The tone of your dying voice recalls a time when I was stuck beneath the effulgence of the moon.
UMIHIP ang malakas na hangin. Gabi nang ako'y makauwi ng villa. Paano ko haharapin ang katotohanang nakabalot sa 'king pagkatao? Kung ang pag-iwas ni Liu sa akin ang s'yang paraan upang mabuhay ako ay bakit? Bakit nagawa pa n'ya akong pakasalan kung ang kapalit nang lahat ng ito'y puro kalungkutan?
Hinayaan ko lamang na tangayin ng hangin ang mahaba kong buhok. Payapa ang buong kalangitan. Nananalangin ako sa may kapal na bigyang kasagutan ang lahat patungkol sa 'king nakaraan. Gusto kong mahanap ang nawawala kong memorya. Gusto kong maging buo muli upang maipagpatuloy ang buhay ko.
Hindi ako nabibilang sa mundong ginagalawan ko. Mas nananaig sa 'kin ang tuklasin kung anong misteryo ang bumabalot sa 'king pagkatao. Hinawakan ko ang aking leeg na may marka. Hindi ito nakikita ng ordinaryong tao lamang. Kumabog nang husto ang puso ko. Hindi pa rin nababago ang nararamdaman ko kay Liu.
Nagulat ako nang maramdaman ang presensya ni Sean. Nakatanaw ito sa 'kin mula sa bukas na pinto. Ngumiti ako sa 'king anak at sinenyasan itong lumapit sa 'kin na agad naman n'yang pinaburan.
Lumuhod ako upang magpantay kaming dalawa.
"Bakit gising ka pa?" Tanong ko dahil lumalalim na ang gabi.
"I can't sleep. I dreamed about you and dad." Sabi nito.
Bumuntong hininga ako at ginulo ang buhok nito.
"Anak matulog kana. Hindi maganda sa bata ang nagpupuyat."
Hindi ito umimik at sa halip na magsalita ay hinawakan n'ya ang kamay ko at doon ay nagbago muli ang kapaligiran.
"Sean ano'ng ibig sabihin nito?" Nanlaki ang mga mata ko sa kakayahan nito.
"I knew everything. I knew it from the very start." Sabi nito. Napaupo ako sa damuhan at sumandal sa puno. Puno ito ng Maharlika. Hindi ako makapaniwala sa lahat ng aking nakikita. Ang mga mata ni Sean na mas pinili na lamang tumingala sa papalubog na araw. Ang mga dahon na nagmumula sa puno ng Maharlika'y isinasayaw ng hangin. Panahong taglagas.
"Anak." Napalunok ako. Kinusot ko ang aking mga mata at nagbabakasakaling nananaginip lamang ako.
"You're not dreaming mom. Alam ko kung ano ang totoong pagkatao natin. We're not belong to the human world. We belong here." Muli s'yang tumingin sa 'kin. Unti-unti kong nadidiskubre ang kapangyarihan nito. Ang kakayahan n'ya na katulad na katulad ng kay Liu.
Iginala ko ang aking paningin sa buong kagubatan. Walang pagbabago. Ganitong-ganito ang nasa panaginip at pangitain ko. Napapikit ako nang lumakas pa ang hangin at tumingala sa kalangitan.
"Kung babalik tayo sa mundo natin. Sasama ka ba?" Tanong ko rito. Ang buong akala ko'y tanggap n'ya ang mundong kinabibilangan namin ngunit nagdalawang isip ako nang makita ang pagdigusto sa mga mata nito.
"Sean… ano'ng problema?" Pag-aalala ko. Bumalik ang lahat sa normal. Ang larawan ng kagubatan ay nawala nang parang bula. Naupo ako sa kama malapit dito at hinawakan ang kanyang balikat.
"Gusto kong kasama si Mei." Napakunot noo ako sa sinabi nito.
"Anak alam mong hindi maaari ang gusto mo. Hindi lubos na mauunawaan ng tita Mei mo ang madidiskubre n'ya." Alam kong napalapit na nang husto si Sean kay Mei. Nararamdaman ko rin na papalapit na ang aming pag-lisan sa mundong ito.
Huminga ito nang malalim. Hinga na may bigat o pasan na hindi ko nalalaman.
"Ano ba ang gumugulo sa 'yo?" Pagaalalang tanong ko.
"Nothing." Matabang na sagot nito.
"Hay anak. Pwede bang wala?" Hinawakan ko ang magkabilang pisngi n'ya.
"It's nothing mom." Iniwas nito ang sarili sa 'kin. Humakbang na s'ya papalayo at hindi ko man lang naramdaman ang biglang pagkawala nito. Madilim sa buong silid at tanging liwanang lamang ng buwan ang nagsisilbing ilaw.
KINABUKASAN ay sinadya kong makausap si Riku. Hindi pa ako handang makaharap muli si Liu matapos ang lahat ng nangyare. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman para sa kanya. Kung magagalit ako o ipagpapatuloy ang pagmamahal ko para rito.
Nagkita kami ni Riku sa isang coffee shop dito sa Malate. Suot ko ang kulay puting long sleeves at shades dahil ayokong makita nito ang nangingitim kong mga mata dahil sa kakulangan ng pag tulog.
Naupo na ito kaagad sa harapan ko nang makita n'ya ako sa dulo.
"Coffee?" Tanong nito.
"Sure. Black coffee with no sugar." Sabi ko. Bumakas ang ngiti nito sa kanyang mga labi.
"Bakit?" Tanong ko.
Napakamot pa ito sa kanyang ulo bago magsalita.
"Nakukuha mo na rin kasi ang taste ni Liu sa kape." Napailing na lamang ako.
"Hindi ba pwedeng gusto ko lang matikman ang pait ng kape?" Tanong ko rito.
Itinaas naman n'ya ang dalawang kamay.
"Chill Dawn. Hindi mo ako kalaban okay?" Nakangiting sabi n'ya. Hindi na lang ako umimik hanggang sa bumalik ito at inabot sa 'kin ang kape ko.
"So?" Bungad ni Riku.
"Riku, ano ang deal na tinutukoy mo kay Liu noon?" Halos mabuga n'ya ang kape dahil sa sinabi ko.
"Aray! Napaso ang dila ko." Pagbabago nito sa usapan.
"Wag mong ibahin ang usapan." Tinanggal ko na ang shades na suot ko at tumitig dito. Nakita ko naman ang paglunok n'ya. Ilang ulit na lunok iyon bago nagsalita.
"Wala ako sa posisyon Dawn para ipaliwanag sa 'yo ang mga bagay na 'yan."
"Alam mong sa simula palang Riku ay kasama kana sa problemang ito. Ngayon mo sabihin sa 'king wala ka sa posisyon?" Bumuga naman s'ya nang malalim na pag hinga.
"Si Prinsesa Katalina ang nakatakdang pakasalan ng unang prinsipe." Bungad nito. Napakunot noo naman ako dahil sa sinabi n'ya.
"Ang prinsesa ng Bermunt na pinaniniwalaang makakabuti para sa emperyo."
"Hindi ko maintindihan Riku." Sabi ko.
"Talagang hindi mo maiintindihan Dawn dahil labas ka sa problemang iyon."
Hindi ko maintindihan ang sarili, dahil kapag narinig kong kasama si Liu sa deal na 'yon ay hindi ko mapigilang hindi makialam.
"Ako pa rin ang asawa ni Liu sa mundong ito." Lumaki muli ang pagkakangiti ni Riku dahil sa sinabi ko.
"Ngayon mo sabihin sa 'kin na labas ako sa problemang ito?" Kunot noong sabi ko.
Nagpatuloy ito sa kanyang pagsasalita. Magulo pa man ang lahat sa ngayon ay pinilit kong intindihin ang lahat.
"Si Liuhoran Van Shen ang unang prinsipe ng Abalon. Unang prinsipe dahil nag-iisang lalaki ito sa pangkat ng mga unang anak ng hari sa iba't-ibang reyna. Hindi natanggap ng hari na hindi sila mabiyayaan ng lalaking supling ng kanyang asawa. Kaya't nagdesisyon itong magkaanak sa iba. Iba si Liu sa lahat dahil hindi reyna ang kanyang ina. Isa lamang itong mababang uri ng bampira kung tawagin sa buong emperyong nasasakupan ng mga bughaw na dugo."
Seryoso akong nakinig dito.
"Dahil sa kahihiyan ng buong emperyo ay minabuti ng hari na kupkupin si Liu at palabasing anak nila ng mahal na reyna. Nagtagal ang palabas sa ganoong senaryo. Buong akala nang angkan ng mga bampirang maharlika'y tunay na anak ang unang prinsipe ng Abalon. Sabi nga nila ang bawat sikreto ay may hangganan. Nakarating sa mga konsehal ang katotohanan. Ang kasalanan na ginawa ng hari.
"Hindi nagustuhan ng punong ministro ang nasaksihan tungkol sa katauhan ng unang prinsipe. Malaking kahihiyan kapag lumaganap ang balita sa buong emperyo kaya't nagkaroon ng paglilitis."
"Paglilitis?" Tanong ko. Tumango naman ito.
"Kailangang pakasalan ni Liu ang prinsesa dahil sa paniniwalang maisasalba nito ang kasalanan ng mahal na hari. Katalina was his mate. Hindi mo pu-pwedeng takasan ang tadhana at hindi mo puwedeng ibahin ang propesiya. Si Katalina ang babaeng ipinanganak para maging kabiyak n'ya." Napahawak ako nang madiin sa hawak na tasa. Si Katalina? S'ya nga ang babaeng humalik kay Liu.
"Pero nakilala ka ng mahal na prinsipe. Ikaw na isang mortal. Ikaw na mortal na kalaban ng buong bampira. Malakas ka at matapang. Napaibig mo ang malamig na puso ng prinsipe." Naramdaman ko ang pag-init ng aking mga pisngi dahil sa sinabi nito.
"Ikaw ang kanyang ligaya Dawn. Ikaw ang nag iisang babae sa buhay n'ya pero ikaw din ang sumira sa kanya." Nagiba ang timpla ng pananalita ni Riku.
"You took everything from him." Mahinang sabi nito.
"Ano ang ibig mong sabihin Riku?" Labis labis ang aking pag-aalala na baka nakagawa ako ng hindi maganda.
"Hahayaan kitang mahanap ang nawawala mong memorya. Nandoon ang iba mo pang katanungan. At sana lang, kapag nahanap mo ang ala-ala mo'y sabihin mo ang katotohanan kay Liu." Pagtatapos nito.
"And about the deal, he needs to marry the royal princess sa panahon ng tagsibol. Dahil kung hindi, tuluyan na s'yang itatakwil ng buong emperyo." Kinuha nito ang plastik na may lagayang inumin at umalis sa 'king harapan. Hindi n'ya ikinuwento ng buo ang nakaraan. Hindi pa rin nasasagot ang ibang mga katanungan ko. At bigla na lamang akong nakaramdam ng takot na maibalik ang ala-alang nawawala.
Natatakot ako sa rebelasyon. Hindi ko alam kung ano ang gustong ipahiwatig ni Riku. Ano ang dapat kong aminin kay Liu? Gulong-gulo ang isipan ko nang mga oras na 'yon.
At ang kasal na sinasabi ni Riku…
Alam kong hindi ko iyon matatanggap.