Just Another Guy

3038 Words
CHAPTER 5   "Sorry. Hindi mo naman kailangang magalit.” “Ang kulit kulit mo kasi eh!” singhal niya. “Concern lang ako. Hindi na mauulit." Mapagkumbaba kong sagot. Hindi ako 'to. Palaban ako pero bakit sa lalaking ito, tumitiklop ako? Narinig ko ang paghinga niya ng malalim. "Sige na, ihatid mo na lang ako kung talagang concern ka." Napalitan ng isang ngiti ang kanina'y namayani na galit sa kaniyang mukha. "Sandali lang. Magshower lang muna ako." Pinakalma ko ang sarili ko. Tahimik kong tinungo ang banyo. Gustong-gusto ko siya. Kaya lang tama bang siya na lang lagi ang masusunod? Ang gusto lang ba niya ang dapat pagbibigyan? At bakit bigla siyang nagagalit sa hindi naman talaga pinagtatalunang mga bagay? Paglabas ko pa lang ay sinalubong na niya ako. Binuhat niya ako at sa gulat ko sa biglang ginawa niya ay napasigaw ako. Mabilis na nawala ang ngiti niya kanina na parang natigilan sa ginawa kong pagtili. "Carl, nakakawala ka naman ng gana e. Makasigaw ka talo mo pa si Vice Ganda." Halata ang kaniyang pagkadismaya. "Huwag mo kasi akong ginagulat. Sorry na." Inilagay ko ang kamay ko sa kaniyang batok. Dahan-dahan niya akong ibinaba sa kama saka siya pumatong sa akin. "Kung magawa mo ang gusto ko Carl, magtatagal tayo. Kung mahal mo ako, kaya mong magbago para sa akin. Saka please, para hindi tayo nag-aaway huwag kang makulit. Gawin mo lang ang gusto ko para maayos tayo.”                 “Nagulat nga lang ako, sorry.”  “Sorry din kung nasigawan kita kanina." Hinaplos-haplos niya ang makinis kong pisngi. Hinawakan ko din ang kaniyang mukha at sandali kaming nagkatitigan.                 "Bigyan mo lang ako ng sapat na panahon Frans. Pangako, pilitin kong magbago para ma-meet ko yung gusto mo."                 Tinitigan niya ang mukha ko. Bumaba ang palad niya sa aking baba at hinaplos ng kaniyang hintuturo ang aking labi. Idinikit niya ang mukha niya sa mukha ko hanggang sa muli kong naramdaman ang labi niya. Potek! Kung gamot lang ang halik, sigurado nakaratay na ako sa hospital ngayon dahil sa over-dossage. Pagkatapos ay ipinatong niya ang pisngi niya sa aking dibdib. "Hindi ko alam kung tamang pagbibigyan ko muli ang sarili kong magmahal ngunit sana Carl, ikaw na 'yun. May mga bagay lang akong gustong baguhin mo at alam ko, papunta na tayo doon dahil nararamdam ko, gusto kita.” “Gusto din kita,” bulong ko. Sinuklay niya ang buhok ko gamit ang kanyang sarili. “Pagkatapos akong iwan at wala akong magawa pa nang taong una kong minahal, mahirap na sa akin ang magtiwala at magmahal muli ngunit susubukan ko sa'yo.” “Salamat. Hindi mo lang alam kung paano mo ako pinapasaya.” Bulong ko sa kaniya. “Kung sakaling may pagkakataong nagagalit ako o nasasaktan kita, sana huwag kang susuko, sana mas maramdaman ko pa din ang pagmamahal mo. Sana sa mga panahong kailangan ko ang suporta mo, lagi kang nandiyan para sa akin. Di ba ganoon naman talaga? Kailangan suportahan ang isa't-isa. Punan ang kakulangan ng isa?" Huminga siya ng malalim. Tumango ako. Hinawakan ko ang pisngi niya.                 “Mangako ka.” Bulong niya. "Pangako, Frans. Suportado kita all the way kasi mahal kita.                 "Salamat ha! Naks! Mahal na yata kita!" tumawa siya ng mahina.                 Unti-unting nawala ang ngiti sa labi. Tumingin siya sa akin na parang gustong basahin kung ano ang nasa loob ko. Kinuha niya ang kamay ko at hinalikan iyon. Ang lahat ng agam-agam ko at takot nang binulyawan niya ako ay biglang pinawi ng kaniyang paglalambing. Noon ko naipangako sa aking sarili na wala akong hindi gagawin para kay Francis. Kaya kong tiisin para tumagal kami at gusto kong siya na ang makakasama ko habang-buhay. Pumuwesto siya at nagyakapan kami sa kama. Muling nagsalubong ang aming mga labi. "Tara na, ihatid mo na ako." Pinisil niya ang ilong ko. Bumangon siya at hinila ang kamay ko saka niya ako muling niyakap. Kahapon lang wala pang ganito. Parang napakabilis naman yata ng mga dating nang hindi ko napaghandaang mga pangyayari. Hindi ko na nga mawari kung may katotohanan ang lahat ng ito.            Iyon na siguro ang pinakamasayang pagdadrive ko nang ihatid ko na siya sa tinitirhan niya. Rock ang mga pinapatugtog niya. Sinasabayan niya iyon. Pilit kong sinasabayan kahit hindi ko naman alam ng lyrics. Nilingon ko siya. Pumipikit pa siya na parang naggigitara. Napapangiti ako. Sobrang cute lang ng ginagawa niya. Ako naman e, syempre, gusto niya daw tigasing lalaki. Parang may stiff neck lang kasi pati galaw ng mukha ay tigasin. Ang mga siko dapat malayo sa tagiliran at ang mga paa dapat nakabuka. Nakakangawit. Pilit kong sinasabayan ang mga kanta nina Pitbull, Neyo at Usher pero hindi ko talaga alam ang buong lyrics kaya kapag nasa bandang alam ko yung lyrics, doon lang ako bumibira para naman di halatang hindi ko alam ang mga paborito niyang mga kanta pero kapag sa mga bahaging hindi ko alam, hinaan ko na lang at kunyari busy sa pagdadrive. "Salamat ha. Puwede na ba kita tawaging mahal ko?" tanong niya. “Mahal ko? Bakit?” “Ayaw mo? Ayaw mo yata e.” “Ibig sabihin, tayo na?" “Baka kasi may makilala ka sa pagpunta mo ng Canada, gusto ko akin ka na para sa pag-alis mo nakatali ka na sa akin," bulong niya. "Anong ibig mong sabihin? Tayo na?" paglilinaw ko. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. "Sige na nga. Huwag na lang. Ayaw mo yata e" "Hindi sa ayaw. Gustung-gusto ko. Nagugulat lang ako." Muling nanginig ang pang-ibabang labi ko. Potek! Magkaka-boyfriend na ba ako? "Well, naisip ko kasi, I enjoyed your company. Magkatabi tayong natulog at wala kang ginawa sa akin kundi yakapin lang ako magdamag. Nakakaya kong halikan ka ng paulit-ulit sa labi. So, maaring ang kasunod ay ang tuluyan na din kitang mahalin.” “Ah, hindi mo pa pala ako mahal.” “Ikaw ba? Mahal mo na ba agad ako?” tanong niya. Sa pakiramdam ko, oo pero nangyayari ba talagang mahal na din agad ang isang tao dahil lang sa halik at yakap? “Siguro? Oo mahal na di,.” napabuntong-hiningang sagot ko. “Oh, di ba? Hindi tayo sigurado pa. We'll just wait na nandoon na din tayo sa stage na 'yun and at the same time tayo na. Kasi sa relasyong ganito, we don't need a long courtship. Dami nga diyang nagkachat lang one time sa f*******:, paglog-out nila, sila na. Kaya, I decided na tayo na, kung okey lang sa'yo?" "Tinatanong mo kung okey lang sa akin? Tang-ina! Choosy pa ba ako?" natigilan ako.                 Papalpak pa yata ako. Nakakainis naman. May nahalong salitang baka di niya gusto. Nagbago ang kaniyang facial expression kaya ako muling bumalik sa aking katinuan. "Sorry! Sobrang saya ko lang at hindi ko napigilan ang aking sarili." Pambawi ko. Umiling-iling siya.  "Pero alam mo, mahal na nga talaga yata kita Frans kahit bago tayo nagkainuman. Mahirap man sa'yong paniwalaan 'yun pero nang magkita tayo sa library hindi na kita nakalimutan tapos 'eto na, tayo na? Hindi ko maitago ang sobrang saya ko ngayon." Hinawakan ko ang kamay niya. Nanginginig pa ako. Gusto ko siyang yakapin at halikan ngunit nagmamaneho pa ako. Itinigil ko ang sasakyan. Narating na namin ang lugar kung saan ko siya sinundo. Hindi muna siya bumaba agad. "Gusto kita, Carl. Pero alam kong sa mga susunod na araw, masabi ko din sa'yo na mahal kita." Tumingin siya sa akin. Nakatitig sa aking mga mata. Taena, heto na naman siya. Hahalikan na kaya niya ako kahit may mga tao sa labas? Lumapit ang mukha niya sa mukha ko. Ito na nga. Hindi kaya niya ako ikahihiya? Unang halik na naging official na kami sa loob ng kotse at may mga tao sa labas. Nang halos magbunggo na ang aming mukha ay pumikit na ako. Bahagyang inginuso ang labi ko. Naghihintay sa magical kiss namin. Napakalakas ng kabog ng aking dibdib. "Meron ka ba?" pabulong.                 "Ha? Meron? Ano yung meron?" Binuksan ko ang mga mata ko. Tumabi ang mukha niya sa mukha ko. Nasa tainga ko ang bibig niya at may ibinubulong. Anong meron? Pa'no naman ako magkakameron e lalaki naman ako. "Sabi ko, may pera ka ba diyan?” “Bakit?” nagtataka kong tanong. “May bibilhin ako mamayang hapon sa Mall e, alam ko saktong allowance ko lang ang ibibigay ni Papa. Sabi mo kasi pupunta ka ng Canada kaya baka puwedeng mag-iwan ka ng... alam mo na 'yun, mahal ko." Natameme ako. Nahiya pang sabihin? Sa lagay na 'yun hiyang-hiya pa siyang banggitin iyon. Pera lang pala. Akala ko halik. "Magkano?" tanong ko nang naibsan ang pagkagulat. "Ikaw, puwedeng limang libo o kung malaki masyado sa'yo 'yun, tatlong libo. Dagdagan ko na lang doon sa allowance ko yung kulang." "O sige." Bumunot ako ng malalim na buntong-hininga. "Sana sinabi mo kanina para nakapagwidrow ako. May cash sa pitaka ko kaso 3,500 lang. Puwede na ba 'yun?" Nakangiti na ako. Ito pala yung sinasabi niyang dapat kapag magmahalan kami, suportahan namin ang isa't isa.                 "Puwede na 'yan. Utang mo na lang yung 1,500. Saka mo na lang ibigay."                 Mahal nga. Sobrang bagay lang yung tawag niya sa aking mahal. Potek! Ako pa yung may utang ngayon na 1,500. Naisip ko, meron naman akong maibigay. Saka tingin ko naman sa kaniya na hindi siya katulad ko na pinagpala kaya why don't you share your blessings sa mahal mo basta importante ay mamahalin din niya ako. Pagkaabot ko ng pera sa kaniya ay pinisil niya ang kamay ko.                 "Mag-ingat ka doon ha? Tawagan o text mo ako nang hindi ako nag-aalala dito. Puwede ka din magmessage sa f*******: para updated ako sa'yo okey?" nakangiti niyang bilin sa akin. Biglang nawala ang agam-agam ko. Tanga na kung tanga pero may pera ako at boyfriend lang ang wala ako. Ipagkakait ko pa ba ang kaligayahang iyon sa sarili ko? Isa pa, kapag mahal niya ako, for sure naman, ako na ang nakikita niya at hindi ATM na pwede lang niyang widrohan. "Ikaw ha, behave ka dito habang wala ako. Three days akong mawawala. See you when I get back, okey?" nanatiling nakahawak ang kamay niya sa akin. "Hahalikan sana kita pero maraming tao sa paligid mahal ko. Pagbalik mo na lang ha? Mangyayari na 'yung magical na gusto mo.” Kinindatan niya ako. “Pa'no bababa na ako." "I love you." Mahina kong sinabi bago niya binitiwan ang kamay ko. Ngumiti siya saka siya nagsaludo bago tuluyang bumaba. Huminga ako ng malalim. Parang nahold-up din ako. Hindi nga lang ako tinutukan ng patalim pero masaya naman ako sa itinutok niya sa akin magdamag. Napangiti na lang ako dahil ngayon, hindi na ako single. Gustung-gusto ko nang palitan ang status ko sa f*******:. From single into relationship. I am sure, ikakagulat ito ni Mark Kym, Cedrick at nang iba ko pang mga kaibigan sa f*******:. Uulanin ito ng likes at ang mga nakakatakot na tanong. SINO??? Bakit ba? Sa in relationship na din ako brad! Dahil may visa naman ako sa Canada madali para sa amin ni Mark Kym ang bumiyahe sa Canada para makita at makausap niyang si Cedrick. Kaibigan ko silang dalawa. Masalimuot ang kuwento ng kanilang pag-iibigan at alam nilang dalawa na suportado ako sa kanila noon pa man na maayos nila ang kanilang relasyon. Ngunit dahil kuwento ito ng buhay ko ito kaya hindi na ako magbibigay pa ng detalye sa buhay pag-ibig nilang dalawa. Habang hinihintay namin ang connecting flight naming sa Vancouver ay may umupo sa tapat ko. Tumingin siya sa akin at nang ngumiti ako ay saka naman siya tumingin sa kaniyang smart phone. Matangkad siya, sobrang gwapo at maputi. Mukhang ibang lahi ngunit napakalakas ng karisma niya sa akin. Para siyang may lahing Asian na Brazilian. Basta sobrang guwapo na alam kong hindi niya kailanman mapapansin ang kagaya ko. Hinintay ko siyang muling tumingin sa akin ngunit nanatili na siyang nakatingin sa phone niya. Huwag nang umasa pa, Carl. Katulad din iyan ng mga nakakasalubong lang sa Mall o kaya mga napapanood sa TV na hanggang tingin lang. Binuksan ko ang phone ko at tinignan kung may message na si Francis sa akin. Wala pa. Siguro hindi pa nga siya nakakapag-online.                 Nilingon ko si Mark Kym. Tahimik lang siya sa tabi ko. Hindi ko alam kung paano ko pagagaanin ang kaniyang pakiramdam. Nakita ko pa din ang pag-agos ng kaniyang luha sa kaniyang pisngi.                 "Okey ka lang?" tanong ko. Kahit alam ko namang hindi. Inilabas ko ang charger ng phone ko para mag-charge dahil malolowbat na din ako.                 Huminga siya ng malalim. "Okey lang. Huwag mo na lang akong intindihin. Salamat sa pagsama sa akin, Carl ha?" sagot niya.                 "Ano ka ba? Okey lang 'yun. Sabihan mo ako kung may kailangan ka ha? Nandito lang ako."                 "Huwag mo akong isipin. Ayos lang ako." Mahinang tugon niya sa akin.                 "Excuse me?" Lalaking-laki ang dating ng boses na iyon na siyang tuluyang nagpatigil sa mundo ko. Ano ba 'to? Sa pagkanganga ko pakiramdam ko para akong asong ulol na naglalaway. Natameme ako. Nasa kabilang upuan lang ito kanina. Napakabilis naman niyang nakarating sa tapat ko. At bakit nandito siya? Hindi niya natiis ang kagandahang lalaki ko? Taena, siya pa talaga ang lumapit. Anlakas talaga ng dating ko. Akalain mong siya na sobrang gwapo ang mag-aaproach sa akin. Hindi ako handa. Ano 'to, nalingunan lang niya ako tapos lumapit na siya sa akin para makipagkilala. Hindi unang beses na nangyari ito, ginawa na din ito ni Francis sa akin. Ano ba talaga ang meron sa akin? "Are you a Filipino?" Gusto kong magsalita ngunit parang may buong itlog ng pugo na nakabara sa aking lalamunan. "Are you okay?" napapangiti na siya. Bakit kasi nanginginig ang pang-ibabang bahagi ng bibig ko at di ako makapagsalita. "Yes? I mean, Yes, I am a Filipino and..." sa wakas nagkaboses na din ako. Di nga lang ako naging confident pero ang importante alam niyang marunong akong sumagot. Hindi pa tapos ang sinasabi ko nang muli na naman siyang nagsalita. "Good. Alam ko namang Pilipino ka. By the way, I'm E-jay.” “Ah pinoy ka din?” natawa ako. “Yes.” Ngumiti siya. “Akala ko talaga ibang lahi ka. How can I help you?” tanong ko.  “Sorry pero lowbat na ang phone ko at nakita kong may charger ka. Puwedeng hiramin?” “Ah. Sure no problem.” “I will just be sitting beside you para hindi mo isiping itatakas ko ang charger mo." Ngumiti siya.                 “No worries, mukhang hindi ka naman magnanakaw e.” ngumiti ako. Hihiram lang pala ng charger. Akala ko napogian lang siya sa akin. Potek! Bakit ba lagi akong mali sa aking mga hinala. Hindi na ito maganda. Pero ang importante sa ngayon, lumapit siya at kinausap ako. Ang pangarap, ngayon ay nagkakatotoo na. “Here? Nah, sa airport? Hindi kita mananakawan ng kahit ano dito.” Matatas siyang magtagalog samantalang mukhang hindi naman Pinoy. Gusto ko siya kaso may Francis na ako. Kaya lang sayang naman ito, paano itong si E-jay? Nakikihiram nga lang ng charger at nasa airport lang kami, mamaya sasakay na siya sa flight niya at hindi ko na siyang makikita pa tapos may nalalaman pa akong paano na ‘tong si E-jay? “Can I just get my baggage at babalik ako dito sa tabi mo?” pamamaalam niya. “Sure.” Maiksi kong sagot. Nang tumabi na siya sa akin ay hindi ko na mapigilan ang panginginig ko. Panakaw ko siyang sinusulyapan. Ang guwapo lang talaga niya. Bago siya lumingon sa akin ay nagawa kong ibinalik sa phone ko ang aking mga mata. Gusto ko siyang makakuwentuhan, hingin ang biodata niya. OA lang, kahit f*******: lang niya okey na kaso hindi ko alam kung paano simulan. Hindi ko alam kung anong nangyayari sa akin. Gusto kong simulan ang aming pag-uusap pero hindi ko alam kung paano. Ilang minuto ding panakaw ko siyang pinagmamasdan at nakailang beses din niya akong nahuli ngunit ako itong si sira-ulo na unang bumabawi ng tingin. Kadalasan ay nagngingitian lang kami. Ganito ba ang pakiramdam kapag talagang gusto mo ang katabi mo? Huminga ako ng malalim. Now or never! Kailangan ko na siyang kausapin. Walang mangyayari kung pa-kyut lang ako. Matanda na ako para do'n. "Saan ka pala pupunta niyan?" pagsisimula ko ng aming usapan. Tagal kong pinag-ipunan ng lakas ng loob iyon. "This is the final boarding call for passengers booked on flight 372A to Toronto. Please proceed to gate 3 immediately. The final checks are being completed and the captain will order for the doors of the aircraft to close in approximately five minutes time. I repeat. This is the final boarding call. Thank you." Panira ang announcement na 'yan. Di na lang nabulunan na muna kung sino man ang gustong pumigil sa aming eksena. "I have to go. Salamat...your name again?" nakangiti niyang inilahad ang kaniyang kamay.                 "Christian Carl. Just call me, Carl." Kinakabahan kong pagpapakilala. Inabot ko ang kamay niya. Napakalambot nito. Sarap simutin. Ayaw ko na sanang bitiwan nang naramdaman ko ang bahagya niyang paghila. "Sige, Carl, ingat na lang sa byahe mo." Nakangiti siya. Nang bubunutin na niya ang charger ay pinigilan ko siya. Hinawakan ko ang kamay niya. Nagkatitigan kami. "Huwag mo nang bunutin, magchacharge pa naman ako." Sobrang lapit lang ang aming mga mukha. Pakiramdam ko ay parang sa movie na slow motion lang. Napalunok ako. Siya man din ay titig na titig sa akin na parang sinasakop na niya ang buo kong pagkatao. "I'm sorry." Siya ang unang nagsalita.                 Amoy ko ang bango ng kaniyang hininga. Hindi pa din natitinag ang pagkakatitig niya sa akin. "It's okey." Nanginginig kong sagot.                 "I have to go. Baka iwan na ako ng eroplano . Bye!" pagpapaalam niya. "Bye" wala sa sariling sagot ko. At naiwan ako doong nakatulala. Nakatingin ako sa paghakbang niya palayo sa akin. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng kakaibang lungkot. Siguro dahil alam kong iyon na ang huli naming pagkikita. Na hanggang sa terminal lang lahat. Nagsimula doon at matatapos na din doon ang aking kalandian at kahibangan sa kaniya. Bago siya tuluyang nakalayo ay lumingon muna siya at kinindatan ako. Parang may kung anong tumama sa puso ko. Tumayo ako. Nagsimulang kumilos ang aking mga paa. Hahabulin ko siya at kukunin ko ang contact number o kaya skype o f*******: niya pero tuluyan na siyang nawala. Nanlumo ako nang nakita kong papasok na siya sa gate at wala na akong magawa. Bumunot ako ng malalim na hininga kasabay ng kaniyang paglaho sa aking paningin. Bakit gano'n katindi ang nararamdaman kong panghihinayang?                 Nakauwi kami sa Pilipinas ni Mark Kym. Hindi ko tinawagan si Francis na nasa Pilipinas na ako. Kinahapunan ay nagdesisyon na akong puntahan si Francis. Miss na miss ko na ang mahal ko. Gusto ko na siyang muling makita. Akala ko masosorpresa ko siya ngunit ako itong nasorpresa. Noon ko naranasang lumuha sa lalaki? Hanggang saan ako dadalhin ng katangahan ko kay Francis? Kailan darating ang lalaking siyang tatanggap sa tunay na ako?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD