanina pa nga po ako hindi kumakain, eh…" dagdag pa nito habang hinahawakan ang sariling tiyan.
Napansin lang ni Damien, ang slang nito magsalita ng tagalog. Para bang nagsasalita rin ito ng English. Pinagmasdan niya ang itsura nito, parang anak-mayaman naman.
"O-okay. Dito ka lang, Buddy," sagot ni Damien na nakangiti sa bata. Lalo pa tuloy siya nakaramdam ng awa para kay Boyong.
Bumuntonghininga siya. Kung bakit naman kasi gano'n ang tiyuhin ng bata. Mukhang mabait at magalang naman si Boyong ayon sa pag-aanalisa niya. Ang sarap tuloy tuktokan sa ulo ang magaling nitong tiyuhin. Nanggigil tuloy siya.
Hindi bale na, bubusogin na lang niya si Boyong dahil halata na wala pa nga itong kain base sa tamlay ng aura nito. Narinig pa nga niya ang pagkulo ng tiyan ng bata. Kaya mabilis siyang um-order ng kanilang makakain. Tamang-tama dahil gutom na rin siya. Simula kasi kanina nang mag-umpisa ang Event ay wala pa siyang kain dahil wala siyang kagana-gana. Pero ngayon na may kasama siyang bata ay siguradong gaganahan na siya at mapaparami pa ng kain.
Dumating ang in-order ni Damien kaya inumpisahang lantakan nila ni Boyong ang lahat ng iyon.
Nang maubos nila ang mga pagkain ay pareho silang hindi makakilos dahil sa sobrang kabusugan. Paano naman kasi iba’t ibang klase ng pagkain ang in-order ng binata kaya ayun, para silang sawa na nakalulon ng isang malaking baboy dahil hindi sila makagalaw pareho sa sariling kinauupuan.
"K-kuya Damien...hindi po ako makagalaw sa sobrang kabusugan," nakangiwing wika ni Boyong habang sapo-sapo ang sariling tiyan.
Napangiwi rin sa Damien habang nakahawak na rin sa sarili niyang tiyan.
"A-ako rin—" napadighay siya na ikinatawa naman ng bata, "buddy," pagpapatuloy niya sa naudlot na sasabihin.
Sabay silang napahagalpak ng tawa ni Boyong.
"Kuya Damien…" tawag ni Boyong kay Damien.
Napalingon naman si Damien sa bata. Kasalukuyang nakahiga sila ngayon sa malapad na kama. Kahit papano ay humupa na rin ang kabusugan nila. Naka-idlip na nga siya kaso ang bata ay mukhang naninibago pa kaya hindi ito makatulog. Pinakiramdaman niya kasi ito dahil panay ang bangon-higa nito kanina pa.
Hindi siya sanay na may katabi matulog, at lalong ayaw niya na ginigising kapag masarap na ang tulog niya dahil ekis iyon sa kan'ya.
Pero dahil bata naman si Boyong at malapit nga ang loob niya sa mga bata ay okay lang sa kan’ya na katabi itong matulog. At okay lang din sa kan’ya na ginising siya nito.
"Why, buddy? Okay ka lang ba?” tanong ni Damien kay Boyong habang kinukusot niya ang mga mata.
"H-hindi po kasi ako makatulog...natatakot po ako kay Tito... Baka saktan na naman niya ako," anito ng bata na nagsimula na naman humikbi.
Kaya napabangon si Damien mula sa pagkakahiga upang aluin si Boyong. "Hush, buddy. Wala ang tito mo rito. At hindi ka niya masasaktan kapag ako ang kasama mo. Hindi rin siya makakalapit sayo kung iyan ang ikinakatakot mo dahil sagot kita. Kaya tahan na," pag-aalo ni Damien. Tinapik-tapik niya ang balikat ni Boyong bilang pagpapakalma sa bata.
Base sa nakikita niya ay mukhang may trauma na ang bata dahil sa kagagawan ng tiyuhin nito. Kahit hindi niya nakita ang buong detalye ng pang-aabuso nito sa bata ay nararamdaman niya iyon base sa kinikilos ni Boyong. Siguro mas maigi kung isasama na lang niya ito pabalik ng Maynila bukas, sa Condo niya. Tapos dadalhin na lang niya ulit pabalik dito sa Baguio sa susunod na pagbabalik niya sa lugar. Para kahit papano ay makalimutan nito kahit saglit lang ang takot sa tiyuhin, ipapasyal niya na rin ito para malibang. Siguro wala naman masama roon. At hindi naman siya siguro sasampahan ng k********g dahil gusto niya lang naman tulungan ang bata. Baka siya pa nga mismo ang magsampa ng kaso sa tiyuhin nitong siraulo.
At sino naman kaya ang magsasampa sa kan’ya ng k********g kung meron nga? Eh, kilala siya bilang ‘Superman’ ng mga bata sa Baguio dahil ang pangunahing tuntunin niya ay ang tulungan ang mga bata na nangangailangan ng kan’yang tulong.
Yeah, I am superman! proud niyang sabi sa isipan.
"Isasama na kita mamayang madaling araw pagbalik ko sa Maynila, buddy." aniya ni Damien na ikinaliwanag ng mukha ni Boyong.
"Talaga po, Kuya Damien?!" bulalas nito na bakas sa mukha ang saya.
"Yes, buddy. Okay lang ba sayo ‘yon?"
"Okay na okay po!" mabilis naman na sagot ni Boyong.
Ngumiti naman si Damien saka hinaplos sa ulo sa Boyong. "Okay. Now, we need to sleep na dahil maaga pa tayong aalis bukas." wika niya na ikinatango naman kaagad ni Boyong.
...
Greyson condo building, Makati
"Mama, dito na po ba tayo titira? Mas gusto ko po rito. Ayoko na balik sa bahay natin sa Amerika," aniya ni Dero na tuwang-tuwa pa. Hindi na nito hinintay ang isasagot ng ina dahil patakbo-takbo na ito sa loob ng kabahayaan. May tatalon pa sa sofa sabay lundag pababa. Paminsan-minsan ay pagulong-gulong din ito sa tiles na ikinatatawa na lang ni Trina.
Dapat kasi kahapon pa sila magpapahatid sa driver dito sa Condo, ang problema ay natulog ulit si Dero pagkauwi nila galing sa Hospital kaya hindi na niya ito ginising pa. Dahil ayaw na ayaw ng anak niya na ginigising ito kapag nasa kasarapan ng pagtulog. Siguro nasa ugali na talaga ni Dero ang gano'n. At may tao talaga siguro na ganoon.
"Talaga, anak? Ako nga rin eh. Kaso hindi puwede na dito tayo mag-i-stay forever. Babalik rin kasi tayo sa Amerika, anak," sagot niya kay Dero na ikinanguso naman ng bibig ng huli.
"Bakit, Ma? Magagalit po ba si Papa Andrew?" nakangusong tanong ni Dero.
Napatigil si Trina sa paglagay ng mga damit nila sa closets sa sinabing iyon ng kan’yang anak. Humarap siya kay Dero na ngayon ay nakaupo na sa malapad na kama habang ang mga mata ay nakatingin sa kawalan habang nag-aantay ng sagot mula sa kan'ya.
"H-hindi naman sa gano'n, anak. Ano kasi...doon kasi ang trabaho ni Papa Andrew mo sa Amerika kaya kailangan na doon rin tayo kasama siya," paliwanag niya kay Dero. Umaasa siya na maintindihan siya ng anak dahil hindi naman ito mahirap paintindihin kahit sa murang edad nito.
"Pero mas gusto ko dito Mama... I love Philippines! Dito na lang tayo, Ma, please…" saad ng kan’yang anak na mababakas ang pagmamakaawa sa tono ng boses.
Bumuntonghininga naman si Trina dahil hindi niya alam kung paano ibibigay sa anak ang kahilingan nito. Alam kasi niya na imposibleng mangyari iyon dahil sa Amerika na ang buhay nila.
"I can’t promise, anak. Pero susubukan kong kausapin si Papa Andrew na mag-extend pa tayo ng bakasyun dito para makapag-enjoy ka pa. Okay na ba iyon?" pahayag niya kay Dero pero deep inside ay hindi niya alam kung mangyayari nga ba ang sinasabi niya sa anak.
"Okay po, Mama!" masayang wika ni Dero. Nagpa-cute pa ito sa kan’ya habang nakataas-baba ang magkabila nitong kilay.
Nilapitan naman niya ang anak at walang anu-anong kiniliti ito. "Ikaw talaga ha! Nagpapa-cute ka na naman kay Mama, alam mo naman na iyan ang kahinaan ko, eh!" ani niya kay Dero habang tinutusok-tusok ito sa may tagiliran bagay na ikinatawa naman nito ng malakas.
"Mamaa…!" sigaw ng kan’yang anak nang hindi niya ito tigilan sa pagkikiliti.
Gumulong-gulong pa ito sa higaan na tila uod na nilagyan ng asin.
Ilang segundo pa sila sa ganoong eksena nang tumigil si Trina sa ginagawa dahil hinihingal na rin siya sa kakulitan nila ng anak. Pawis na pawis na rin sila pareho ni Dero.
"Oh, siya, tama na nga yan. Halika ka na nga rito, Baby ko!" paglalambing ni Trina sa anak na ngayon ay nakatayo na sa ibabaw ng kama at balak pa sana nito kumaripas ng takbo para takasan siya. Patawa-tawa naman siyang tinignan ito.
"Ayaw! Kikilitiin mo lang ako Mama, eh!" hinihingal na wika ni Dero. Tagatak na ito ng pawis kahit na naka-aircon naman sila.
"Hindi na nga, anak. Kaya halika na kay Mama. Yayakap lang ako sa baby ko!" masuyong paglalambing niya sa anak at umaakto pa siya na niyayakap ang sarili.
Napangiwi naman si Dero sa sinabi niya. "Mama, hindi na nga ako baby! Mag four na nga ako 'diba?!" pagmamaktol nito sa sinabi niya na pinasama pa ang mukha.
"No. Baby pa rin kita forever!" natatawang pang-aasar ni Trina sa anak.
Ang sarap kasi nitong asarin dahil lalo itong nagiging cute sa kan’yang paningin. Idagdag pa kapag nakabusangot ang guwapo nitong mukha.
Parang noon lang ay baby pa ito pero ngayon malaki na si Dero. Dati kalong-kalong niya lang ang kan’yang anak. Subalit ngayon ay mukhang siya na ang kakalongin ng anak dahil likas na malaki itong bata sa mura pa lang na edad. At matured na rin ito kung mag-isip.
Kaya nga nang binuhat niya ito nakaraan ay pakiramdam niya natanggalan siya ng kabilang braso dahil sa bigat ng kan’yang anak.
Alam niya na sa susunod pa na mga taon ay hindi na niya ito kakayanin pang buhatin. Gano'n talaga siguro ang mga kabataan ngayon, mabilis lumaki. Kung dati ay karga mo lang, magugulat ka na lang isang araw na hindi mo na pala sila kayang kargahin pa. At doon mo na lang ma-re-realize na ang bilis lang nilang lumaki.
Alam ni Trina na may pinagmanahan si Dero. Dahil hindi maipagkakaila kung sino ang kamukha nito. Dahil halos lahat ay minana nito sa Ama. Kaya sa t'wing pinagmamasdan niya ang mukha ng kan’yang anak ay naaalala niya kung paano ito nabuo. Kung paano ito binuo ng pagmamahal na kailanman ay hindi niya inaasahan, at kusa lamang umusbong sa kan’yang damdamin.
"I love you po, Mama!" malambing na wika ni Dero sa kan’ya. Bigla pa itong tumalon papunta sa kinatatayuan niya at lumambitin sa kan’yang leeg.
Nawalan pa siya ng balanse dahil hindi siya nakapag-prepare sa ginawa ng anak kaya bumagsak silang dalawa sa sahig habang tumatawa.
"I love you, too, Baby!"
"Mama…!"
Sigaw ni Dero nang umpisahang kilitiin ulit ni Trina ang anak. Pareho sila nagpagulong-gulo sa malamig na sahig ng silid na iyon. Naghahabulan, nagtatawanan. Kaya napuno ng ingay nila ang loob ng Condo dahil sa kakulitan nilang mag-ina.