Remy's POV
Mahigit dalawang linggo na rin ang lumipas mula ng mamatay ang aking ina sa sakit sa puso. At sa pagkamatay ng aking ina ay naisipan kong lumayo ng walang paalam kay Tito Alfonso at kay Nimfa. Nag-iwan lamang ako ng sulat sa kanila at nagpasalamat ako sa kabutihan nila sa amin ni mama nuong nabubuhay pa ito. Kumuha lamang ako ng kaunting abo ni mama at lihim na kaming umalis ng kaibigan kong si Leng at si Makoy matapos naming mailibing ang abo ng aking ina.
Gusto ko lang makalimot dahil sa sakit na dulot ng pagkawala ng aking mga magulang. Ngayon ay ulila na ako sa aking ama at ina, at tanging si Leng na lang at si Makoy ang kinikilala kong pamilya. Mabait din sa akin si Tito Alfonso at si Nimfa, pero ayokong maging pabigat sa kanila kaya mas ninais ko na lamang ang lumayo.
Iniwanan kong nakakandado ang bahay at pinabantayan ko na lamang ito sa kaibigan ni mama na sobrang nasasaktan ngayon dahil sa pagkawala ng mahal kong ina. Sa kanya ko rin iniwanan ang sulat upang ibigay kay Tito Alfonso at kay Nimfa.
"Remy hindi ka ba papasok ngayon sa karinderya? Maglalako ako ng prutas sa bayan, maraming turista ngayon duon at baka makahanap na ako ng gwapong nobyo," ani ni Leng kaya natawa ako.
Dito na kami ngayon naninirahan sa Sagada Cordillera Mountain Province. Dito namin piniling manirahan dahil alam ko na walang makakakilala sa amin sa lugar na ito. Hindi kami mahahanap dito ng kahit na sinong magnanais na hanapin ang kinaroroonan ko, lalong-lalo na si Diego.
"Remz let's go?" tanong ni Makoy. Si Makoy ay kusinero sa karinderyang pinapasukan ko, habang ako naman ay isang dishwasher o sa madaling salita ay isa akong taga hugas ng plato. Pero may hinihintay akong trabaho na sana ay agad akong matanggap sa pinapasukan kong hotel. Nag-apply ako ng janitress dahil iyon lang naman ang alam kong gawin sa isang hotel na hindi naman kalayuan sa pinapasukan kong karinderya. Hindi naman ito isang five-star hotel, kung baga ay sakto lang sa mga taong hindi kayang magbayad para matulog sa mamahaling hotel. Babae din ang may-ari nito at may katarayan. Ang pangit nga ng tingin niya sa akin na akala mo ba ay hinuhusgahan ang hitsura ko. Pero hindi naman ang paghuhusga niya ang kailangan ko, 'yung trabaho na maibibigay nila sa akin. Saka na lang ako mag-apply sa isang sikat na hotel para sa mas malaking kita kapag nakahanap na kami ng tirahan malapit sa may city, kung saan ay napakaraming turista na laging nagpupunta duon.
"Natahimik ka na? Tinatanong kita kung aalis na ba tayo," ani ni Makoy kaya parang nagising naman ako sa malalim na pagkakatulog.
"Heto na, okay na ako. Tara na at ng makarami ako ng huhugasan," pagbibiro ko sabay tawa.
Kasabay din naming umalis si Leng na may bitbit na rambutan at oranges. Ibebenta nya ang mga 'yon sa bayan. Kaunti lang naman ang tubo niya, pero nakakatulong 'yon para sa mga bayarin naming tatlo sa bahay lalo na sa kuryente.
Isang maliit na apartment lang ang inuupahan namin na may dalawang maliit na silid. Ang isang silid ay para kay Makoy at ang isang silid naman ay para sa amin ni Leng. May bunk bed kaming nabili, second hand lang ito pero okay lang dahil mura lang ang binayad namin dito. Bumili na lang din kami ng brand new na foam.
Lahat halos ng gamit namin dito ay binili lang namin kaya naubusan na kami ng pera. Ang plano sana namin ay magtatayo kami ng maliit na kainan pero mag-iipon na lang kami ng para makapag tayo kami ng maliit na karinderya. Sayang magaling pa namang magluto si Makoy.
"Tara na at baka ma-late pa tayo."
Pagkarating namin ng karinderya ay inasikaso na agad ni Makoy ang pagluluto ng nga putaheng ititinda. Madilim-dilim pa sa paligid, pero wala pa namang mga tao. Ako naman ay dumiretso na sa likuran kung saan ay nanduroon ang isang malaking lababo at katulad ng inaasahan ko, ang dami na agad na hugasin na kailangan kong hugasan. Nakakapagod, pero kailangan ko itong gawin para maka-ipon kami ng pera. Two hundred pesos lang ang sweldo ko dito, kung tutuusin ay kulang na kulang, tapos pagod na pagod pa sa maghapon.
"Hey, okay ka lang ba diyan? Gusto mo ba ako muna ang maghugas ng mga 'yan para makapag-pahinga ka?" ani ni Makoy.
"Naku hindi na! Salamat na lang, baka mamaya mapag-initan na naman tayo ng amo natin, alam mo naman 'yon parang laging nireregla, galit lagi," bulong ko sabay hagikgik ko kaya natawa na din si Makoy at hindi naman niya ako kinulit.
Lumipas pa ang ilang oras, sobrang busy at talagang hindi nauubusan ng hugasin kaya nakakaramdam na ako ng kapaguran. Gusto ko ng maupo kaya lang ay baka pagalitan ako ng aking amo.
Nang sumapit ang lunch break ko ay tuwang-tuwa ako dahil sa wakas ay makakapag-pahinga na rin ang pagod kong katawan. Biruin mo, buhat kaninang umaga ay ngayon pa lang ako nakaupo.
Habang sabay kaming kumakain ni Makoy ay tumunog ang telepono ko. Maging ang numero ko ay binago ko upang walang makatawag sa akin.
Numero lamang ang naka-rehistro sa screen ng phone ko kaya napakunot noo ako, pero sinagot ko pa rin ito at baka importante.
"Hello, sino po sila?" magalang kong sagot. Pero may kaba sa aking dibdib.
"Si Miss. Remy Ching ba ang kausap ko ngayon?" ani ng isang ginang sa kabilang linya. Kinabahan naman ako, baka ito na 'yung hinihintay kong tawag.
"Yes po," sagot ko agad para hindi siya mainip. Nakangiti ako kaya nagtataka ang mukha ni Makoy sa akin.
"Available ka ba para magsimula na ng trabaho mo today? May sweldo ka na kahit half day ka lang magsisimula," ani ng ginang kaya tuwang-tuwa ako. Ito na 'yung pinakahihintay ko. At least dito ay nasa minimum wage ang sweldo ko, hindi katulad dito na hanggang alas nueve ako ng gabi pero two hundred lang ang kaya nilang ipasahod sa akin.
"Yes, po! Oh my God! Yes, na yes po."
Pagkatapos naming mag-usap sa telepono ay napaiyak pa ako saglit at sinabi ko na kay Makoy ang tungkol sa pagtanggap sa akin sa hotel na inaplayan ko. Ang saya ko, sobrang saya ko.
"Ang ganda naman ng ngiti mo. I am so happy for you. Mamimiss kita dito. Ikaw kasi ang inspirasyon ko dito habang nagluluto ako," ani ni Makoy kaya natawa ako sa kanya.
"Naku Makoy! Ano ba sabi ko sayo ha? Friends tayo, hindi ba?" wika ko. Natawa naman siya at tumango, pagkatapos ay ipinagpatuloy na lang niya ang kanyang pagkain. Ako naman ay nagpunta na ako sa aking amo upang mag-paalam.
"Ano? Ngayon ka pa aalis kung kailan ang daming hugasin dito? Boba ka ba? Hindi ka aalis dito at huhugasan mo ang lahat ng hugasin na 'yan!" galit na sigaw ng amo ko kaya tinaasan ko siya ng kilay. Ay grabe siya, ano ba ang akala ba niya sa akin, alila niya? Buti nga at nag-papaalam ako ng maayos sa kanya. Kung naging mabait lang sana siya sa akin, baka pag-isipan ko pa ang pagtanggap ko sa trabaho ko sa hotel, pero hindi naman. Mula ng magtrabaho ako sa kanila ay lagi niya akong pinag-iinitan, samantalang wala naman akong ginagawa sa kanya kung hindi ang magtrabaho. Minsan na rin niya akong ipinahiya sa mga customers nila na kumakain dito sa karinderya nila.
"Huwag naman ho ninyo akong tawaging boba. Saka kung gusto ko pong umalis ay hindi naman ninyo ako mapipigilan. Kahit na hindi na ninyo ako pasahurin ngayong araw, basta ibigay lang ho ninyo sa akin ang isang linggong sweldo ko," ani ko, at pilit ko pa rin siyang nirerespeto.
"Anong sweldo ang pinagsasasabi mo diyan? Training ka pa lang dito kaya wala kang sweldong matatanggap."
Nagulat naman ako sa sinabi niya. Pitong araw akong nagtrabaho sa kanya tapos hindi niya ako pasasahurin? Baliw ba siya? Hindi ako papayag! Pinag hirapan ko 'yon at nagkasakit pa nga ako nuong unang araw akong magtrabaho dito.
"Wala kang matatanggap na sweldo sa amin. Kaya kung gusto mong lumayas, sige umalis ka na. Pero wala kang makukuha sa amin kahit piso!" sigaw ng bruhang ito sa akin.
"Ay huwag kayong ganyan! Ibigay ninyo sa akin ang sweldo ko kung ayaw ninyong itapon ko lahat ang mga ulam ninyo dito!" sigaw ko. Akala yata niya ay padadaig ako sa kanya. Palaban yata ako, katulad ng ginawa ko nuon kay Diego.
Sasagot sana siya ng may marinig kami na malakas na ingay na tila ba tumapon sa sahig. Pagtingin namin ay si Makoy ang nakatayo sa hilera ng mga ulam, at ang isang tray ng adobo ay nasa sahig na.
"Ganyan ba Remz? May hawak pa akong isa, at kapag hindi niya ibinigay ang sweldo natin ngayon ay itatapon ko sa sahig ang lahat ng niluto ko," galit na sigaw ni Makoy.
"Mga walanghiya kayo!" sigaw ng amo naming mahadera. Susugod sana ito kay Makoy pero itinaas ni Makoy ang isang tray at akma niya itong itatapon ng biglang nagbago ang himig ng boses ng amo namin.
"Oo na, ibibigay ko na ang sweldo ninyo, parang awa lang ninyo umalis na lang kayo dito dahil hindi ko kayo kailangan," naiiyak na niyang ani.
Ibinato niya sa akin ang one thousand and four hundred pesos, at three thousand naman kay Makoy. Pagkatapos ay ipinagtabuyan na niya kaming dalawa. Tawa naman kami ng tawa ni Makoy ng tuluyan na kaming nakaalis sa karinderya niya.
"Pagbabayaran ninyo ang ginawa ninyong ito!" malakas na sigaw niya. Tumingin lang ako kay Aling Caridad at binelatan ko siya. Pagkatapos ay sumakay na kami ng tricycle upang magtungo sa hotel na hindi masyadong malayo sa karinderya ni Aling Caridad.
"Akala ko talaga ay hindi niya ibibigay ang sweldo natin, uubusin ko lahat ng ulam nila at tanging asong gala lang ang makikinabang ng lahat. Sino ba ang ipinagmamalaki niya, ang anak niya na isang bulate na lang ang hindi pumipirma, pwede ng matigok sa sobrang kapayatan? Huwag niya akong tatakutin dahil ang katawan ng anak niya, muscle ko pa lang," ani ni Makoy kaya ang lakas ng tawa ko.
"Grabe ka sa isang bulate. Mga dalawang bulate naman," ani ko, kaya mas lalo siyang natawa.
Pagbaba namin ng tricycle ay nakaramdam ako ng tila ba mga matang nakamasid sa amin kaya agad akong lumingon sa paligid, pero wala namang tao. Siguro ay napa-praning lang ako dahil tinapon ni Makoy ang isang tray ng adobo. Baka mamaya ay pasundan kami dito ni Aling Caridad upang gulpihin, jusko huwag naman sana!
"Samahan na kita sa loob, baka makita mo na naman 'yong sinasabi mong supladang may ari ng hotel na ito. Ano nga ulit ang pangalan ng babaeng 'yon?" ani ni Makoy.
"Si Miss. Hera Gunther. Sobrang suplada kasi ng magiging amo ko at sana ay wala siya dito," wika ko habang papasok kami sa loob ng hotel.
"Hayaan mo, kapag sinupladahan ka ngayon, iuuwi na lang kita at sa iba na lang tayo maghanap ng ibang trabaho," ani niya kaya natawa ako.
Sinalubong kami ng guard at muli akong napalingon sa likuran ko. May nararamdaman talaga ako na nakatingin sa amin pero wala naman kaming nakikitang tao, wala din sasakyan o kahit na naglalakad man lang sa gilid ng kalsada. Nagkibit balikat na lamang ako at nagtuloy na kami sa loob ni Makoy.
Pagkatapos kong makausap ang manager ay nalaman ko na ang oras ng trabaho ko ay alas siyete ng umaga hanggang alas singko ng hapon. Tapos ay may papalit naman sa akin. Okay na ito kaysa naman na maghapon akong naghuhugas ng kasangkapan ng walang pahinga at tanging lunch break lang ako nakakapag relax, thirty minutes lang at pagkatapos ay balik hugas na. Dito naman ay may isang oras akong lunch break, from twelve in the afternoon to one o'clock.
"Aalis na ako, magkita na lang tayo mamaya. Kapag naghahanap pa sila ng isang janitor, sabihin mo agad sa akin para makapag apply ako. Kung hindi naman ay tutulungan ko na lang si Leng sa pagtitinda ng mga prutas. Hahango na lang din muna ako ng ilang prutas, hindi na ako babalik pa sa karinderyang 'yon," wika ni Makoy, at pagkatapos ay umalis na rin agad siya.