KABANATA-4

1951 Words
Araw ng Lunes ang alis nina Trina, Dero at Limuel sa Amerika pauwi ng Pilipinas. At matapos ang halos Labing-anim na oras na biyahe, ay lumapag na ang eroplanong sinasakyan nila sa NAIA. Karga-karga ni Trina sa mga bisig ang natutulog na anak habang ang Dad naman niya ang nagtutulak ng kanilang mga bagahe. Agad naman may sumundo sa kanila na tauhan ng Daddy niya sa Arrival area, at tumulong sa Dad niya upang dalhin ang kanilang mga gamit sa parking lot kung saan naghihintay ang kanilang sasakyan. "Dad, saan pala tayo tutuloy ngayon?" tanong niya sa ama habang nakasunod siya sa likuran nito. Naisip niya kasi na naka-renovate pala ang kanilang mga bahay kaya hindi na siguro sila tutuloy doon. Baka mag-hotel na lang sila. Isa pa, pagod na rin siya sa mahabang biyahe at siguradong ganoon din ang pakiramdam ng daddy niya ngayon kaya mas maigi na kung di-diretso na lang sila sa pinakamalapit na Hotel sa lugar. At bukas na lang tutuloy sa Condo na sinasabi ng Dad niya na located pa sa Makati. "Ikaw, anak. Puwede naman mag-book na lang tayo ng hotel, then, bukas ko na kayo ihahatid ni Dero sa condo," Limuel said. Tumango-tango naman siya bilang pagsang-ayon sa sinabi ng Ama. Inayos niya muna ang pagsampa kay Dero sa kan’yang balikat dahil nangangalay na iyon. Mabigat kasi si Dero at sa edad na tatlong-taon ay matangkad na itong bata. "At isa pa, Anak. Nananakit na rin ang kasukasuan ko. Gusto ko nang mahiga!" nakangiwing reklamo pa ng kan'yang ama nang humarap ito sa kan’ya. Tumigil pa ito sa paglalakad upang hipuin ang sariling mga tuhod na tila nagpapaawa sa kan'ya. Tapos ay muli rin itong tumalikod at nagpatuloy sa paghakbang. Mahina siyang napatawa dahil sa pagrereklamo ng ama. "Naku, dad, mukhang hindi mo na kayang libangin si Dero n'yan," biro niya pa sa ama. Napatigil naman sa paglalakad ang kan’yang ama at nang humarap ito sa kan’ya ay nakangunot na ang noo nito. "Anong hindi? Kaya ko pa, anak. Dagdagan niyo pa ni Andrew ng mga tatlo, tama tatlo nga! Para mas marami, mas masaya!" anang ama niya na parang gusto pang pumalakpak sa tuwa. Nasamid siya. Naumid 'ata ang dila niya kaya hindi na siya nakasagot sa sinabi ng ama. Hindi niya matitigan ang mga mata ng daddy niya na bakas ang tuwa roon. "Ano, anak? Akala mo hindi ko na kayang maglibang ng apo, no? Ako pa! Kahit mag-sampu pa sila kayang-kaya ko!" Pagmamayabang pa ng ama niya na ikinaubo naman niya. "Sampu? Diyos ko, Marimar!" Hindi makapaniwala na turan niya sa ama. Tinawanan lang din siya nito. Nagpapasalamat siya nang hindi na muli itong nagsalita. Muli itong lumakad, kaya napailing-iling na lang siya habang sinusundan ito. Mabuti naman na ama si Andrew sa anak nilang Si Dero. Pero ang dagdagan pa ito ng tatlo, o sampu ay wala sa bokabularyo nilang mag-asawa. Nang makarating sila sa pinakamalapit na Hotel ay agad silang kumuha ng room na matutuluyan doon. Bale dalawang kuwarto ang kanilang kinuha. Isa sa Dad niya at isa sa kanila ni Dero. Hindi na niya inabala pang gisingin ang natutulog na anak dahil alam niyang napagod ito sa mahabang biyahe. Nag- order na lang siya ng makakain para sa paggising nito ay may makakain na ito. At nag-order na rin siya para sa Daddy niya. Ipapahatid na lang niya iyon sa kabilang room. Alam niyang napagod rin ito sa mahabang biyahe at siguradong tulog na rin iyon sa mga oras na ‘to. May edad na rin kasi si Limuel Vergara. Singkwenta’y nueve na ito, at isang taon na lang ay mag-se-señior na. Pero maganda pa rin ang tindig nito, at hindi mo makikitaan na may edad na dahil hindi rin ito nagpapahuli sa pormohan. At matikas pa rin ang pangangatawan nito. Maagang nabalo ang matanda dahil maagang kinuha ng panginoon ang kabiyak nito noong ipinanganak si Trina. Kaya gano'n na lang nito kamahal ang nag-iisang anak dahil si Trina ang kapalit ng yumao nitong asawa. Lahat ng pagmamahal at oras ay ibinuhos nito sa nag-iisang anak, kaya't hindi na rin pumasok sa isipan nito na maghanap ng bagong pag-ibig. Dahil naging kontento na lang ito sa kung anong meron ito. At iyon ay si Trina. Kaya nito pinagkasundo si Trina na makasal kay Andrew dahil inisip nito na mapapabuti ang kalagayan ng kan’yang anak sakaling dumating man ang araw na kunin na siya ng panginoon. At iyon ay hindi pagsisisihan ni Limuel Vergara dahil malaki ang tiwala niya kay Andrew. ... Pasado alas-singko na ng hapon pero mahimbing pa ring natutulog si Dero kaya napagpasyahan ni Trina na magpahangin na muna sa terasa ng Hotel para makapag-relax na rin. Ewan nga ba niya kung bakit ayaw siyang dalawin ng antok simula pa kaninang dumating sila sa Hotel. Samantalang ang Dad niya at si Dero ay naghihilik pa rin hanggang ngayon. Hindi niya tuloy maiwasang mainggit dahil mahimbing ang tulog ng mga ito habang siya ay kahit anong pilit niyang pumikit ay dilat pa rin ang mga mata niya hanggang ngayon. Kaya heto siya ngayon bitbit ang tasa ng Tsaa at cellphone ay tinungo niya ang terasa. Para malibang niya ang paningin sa magagandang tanawin sa paligid at baka sakaling antokin siya mamaya. Ipinatong niya sa table na naroon ang kaniyang dala. At sinalubong ang malamig na hangin na humahampas sa kan'yang katawan. "Hmmm... Ang sarap ng hangin!" wika niya habang napapayakap sa sarili. Na-miss niya ang Pilipinas, at kung siya lang ang tatanongin ay mas gusto niya na dito na lang sila manirahan ni Andrew kasama si Dero at Dad niya. Total nandito rin naman ang ilang negosyo nila at negosyo ni Andrew. Kaso ayaw ng asawa niya. Mas gusto nito sa Amerika kaya hindi na rin niya pinapangunahan ang desisyon nito dahil tiyak na iyon na naman ang magiging simula ng away nila. At total si Andrew din naman ang Padre de pamilya at sumusunod lang siya sa mga desisyon nito. Napatingin siya sa paligid. Napangiti siya dahil sa wakas, matapos ang halos tatlong taon ay nakauwi rin siya at kasama pa niya si Dero. Kanina habang nasa Eroplano sila ay hindi matigil-tigil sa pagdadaldal ang kan'yang anak dahil masyado itong na-excite. Nagmamadali pa nga ito na bumaba sa eroplano pero pinaliwanag niya na nasa himpapawid pa lang sila. Kaya ayun, napagod siguro sa kakadaldal kanina kaya hanggang ngayon ay tulog na tulog pa rin ito. Nalungkot pa nga ang bata dahil hindi sumama si Andrew sa pag-uwi. May trabaho pa raw ito na aasikasuhin at susunod na lang raw ito sa kanila. Kahit gano'n man si Andrew sa kan'ya ay mabuting ama naman ito pagdating kay Dero. Iyon nga lang, mahigpit pa rin ito sa anak nila minsan. Plano niya na ipasyal si Dero sa Baguio doon sa Bahay-bakasyunan ng kaibigan niyang si Drix. Ang problema lang niya ay hindi niya alam kung nandoon ba ang binata. Kasi wala na siyang contact dito, mukhang nag-iba na kasi ng numero si Drix. Pero naalala niya na may contact pala siya sa Mommy Suzanne nito kaya naisip niya na tawagan ang Ginang para ipaalam na nakauwi na siya sa bansa. At para makahingi na rin siya ng numero ni Drix. Pero akmang kukunin niya ang cellphone sa table nang biglang tumunog iyon. Nang makita kung sino ang caller ay nakaramdam siya ng kaba. Andrew… Kinuha niya ang cellphone at sinagot ang tawag ng asawa niya. "H-hello?" she said while stuttering. Wala siyang narinig na sagot mula rito. Ang tanging naririnig lang niya ay ang nakakabinging katahimikan sa kabilang linya. "Andrew?" tawag niya ulit sa asawa. Narinig niya ang pagbuntonghininga nito bago siya sagutin. "Si Dero?" umpisa ni Andrew. "Natutulog pa rin simula nang dumati—" "Okay," pagputol nito sa sasabihin niya. Tumikhim ito at muling nagsalita. "Gusto ko lang ipaalala sa'yo ang pinag-usapan natin. Baka kasi makalimutan mo," seryusong saad ni Andrew mula sa kabilang linya. Trina sighed, at napahawak sa kan’yang sentido. "Hindi ko nakakalimutan, Andrew,” Hindi niya pinahalata ang inis na nararamdaman niya, "dahil hindi naman ako ulyanin," dagdag pa niya. Kung sa personal niya sinabi iyon kay Andrew ay tiyak na nakakamatay na tingin na naman ang ibinigay nito sa kan'ya. Mabuti na lang at sa cellphone lang sila nag-uusap. "Good. Dahil kapag lumabag ka sa usapan natin, alam mo na ang kahihinatnan. At hindi rin ako ulyanin." wika nito at agad siyang pinatayan ng cellphone. "Ay bastos!" inis na bulong niya sa hangin nang makita na nakababa na ang tawag nito. Pero hindi niya maiwasang panghinaan ng mga tuhod kaya napaupo siya sa silyang naroon. Alam niyang kapag may sinabi si Andrew ay tinutupad nito. Napapatulala siya, maraming mga bagay-bagay ang pumapasok sa isipan niya. Maliit lang ang Pilipinas kaya may tendency na magkita sila ulit ng lalaking iyon. At iyon ay ayaw niyang mangyari dahil masisira ang usapan nila ni Andrew, at baka ikasira na rin ng pamilya niya. Hindi niya hinihiling na magkita pa sila ulit dahil kung ano man ang mga nangyari noon ay matagal na iyon. Pero anong malay niya? Anong malay niya kung isang araw magkita ulit sila, at malalaman ni Andrew? Wala ka naman sigurong gagawin diba? asik ng utak niya. Tama! Ano naman ngayon kung magkita sila? Wala naman siyang dapat sabihin dito. At wala naman siyang pakialam roon! Kaya hindi siya dapat kabahan. At wala siyang dapat isipin. Si Andrew lang kasi ang paulit-ulit eh! Napabuntonghininga na naman siya. Tandaan mo ang sinasabi ko Trina… Kapag hindi ka sumunod, malalaman ng Daddy mo. At alam mo na ang puwedeng mangyari sa kan'ya! Parang naririnig pa rin niya ang mga sinabi ni Andrew bago sila umalis kahapon. Kinausap siya nito na may galit sa mga boses. At wala siyang ibang sinagot kundi tango lamang. Pinaalalahanan siya ng asawa na kahit wala ito sa tabi nila ay malalaman pa rin nito ang mga gagawin niya. Ibig sabihin, papasundan nito ang bawat galaw niya. Pero nagsabi rin si Andrew na uuwi rin ito ng Pilipinas. At alam niyang isa sa mga araw na 'to ay susulpot na lang ang asawa niya. Kaya e-enjoy na lang nila ni Dero ang bakasyon, at hindi na niya iisipin pa ang mga bagay na hindi naman na mangyayari. Dahil wala namang mangyayari. Napahikab siya. Sa wakas ay dinalaw rin siya ng antok kaya kinuha niya ang tasa ng tea at bumalik na sa loob ng room. Tinitigan niya ang anak na masarap pa rin ang tulog at naghihilik pa. Napangiti siya, tinabihan niya ito ng higa at hinaplos ang guwapo nitong mukha. Dinampian niya si Dero ng halik sa noo habang pinagmamasdan ito. Bigla itong gumalaw. At patagilid na humarap sa kan'ya, at ipinatong ang mga paa sa kan’yang tiyan habang niyakap naman ang kan'yang leeg. Napatawa siya ng mahina. Eversince kasi talaga ganito si Dero sa kanya 'pag natutulog. Kahit nga may sarili itong kuwarto ay gumigising ito ng madaling araw para lumipat sa kuwarto niya, upang doon matulog katabi siya. At kahit malapad ang kanilang higaan ay ang hilig nitong magsusumiksik sa tabi niya para yakapin siya, at idantay ang lahat ng paa nito sa tiyan niya na para bang aalis siya at matagal babalik. Narinig pa niyang umungol ang anak na parang nananaginip ito. Niyakap niya rin si Dero at tinapik-tapik ang balikat nito para makatulog ulit, nang bigla itong magsalita na nakapikit pa rin ang mga mata. "Mama… may panaginip ako," Inaantok na sabi nito, "may lalaki– kamukha ko siya." sambit pa nito bago muling nakatulog. Tiningnan niya ang mukha ng anak. Mahimbing na ulit itong natutulog. Binalewala na lang niya ang sinabi nito dahil nararamdaman na rin niya ang unti-unting paghila sa kan'ya ng antok.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD