Chapter Four
Charm's PoV
Medyo nakaluwag-luwag sa pakiramdam ko nang mairaos namin ang defense. Nakakuha naman kami ng mataas na marka at kuntento na ako roon.
"Charm, ditch?" yaya sa akin ni Eloisa kaya napasulyap ako sa wrist watch ko. Nakita kong 10:30 pa lang. May isang subject pa kami bago ang lunch. Wala na akong ganang pumasok sa next subject kaya pumayag na akong mag-cut ng classes. Napagkasunduan naming mag-mall na lang muna.
Habang nag-aabang kami ng taxi sa tapat ng campus ay binuksan ko ang email ko sa aking iPhone at nakita ang response ng Stasevich Designs.
Stasevich Designs HQ:
Thought you're ready since birth?
Nanlaki ang mata ko. Si Mr. Aldred Stasevich ang sumagot sa email ko? Sila lang naman ni Aldrick ang nakarinig sa I'm Ready Since Birth ko, e! Imposibleng magkaroon ng access si Aldrick kahit pa Stasevich siya. So malamang, si Aldred ’to. Napukpok ko ang ulo ko.
"Anong nangyayari sa’yo?" tanong ni Eloisa nang makasakay kami ng taxi. Hindi ko siya pinansin dahil nag-iisip ako ng isasagot kay Mr. Stasevich.
‘Biglaan po kasi. Hindi ako puwedeng um-absent sa defense.’
’Yan lang ang naidahilan ko. Tanggapin mo, please.
Stasevich Designs HQ:
Go to office now if your classes are done.
Napakagat na lang ako sa labi ko.
"Eloisa, sa susunod na lang tayo mag-mall. Kailangan kong pumunta ng SD, e! Kita na lang tayo bukas!" Hindi ko na nasagot ang mga tanong ni Eloisa dahil nagpababa na ako sa driver. Sumakay ako sa ibang taxi at nagpahatid sa Stasevich building.
Pagbaba ko ng taxi ay muli kong nasilayan ang matayog na building. Grabe talaga, iba rin sa design ’tong building na ’to, e. Makaagaw pansin talaga.
Pagpasok ko pa lang ng lobby ay saktong nasa front desk si Mr. Stasevich. Tinignan ko ang suot ko at naka-uniform pa ako. Hinintay ko muna siyang matapos makipag-usap sa isang empleyado bago ko siya nilapitan.
"Uy, Mr. Stasevich!" Harang ko sa dinaraanan niya dahil abala siya sa pagtingin sa kanyang phone. Nagsalubong ang kilay niya nang masilayan ang mukha ko sa kanyang harapan. "Hi!" Kumaway pa ako sa kanya.
"To my office." ’Yon lang ang sinabi niya at nilagpasan na ako. Dumiretso siya sa elevator. Doon sa walang nasakay. Sumunod naman ako sa kanya sa loob. Buti na lang at ang marahil na secretary niya lang ang kasama niya rito sa loob.
"Miss, may elevators for employees. This elevator is exclusively for directors only," mataray na sabi sa akin ng kanyang secretary.
"Ha?"
"Ang sabi ko—" Itinaas ni Mr. Stasevich ang kanyang kamay kaya nahinto ang secretary niya sa pagsasalita. Si Mr. Stasevich na ang pumindot. Sumara na ang elevator at umangat. Nasa pinakamataas na floor ang kanyang opisina? Paano na lang kung masira ang elevator?
Tiningala ko si Mr. Stasevich dahil sa tangkad niya. Pero nakatingin lang siya sa pinto ng elevator at naghihintay na bumukas iyon. Ang sungit niya talagang tignan. Binalingan niya ako ng tingin at tinaasan ng kilay. Nagtatakha siya marahil sa pagkakatitig ko.
"Hindi ka ba talaga ngumingiti?" tanong ko. Napansin ko kasi kanina na binabati siya ng mga empleyado pero hindi naman niya nililingon o sinasagot man lang. Diretso lang siya maglakad. Hindi niya sinagot ang tanong ko hanggang sa bumukas na ang elevator.
Ilan lang ang pinto rito sa last floor at ang pinto sa pinakadulo ang binuksan ng secretary niya. Nang makapasok si Mr. Stasevich ay papasok na rin sana ako kaya lang ay hinarang ako ng sekretarya.
"Bawal pumasok ang kahit sino sa opisina niya. Doon ka sa office ko maghintay o kaya ay sa conference room," mataray niyang sabi.
"Ha? E pero—"
"Intern? Where the hell are you?" Narinig ko ang boses ni Mr. Stasevich sa loob ng kanyang opisina. Tumikhim ang kanyang secretary bago nagsalita.
"Mr. Stasevich, ihahatid ko na muna siya sa confe—"
"Send her in!" May bahid ng pagkainip ang tono niya kaya dali-daling umalis ang secretary sa tapat ng pinto para makaraan ako.
"Thanks!" sabi ko nang nasa loob na ako. Inirapan niya ako bago niya isinara ang pinto. "Taray..." nakanguso kong bulong ko at hinarap na ang opisina ni Mr. Stasevich. Hinanap ko agad siya ngunit naaagaw ang atensyon ko ng ganda at lawak ng opisina niya. Puti, itim at abo ang kulay rito. Nakaka-sosyal.
"Sit." Narinig ko ang tinig niya at nasa may dulo ang desk niya. Lumapit ako roon at hindi agad ako nakaupo sa upuan sa harap ng desk niya dahil sa glass wall sa likuran niya na tanaw yata ang buong city. "Sit!" matigas niyang sabi kaya napaupo na ako.
Abala siya sa pagtipa sa kanyang laptop.
"Give me your schedule," sabi niya.
"Ikaw ang mag-aasikaso ng schedule ko?" manghang tanong ko. Wow. Very VIP pala ako rito. Si Mr. Stasevich talaga ang mag-aayos ng schedule ko. Iniabot ko sa kanya ang schedule ko sa school.
"Yea. Wala akong pagde-deployan sa’yong department." Sumulyap siya sa akin. "’Yong qualification mo, hindi man lang umabot sa ni isang department ng Stasevich Designs," sabi niya.
"E saan ako rito? Saan ang office ko? Anong gagawin ko rito?" tanong ko at muli niya akong sinulyapan.
"You were hired just because of Aldrick. Kilala ako bilang fair na tao at ayokong isipin ng mga empleyado ko na bias ako dahil lang sa pagpasok mo rito kaya hindi ka puwedeng magtrabaho kasama nila. Siguradong magtatakha sila kung paano ka nakapasok sa SD. Kung kinakailangang dito ka lang sa office ko, dito ka lang."
"Ha? E ano ngang gagawin ko rito?"
"Sketch? Anything." Nagkibit-balikat siya. "Hindi ka naman maghapon dito sa building. Ayon sa schedule mo, halos lahat ng school days mo ay half day lang. Except... today?" sabi niya at nagtaas ng kilay. "’Di ba sabi ko pumunta ka kung tapos na ang klase mo? Pero 4PM pa ang tapos ng klase mo ngayon, ah?"
"Uh, ano kasi—"
"You cut classes?" hindi makapaniwalang tanong niya.
"Hindi naman sa ganoon—"
"Tss. Hindi na nakakapagtakhang ganyan ang pag-iisip mo. You don't deserve the internship," naiiling niyang sabi.
"Grabe! If I know, overquality pa nga ako sa company n’yo!" sabi ko sa kanya. Minamaliit niya talaga ako.
Kaasar siya!
"Overqualified!" pagtatama na naman niya.
"Bakit ka ba nangingialam? Inaano ka ba ng english ko?" inis na sabi ko at napayuko siya habang hinihilot ng daliri ang kanyang sentido.
"You keep on saying words that don't exist. You're inventing words. I don't know if you're just a lexiconnoisseur or you seriously like neologism!"
"Lexi who? At anong neologism? Ano ba ’yon? Journalism ang ite-take ko. Future journalist ako!" sabi ko.
"Ha! At pagiging journalist pa ang pangarap mo, ha? How would you right an article?" nanunuyang sabi niya at inirapan pa ako. Inirapan ko rin siya at humalukipkip.
"'Pag ako talaga naging sikat na journalist, who you ka sa akin! At gagawan pa kita ng article kung saan sisiraan kita!" banta ko sa kanya at tumayo na ako. Ni hindi man lang siya na-bother sa banta ko. What? Seryoso ako roon sa banta kong ’yon. Sisiraan ko talaga siya ’pag journalist na ako.
"Whatever you please," sabi niya lang. Iniabot na niya sa akin ang schedule ko at sinenyas na ang pinto para sa paglabas ko. Sabay naming inirapan ang isa't isa at tinalikuran ko na siya.
Serious? Inaano ba siya ng english ko?
Kinabukasan, right after my class ay sa Stasevich building na agad ako dumiretso. Nagyayaya pa nga si Eloisa na mag-mall pero sinabi kong ngayon ang unang araw ko sa SD. Palibhasa may sarili silang clothing line kaya hindi na siya mahihirapan sa internship niya.
Pagpasok ko pa lang ng lobby ay ang daan papunta sa elevator agad ang tinahak ko. Tumakbo akong bigla nang makitang pasarado na iyon. Napapapadyak ako sa inis nang hindi ko na iyon naabutan. Tinignan ko ang kabilang elevator at pasara na rin iyon.
"Sandali!" Tinakbo ko rin iyon at mabilis na iniharang ang kamay ko. Nakahinga ako ng maluwag nang nakaabot ako. Sumakay agad ako dahil nakakahiya sa mga empleyadong nasa loob na. Sa loob ay nararamdaman ko ang pagsulyap nila sa akin mula ulo hanggang paa. Naka-school uniform pa kasi ako. Ipinagpaalam ko naman na ’to kay Mr. Stasevich at pumayag naman siyang school uniform ang gamit ko.
Hassle kasi kung uuwi pa ako sa bahay. Ayoko namang magbaon pa ng damit. Kaya heto at ganito ang suot ko. Habang pataas nang pataas ang elevator ay pakonti-konti kami nang pakonti sa loob. Ang dalawang babaeng huling bumaba ay sa 35th floor bumaba. Meaning, ilang floors pa ang daraanan ko at ako lang mag-isa ang sakay. Bigla kong naalala ’yung last horror movie na napanood ko. May scene sa elevator.
Ilang beses nagbukas-sara ang elevator na sinakyan ng bidang babae pero nanatili lang siya sa madilim na lugar na ’yon. My ghad! Napapikit na lang ako at yumuko dahil sa takot. Tinakpan ko rin ang magkabila kong tainga ng aking mga palad dahil naririnig ko mentally ang sound effect na naririnig sa horror at suspense movies.
Nang maramdaman kong bumukas na ang elevator ay dahan-dahan kong iminulat ang isa kong mata at maliwanag naman. Dahan-dahan ko ring minulat ang isa ko pang mata. Pero may nakita akong sapatos. May nakatayo sa may tapat ng elevator.
"Ah!" Mahina at gulat kong utas nang pag-angat ko ng tingin ay may lalaking naka-suit sa harapan ko. Nakangiti siya.
"What are you doing?" Natatawa niyang tanong at nakahinga ako ng normal nang ma-confirm na hindi siya multo. Umayos agad ako ng tayo at lumabas.
"Uh, wala! Akala ko kasi may multo!" Tumawa siya ng marahan at pinasadahan ako ng tingin.
"Stasevich University student..." Tumango-tango siya habang sinasabi iyon. "Anong sadya mo rito?" Tanong niya.
Ano ba siya rito? Bakit niya tinatanong?
"Intern," sagot ko at tumango siyang muli.
"Namumutla ka. Mukhang natakot ka nga sa loob ng elevator." Nag-aalala niyang sabi. Nagulat ako nang hawakan niya ako sa braso at hinila.
"Sandali! Saan mo ako dadalhin?" Takhang tanong ko. May binuksan siyang pinto at pumasok kami roon. Nagdiretso siya sa isang water dispenser. Narito kami ngayon sa pantry ng floor na 'to. Nang nilapitan niya ulit ako ay iniabot niya sa akin ang baso. Nahihiya ko iyong tinanggap at umilang lagok.
"Bago ka lang?" Tanong niya nang maubos ko ang inialok niya sa akin.
"Ah, oo." Awkward kong sagot.
"Anong department?" Malambing ang boses niya at nakakahawa ang ngiti niya.
"Wala. Sa office lang ako ni Mr. Stasevich."
"Oh," manghang sabi niya.
"Ikaw? Ano ka rito?" Ganting tanong ko.
"Company lawyer ako rito," namangha ako sa sinabi niya. Kahit formal ang pananamit niya, halatang bata pa siya. Siguro napakatalino niya para maging company lawyer ng isang napakalaking kompanya. "I'll meet Aldred at 1PM. Nasa board meeting pa kasi siya. Patapos na rin siguro pero talagang napaaga ako." Napasulyap ako sa relo ko. 12:30 pa lang. 1PM ang pasok ko rito kaya napaaga rin ako.
First name basis sila? So it means na hindi lang siya basta lawyer? Kaibigan siguro? Nasa board meeting pa ang boss ko kaya okay lang kung tumambay na muna ako. Paniguradong naka-lock pa ang office niya.
"Buti na lang dumating ka. Nabo-bore ako maghintay, e. Pababa na nga sana ako." Sinulyapan ko siya at mukhang dito na lang din niya naiisipang tumambay. Mukha ngang bored siya. Nag-isip ko ng puwede naming pag-usapan. Ah, alam ko na.
"May knock knock ako," napataas ang kilay niya at tumango.
"Go!" Excited niyang sabi. Umubo ako kunwari para sa pagsisimula.
"Knock knock!"
"Who's there?"
"Garry V!"
"Garry V, who?" Muli akong tumikhim.
"Why you Garry V so rude? Don't you know I'm human, too?" Kanta ko at humalakhak siya.
"That's so funny!" Eh? Luma na kaya ’yon!
"Knock knock ulit!"
"Who's there?"
"Garry V ulit!" Wala pa man ay tumawa na siya.
"Garry V who?"
"Justin Bieber, pasok!" Sabi ko at tumikhim pa ako. "There's Garry V one less lonely girl, one less lonely girl!" Kanta ko at muli na naman siyang tumawa. Kung may tao lang sa labas nitong pantry, paniguradong dinig na dinig ang malulutong niyang pagtawa.
"So rad!" Sabi niya nang humupa ang kanyang halakhak. Napaayos ako ng tayo nang bumukas ang pinto at nagulat nang bumungad ang aking boss.
"What's with the laugh, Baron?" Takhang tanong niya dahil hindi pa niya ako nakikita. Umiling lang ang lalaking tinawag niyang Baron at itinuro ang kinaroroonan ko.
"She's so cute and rad!" Sabi niya. Tumalim ang tingin ni Mr. Stasevich nang mamataan niya ako.
"Intern? What are you doing here?" Galit niyang tanong.
"12:55 pa lang naman." Sabi ko nang mapasulyap ako sa relo ko. Hindi ko na pala namalayan ang oras dito sa pantry.
"Galit ang boss mo! Sampolan mo nga ng knock-knock!" Hindi pa rin nawawala ang galak kay Baron at kinindatan pa ako. Pero slow ang isang ’to, e. ’Yung joke kong tungkol sa Korea, hindi niya na-gets.
"Ha? O sige!" Binalingan ko ang boss kong matalim pa rin kung makatingin. "Knock kno—"
"I have no time for this!"
"Mag-who's there ka na lang, brah!" Sabi ni Baron.
"Tsk! Who's there?" Napipilitan niyang sabi.
"Tagalong ng blue!" ’Yun pa lang ang sinasabi ko pero natatawa na si Baron. Wala pa nga, e!
"Tagalog ng blue, who?" Tamad niyang sabi. Nag-ehem pa ako bago nagsimulang kumanta.
"Without a soul, my spirit sleeping somewhere cold. Until you find it there and lead it back home..." Natahimik sila. Pati si Baron ay napataas ang kilay.
"I didn't hear the ‘Tagalog ng Blue’ there!" Humalukipkip si Mr. Stasevich.
"’Yung ‘a soul’!" Sabi ko at dumagundong ang halakhak ni Baron sa buong pantry at pumapalakpak pa siya sa sobrang galak. Pero ang boss ko ay nanatiling nakahalukipkip at hindi man lang nag-react. What? Ang funny kaya no’n.
"It's 1PM. Go to office now!" ’Yun lang ang sinabi niya at lumabas na ng pantry. Hay! Slow talaga. Buti pa si Baron mabilis pumick up.
"Ano bang tagalog ng blue? Asul, ’di ba? Without ‘a soul’! Anong mahirap intindihin do'n? Basic na basic. Tsk! Slow!" Bulong ko na lang at lumabas na kami ni Baron at sumunod sa boss ko. Sa tapat ng office ay naghihintay na siya. Pinauna niya akong pumasok sa loob. Nang akmang papasok na rin si Baron ay hinarang niya ang kanyang matipunong katawan sa harap ng kaibigan.
"Sa conference room mo i-discuss ang sadya mo. You're not welcome here." Banta niya rito at natatawang itinaas ni Baron ang magkabilang kamay.
"Okay. Bye..." Sabi ni Baron na hinihintay na sabihin ko ang pangalan ko dahil hindi niya alam kung anong itatawag sa akin.
"Charm!" Pakilala ko.
"Okay. Bye, Charm! I'll see you—" Nagsasalita pa si Baron pero malakas nang isinarado ni Mr. Stasevich ang pinto ng kanyang office kaya naiwan akong mag-isa rito sa loob.
Bastos!
Napansin ko agad sa may sulok ang isang desk. Wala ito kahapon kaya paniguradong kalalagay lang nito. Wow! Ito ba ang desk ko? Buti naman at pinalagyan ako ng table ng masungit kong boss. Agad akong pumwesto roon at dinama ang pagiging empleyado ko ng Stasevich Designs.
—