Nang makarating sa unit ay agad inayos ni Trina ang mga pinamili kanina.
Groceries, meat, at iba pa. Lalo na ang mga pinamili ni Dero na puro mga laruan. Natawa pa siya nang maalala ang nangyari kanina sa Mall kung saan...
"Are you mad, Tito Drix?" tanong ni Dero sa binata habang inilalagay nito sa loob ng cart ang bagong napiling laruan. Napansin kasi ng bata na biglang busangot ang mukha ni Drix. At padabog-dabog pa ito sa t’wing may bagong laruan si Dero na idinadagdag sa cart na tulak-tulak naman ng binata.
"H-ha? Ako? Naku, hindi kaya. Ako pa, marami ‘atang pera si Tito Drix mo! Saka guwapo pa!" pagyayabang ni Drix kay Dero.
Hindi maiwasang matawa ni Trina sa kaibigan dahil panay ang lingon nito sa kan'ya para humingi ng tulong. Kapag si Dero ang kaharap nito ay ang bait pero pagkalingon naman sa kan'ya ay sumasalubong ang mga kilay nito.
"Ah, akala ko po kasi galit ka, eh. Huwag ka po magalit kasi pumapangit ang mukha mo, Tito. Sige ka, hindi na tayo magiging magkamukha," pambobola pa ni Dero sa binata habang inilalagay ulit ang isang laruan sa cart na nagkakahalaga ng sampung-libo.
Pilit namang ngumiti si Drix sa bata habang panay ang paglunok nito dahil mukhang hindi pa rin natatapos ang bata sa kakadagdag ng laruan.
Pero nang humarap ito sa kan'ya ay bigla na naman umiba ang mukha nito.
"Ten thousand sa isang laruan?! Ilang sako na ng laruan ang mabibili no’n sa divisoria!" hindi makapaniwala na bulong ni Drix sa kan'ya. Ingat na ingat ito na hindi marinig ni Dero ang pagrereklamo nito.
Umaandar na naman kasi ang pagiging kuripot ng kaibigan niya. Pero tama nga naman si Drix sa sinabi nito, pero sorry na lang din dahil si Drix naman ang unang nagsabi kay Dero na mamili lang ito ng mga laruan na magugustuhan nito. Kaya ayon, masunurin ang anak niya kaya problema na Drix iyon.
Inakbayan niya si Drix at saka binulungan ito. "Okay lang ‘yan, Kuya. At isa pa madami ka namang utang kay Dero eh. Saka marami ka namang pera, kuripot ka lang talaga," Pagbibiro niya sa kaibigan na hindi naman maalis ang tingin sa kan’yang anak dahil panay ang kuha ni Dero ng mga laruan.
Umismid naman ito sa sinabi niya.
"Manang-mana talaga sayo ang anak mo! Mahilig mang hold-up. Buti na lang hindi si Damien ang tatay niyan, isa pa ang lalaking iyon! Mahilig rin magpalibre, bilyonaryo naman!" ani nito na may diin ang bawat katagang sinambit nito.
Bigla siyang napatahimik at napatitig sa kaibigan na ngayon ay kausap na si Dero. Umawang ang bibig niya. Bakit naman kasi nasali sa usapan si Damien?
Napabalik siya sa kasalukuyan nang tapikin ni Dero ang kamay niya. Napakurap-kurap pa siya ng ilang ulit.
"Mom! Akin na nga po! Ibibigay ko kay
Kuya Boyong!"
Mukhang kanina pa siya tinatawag ni Dero pero wala siya sa kan’yang sarili. Tila tulog siya pero dilat naman ang mga mata.
"Pero gabi na, anak. Bukas mo na lang ibigay kay Kuya Boyong mo," ani niya. Ibinaba niya sa lapag ang mga paper bag na naglalaman ng mga laruan upang makapili si Dero ng ibibigay nito kay Boyong.
Pero tumulis lang ang bibig ni Dero dahil hindi ito sang-ayon sa sinabi niya. Siguro excited lang talaga ito na bigyan ng laruan ang bagong kaibigan. At dahil ayaw niyang masira ang excitement nito ay pumayag na lang siya.
"Sige na nga. Basta huwag kana magtatagal do’n, Anak. Baka kasi nagpapahinga na rin sina Kuya Boyong mo at Tito niya," wika niya na ikinasaya naman ng mukha ni Dero.
Baka kasi oras na ng pahinga ng mga tao sa kabila tapos makikipaglaro pa ang anak niya doon, syempre nakakahiya naman ‘yon. Alas-otso na kasi ng gabi.
"Yes, Mom!" mabilis na sagot ni Dero.
Kinuha na nito ang paper bag at mabilis na tinungo ang pintuan palabas. Naiwan siyang napapailing habang sinusundan ito ng tingin. Nang sumara ang pinto ay ibinaling niya muli ang atensyon sa naudlot na gawain kanina.
...
Saktong papalabas naman ng banyo si Damien nang may pamilyar na boses siyang narinig. Boses ng isang bata na tuwang-tuwa habang kausap nito si Boyong. Hindi siya nagkakamali dahil narinig na niya ang boses na iyon.
Dali-dali niyang tinungo ang pinagmumulan ng ingay. At nang marating niya ang kinaroonan no’n ay nagulat siya nang makita ang isang guwapong bata na nakabangga niya sa Hallway. Tuwang-tuwa ito habang binubuksan ang isang laruan, at ibinigay iyon kay Boyong. Nakaupo ang dalawang bata sa mahabang sofa habang magkaharap ang mga ito. Hawak-hawak ang mga laruan na naroroon.
Siguro naramdaman ng batang si Dero ang kan’yang presensya kaya napabaling ito sa gawi niya. Nagtama ang kanilang mga mata, ngumiti siya kay Dero at ngumiti rin ito sa kan'ya.
"It's you!" bulalas nito.
Nagulat pa siya ng bigla itong tumayo at tumakbo papunta sa direksyon niya. Sinalubong nito ng yakap ang kan’yang bewang. Gusto niya tuloy maihi dahil sa kabang nararamdaman niya ngayon.
Hindi siya makagalaw, saglit siyang naparalisa sa kinatatayuan. May kung anong humaplos sa puso niya dahil sa ginawa ng bata. Katulad nang una silang magkita ay kumabog na naman ang kan’yang dibdib.
Nag-awtomatikong gumalaw ang tuhod niya. Lumuhod siya upang magpantay sila ni Dero. Pinagmamasdan niya ang mukha nito, nang magsawa siya ay mahigpit niya itong niyakap. At ganoon rin ang ginawa ni Dero. Kumapit pa ito sa kan’yang leeg.
"Magkakilala pala kayo ni Dero, Kuya Damien?" tanong ni Boyong. Nagulat pa ito sa nasaksihan.
Bumitaw naman si Dero kay Damien at ito ang unang sumagot sa tanong ni Boyong.
"Yes, Kuya Boyong. At friends din kami ni Mister Damien!" proud pa na wika ni Dero.
Napangiting tumayo si Damien at tumango rin kay Boyong bilang sang-ayon sa sinabi ni Dero. Ginulo pa niya ang buhok ni Dero at pinanggigilan ang magkabilang pisngi nito na ikinatawa naman ni Boyong.
Dinala niya ang mga bata sa kusina nang may maalala siya roon. Nang makaupo ang mga ito sa silya ay agad niyang kinuha sa loob ng ref ang strawberry na dala sa kan'ya ni Drix. Tamang-tama dahil balak niya talagang hatiran si Dero kaso nauna lang itong pumunta sa unit niya.
"Wow! Strawberries!" bulalas ni Dero nang makita ang kan’yang bitbit. Agad niya iyon inilapag sa mesa.
"I like it! This is my favorite!" dagdag pa ni Dero pero nag-alinlangan pa itong kumuha kahit na gustong-gusto na tikman ang mga iyon. Tumingin pa ito kay Damien para sana magpaalam pero inunahan na ito ni Damien.
Kumuha si Damien ng strawberry at ibinigay iyon sa dalawang bata na mabilis naman ng mga ito tinanggap at nagpasalamat sa kan'ya.
"Go, buddy. Puwede ka rin magdala niyan mamaya pagbalik mo sa unit niyo," nakangiting wika ni Damien at sinabihan rin si Boyong na kumuha lang at huwag na mahiya sa kan'ya.
Nagkuwentuhan silang tatlo habang nilalantakan ang strawberry. Naikwento ni Boyong sa kan'ya na nakapunta na daw ito sa unit nina Dero. Sinabi rin ng bata na ubod raw ng bait ang Mommy ni Dero. At maganda rin daw ito. Tumango-tango na lang siya sa mga sinabi ni Boyong.
Nang maubos nila ang laman ng plato ay bumalik sila sa sofa at naupo para manood ng Tv. Magkatabing naupo si Damien at Dero, habang si Boyong naman ay sa kabilang sofa ito pumuwesto.
Napabaling pa si Damien kay Dero nang ihilig nito ang ulo sa kan’yang balikat. Siguro inaantok na ang bata.
"Inaantok ka na ba?" tanong niya kay Dero.
Nag-angat naman ito ng tingin sa kan'ya. Ngumiti ito ng ubod ng tamis bago ito nagsalita.
"Hindi po." ani nito pero pumupungay na ang mga mata nito. Hinaplos niya ang ulo nito nang muli itong humilig sa balikat niya.
Pagkaminamasdan niya ang batang ito ay lalo niyang nakikita ang kan’yang sarili.
Fuck, Damien! Hindi lang naman ikaw ang may kamukha sa mundo! Naisigaw ng utak niya. Gusto niyang kurutin ang sarili ng sa gano'n ay magtigil na siya sa kalokohan niya.
"Kuya Damien, sabi po pala ng Mommy ni Dero, doon daw po tayo maghapunan bukas sa unit nila. Gusto ka raw po kasi makilala ng Mommy niya." wika ni Boyong.
Sumabat naman si Dero.
"Opo! Gusto ka nga makilala ni Mommy, Mister Damien!" Parang nawala bigla ang antok nito.
Ano ba ang isasagot niya? Alangan
naman na tumanggi siya sa bata. Kitang-kita naman na natutuwa ito sa kan'ya. Kaya hindi niya puwedeng hindi-an ang bibong ito.
"Okay. Pupunta kami ni Boyong bukas. Gusto ko rin makilala ang Mommy ng kaibigan ko na ubod ng pogi at bibo!"
natatawang sagot niya habang ginugulo ang buhok ni Dero.
"Yehey!" sigaw ni Dero na hinalikan pa siya sa pisngi. Natutunaw tuloy ang puso niya sa ka-sweet-an ng batang ito.
Magandang idea rin ang naisip ng Mommy ni Dero. Total magkapitbahay lang naman sila kaya mas mabuti kung makikilala niya ang mga parents nito. Sa tingin pa naman niya ay magkakasundo sila ng batang ito. Hindi pa man sila gano'n katagal magkakilala pero vibes na sila kaagad. Sana maka-vibes niya rin ang mga magulang nitong poging bata na 'to.
Nakahilig si Dero sa balikat ni Damien habang naka-akbay naman si Damien kay Dero. At si Boyong naman na nasa kabilang sofa ay naghihilik na, nakatulugan nito ang panonood ng palabas.
Sa ganoon silang posisyon nang magsabi si Dero sa kan'ya na uuwi na raw ito. Baka naga-antay na daw kasi ang Mommy nito. Nakaramdam pa ng lungkot si Damien nang magpaalam si Dero sa kan'ya.
Pero kailangan na rin talaga umuwi ng bata dahil gabi na, at baka nag-aalala na nga ang Mommy nito.
Kaya ihahatid na sana niya si Dero sa unit nito pero pagbukas niya ng pinto ay saka naman tumunog ang telepono sa sala. Kaya bumalik siya muna sa loob para sagutin iyon dahil baka importante ang tawag. At naiwan naman si Dero sa nakabukas na pinto. Pero sinenyasan naman niya itong hintayin lang muna siya. Tumango naman ang bata.
Pero maya-maya pa ay narinig niya ang isang boses ng babae. Mukhang kausap nito si Boyong. Nang akma siyang haharap para tignan ito ay saka naman ito tumalikod habang buhat sa mga bisig si Dero na natutulog na pala.
"Siya siguro ang Mommy ni little handsome!" bulong niya sa hangin at tinungo ang pintoan para isara iyon.
Samantalang kakatapos lang din mag-usap ni Trina at Daddy niya. Tumawag ito para sabihin na dadaan ito bukas sa unit nila. Nag-request pa ito na ipagluto niya daw sapagkat dito ito manananghalian bukas. Matapos niyang ibaba ang tawag ay saka niya lang naalala si Dero na hindi pa pala ito nakabalik hanggang ngayon. Medyo matagal din kasi sila nag-usap ng Dad niya kaya hindi niya namalayan ang oras.
Pasado alas-dyes na nga pala ng gabi. Wala pa rin si Dero. Baka nawili na ang kan’yang anak kakalaro sa kabila. Nakakahiya naman sa Tiyuhin ni Boyong.
Kaya mabilis niyang tinungo ang pinto at binuksan iyon para sunduin sana si Dero.
Pero pagkalabas niya palang ay agad niyang nakita si Dero na nakatayo sa labas ng pinto nina Boyong at parang may hinihintay ito. Pero papikit-pikit na ang mga mata ng anak niya na tila antok na antok na ito.
"Dero, anak. Halika ka na. Gabi na, magpaalam kana kina Boyong," sabi niya kay Dero nang makalapit siya sa anak.
"Okay, Mom…" sagot ni Dero.
Pero hindi naman nito iyon ginawa dahil nakapikit na ang mga mata nito. Kaya binuhat na lang niya ang anak at isinampa sa kan’yang balikat. Siya na lang ang magpapaalam kina Boyong at sa Tiyuhin nito.
Nang sumilip siya sa loob ay nakita niya sa sala si Boyong na nakaupo sa sofa at papungas-pungas ito ng mga mata na tila naalimpungatan pa ito.
"Boyong," tawag niya kay Boyong at agad naman itong tumingin sa direksyon niya. "Mauuna na kami ni Dero ha. Pakisabi na lang sa Tito mo. Salamat!" paalam niya saka mabilis na pumihit patalikod, naglakad ng ilang hakbang patungo sa kanilang unit habang karga sa mga bisig si Dero na mahimbing ng natutulog.
Pero bago siya tuluyang tumalikod kanina ay nahagip pa ng paningin niya ang isang malaking tao na nakatalikod habang may kausap sa telepono. Hindi niya ito agad napansin kanina nang sumilip siya. Nahiya naman siya na tawagin iyon, bakit close ba sila? Kaya pumihit na lang siya patalikod.
"Siguro siya ang Tiyuhin ni Boyong." ani niya bago pumasok sa sariling unit.