Chapter Three
Charm's PoV
"Kumusta ang application mo mga Stasevich, ate?" tanong ni Barbie nang tumabi siya rito sa akin sa kama. Manonood kami ng horror movie. Si Beatrice ay wala pa dahil sa mall siya dumiretso kanina pagkagaling namin sa Stasevich Designs building.
"Keri lang. Ayoko ro’n. Mukhang pangit ang pamamalakad," sabi ko at sumandal sa headboard ng kama ko. Nagpi-play na ang movie sa flat screen ng kuwarto ko.
"Ha? Alam mo bang isa ang SD sa pinakasikat when it comes to fashion? Nangunguna rin pagdating sa fashion magazine. Stasevich University sa Spain at Russia rin ang nangungunang School of Designs sa buong mundo. Masuwerte ka nga ate dahil sa Stesevich University ka nag-aaral. Nag-iisang SU sa Asia" sabi niya.
Nagkibit-balikat ako. Bata pa lang ay pangarap na ng kambal na maging Stasevich Model. Parang iyon yata ang pangarap ng lahat ng model na kakilala ko.
"Basta ayoko sa kanila," sabi ko.
"Baka naman kasi hindi ka papasa sa standards nila, Ate?" aniya.
"Minamaliit mo ba ako?" Pinandilatan ko siya ng mata. Nagkunwari na lang siya na nag-zip ng bibig at pumikit na para matulog. Ako naman ay bumaling sa screen na kanina pa nagpi-play ang movie.
Knabukasan ay maaga akong nagising dahil may group work kami na dapat na naming matapos kaya gagawin namin sa library. Kapapasok ko pa lang ng campus ay ang tumatakbong si Eloisa na ang sumalubong sa akin.
"My god! Charmaine!" excited niyang sabi at inalog-alog pa ako sa balikat. Para siyang bulating inasinan. Tumatalon-talon pa siya sa harapan ko.
"Anong mayr’on?" Nakisabay ako sa pagtalon niya dahil nae-excite ako sa sasabihin niya.
"Ahh!" Tili niya. "Ang guwapo niya!" sabi niya at napahinto ako sa pagtalon. Tinaasan ko siya ng kilay.
"Nino?" tanong ko. Huminto rin si Eloisa sa pagtalon at bumwelo sa pag-announce.
"Ni Mr. Stasevich!" sabi niya at pinaypayan pa ang kanyang sarili. Alam ko namang may unrequited love siya para kay Aldrick. Pero bakit ganito siya makaasta na para namang hindi niya araw-araw nakikita si Aldrick. E kahapon lang naman siya um-absent.
"Okay?" sabi ko.
"Hindi! Hindi!" Sabi niya at nag-hand gesture pa ng hindi nang mabasa niya ang iniisip ko. "Hindi si Aldrick ang tinutukoy ko. ’Yong kuya niya! Oh, my God!" Napatili pa siya at naghisterya na naman. Para naman akong binuhusan ng malamig na tubig nang marinig ko ’yon.
Mr. Stasevich? ’Yong kapatid ni Aldrick? ’Yong nakaharap ko kahapon? What the!
Agad kong dinukot sa bag ang aking payong at binuksan iyon. Hindi niya ako maaaring makita. Sobrang pikon niya sa akin kahapon kaya baka samain ako sa kanya. Kailangan kong magtago dahil baka nasa paligid lang siya at bigla na lang akong itumba. Binuksan ko ang payong ko at nagpayong kahit wala namang ulan o init man lang.
"Hoy, Charm! Anong trip ’yan?" Habol ni Eloisa at sumukob pa sa payong ko.
"Umuulan," tipid kong sabi.
"Ha? Hindi naman, ah?" In-stretch pa niya ang braso niya upang tignan kung may pumapatak ba sa kamay niya. "Wala naman, ah?" sabi pa niya.
"Umuulan, Eloisa! Kapag sinabi kong umuulan, umuulan!" sabi ko at napakamot siya sa ulo.
"Okay..." Dumukot siya sa bag niya at inilabas din ang kanyang pink na payong. Tsk! Ang pangit ng payong niya. "Bilisan natin, baka mabasa tayo," sabi niya nang mabuksan ito at binilisan na namin ang paglalakad.
Nang marating namin ang building kung nasaan ang library ay saka lang namin tiniklop ang payong. Pero ako ay halos takpan ko na ang mukha ko ng aking kulot na buhok dahil baka makasalubong ko si Mr. Stasevich. Nakahinga lang ako nang maluwag nang makapasok na kami sa library. Kinawayan agad kami ng aming mga ka-grupo.
Kasisimula lang naman daw nila kaya sinabi nila sa amin ang part namin ni Eloisa sa group. Humarap ako sa laptop ni Erika dahil ako ang nakatoka sa soft copy ng design na gagamitin namin sa defense. Wala pa ako sa kalahati ng design ko ay naramdaman kong may tumabi sa gitna namin ni Eloisa.
"Hi, Eloisa..." Kahit hindi ko nililingon si Eloisa, alam kong para na siyang tuod na naninigas dahil sa lapit ni Aldrick sa kanya. Nakapatong ang braso nito sa sandalan ng inuupuan ni Eloisa.
"H-hello," Nlnauutal na bati rin ni Eloisa.
"Ang ganda mo naman ngayon. At dahil maganda ka ngayon, puwede bang pahiram saglit si Charm?" sabi niya at ako naman ang binalingan. Sa sandalan ng upuan ko naman niya ipinatong ang kabilang braso.
"Bakit?" Baling ko sa kanya. Anong kinalaman ng pagiging maganda ni Eloisa sa paghiram niya sa akin?
"Sige na, Charm!" Pinagtabuyan ako ni Eloisa. Parang kahit ano yatang hilingin ni Aldrick ay pagbibigyan niya dahil sinabihan siya nito ng maganda. Si Eloisa na rin ang nagligpit ng gamit ko at ipinagpaalam ako sa mga groupmates namin. Siya na rin daw ang tatapos ng design ko.
Sumama ako kay Aldrick kahit hindi ko alam kung bakit niya ako isinasama. Nasa hallway pa lang kami ay tinatalakan ko na siya. Hanggang sa huminto kami sa tapat ng Director's office.
"Anong ginagawa natin dito?" tanong ko. Kailangan ko talagang mag-stay sa isang lugar dahil baka mahagilap ako ng kapatid niya. Walang katok-katok ay binuksan niya ang pinto at hinila niya ako papasok.
"Knock, Aldrick!" matigas na sabi ng lalaki na tila ba siguradong-sigurado sa kung sino ang biglang pumasok sa office niya kahit hindi naman niya inaalis ang tingin sa mga pinipirmahang papel. Nanlaki ang mga mata ko nang ma-realize kung sino ang nasa harapan namin ngayon.
"I brought Charm, kuya," walang prenong sabi ni Aldrick na nakakuha sa kanyang atensyon. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin sa akin. "Nag-usap na kami ni kuya, Charm," sabi niya at naglakad papunta sa isang sofa. Naiwan ako sa tapat ng desk ni Mr. Stasevich.
Nag-usap?
"You'll start on Monday," sabi lang ni Mr. Stasevich at ibinalik ang atensyon sa pagpirma ng mga papel. Ang sarap siguro ng ganyang trabaho. Papirma-pirma lang pero milyon-milyon ang kinikita sa bawat pirma.
"M-monday?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Yea. Monday. You're not ready?" panghahamon niya. Napataas ang kilay ko sa hamon niya.
"Me? Not ready? I'm ready... Since birth!" sabi ko at tinalikuran ko na siya. Nahagip ng paningin ko si Aldrick na tinatakpan ang kanyang bibig gamit ang nakakuyom niyang kamao na tila nauubo pero halatang nagpipigil ng tawa. Inirapan ko lang siya.
"Miss Capili," narinig kong tawag ni Mr. Stasevich bago ko pa man mapihit ang doorknob ng kanyang opisina.
"Yea?" Nilingon ko siya.
"It's ‘I was born ready’. Not ‘I'm ready since birth!" malamig niyang sabi at dumagundong na ang tawa ni Aldrick na kanina pa niya pinipigilan dahil sa sinabing iyon ng kanyang kapatid. Inirapan ko sila at padabog na isinarado ang pinto.
Bumalik ako sa library pero nakasalubong ko na sila sa pintuan. Tapos na raw sila. Pero pagdating namin sa classroom ay biglang pumasok ang isang student council at in-announce na hindi makakapasok ang prof namin kaya imo-move ang defense sa Monday.
"What?" protesta ko na hindi naman pinansin ng nasa harapan at umalis na lang basta.
"Bakit? Gusto mo ba ngayon na ang defense? Ayaw mo nun, makakapagliwaliw tayo ngayon," sabi ni Eloisa at ilang beses itinaas ang kilay niya.
"Hindi kasi ako papasok sa Monday, e! First day of internship ko. Aayusin ko pa ang schedule ko roon," sabi ko. Friday ngayon at wala naman kaming klase kay Mrs. Paz bukas. Wala naman kaming pasok ng linggo.
"Ha? Hindi puwedeng hindi ka makapag-defense. Babagsak ka ng tuluyan," sabi ni Eloisa at inilapit ang kanyang upuan sa akin. "Saan ka ba mag-i-intern?" Oo nga pala. Hindi ko pa naikukuwento sa kanya.
"Sa Stasevich Des—"
"Sa Stasevich?" halos pasigaw niyang sabi. Mabuti na lang at may sari-sariling mundo ang mga classmate namin at hindi pinansin ang sinabi niya. "Seriously? How?" tanong niya.
"Aldrick," simpleng sagot ko.
"My God! Have you met Aldred Stasevich?" excited na tanong niya at alam kong papaulanan niya ako ng tanong. Mas lalo siyang lumapit sa akin.
"Oo. Kahapon," sabi ko at umirit siya.
"Shocks! Omg! Hirap na hirap kaming silipin siya kanina dahil sa dami ng bodyguards niya. Palibhasa kilalang tao. Kumusta ang hitsura niya sa malapitan?" tanong niya.
Sikat talaga ang kuya ni Aldrick. Internationally. Hindi naman ako interesadong makilala siya dahil ayon kay Aldrick, bihira lang siyang pumunta sa Pilipinas. At kapag narito sa Pinas ang kuya niya, wala itong ibang inaatupag kundi ang kanyang fiancee. Na pure Filipina.
"Ayos naman. Guwapo!" Halos mangisay na naman siya dahil sa sinabi ko.
"Ngayon lang siya bumisita rito sa university. Bakit kaya? E hindi naman business ang pinupunta niya rito sa Pinas. Ang ama niyang si Mr. Stasevich ang umuuwi rito sa Pinas at nagma-manage ng ibang business dahil nag-aaral pa si Aldrick. Hmm... Bakit kaya? Ang huling kita sa kanya rito ay three months ago," sabi niya. Nilagay pa niya sa ilalim ng kanyang baba ang kamay na para talagang nag-iisip. Ayun siguro ’yong time na aksidente ko siyang napara. Magkikita kaya sila ni Cynthia noon? Siguro. Natatandaan kong pinapasundan niya sa driver niya si Cynthia, e.
"Bakit ba updated ka sa kanya?" tanong ko.
"Hindi ako sa kanya updated. Kay Cynthia Luna. ’Yong modelo?" Oh, yea. Lagi nga siyang bukam-bibig nitong si Eloisa. Ayon sa kanya, in demand model daw ngayon si Cynthia Luna world wide.
"’Ykng idol mong model?" Sunod-sunod ang tango niya.
"Oo. Alam mo namang siya ang naiisip ko sa lahat ng design na ini-sketch ko, ’di ba? Pangarap ko talagang bihisan siya pero napakaimposible no’n. Lalo na’t Victoria's Secret ang goal niya." Napanguso siya.
Wala talaga akong alam sa nangyayari sa fashion industry. Hindi ko hilig ang fashion. Nagkataon lang na may nalalaman ako sa pag-sketch. Pero kung ang pangarap ko ang pag-uusapan, either journalist or field reporter. So kapag nag-take na ako ng Mass Communication, either journalism or broadcasting ang i-major ko.
"Ikaw, Charm? Sinong target mong bihisan?" tanong niya at napa kibit-balikat ako. Wala pa ’yan sa isip ko. Mas naka-focus ako sa kung saang TV network ako magta-trabaho kapag natapos ko na ang kursong talagang pangarap ko.
"’Yong kambal na lang siguro," sabi ko.
"Sabagay. Gumagawa naman na sila ng pangalan sa modeling, e." Hanggang sa matapos ang iba pa naming klase ay hindi nalayo sa pagmo-modelo ang pinag-uusapan namin ni Eloisa.
Nang dismissal na ay nag-text si daddy na nasa tapat na siya ng campus para sunduin ako. Ganoon din daw ang driver nina Eloisa kaya sabay na kaming lumabas. Paglabas pa lang ay napansin agad namin ang mga reporter na nakaabang sa gate ng campus.
"Anong mayr’on?" tanong ko at napahinto pa kami.
"Baka nalamang nandito si Mr. Stasevich. Alam mo na. Sikat. Hinirang pang most influential businessman ng Time Magazine. At awarded sila ni Cynthia bilang Hottest Couple of the Year ng isa ring magazine sa UK." Halatang sinusubaybayan niya ang dalawang iyon. Pero napanguso siya.
"Bakit ganyan ka?" tanong ko.
"Nakaka-miss sila together. Ang last appearance nila together ay noong Fashion Week ng isang sikat na clothing line sa Taiwan kung saan rumampa si Cynthia. After that, hindi na sila nakita in public na magkasama. Four months ago pa iyon," bigong sabi niya. Natigil lang ang kakatingin namin sa mga reporter nang huminto ang sasakyan namin sa tapat.
Nagpaalam na ako kay Eloisa dahil nasa likod na rin naman ang sasakyan nila. Pakikipagkuwentuhan naman sa kambal ang inatupag ko pagpasok sa kotse dahil dinaanan pala sila ni daddy sa kanilang school bago ako.
Sabado't linggo ay wala akong ginawa kundi ang isiping mabuti kung anong gagawin ko sa Monday. Okay, bulakbol ako pagdating sa pag-aaral. Parte ’yan ng pagrerebelde ko dahil hindi ako hinayaan nina mommy na i-take ang kursong nais ko. Pero ayoko namang mapagalitan na naman ni mommy dahil ibabagsak ko ang subject ni Mrs. Paz.
Linggo ng gabi nang naisipan kong humingi ng tulong kay Aldrick.
"Pasensya na, Charm. Hindi ko sure kung papayag si kuya, e. Bukas kasi aasikasuhin ang schedule mo," sabi niya.
"Gano’n ba?"
"Send ka na lang ng email sa company for formality and to inform them that you won't be able to make it tomorrow. Kaysa naman sa walang paalam. Send ko sa’yo ang address. Siguro naman ay mga taga- HR ang unang makaka-receive ng letter mo at hindi didiretso kay kuya. Maiintindihan iyon ng mga taga-HR." Nang ibaba ni Aldrick ang tawag ay natanggap ko ang email address ng Stasevich Designs.
Kaya kinabukasan ay agad akong nag-type ng formal letter.
“To whoever concern,
Good day! First of all, I would like to say thank you for your concern. I'm appreciate. But I'm not sick. I'm only absent because of our defense. Again, thank you for your concern and I'm wish you understand. Thank you more.
I'm forever yours,
Charmaine Capili”
"Sent!" sabi ko nang mapindot ko na ang ‘Send’.
Ayos!
—