FIRST HEARTACHE

3105 Words
Nang nasa tapat na ako ng tinitirhan niya ay hindi ko alam kung kailangan kong bumaba sa aking sasakyan at ipagtanong siya. Nakakaramdam kasi ako ng pag-aalinlangan nang muli kong sinipat ang suot kong puting pantalon na tinernuhan ko ng pink na top kakulay ng aking sapatos na halos pink din. Malamig sa mata ngunit hindi nakakalalaking tignan tulad ng gusto ni Francis. Hindi naman kasi ganoon kadaling baguhin ang fashion lalo pa't kinasanayan ko na ang ganoon mula pagkabata ko hanggang sa pumasok ako sa Pinoy Big Brother. Kanina nang umalis ako sa bahay, hawak ko ang mga nakasanayan kong inilalagay sa mukha pero naisip kong sunblock na lang. Kung hanggang kailan ako magtitigas-tigasan, hindi ko alam. Mahirap lalo pa't hindi na ako ito pero sa ngalan ng pag-ibig, pilit kong kinakaya ang lahat.            Hanggang naisip kong walang mangyayari sa akin kung matetengga lang ako sa sasakyan. Maghihintay ako dito ng wala. Bumaba ako at kinakabahan sa maaring reaksiyon niya pero sobrang excited din naman akong makita siya pagkatapos ng ilang araw naming pagkakalayo. Pumikit ako, gusto kong magiging si Daniel Padilla. Sa kilos at salita dapat kayang-kaya ko lang na gayahin siya.                 Kumatok ako sa apartment na tinitirhan niya. Kinakabahan pa din talaga ako sa kung ano ang magiging reaction niya.                 Walang nagbubukas ngunit naghintay pa din ako at kumatok ng ilang beses. Hindi ko alam kung may tao nga ba sa loob at natutulog lang o sadyang walang magbubukas sa akin.          Muli akong kumatok at naghintay.                 Nagbukas ang pintuan. Isang lalaking hindi man kaguwapuhan ngunit may matipunong katawan ang nagbukas. Turon. Wala kang itatapon. Lahat puwedeng kainin. Naka-short ito ng maong na bukas ang butones nito. Pinagpapawisan ang katawan kaya lalo iyon nagpatingkad sa kaniyang kahubdan. Napalunok ako at agad na napako ang tingin ko sa halos nakaluwa nang madamong bahaging iyon ng kaniyang katawan. "Dito ho ba nakatira si Francis?" tanong ko.                 Kinakabahan talaga ako. Modulated ang boses ko lalaking-lalaki ngunit dahil sa sanay ako na sumabay sa fashion baka hindi naiintindihan ng ibang lalaki ang gusto ko sa pananamin. "Ahh, si Pareng si Francis. Naliligo e." Preskong sagot niya. Yumuko ako. Taena! Ang hirap namang tapatan ang katigasan ng kaniyang pananalita at kilos. Napalunok ako. Nakakapanghina naman kasi ang nakakalibog na kabuuan niya. Nag-eenjoy ang aking mga mata sa nakikita ko. "Puwede ko ba siyang hintayin, brad?" tanong ko.                 "O, sige pasok ka. Pasensiya na at makalat ha." May kakaiba na sa ngiti niya lalo pa't nahuhuli niya akong nakatingin sa katawan niya at bahaging iyon na madamo. Pagkapasok ko ay tumambad sa akin ang mga iba pang mga bruskong naroon. May nakahilata at nakataas ang paa na nanonood ng TV. Bakit napakatagal pa bago nila ako pagbuksan e nasa sala din lang naman pala sila? Pinagtitripan lang yata ako ng mga ito. Tinignan ko ang mukha ng lalaking nakahiga, hipon. Ang ganda ng katawan pero nang tumingin sa akin... nawalan lang ako ng gana. Ang isa naman sobrang payat ang katawan pero panalo ang mukha, lollipop. May isa pa doong nakatawag ng pansin ko, kahawig siya ni Francis ngunit seryoso. Nang pumasok ako ay agad niyang kinuha ang sando at isinuot iyon saka siya umakyat sa taas. Suplado. "Pre, bumangon ka muna at may maupuan ang magandang bisita ni Pareng Francis." Wika ni Turon. Hindi ko alam kung dapat kong ikatuwa ang sinabi niyang iyon. Pinilit ko paring ngumiti sa kanila bilang paggalang. Pagkabangon ng isa ay tinignan niya ako pataas-pababa na animo'y sinusukat talaga kung ano ako. Oo pink ang damit ko, white ang pantalon ko, at ang shoes ko white din na may lining na pink. So, anong problema mo? Siyempre sa isip ko lang. Gusto kong sabihing barako ‘to dahil hindi ko gusto ang ginagawa niyang pagsukat sa pagkatao ko. Idinaan ko na lang iyon sa paglabas ng phone ko at naglaro ng ML. "Upo ka, misss...ter" nangpipikon na banat ni Hipon.                 Gago 'to ah, makadiin naman sa "misss". Hindi ko alam, pero noon ko naramdaman na parang nanliliit ako sa sarili ko. Unang pagkakataong naiparamdam sa akin ang kaibahan ko. Yung pakiramdam na kinukutya ang pagkatao ko. Hindi na ako mapalagay. Parang gusto ko nang magpaalam at hindi na muli pang bumalik doon lalo pa't nababasa ko sa kanilang pagmumukha na hindi welcome ang kagaya ko sa apartment nila. Si Hipon ay nagbabading-badingan nang umupo sa tabi ko. Hindi man nila iyon harapang sinasabi sa akin ngunit daig pa ang sinampal-sampal ako sa ginagawa nilang iyon idagdag pa ang kanilang mga ngitian sabay tingin sa akin. Yumuko ako. Gustung-gusto ko nang tumayo at umalis. Sa sasakyan na lang ako maghintay. "Uyy, Ateng Francis, may bisita ka!" pabaklang sinabi ni Lollipop. Mukhang mabait pa naman ang gago, yun pala nanaksak din. Gusto kong ihipan ng mailipad na sa kawalan. Nagulat si Francis nang lumabas siya sa banyo. Nagkatinginan kami. Hindi maipinta ang mukha. "Sandali lang." May diin na ang tinuran niyang iyon.                 Pumasok siya sa kuwarto. Nakatapis lang kasi siya ng tuwalya at alam kong kailangan na muna niyang magpalit. "Ateng, borlog muna akey. Mamaya na ang chikabels." Pabaklang tinuran ni Turon. Tumingin siya sa akin saka pakendeng na umakyat sa taas. Sayang, ang sarap ng pagkaluto pero bulok pala ang nasa loob.                 Nagpigil pa din ako. Kung hindi lang dahil kay Francis baka pagpasok ko pa lamang kanina ay nakatikim na sila sa akin ng di nila makain sa anghang ng aking pamamaliit sa kanila.                 Carl, huwag mong patulan. Hinga lang nang malalim. Huwag na huwag mo silang papatulan. Paulit-ulit kong sinabi sa akin sarili. Ilang sandali pa ay lumabas na si Francis. "Ang guwapo naman ni Papa Francis. Nakakabakla talaga siya di ba ate?" si Hipon.                 "Tol, tama na puwede? Walang ginagawa sa inyo ang bisita ko. Kung may bisita ba kayo binabastos ko ba sila?" Biglang natigilan ang lahat. Umayos na ng upo si Hipon. Mukhang natakot. Tumalikod si Lollipop.                 "Pasensiya na pero konting respeto lang naman sa kaklase ko.” Halatang nasindak sila kahit iyon lang ang nabitiwan muna ni Francis na salita. “Nagmagandang loob lang ‘to na dumaan ‘tas paparinggan ninyo ng kung anu-ano. Pasensiyahan na lang tayo mga 'tol at insan dahil ako ang makakabangga ninyo kung kakantihan pa ninyo ang bisita ko." Seryosong tinuran iyon ni Francis. Nakita ko ang galit niya sa pamamagitan ng paninigas ng niyang kamao. "Sorry, masyado kang hot insan." Itinaas ni Hipon ang kaniyang mga kamay.                 Kahit papaano ay natuwa ako sa pagtatanggol ni Francis sa akin. Kahit pa hindi ko nagustuhan ang pagpapakilala niya sa akin bilang kaklase lang niya. "Halika na. Sa labas tayo mag-usap. Masyadong makitid ang mga utak ng mga tao dito." Tahimik akong sumunod sa kaniya. Tinungo niya ang nakaparadang sasakyan ko. "Buksan mo at mag-usap tayo sa loob." Seryoso ang kaniyang mukha. Galit siya, alam ko pero pinipigilan lang niya ang kaniyang sarili. Nang nakapasok na kami sa loob ay doon na siya tuluyang sumabog.                 "Carl, ano 'to? Bigla kang darating sa ganyang ayos? Ano ka ba naman! Hindi ka ba nag-iisip?" "I'm sorry. May bali ba?" mahina kong sagot.                 "May mali ba? Tang-ina tinatanong mo ako kung anong mali?”tinignan niya mula paa hanggang sa ulo. “Pumunta ka dito sa ganyang ayos.” “Pag-aawayan ba natin ito? Maliit lang na bagay to ah.”  “Sa’yo maaraing wala lang ‘yan. Carl, nanadya ka yata e. Kita mo yun kanina? Hindi ka man lang ba nakaramdam ng kahit konting kaihiyan?” “Iba sila, iba ako. Sa ganito ako manamit e.” “Iba nga ang mundo mo sa mundo ko, Carl. 'Eto ako, lalaki ang mga tropa ko. Lalaki ang tingin nila sa akin. Tago ako at sa lahat ng ayaw ko ay yung pag-isipan ako ng katulad nang sa'yo." "Ikinakahiya mo ba ako?" tanong ko. Nangilid na ang aking mga luha. "That's not the point here.” “Yun yon, Frans. Nagkakaganyan ka kasi ikinakahiya  mo ako.” “E di sige, ikinakahiya na kita. Pero sana maintindihan mong sa lahat ng ayaw ko ay ang minamaliit at kinukutya ang mahal ko sa harap ko mismo.” Huminga siya ng malalim. Tumitig siya sa akin. “Parang ako na din ang pinagtatawanan, Carl. Karelasyon mo ako, mahal kita kahit bago palang tayo pero sana naman umakto kang katulad ko. Manamit at kumilos ka nang naayon sa kasarian mo. Alam mo ba yung feeling na pinagtatawanan yung taong mahal mo dahil sa kaniyang pagkatao at wala akong magawa para ipagtanggol ka kasi nakikita nila at nakikita ko din kung ano ang mali sa'yo." "Mali sa akin? Ano bang mali? Na nakapink ako? Na nakaputi ako ng pantalon?” “Oo. Maling-mali.” “Napakakitid naman ng pagmamahal mo.” “No I am not! You are just inconsiderate too.” “Ako pa ang inconsiderate ngayon? Can't you see? Am trying!" sagot ko. Tuluyang bumagsak ang luha ko. "You're trying? Nasaan? Hindi ko maramdaman, hindi ko makita. At makitid pa ako. Kung kakitiran ng utak ang ayusin ang mahal ko sa gusto kong ayos at kilos sa paraang nirerespeto, then so be it! Kakatok ka sa pintuan ko, hahanapin mo ako sa ganyang ayos mo, sa ganyang pananalita at kilos mo? At ano sa tingin mo ang iisipin nila, dyowa kita?" "Hindi nga ba iyon naman ang totoo?"                 "Totoo, sige totoong dyowa kita pero hindi lahat ng tao tanggap ‘yon.” “Katulad ng di mo pagtanggap sa akin.” “Hindi mo talaga ako naiintindihan at hindi mo man lang subukang intindihin ako. Oo dyowa kita pero hindi ba puwedeng sa paraang patago dahil hindi pa naman ako handang ipangalandakan ka at ang tunay kong pagkatao.” “Mahal mo ba talaga ako?” “Mahal na din kita Carl pero hindi ko alam kung matatanggap ito ng pamilya ko. Nakita mo yung mga malalaki ang katawan doon sa loob kanina? Mga pinsan ko ang mga iyon. Maikukuwento nila sa bahay na may barkada akong bading na pumupunta sa apartment namin. Kapag tinanong ako nina Papa, anong isasagot ko ha?” Napalunok ako. Ang hirap pala talaga magmahal ng lalaking nagtatago. Pinili ko na lang manahimik. “Kaya nga ayaw kong makipagrelasyon sa kagaya mong malambot dahil ito ang kinatatakutan ko. Pero umaasa ako sa pagbabago mo. Nangako ka e. Carl, makisama ka naman!" nakita ko din ang pangingilid ng luha sa kaniyang mga mata. "Hindi mo maidiretso sa akin pero halatang-halata na ikinakahiya mo ako."                 "Not necessarily you! Hindi ang buong ikaw, Carl. Yung pananamit mo, yung ibang kilos mo, yung timbre ng boses mo pero mahal ko yung nasa loob mo. Gusto ko yung ugali mo, yung nakikita kong nakatagong kaguwapuhan mo."                 "Frans, kilos ko, pananamit ko at timbre ng boses ko, bahagi iyon ng bumubuo sa akin. Akala ko kasi mahal mo na din ang lahat nang iyon, nang kung ano ang mga bumubuo sa akin."                 "Look, more than a month palang tayo nagkakilala, almost 2 weeks palang na tayo. Inaamin ko, naiisip na kita, but not to the point na sobrang mahal na mahal na kita. At ito yung dahilan kaya hindi ko buong maibigay ang pagmamahal ko sa'yo kasi ganyan ka. Kaunting effort man lang sana. Kaunting paghihintay hanggang sa tuluyan kong mapa-astig kita." Nangangatal siyang nakatingin sa akin. Humihingi ng pang-unawa. Huminga ako ng malalim.”Ikaw itong hindi makapaghintay. Ikaw itong pinipilit at binibigla akong magbago. Mahirap ang gusto mong ipagawa sa akin. Kaya nga bigyan mo naman ako ng sapat na sandal para maging ako din yung gusto mong maging ako.” Pinunasan ko ang luha kong umagos na sa aking pisngi. Pakiramdam ko kasi, astig na din naman ako magsalita at kumilos. Maaring may mali sa damit ko ngayon pero ako na ‘to. Iyon na din ang timbre ng boses ko. Anong pagbabago pa ba ang kailangan kong gawin? "I may not be the one na mamahalin at magugustuhan mo, Frans." Bulong ko. Walang kasinsakit na sa akin manggagaling iyon pero tama ako sa iniisip ko. Hindi ko pa siya ganoon kamahal at siya din naman sa akin. Isa pa, naturn-off na ako nang hiningan niya ako ng pera pero pinilit kong magbulag-bulagan dahil nga meron naman akong maibigay at may nararamdaman ako sa kaniya pero yung ganitong gusto niyang magbago ako agad-agad para sa kaniya ay mukhang hindi naman yata tama. Lalo pa’t alam kong iyon na pinakamaayos kong kilos at pananalita bilang ako.                 "Sumusuko ka na?” Tinignan ko siya. “Tell me, ayaw mo na sa akin?"                 Tumango ako.                 Hindi ko alam kung bakit ganoon ang nararamdaman ko, nasasaktan na ba talaga ako? Kasi siguro napaniwala ko ang sarili kong siya na nga ang lalaking mamahalin ko at mamahalin ako. Nabigo ako. Narinig kong huminga siya nang malalim na para bang pilit na niyang pinapakalma ang kaniyang sarili mula sa sobrang galit niya kanina.                 "Look, Carl, we argue kasi gusto kita. Kung wala sana akong pakialam sa'yo, kanina pa kita pinauwi."                 "So, gusto mong magpasalamat pa ako sa mga sinabi mong masasakit sa akin?"                 "Carl, gusto kong ayusin ka! Gusto kong mahalin at tanggapin kita ng sobra. Kaunting changes naman para sa akin. Kaunting unawa. Ayaw mo bang maramdaman yung alam mo sa sarili mong kakaiba ka pero ramdam mo paring tanggap ka at hindi ka kinukutya ng mga lalaki? Mahirap para sa'yo pero walang imposible kung gusto mong aralin. Hindi ko alam na ganoon mo din lang pala ako kadaling isuko.” Huminga siya ng malalim. Umiiling-iling siyang nakatitig sa akin. “Akala ko iba ka." "Gusto mong maging ako yung hindi naman talaga ako? Di ba mas may mali sa kilos at pananalita ko kung hindi na ako totoo sa sarili ko?" "Kung mahal mo ako, kaya mong mag-adjust, Carl"                 "I'm sorry." Mahina kong sinabi iyon. “Kung mahal mo ako dat tanggapin mo yung kung sino talaga ako.”                 Nagkatinginan kami. Nakita ko sa mukha niya na hindi nga niya nagugustuhan ang ginagawa kong pagsuko at pagmamatigas. Hindi naman kasi madali ang hinihingi niya. Buong ako ang kailangan kong bihisan at hindi ang pisikal kong hitsura lang.                 "Well then. Hintayin mo ako at may ibibigay lang ako.” “Ibibigay? Ano ‘yon?” “Basta wait lang. After this, you can be whoever you wanna be. Mabuti na nga talaga ito, habang maaga pa e, ipinakita mo na yung kahinaan mo. Mabuti nga din at hindi pa kita minahal ng todo. Dahil kung nagkataon, hindi ganito kadali kitang pakawalan, Carl." Binuksan niya ang pintuan ng kotse. Lumabas siya at pinagmasdan ko siya. Nagdadalawang isip na din ako kung itutuloy ko pa ang sa amin. Nang hiningan niya ako ng pera, nakabawas na iyon sa kabuuang pagkagusto ko sa kaniya. Guwapo siya, maganda ang katawan, lalaking-lalaki kumilos, magsalita at pumorma. Siya ang hihinintay ko at matagal ko nang hinahanap. Siya yung matagal ko nang pinangarap. Hanggang sa nakita kong lumabas siya sa kanilang apartment na may mga dalang shopping bags. Kumunot ang noo ko. Habang tinititigan ko sa hindi kalayuan ay parang lalong napakaguwapo niya sa suot niyang jersey sando at shorts. Nagtaka lang ako sa mga dala-dala niyang shopping bags. Ibinaba na niya niya muna ang mga ito para buksan ang likurang bahagi ng aking sasakyan saka niya isa-isang ipinasok ang mga iyon. Isinara niya pagkatapos. Kinatok niya ang window ko. Binuksan ko. “Maalala mo nang nanghiram ako sa’yo ng pera?” Tumango ako.                 "Yan nay un. Ibinili ko ng mga pantalon, t-shirt at shoes mo na alam kong babagay at ilalabas ang kagupuhan ng isang astig na lalaki sa'yo."                 "Ano? Bakit mo ginawa 'yun? Bakit parang andami naman yata?" nagtataka kong tanong. Isang katotohanan na namang nagbigay sa aking ng pagkasorpresa. "Sinadya kong damihan para may pamalit ka. Hindi kasya 'yung ibinigay mo kaya kinuha ko sa ipon at allowance ko yung ipinandagdag ko. Hindi ako mayaman katulad mo at istudiyante din lang ako, kaya kailangan kitang hingan ng pinandagdag ko.” Ngumiti siya. May pait akong nakita sa kanyang mukha. “Nang nagshower ka noon, kinuha ko ang pagkakataong iyon para malaman ko ang size ng mga sinusuot mo. Ako ang nagshopping para sa'yo dahil gusto kong simulan mo ang pagbabago mo sa pananamit." Huminga siya ng malalim. Lumingon sa apartment na para bang nangangamba na may lalabas sa mga pinsan niya at makita siya.                 Natameme ako. Wala akong maapuhap na isagot. "Hindi mo naman trip ang mga damit na ‘yan hindi ba? Sayang kasi e.” “Hindi masasayang yan kasi susu-“ “Ipamigay mo na lang ang mga iyan sa mga kakilala o kaibigan mo,” mabilis niyang pamumutol sa sana ay sasabihin ko. “Sayang naman kung di mapakinabangan lalo na't may mga kahamahaIan din naman ang iyan." Kinamot niya ang ilong niya. Muling tumingin sa aking mga mata. Huminga ng malalim.                 "I did my part, Carl. I'm sorry kung sinubukan kong ayusin ka sa paraang alam ko na ikabubuti ng kabuuan mo pero imposible nga talaga ang gusto kong mangyari.” Hindi ko pa din alam kung ano ang sasabihin ko. “Saglit lang tayong nagkakilala, Carl pero alam kong may natutunan din naman ako nang sinubukan kong magmahal ng kagaya mo. Hindi man tayo tumagal pero ayos lang, dahil bakit pa nga natin ito itutuloy kung hindi natin kayang magsakripisyo para sa ikatatahimik ng isa sa atin. Akala ko, posibleng mapabago ng pagmamahal ang kabuuan ng isang tao. Hindi pala lahat. Hindi pala iyon tama sa katulad mo." Pinunasan niya ang pawis niya sa noo. Wala pa din talaga akong maisip sabihin kahit nang mga sandaling iyon gusto ko na talagang bawiin ang pakikipaghiwalay sa kanya. "Sige na, larga ka na." Tinapik ang sasakyan ko saka mamula-mula ang kaniyang mga matang tumalikod. Hindi na niya ako binigyan ng pagkakataong sagutin pa siya. May nasagi sa puso ko sa sinabi niya. Lumabas ako sa sasakyan ko para habulin at pigilan siya. Mali akong basta na din lang siya pakawalan. Ngunit pababa palang ako ng sasakyan nang makita kong lumabas ang apat niyang kasamahan sa apartment. May dalang bola ang mga ito. Masaya. Nakita kong ipinasa nila ang bola kay Francis at nagdribble naman ito saka ipinasa kay Hipon ngunit mabilis na inagaw ni Lollipop. Minabuti kong bumalik sa loob bago pa ako mapansin. Nang dumaan sila sa harap ko ay tinapunan ako ng tingin ni Francis. Saglit lang 'yun. Tingin na para bang tuluyan na niyang tinatanggal ang karapatan ko sa kaniya. Tinapos ko ang sa amin. Hindi ako makapaniwala sa ginawa ko. Muli akong bumaba sa aking sasakyan nang alam kong nakalagpas na sila sa akin. Pinagmasdan ko ang masayang pakikipagpasahan ni Francis ng bola sa kaniyang mga kasamahan. Parang wala lang nangyari. At mukhang ako ang talunan samantalang ako ang nagdesisyong mang-iwan. Hinintay ko siyang lingunin niya ako. Naghihintay akong balikan niya ako at tanungin kung sigurado na ba ako sa desisyon ko. Naramdaman kong basa na nang luha ang aking pisngi. Umiiyak ako ngayon dahil sa isang lalaki. Ganito pala kasakit ang masaktan. Napakahirap huminga. Para akong sinasakal. May kung anong mabigat na bagay na dumagan sa aking dibdib. Nang sumakay ako ay nakita kong nilingon niya ako bago sila tuluyang lumiko. Nakatawa. Tumatawa sila ng kaniyang mga kasama niya sa bahay. This is not fair. Lumalabas na ako ang sobrang talunan. At sa loob ng sasakyan ko na tuluyang iniiyak ang lahat ng sakit na naramdaman ko. Paano ko pa siya mababawi ngayong ako ang tumapos at sumuko.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD