Abala sa pagluluto si Trina para sa lunch nila ng Daddy Limuel niya. Ngayon ang araw na papasyal ito sa kanila.
Lahat ng puwedeng gayatin ay ginayat na niya. Ang ibang rekado na gagamitin niya para mamayang gabi sa dinner nila ay ginayat na rin niya at ipinasok na muna sa loob ng refrigerator.
Syempre kailangang sarapan niya ang pagluluto, may kasamang pagmamahal dapat. Dahil iyon ang pangunahing rekado niya.
Habang nagpi-prito siya ng isda ay sinabay na rin niya ang pagsasaing sa Rice cooker.
Nagluto rin siya ng sinigang na hipon na paborito ng kan’yang daddy, at Leche flan naman para sa dessert. Muntik pa siyang matilamsikan ng mantika sa mukha ng baliktarin niya ang Isda.
"Santisima!" naibulalas niya ng muntikan na naman siyang maghilamos ng mantika.
Mabilis siyang lumayo muna sa kawali.
Napangiwi siya sabay talikod para kumuha ng malapad na takip ng kaldero para gamitin pangsangga sa mantika, nang sa gayon ay hindi siya matilamsikan. Ewan niya rin kung bakit iyon ang kinuha niya. Siguro dahil iyon ang unang pumasok sa isipan niya.
"Akala mo ha! Mantika ka lang, tao ako!" aniya na kinakausap pa ang mantika.
Nagpapasalamat siya dahil wala si Dero, nasa kabilang unit kasi ito. Nagpaalam kanina na makipaglaro kay Boyong. Dahil kung nandito ang anak niya ay baka isipin nito na nasisiraan na siya ng bait.
Matapos niyang alisin ang isda ay nagpalit siya ng panibagong kawali saka naglagay ulit ng mantika, dahil ang isusunod niyang iprito ay ang Fried chicken na paborito naman ni Dero. Dinamihan na niya ang pag-marinate kanina dahil mamayang gabi ay luluto ulit siya para sa dinner nila kasama ang kapitbahay.
Ewan nga ba niya kung bakit atat siya na makilala ang tiyuhin ni Boyong. Siguro ay dahil magkaibigan ang dalawang bata kaya ganoon na lang niya kagustong makilala ito. Saka para na rin maging kaibigan siguro kasi magkapitbahay naman sila kaya mas okay ang gano’n.
"Ayan ka na naman!" nakangiwi niyang wika ng umpisahang ilubog ang manok sa kumukulong mantika.
Ang pinaka-ayaw niya kasi sa pagluluto ay ang pagpiprito. May isang beses kasi noong nagprito siya ng lechon kawali ay tumalsik ang mantika sa braso niya. Mabuti na lang hindi gaano ka-grabe ang tinamo niya noon. Pero sobrang hapdi pa rin no’n dahil nalapnos talaga ang kan’yang balat.
Kaya simula noon ay nadala na siya talaga sa pagpiprito. Kung hindi lang paborito ni Dero ang Fried chicken ay hindi niya gugustuhing magluto nito na kung tutuusin ay puwede naman siyang bumili ng luto na, pero mas gusto kasi ni Dero ang luto niya mismo.
Pagkatapos niyang magluto ay agad niyang inayos ang hapag-kainan. Naglagay na rin siya ng mga Plato, Kutsara’t tinidor at baso. At inihanda niya na ang mga pagkain para sa lunch.
Pagkatapos niya iyon gawin ay sakto namang bumukas ang pinto, pumasok roon si Dero.
"Hi, Mom!"
"Hello, baby! Sakto ang dating mo ah. Ready na ang lunch natin," wika niya at nilapitan si Dero para halikan sa noo. Natawa pa siya ng gumusot ang mukha nito dahil na naman sa pagtawag niyang 'baby'.
"Mom—"
Naputol ang sasabihin nito nang marinig nila ang katok sa pinto. Nagkatinginan pa silang dalawa.
"Si Grandpa na yata iyan," ani niya sa anak.
Tumakbo naman si Dero sa pinto upang buksan iyon. At tama nga ang hinala niya.
"Lolo!"
"Hello, my grandson!” agad binuhat ng Daddy niya si Dero at pinupog ito ng halik sa pisngi. Kapagkuwan ay bumaling rin ito sa kan'ya. "Hello, my princess!"
"Hi, dad. Sakto po ang dating mo." Nilapitan niya ito upang halikan sa pisngi. "Tara na po sa hapag, nakahanda na ang mga pagkain," aya niya sa ama.
"Tamang-tama, anak, dahil nagugutom na rin ako." saad ni Limuel.
Agad niyang dinala sa hapag ang ama at inasikaso ito. Ganoon din si Dero na mukhang nagutom na dahil natakam ito sa mga inihanda niyang pagkain sa mesa. Magana at masaya silang kumain ng pananghalian. Nagkuwentuhan rin sila ng ama, medyo marami naman silang topic na pinag-usapan. Kasama na roon ang nalalapit na pag-uwi ni Andrew. Alam naman niya iyon dahil bago sila umuwi noon ay nagsabi na ito na susunod na lang daw ang ito, pero hindi sinabi kung kailan. Tumawag pala ito sa Daddy niya para ipaalam na baka next week raw ay susunduin na sila ni Dero pabalik ng Amerika, bagay na ikinalungkot niya dahil gusto niya pa sanang magbakasyon ng matagal sa Pinas.
"Pero puwede naman na huwag na muna kayong sumama ni Dero pabalik, anak. At isa pa, nag e-enjoy pa si Dero dito sa Pinas," saad ng ama niya. Binalingan nito sa tabi si Dero at ginulo ang buhok nito. "Hindi ba, apo?" tanong pa nito kay Dero. Mabilis naman na tumango ang kan’yang anak.
Napabuntonghininga si Trina.
"Pero dad, hindi po papayag si Andrew. Alam mo naman ‘yon pagdating kay Dero. Kung puwede nga lang na sa tabi niya lagi ang anak niya, eh," wika niya.
Totoo naman iyon. Mahigpit si Andrew sa kan'ya at hindi maganda ang pagtrato nito minsan sa kan'ya, pero pagdating kay Dero ay nag-iiba ito. Mahal nito si Dero at iyon ang sigurado niya. Minsan nga lang ay hindi niya maintindihan ang ugali nito. May pagkakataon kasi na bigla na lang nagagalit ang binata na wala namang dahilan at pati si Dero ay nadadamay nito minsan. Pero humihingi rin ito ng paumanhin kay Dero kinabukasan.
"Don’t worry, anak. Ako ang bahalang kumausap kay Andrew." anang ama niya.
Tumango na lang siya. Pero sa isip-isip niya ay hindi papayag si Andrew. Kapag may sinabi kasi ang binata ay tinototoo nito.
Pagkatapos nilang mananghalian ay nagpaalam naman si Limuel na babalik na sa company nila dahil may meeting pa daw itong pupuntahan mamayang hapon.
"Bye, dad. Mag-ingat ka." paalam niya sa ama.
"Bye po, lolo!" saad naman ni Dero at hinalikan sa pisngi ang matanda.
Agad naman niligpit ni Trina ang mga pinagkainan nila matapos niyang ihatid ang ama pasakay ng elevator. Dinala niya iyon sa lababo at saka hinugasan. Habang si Dero naman ay nakahiga sa sala at nanood ng Tv. Naalala niya si Andrew, simula pala noong umuwi sila ay hindi pa ito tumawag para kausapin si Dero. Isang beses lang itong tumawag sa kanya no’ng sa Hotel sila. Hindi naman hinahanap ni Dero ang ama nito, ni hindi nga ito nagtanong kung uuwi ba ang papa nito. Napailing na lang siya. Ipinagpatuloy na lang niya ang paghuhugas at paglilinis ng kusina. Inalok naman siya ng daddy niya na kumuha ng katulong, pero tumanggi na siya. Hindi naman niya kailangan ng katulong dahil kaya naman niya ang gawaing bahay.
Matapos siya sa kusina ay pinuntahan niya ang anak sa sala. Napangiti siya habang pinagmamasdan ito. Nakatulog na ang anak niya habang yakap nito ang isang Teddy bear na dala na naman ng daddy niya kanina.
Tinabihan niya ito ng higa, patagilid niyang niyakap si Dero. At hindi naglaom ay nakatulog na rin siya.
...
Nagmamadali niyang tinungo ang kotse na nakaparada sa labas ng Greyson Building. Parang sinisilaban ang kan’yang puwetan sa sobrang pagmamadali.
Muntik na kasi niyang makalimutan ang tungkol sa dinner dahil sa marami siyang ginawa ngayong araw. Nang sipatin niya ang relo ay napamura pa siya.
"f**k! Pasado alas-otso na!"
Kaya binilisan niya ang pagpapatakbo sa kotse para makarating kaagad sa Condo. Mabuti na lang hindi iyon kalayuan sa company nila kaya saglit lang ang naging biyahe niya at narating niya kaagad ang destinasyon.
Ayaw pa naman niyang ma-dissapoint si Dero dahil kita niya sa mukha nito kagabi ang saya ng pumayag siya sa invitation ng Mama nito. Pero ang pinsan niyang si Drix ay nagkanda-haba ang nguso nang sabihin niyang hindi siya matutuloy sa Bar. Sinabi na lang niya sa pinsan na bukas na lang talaga.
Nang makababa sa kotse ay naging mabilis ang bawat hakbang ni Damien papasok sa loob ng building. Hindi na nga niya pinansin ang mga staff na naroon na bumabati sa kan'ya, diretso lang ang naging lakad niya patungo sa elevator.
Samantalang si Trina naman ay nagdadalawang-isip kung ililigpit na lang ba ang inihanda niyang pagkain o hindi, dahil alas-nueve na pero wala pa rin sina Boyong. Pinakain na lang niya si Dero kanina dahil nagugutom na ito. Ngayon ay nakaupo ito sa sofa at mukhang malalim ang iniisip ng kan’yang anak. Nakabusangot kasi ang guwapo nitong mukha habang nakatukod ang dalawang kamay sa magkabilang panga nito. Tila problemadong tao ika nga.
Medyo nakaramdam siya ng panghihinayang dahil sa hindi pagpunta nina Boyong at Tiyuhin nito. Sayang kasi dahil marami pa naman itong niluto niya, pero wala naman siya magagawa. Busy lang talaga siguro ang Tiyuhin ni Boyong, saka baka hindi naman talaga ng mga ito sineryuso ang invitation nila. Siya lang naman kasi talaga ang atat na makilala ang kapitbahay. Ilang beses na rin pumunta si Dero doon kanina para alamin kung dumating na ang Tiyuhin ni Boyong pero bumalik itong matamlay at bagsak ang mga balikat. At si Boyong naman ay nahihiya na rin pumuntang mag-isa, hihintayin daw nito ang Tiyuhin. Napabuntonghininga siya habang pinagmamasdan ang anak na nakaupo sa sofa.
"Anak, okay ka lang ba?" tanong niya kay Dero. Matamlay itong tumingin sa kan'ya.
"I’m okay po, mom." sagot nito. Pero ramdam niyang nagtatampo ito.
"Don’t worry, anak. Marami pa namang araw eh, baka busy lang ang Tito ni Boyong."
Hindi na kumibo si Dero kaya hinayaan na lang niya ito. Bumalik siya sa kusina at pinagmasdan ang mga pagkaing naroon. Bakit ba naman kasi siya nagluto ng marami? Napakagat siya sa pang-ibabang labi.
"Paano namin uubusin ‘to?" sambit niya habang nakatingin sa maraming pagkain.
Nag-antay pa siya ng ilang minuto, at ng wala paring kumakatok ay nag-desisyon na siyang ligpitin na lang ang mga pagkain. Naisip niyang hatiran na lang sina Boyong upang hindi masayang ang mga niluto niya. Pero nabitin sa ere ang pagbuhat niya ng malaking mangkok nang marinig niya ang sunod-sunod na pagkatok. Bigla siyang kinabahan, ewan nga ba niya kung bakit biglang tumambol ng malakas ang kan’yang dibdib. Pinakiramdaman niya ang puson. Bakit parang may mga paru-paro doon?
Kinakabahan siya at hindi niya alam kung bakit.
Hoy, Trina, umayos ka! Hindi naman artista ang mga bisita mo para magkaganyan ka! Kastigo niya sa sarili. Kailan pa siya naging nerbyusa dahil lang sa bisita?
"Mom, ako na po ang bubukas!" excited na wika ni Dero. Himala dahil biglang lumiwanag ang mukha nito. Mabilis nitong tinungo ang main door.
"S-sige, anak!"
Inayos naman niya ulit ang hapag, sinipat niya kung may mga kulang pa ba roon. At nang may maalala siya ay tinungo niya ang refrigerator upang kumuha ng juice. Tamang-tama dahil malamig na ang strawberry juice na ginawa nila ni Dero kanina. Gusto niyang batukan ang sarili dahil nanginginig ang kan’yang mga palad. Hindi naman siya napasma. Sa kaisipang iyon ay nais niyang kaltukan ang sarili.
"Mom, nandito na po sila!" narinig niyang sigaw ni Dero mula sa sala. Bakas ang saya sa tono ng boses nito.
Narinig rin niya ang mga yabag ng mga paa na papasok sa kabahayan kaya medyo nataranta na naman siya. Mabilis niyang sinalinan ng juice ang mga baso, nang matapos niya iyon gawin ay agad siyang tumungo sa sala para salubungin sina Boyong at ang Tiyuhin nito. Narinig niyang masayang nag-uusap ang mga ito, tapos may boses siyang narinig na pamilyar sa kan’yang pandinig kasabay no’n ay ang pagkabog ng malakas ng kan'yang dibdib.
Iwinaksi niya iyon sa isipan, baka mali lang ang naging pandinig niya, imposible naman kasi ang kan’yang iniisip. Kaya ipinagpatuloy niya ang paglalakad patungo sa direksyon ng mga ito.
Pagdating niya sa sala ay bigla siyang napatigil sa akma sanang pagbati sa mga bisita ng mapagtanto kung sino ang lalaking naroon. Karga-karga ng binata sa mga bisig nito si Dero habang malapad naman ang ngiting nakapaskil sa mga labi ng kan’yang anak.
"Mommy! Come here! Meet Mister Damien, my friend!" bulalas ni Dero nang makita siya nitong natuod sa kinatatayuan niya.
Oh, My god!
I can't believe that this is happening right now…!
Holy mother of god!
This can’t be...
Iyan ang mga linyang isinigaw ng kan’yang utak. Napadta siya kinatatayuan, umawang ang bibig, lumuwa ang mga mata, at laglag pati ang panga niya habang nakatitig sa bisitang naroon na buhat-buhat ang sarili niyang anak.
Dahil ang lalaking nasa harapan niya ngayon na mukhang nakakita rin ng multo ay walang iba kundi si Damien.
Samantalang si Damien ay natulos rin sa kinatatayuan.
Para siyang tinakasan ng dugo nang makilala kung sino ang babaeng nasa harapan niya ngayon. Nanlaki ang kan’yang ulo sa taas dahil sa pagkagulat. At sumunod rin nanlaki ang ulo niya sa baba saka nanikip iyon sa suot niyang pantalon nang makita ang babaeng matagal na niya gustong makita.
Pakiramdam niya ay kakapusan siya ng hininga dahil sa bilis ng tambol ng kan’yang dibdib. Napahigpit pa ang hawak niya kay Dero upang doon kumuha ng supporta para hindi siya mabuwal sa kinatatayuan niya ngayon.
Gusto niya itong takbuhin upang yakapin dahil ‘yon ang gusto ng katawan niya, at iyon rin ang sinisigaw ng isip niya, pero hindi siya makagalaw sa kinatatayuan. Hindi rin siya makapagsalita, parang umurong ‘ata ang dila niya. Hindi niya aakaling makikita pa niya ulit ang dalaga matapos ang halos tatlong taon. Sinubukan niyang ibuka ang bibig para magsalita, pero naunahan siya ni Dero.
"Mister Damien, siya po ang maganda kong Mommy! Si Mommy Trina!" pakilala ni Dero sa mommy nito.
Maganda… At lalo pang gumanda…
Pinagmasdan niya ng maigi ang mukha ng dalaga na ngayon ay mukhang nakabawi na rin mula sa pagkagulat.
Napalunok pa siya ng bumaba ang tingin niya sa mga labi nito.
Shit! Kalmahan mo lang Damien! Sikmat niya sa sarili.
"H-hi, I am Dero’s mom." pakilala ng dalaga sa sarili nito. Lumapit ito ng ilang dipa sa kinatatayuan niya at inilahad nito ang palad sa kan'ya.
At doon lang siya natauhan sa narinig. Kumurap-kurap siya ng ilang ulit para gisingin ang natutulog na diwa. Hindi niya maintindihan pero biglang sumikip ang kan’yang dibdib ng mag-sink sa utak niya ang sinabi nito. Mommy nga pala ito ni Dero. At ang ibig sabihin no'n ay pamilyado na ito ngayon. Nakaramdam siya ng panghihinayang at pagkabigo dahil hindi niya in-expect na sa pagkikita pala nila ay may pamilya na ang dalaga. Pilit niyang pinatatag ang sarili kahit pakiramdam niya ay tinutusok ng maraming karayom ang kan’yang dibdib. Tumikhim siya saka pinasilay ang pekeng ngiti sa mga labi.
"Hi. I'm Damien. And it’s nice to meet you again...Trina." pormal niyang wika saka kinuha ang kamay ng dalaga na nakalahad.