DESPERADO
CHAPTER 1
May mga kababalaghang nangyayari sa ating mundo na hindi natin kayang ipaliwanag pati na din ang sensiya. Maaring ang kuwentong ito ay hindi paniniwalaan ng karamihan ngunit dahil sa ito’y totoong nangyari sa akin, handa kong ipaglaban ng p*****n. Hanggang ngayon, sa tuwing naiisip ko ang pangyayaring ito sa buhay ko ay bigla na lang tatayo ang balahibo ko at pinagpapawisan sa takot. Ngunit heto ako’t buhay. Mahirap ang may kapangyarihang nakakakita ng di nakikita ng iba ngunit kailangan yakapin at tanggapin ang kapangyarihang iyon na meron ang isang kagaya ko. Ngunit dahil sa pagkakaroon ko ng third eye, nakatulong iyon sa akin para maipagpatuloy pa din ang buhay.
Ako si Carl. May pusong babae ngunit matigas pa ako sa lasinggero mong tatay at mas mukha pa akong basagulero o bully sa kapitbahay mong tambay. Iyon ang tingin ko sa aking sarili kahit pa sopistikado akong manumit at hindi presko kumilos at magsalita. Dahil nag-aral sa mga sikat na private at exclusive schools kaya may kaartehan din ang paraan ng aking pagbibigkas ng salita. Sa totoo lang, hindi ako perpektong alanganin. Magaling akong magpayo, madali para sa aking pagsabihan ang mga matatalik kong mga kaibigan sa alam kong tama ngunit pagdating sa mga naging diskarte ko sa buhay ay alam kong may mali. Oo, bakla ako, masakit man na marinig ang salitang ito na itinatawag sa akin ng iba ngunit sinisikap kong yakapin ang katotohanan dahil iyon naman talaga ang totoong ako. Ngunit tama bang ikabit ang katangahan sa kabaklaan? Sino ba sa kagaya ko ang minsan hindi nagpapakatanga para lang sa lalaki o sap ag-ibig? Si Superman nga may kahinaan, si Darna kung wala na ang kaniyang bato lumalabas din ang kaniyang pagiging tao, ako pa kayang mga bakla lang?
Isa ako sa mga masasabing nasa tamang edad na nang maisipang maglandi. Tamang edad na ba yung 19 ako? Ah, basta para sa akin, sa katulad kong mula pagkabata alam kong lalaki din ang gusto ko, late na talaga iyon. Kung paglalandi ngang maitatawag ang paghahanap ng tunay na pag-ibig. Sa katulad ko, sabihin na nating napakahirap ang hindi nagpapakatotoo. Yung ingat na ingat kang mabahiran ng pagkabakla ang kilos at pananalita mo. Hindi maaring malaman ng kahit pamilya ko at ilang mga kaibigan at katrabaho na binabae, bakla, beki, shokla, shoding o kahit na anong salitang ipinupukol nila sa kagaya ko. Dahil sa takot na mabuking ako, umabot ako ng 20 ngunit kahit kiskis o kiss ay wala akong naging karanasan . Anyare? Alam ko naman na pogi ako. Siguro kasi, umaasa ako na bigla na lang darating yung talagang lalaki para sa akin. Yung kahit nakaupo ka lang sa park ay tatabi na si dreamboy o kaya nagmamadali sa mall, makakabangga na si Mr. Right o kaya yung sumakay lang sa bus kikindatan ka na ng prince charming ng buhay mo. Naisip ko na naman dati pa na si Cinderella nga nahubaran lang ng sapatos may prince charming na, o kaya ang binangungot na yatang si Sleeping Beauty na pagkagising may lovelife na. Hindi naman question dito yung kagwapuhan kaya lang kadalasan landi ang kailangan isabay sa kapogian. Yung landi ang kulang sa akin dahil sa takot kong mabuking ng iba. At kung lalambpt-lambot kang bakla, paniguradong mailap ang relasyon at pag-ibig sa’yo. Mas buo ang pagkapaminta, mas mataas ang market value niya. Mas malamya, kadalasan ay pera-pera lang ang katapat niya. Malas lang kung ipilit na magiging babae ang hitsura ng isang bakla dahil kailangan pang bumunot sa pitaka para makatikim lang ng por kilo sa mga kalalakihang bayaran.
Nainip ako. Karamihan kasi ng mga kaklase kong bakla noon high school ako, may mga kuwento na sila tungkol sa kanilang mga karanasan. Nakikinig lang ako noon, tahimik na kinikilig. Iniisip kung kailan din kaya ako makaranas ng nararanasan na nila. Umabot ako sa college na wala pa din talaga. May mga natitipuhan ngunit natatakot akong magtapat dahil bukod sa sila ay kaklase ko, kadalasan barkada pa. kaya pilit kong nilalabanan ang bulong ng damdamin. Kung lahat tayo ay may nakalaan talaga para sa atin, nasaan yung itinadhana sa akin? Late ba siya? Kailan siya darating? May hinihintay ba talaga o kailangan ko na lang siyang hanapin o salubungin baka kasi naantala lang sa piling ng mga malalanding bakla o pilit nililingkis ng mga nagmamagandang mga babae.
Naalala ko pa noong unang araw na nagdesisyon akong maghanap. Nasa Canada na noon si Cedrick ang matalik kong kaibigan na siyang tanging nakakaalam sa tunay kong pagkatao. Siya lang ang tanging nakaamoy sa akin at sa kaniya lang ako bukod tanging naiinggit. Dahil kahit high school pa lang kami, alam na niyang kung anong gusto niya at wala siyang pakialam sa sasabihin ng iba. Dala ng kalungkutan dahil wala na nga akong bespren na kasa-kasama ay nagdesisyon akong ito na ang pagkakataon na humanap na ako ng lalaking masasabing magiging akin. Nangarap akong baka nga sa MRT ko na mahanap o kaya makasakayan sa jeep ang lalaking siyang unang magpapatibok sa aking puso. O, baka naman sa Mall lang siya naghihintay. Hindi naman ako naghahanap ng spark basta gusto ko, pwede na siguro. Matagal na ako gumagamit ng kotse, umaasa na baka isang araw may kunyari magpapabangga, may makakaaway sa traffic, may makikisakay sa gitna ng malakas na ulan ngunit wala talaga tol, nagasgasan na sa kakabunggo kunyari ang sasakyan ko ngunit anong napala ko? Pagmumura o kaya pagbabayad sa kunyari ay nabangga kong sasakyan lang ang napapala kko. Sinadya ko na ding tumambay sa mga waiting shed kapag malakas ang ulan baka may biglang guwapong makikisakay pero tang-ina tol, inanod lang ng baha at pinasok ng tubig ang sasakyan ko. Hanggang sa tinanggap ko nang buum-buo na hindi magpapakita ang hinahanap kong Mr. Right sa pamamagitan ng paggamit ko ng aking sasakyan.
Gabi na noon. Sumakay ako ng MRT papuntang Gateway kaya sa Cubao ako bababa. Hindi tumitigil ang aking leeg sa kasusulyap. Mahirap nang baka hindi ko makita o malagpasan ang aking hinahanap. Baka nga nasa tabi ko na pala ang ibinigay sa akin pero hindi ko pa siya napapansin. Maraming tao, siksikan, nagkakaamuyan na nga ng hininga, nagkakabundulan na ng katawan. Mabuti at natapat ako sa isang guwapo, matangkad at matipuno ang pangangatawan. Nakasando at short lang siya. Ramdam na ramdam ko kasi ang tigas ng kaniyang katawan na dumikit sa akin. Hawak niya ang mumurahing cellphone niya. Nang una ngumiti ako sa kaniya pero nag-ipon pa ako ng ilang dangkal na kapal ng mukha at sandamakmak na lakas ng loob. Idinaan lang niya ang tingin niya sa akin. Suplado tol. Parang walang nakita samantalang iyon na ang pinamatamis kong ngiti. Naisip ko baka hindi lang niya iyon napansin dahil nga naman sa sitwasyong para na kaming sardinas na pilit pinagkasya sa lata. Kahit hirap ay inapuhap ko at inilabas ang smart phone ko para malaman niya ang sign na kinukuha ko ang number niya. Itinaas ko iyon para makita niya sabay ng pahapyaw na tingin sa kaniya, huwag kang magkamaling tumingin, may pahabol pang matamis na ngiti 'yan tol, naisip ko. Una niyang napansin ang phone ko bago siya tumingin sa akin. Sapol! Nakuha ko na ang atensiyon niya. Kumindat, kasunod ng isang matamis na ngiti at tang-ina tol, namula ako ng todo sa hiya pero kailangan kong gawin ito dahil desperado na akong mkahanap ng aking inaabangang pag-ibig. Nagtama ang aming paningin. May kung anong naramdaman ako noon, kinakabahan ako lalo pa't napakalapit ng mukha niya sa mukha ko at heto siya't nakikipagtitigan na siya sa akin. Kumindat din siya nang huminto ang tren. Nasa Guadalupe station palang ngunit kumindat siya sa akin na parang nag-aaya.
"Excuse me." Buo ang boses na iyon nang sumingit at pilit dumaan siya sa harap ko.
Lalaking-lalaki. Dikit na dikit sa aking mukha ang kaniyang pagkatitig at may kasunod iyong kindat. Dumaan siya sa akin para tunguhin ang exit ng tren. Naisip ko, naka-first move na ako, hahayaan ko na lang bang iyon n ang una at huli naming ngitian at paramdaman. Kung hindi ko siya susundan at siya na pala ang para sa akin, magkikita pa kayang muli? Kaya kahit pa sa Cubao sana ako bababa ay lumabas na din ako. Lumingon siya sa akin. May ngiti sa labi. Ngumiti din ako. Nang maka-exit kami at maipasok ko ang MRT Card ko ay akala ko maghihintay siya. Umakyat siya sa hagdan ngunit panakaw siyang lumingon sa akin. Sumunod lang din ako sa kaniya ngunit kinakabahan ako nang hindi ko maintindihan. Siguro nga dahil unang beses kong gagawin ang sumunod sa isang lalaki guwapo at macho. Para akong asong bumubuntot sa among may dalang buto. Pumasok kami sa lumang mall ngunit hindi pa siya doon humihinto ngunit panay lang ang lingon niya sa akin at ang kaniyang nakakangatog sa tuhod na ngiti. Hanggang sa lumabas siya sa mall. Hindi pa din ako sumusuko, sumunod ako hanggang sa nakita kong sumuot siya sa madilim na eskinita. Huminto ako. Nagdalawang isip kung kailangan ko pa bang sundan siya hanggang doon. Kung interesado siya sa akin, bakit hindi na lang ako hinintay sa mall? Bakit pa siya nagpapasunod hanggang sa madilim na bahaging iyon. Huminga ako ng malalim saka nagdesisyong huwag na lang siyang sundan.
Pagtalikod ko pa lamang ay may sumitsit sa akin. Alam kong siya iyon ngunit minabuti kong lumayo na lang. Nakailang hakbang palang ako nang marinig ko ang boses niya.
"Sandali lang."
Napangiti ako. Kinagat ko ang labi ko at may halong kilig. Ganoon din pala ang feeling kapag hahabulin ka. Hindi pa din ako lumilingon ngunit tuluyan nang tumigil ang aking paa sa paghakbang.
"Puwede ka?" tanong niya.
"Puwede? Hindi kita maintindihan tol, puwede saan?" lumingon ako. Pinalamlam ko ang aking mga mata para mas magmukha akong cute.
“Tang-ina pre, alam mo na ‘yon. Kailangan ko pa bang sabihin?”
“Mag-sesex?” paninigurado ko.
“Sumunod ka na hanggang dito, e di ibibigay ko kung anong trip mo?”
“Yon bang gagawin natin diyan?”
Hindi siya sumagot. Inginuso lang niya ang bahaging iyon ng eskinita. Kinagat niya ang labi niya sabay nang paghipo sa kaniyang kaselanan. Napalunok ako. Bumalik yung nararamdaman kong init. Itinaas niya ng bahagya ang laylayan ng kaniyang sando at nahuli ng aking paningin ang mabalahibo at maganda niyang abs. Lalong nagwala ang t***k ng aking puso.
"Halika." Maikli niyang pag-aya ngunit ang halikang iyon ay parang nagpawala sa akin sa katinuan. Humakbang ako palapit sa kaniya.
"First time mo? Mukhang ninenerbiyos ka." Bulong niya nang inakbayan na niya ako. Parang may kung anong nakabara sa lalamunan ko kaya hindi ko magawang sumagot. Tumango ako.
Nanginginig ang buo kong katawan sa excitement lalo na nang ilang hakbang na lang ay lalamunin na kami ng kadiliman.
"Dito ba talaga?" tanong ko.
"Bakit ayaw mo? Sandali lang naman tayo. Nagmamadali kasi ako." sagot niya. Naramdaman ko ang paghimas niya sa balikat. Libong boltahe ang hinatid niyon sa buo kong katawan.
"Puwede naman tayo sa bahay o kaya mag-hotel. Ako na ang bahala huwag lang sana sa madilim na eskinita." Nilingon ko siya. Binasa niya ang labi niya at lalong parang nanghina ang tuhod ko.
"Ikaw kung gagasto pa tayo e sandali lang naman 'to." Bulong niya sa tainga ko.
"Sige na nga dito na lang." sagot ko.
Hinila niya ako sa sulok. Walang kahit anong pagtanggi dahil una, gusto ko siya, pangalawa gusto kong maranasan kung paano iyon. Sandali kaming nagkatitigan. Kinuha niya ang mga kapay ko at inilagay niya sa kaniyang maumbok at matigas na dibdib. Gumalaw ang mga kamay ko. Niyakap ko siya. Naglakbay ang nanginginig kong mga palad sa kabuuan niya. May kung anong dinukot siya sa sulok ng tinaguan namin. Nang ibaba ko na ang kaniyang short ay lumapat ang kaniyang bibig sa aking tainga. Nakaramdam ako ng kakaibang sensasyon. Gusto ko ang manipis niyang balbas na sumagi sa puno ng aking tainga. Niyakap niya ako.
"Hold up 'to, bakla! Akin na ang pera at cellphone mo kung ayaw mong lalagyan ko ng gripo ang tagiliran mo."
Nanlaki ang aking mga mata. Bumalik ang kaba sa aking dibdib. Mas malakas ngayon. Lahat ng balahibo sa buo kong katawan ay nagsitayuan. Naramdaman ko ang matigas na bagay nakatutok sa aking likuran.
"Subukan mong sumigaw at hindi ako magdalawang isip na isaksak ang hawak ko sa likod mo."
Bigla akong nakaramdam ng panghihina. Iyon pala ang pakiramdam ng natatakot sa kung ano ang puwedeng gawin sa'yo ng isang nilalang na halang ang kaluluwa. Ramdam kong hindi siya nananakot lang. Wala sa hitsura niyang aalis ng walang makuha sa akin. Hindi ako nakakilos.