Prologue
-ANG UNANG PAGTATAGPO-
Remy's POV
Nagkakagulo ang lahat dito sa hallway ng building. Dumating na kasi ang tunay na may-ari ng kumpanya. Siya si Senior Alfonso Folliet, ang dating kaibigan ng aking ina.
Tinawag ako ni Senior Alfonso, pero natatakot akong lumapit. Hindi niya ako kilala pero siya ay kilalang-kilala ko. Kasama niya ang kanyang magandang anak. Siya 'yung bata sa larawan. Kasi may luma kaming larawan ng babaeng 'yon na itinatago ng mama ko sa loob ng luma niyang baul.
"Natatakot ka ba sa akin hija? Lumapit ka dito at may itatanong lang ako sayo," ani niya kaya nakayuko akong naglakad papalapit sa kanila. May mga kasama siyang mga nag-gagwapuhang mga kalalakihan kaya hindi rin ako makatingin. Ang isa kasi sa kanila ay halos mapaso ako sa kanyang pagkakatitig sa akin. Pakiramdam ko pa ay hinuhubaran niya ako sa pamamagitan ng kanyang mga mata.
"Ano ang pangalan mo at ng iyong ina?" tanong niya sa akin ng tuluyan na akong nakalapit. Kinakabahan ako, nanginginig ako. Hindi ko alam kung kinakabahan ako dahil sa lalaking nakatitig sa akin, o kinakabahan ako dahil ngayon ko lamang nakaharap ang tunay na may-ari ng building.
"R-Remy po. A-ang Mama ko po ay s-si, Mirasol Ching. S-Sabi po niya ay da-dati po siyang sekretarya sa building na ito," wika ko na takot na takot at nauutal pa. Kulang na lang ay ngumalngal ako pero pinipigilan ko lang.
"Ano ang trabaho mo dito?" tanong ni Senior Alfonso.
"Ja-Janitress po," naiiyak na ani ko. Tumango lamang si Senior Alfonso at tumingin sa kanyang anak.
Ngumiti siya sa kanyang anak na sobrang ganda at inilapit sa akin ng bahagya. Naguguluhan man ako ay nginitian ko na lamang ito.
"Dati mo siyang nakalaro sa building na ito anak, nuong tatlong gulang ka pa lamang. Halos magkasing edad lang kayong dalawa. Matanda lang yata siya ng isang taon sa iyo. Ang ina niya ang aking sekretarya at isa siya sa mga pinagkakatiwalaan ko. Ito nga pala ang nag-iisa kong anak na si Nimfa," wika ni Senior Alfonso na ikinagulat ko. Tama nga ako na siya 'yung nasa picture na kasama ko, pero hindi ko naman naaalala na naging magkaibigan kaming dalawa. Kung sabagay, sabi nga niya ay three years old pa lang siya nuon at four naman ako. Hindi ko nga maaalala.
"Talaga daddy? Dati pala kaming magkaibigan ni Remy nuong baby pa ako?" tuwang-tuwa namang ani ni Nimfa. Tumango naman ang kanyang ama at mas lumapit pa siya sa akin kaya mas lalo akong kinabahan. Hinawakan ni Senior Alfonso ang kamay ko at nakangiti niya akong kinausap. Muntikan na akong umiyak, akala ko ay patatalsikin niya ako sa trabaho, katulad ng ginawa niya sa mga empleyado kanina na loyal kay Senior Alejandro.
"Tawagan mo ang iyong ina. Sabihin mo sa kanya na pinababalik ko na siya sa pwesto niya bilang isang sekretarya ko," wika ni Senior Alfonso na ikinagulat ko. Napahagulgol tuloy ako at hindi ko na inalintana na ang daming gwapo na kasama ni Senior. Niyakap naman agad ako ni Nimfa, siguro ay upang mapagaan ang aking kalooban.
"Salamat po sa inyo. Wala na po si papa, ilang taon na po siyang pumanaw at kailangang-kailangan po ni mama ng trabaho. Hulog po kayo ng langit sa amin ni mama," umiiyak kong ani. Jusko, pangit na nga ako, mas lalo pa akong pumangit dahil sa pag-ngawa ko. Nakakahiya tuloy.
Bigla namang lumapit sa akin ang isang lalake at inabutan ako ng panyo. Ito 'yung lalake na kung makatingin sa akin ay para akong hinuhubaran. Ang laki na nga ng suot ko at balot na balot ako, para sa kanya mukhang nakahubad ako. Tinignan ko lamang ang panyo at hindi ko ito kinuha at humarap ako sa ibang direksyon. Ang katulad niya ang hindi ko dapat pinagkakatiwalaan.
Mahihinang tawa naman ang maririnig mula sa mga kaibigan niya pero hindi ko pa rin pinapansin. Sa inis ng gwapong lalake ay iniharap niya ako sa kanya na ikinagulat ko at pinunasan niya ang mga luha ko. Nakikita ko ang galit na gumuguhit sa kanyang mga mata habang may diin niyang pinupunasan ang aking mga luha.
"Ayoko sa lahat ng napapahiya ako. Magiging akin ka din, tandaan mo 'yan. Pagsasawaan ko 'yang katawan mo hanggang sa itapon na lang kita na parang basahan kapag napag sawaan na kita. Hindi mo pa ako kilala babae ka, kaya huwag mo akong gagalitin dahil iba ako kapag nagparusa," mahinang bulong niya sa akin na seryosong nakatitig sa mukha ko. Para naman akong naitulos sa kinatatayuan ko dahil sa sinabi niya sa akin. Hindi ako makapag salita at bahagya ko lamang siyang itinulak palayo sa akin.
"Diego, tinatakot mo ba 'yan? Sira ulo ka talaga," ani ng isang gwapong-gwapong lalaki.
Sa totoo lang ay natakot ako sa sinabi ng Diego na 'yon. Pakiramdam ko ay hindi siya mabuting tao. Hindi katulad ng mga kasama niya na kahit may pagka suplado, mukha namang mababait.
Bago sila tuluyang umalis ay humarap ulit sa akin si Senior Alfonso. Ngumiti siya at tinignan ang papalapit kong kaibigan na si Leng. Mabilis na yumakap sa akin si Leng, marahil ay nakikita niya na nanginginig ako. Nanginginig talaga ako sa galit sa lalaking 'yon.
"Magkaibigan ba kayong dalawa?" tanong niya sa amin. Tumango kami kaya ngumiti ang ama ni Nimfa at sinabi na pwede na kaming umuwi at bukas na lang bumalik sa trabaho. Sabi niya ay kausapin ko na rin daw si mama tungkol sa trabahong inaalok niya dito. Sigurado akong matutuwa si mama kapag nalaman niya na si Senior Alfonso na ulit ang may ari ng kumpanyang dati niyang pinapasukan.
"Salamat po Senior Alfonso," ani ko.
"Tito na lang ang itawag mo sa akin, dati kong kaibigan ang iyong ina. Nuong bata ka pa ay tito na talaga ang tawag mo sa akin. Sige na, umuwi na kayo para makausap mo na ang iyong ina," ani niya kaya muli kaming nagpasalamat at nagmamadali na naming kinuha ang mga gamit namin. Tama si mama. Sobrang bait nga ni Senior Alfonso.
Paglabas namin ng building at sumakay na agad kami ng jeep. Buti nga at may napadaan agad kaya pinara agad namin ito. Gustong-gusto ko ng makauwi para masabi ko na kay mama ang tungkol sa pagbabalik ng tunay na may-ari ng kumpanya. Ngayon pa nga lang ay nakikita ko na ang katuwaan ni mama. Lalo pa at inaalok ulit siya ng trabaho ni Senior Alfonso.
"Beshie ang bait nga pala talaga ng tunay na may-ari ng kumpanya noh? Kumpara duon sa Alejandro na 'yon na manyakis. Hindi ba muntikan na niya akong manyakin nuon, buti na lang at dumating ka at si Makoy. Kung hindi jusko po! Saka hindi na siya bumalik sa building at pagkatapos ng ilang araw ay dumating naman si Senior Alfonso. Siguro ay pinakulong na nila ang matandang 'yon. Nababagay lang 'yon sa kanya dahil manyakis ang matandang 'yon," wika ng kaibigan ko.
Naalala ko tuloy ang araw na 'yon. Nakita namin na hila siya ng matandang 'yon kaya bigla kaming lumapit ni Makoy. Binitawan naman siya at pinalayas kaming lahat. Nagbanta pa siya na hindi pa daw siya tapos sa kaibigan ko. Masamang tao talaga ang matandang 'yon at buti na lang ay wala na siya sa kumpanyang 'yon.
"Oo beshie, naaalala ko nga 'yon. Buti na lang talaga at hindi na siya nakabalik noh?" wika ko sa kanya.
Hindi nagtagal ay naka-uwi din ako. Hindi naman kalayuan ang bahay namin sa building na pinagtatrabahuhan ko. Sumama na rin sa akin si Leng dahil maaga pa naman daw. Tamang-tama at pwede pa kaming pumunta ng bayan mamaya para maibili ng gamot si mama. May sakit kasi siya sa puso, hindi ko nga alam kung kakayanin pa niya ang magtrabaho kasi madalas siyang sinasakitan ng dibdib, lalo pa at hindi ko nasusuportahan ng diretso ang mga gamot na kailangan niya.
"Talaga anak? Totoo ba 'yan?" gulat na gulat na ani ni mama ng maikwento ko sa kanya ang nangyari, lalo pa at pinababalik din siya sa trabaho.
"Naku anak, matutulungan na rin kita sa mga gastusin dito sa bahay. Nahihiya na ako sayo dahil wala akong maitulong sayo,' wika ni mama kaya ngumuso ako sa kanya.
"Mama naman eh! Bakit ka po mahihiya sa akin? Anak po ninyo ako, dapat lang po na arugain ko po kayo. Kung pwede nga lang po na huwag ka ng mag trabaho pa ay mas okay sa akin. Kaya lang ay alam ko naman na hindi ka papayag. Ito 'yung matagal mo ng pangarap, ang makabalik sa trabaho," sagot ko. Niyakap naman ako ni mama kaya napangiti na rin ako.
Isa na lang ang problema ko. Hihintayin kong bumalik ang Diego na 'yon sa building dahil gagantihan ko siya. Tignan ko lang kung matuwa siya sa gagawin ko.
"Bakit ganyan ang ngiti mo? May iniisip ka noh?" ani sa akin ni Leng. Umiling lang ako sa kanya pero sa totoo lang ay naiimagine ko na kung ano ang gagawin ko sa lalaking 'yon.
"Kayong dalawa, kumain na kayo diyan at may naluto na akong pananghalian diyan. Wala yata si Makoy? Kayo lang ba ang pinauwi?" ani ni mama.
"Opo mama, nasa trabaho pa po si Makoy. Hindi nga po niya alam na nakauwi na kami," sagot ko. napatingin ako kay Leng na naghahain na kaya tinulungan ko na lang siya.
"Sinagot mo na ba ang lalaking 'yon?" ani ni mama kaya napatingin ako sa kanya at mabilis akong umiling.
"Mabait ang batang 'yon, sagutin mo na kasi. Huwag ka ng choosy pa, bata ka. Sa tingin mo ba ay may pipila pa sa pintuan natin para ligawan ka kung ganyan lagi ang hitsura mo ha? Anak, mabait ka at may hitsura ka naman, pero itinatago mo ito sa pananamit mong 'yan, at diyan sa malaki mong salamin sa mata. Idagdag mo pa 'yang buhok mo na nakapusod ng hapit na akala mo ay nilagyan ng floor wax, kaya ayan at nangingintab na nga eh matigas pa," wika ng aking ina. Jusko, nanay ko ba talaga ito? Kung makapintas sa akin, akala mo naman ay hindi ako nagmana sa kanya. Saka ano 'yang sinasabi niya na mabait ako at may hitsura? May hitsura lang talaga? Pwede naman niyang sabihing maganda ako pero, may hitsura lang daw. Hay ang mama ko talaga, pasaway na parang ang kaibigan ko.
"Tita, baka akala niya ay may pipila diyan sa pintuan na gwapong mga lalake. Katulad ng mga nakita naming mga gwapong lalake sa kumpanya ng boss namin kanina. Jusko po lord, ang gagwapo nila tita, kaya lang mga isnabero. May mga attitude kaya nakaka turn off din sila," pakli naman ni Leng kaya natawa na ako. Kahit papaano ay nakalimutan ko ang mga sinabi sa akin ng lalaking 'yon dahil dito sa kaibigan ko.
"Hay naku! Ewan ko ba diyan sa kaibigan mo Leng. Pagsabihan mo nga 'yan. Alam naman ninyo na may sakit ako sa puso, kung minsan pakiramdam ko ay malalagutan na ako ng hininga. Ito naman kasing sakit na ito kung bakit sa akin pa tumubo. Malakas naman ako nuon, hindi ko man lamang nalaman na may sakit pala ako sa puso at delikado pa. Kaya ikaw Remy eh sagutin mo na 'yang si Makoy para kapag nawala na ako eh may makakasama ka sa buhay," ani ni mama kaya nagalit ako.
"Pwede ba mama lagi na lang 'yan ang sinasabi mo. Hindi ka mawawala sa akin, tayong dalawa na nga lang ang natitira tapos ganyan ka pa," naiiyak kong ani kaya natawa siya.
"Hala sige na at kumain na kayo diyan," ani ni mama. Pumasok na siya sa silid habang ako ay sinusundan ko lang siya ng tingin. Maliit lang itong bahay namin. Ito lang ang tanging naiwanan sa amin ni papa. Namimiss ko na tuloy si papa, ang bait pa naman niya kaya lang ay maaga siyang binawi sa amin ng panginoon.
"Tara na kain na tayo para makapunta tayo ng bayan," ani ni Leng kaya lumapit na ako sa kanya at naupo na ako sa tabi niya.
"Pinababalik na ako ni nanay sa probinsya para daw may makatulong siya duon. Sabi ko walang kasama dito si lolo at lola kaya dito muna ako. Buti pumayag kaya hindi pa muna ako makakauwi ng probinsya. Isa pa, ikaw lang ang kaibigan ko at si Makoy kaya ayokong malayo sa inyo. Sabi ko naman kasi sayo na sumama ka na lang sa akin sa probinsya at duon na lang tayo magtrabaho, isama natin ang mama mo, duon ay makakalanghap siya ng sariwang hangin at baka bumuti pa ang kalagayan niya duon," ani niya kaya natawa ako. Hindi naman 'yon ganuon kadali. Hindi naman namin pwedeng iwanan ang bahay na ito na tanging naiwanan sa amin ni papa. Ito lang ang alaala ng aking ama.
……✎
Lumipas pa ang ilang araw. Muli silang nagbalik dito sa building na pinagtatrabahuhan ko. Nang makita ko sila na pumasok sa elevator ay tinawag ko agad si Leng.
"Mamaya ako na ang maglalampaso duon ha," ani ko. Naguguluhan man si Leng ay pumayag na lang siya. Trabaho kasi niya 'yon. Hindi ko trabaho pero kinuha ko dahil may gagawin ako. Gagantihan ko ang lalaking 'yon. Wala siyang modo. Akala niya, dahil mayaman siya ay magagawa na niya ang gusto niya. Pwes, nagkakamali siya!
Naghintay talaga ako ng mahigit isang oras. Nang makita ko ang private elevator na bumukas at iniluwa sila, napangiti ako. Ito na ang pagkakataon ko para makaganti sa lalaking 'yon. Kinuha ko ang timba na may lamang sabon at maruming tubig at ipinatong ko ito sa ibabaw ng cleaning cart at itinulak ko na ito.
Nang matapat ako sa kanya ay bahagya kong itinulak ang timba sa kanya kaya bumuhos sa katawan niya ang maruming tubig na may sabon. Ganti ko lang 'yan sa pambabastos niya sa akin.
"Stupid woman!" Galit na galit niyang sigaw habang hindi ko na malaman ang king gagawin. Nakaramdam kasi ako ng takot dahil ngayon ko lang ito ginawa. Kumuha agad ako ng basahan sa cleaning cart upang punasan ko ang basang parte ng katawan niya. Nanginginig ako. Natatakot ako na baka dahil dito ay mawalan ako ng trabaho. Lumuhod ako sa harapan niya at panay ang punas ko. Jusko po at nagulat pa ako dahil 'yung alaga na pala niyang sawa ang nahahawakan ko at napupunasan ko ng basahan. Bigla tuloy akong napatayo at napahiya, lalo pa at naririnig ko ang kanilang mga tawanan.
Jusko, nakakahiya talaga!
"So-So... sorry po sir," bulong ko na hindi na ako makatingin.
"You are fuckìng stupid!" galit na sigaw niya sa akin kaya nangilid na ang luha ko lalo pa at marami ng tao ang nakatingin sa amin. Hindi ko na alam ang gagawin ko. kasalanan ko ito, nagpadaig ako sa galit ko.
"Tama na 'yan Diego. Aksidente lang naman yata ang nangyari, hindi ba miss?" ani ng lalaking gwapong-gwapo. Hindi ko siya kilala pero napaka gwapo niya.
"O-opo. Maniwala po kayo, hindi ko po sinasadya," naiiyak kong sabi. Alam ko naman na sinadya ko ang nangyari pero ang lahat ay pinagsisisihan ko na. Matinding takot ang nararamdaman ko ngayon na baka dahil dito ay patalsikin ako sa trabaho.
Galit na galit si Diego. Nakikita ko na nagtitimpi siya ng galit. Kung wala siguro ang mga kaibigan niya dito baka kanina pa niya ako sinampal.
Humingi ulit ako sa kanila ng pasensya. Hindi ko naman sasabihin sa kanila kung ano ang totoo dahil baka mapatay na ako ng lalaking ito. Ang laking tao pa naman niya, kapag hinagis niya ako, siguradong malayo ang mararating ko.
"Ano nga ulit ang pangalan mo?" tanong sa akin ng gwapong lalake. Bakit ba napaka gwapo nito? Saka kapag ngumingiti siya, parang nababawasan ang takot ko sa kaibigan nila.
"R-Remy po," naiiyak kong sagot sa kanya.
"Okay Remy, kami na ang bahala dito sa kaibigan namin. Lagi naman 'yang may dalang mga damit sa sasakyan niya para sa mga ganitong klaseng emergency kaya sige na, umalis ka na at gawin mo na ang trabaho mo," ani ng gwapong lalaki sa akin. nagpasalamat naman agad ako at kinuha ko ang timba. Napatingin ako sa paligid at marami ng tao ang nanunuod sa amin.
"What? That's it? Ganuon lang at hahayaan mo na ang lintik na babaeng 'yan?" galit na sabi ni Diego at nilingon pa niya ako na akma na akong aalis. Mas mabuti pa na makaalis na ako sa lugar na ito bago pa niya ako sakalin hanggang sa lumawit ang dila ko at malagutan ako ng hininga. Sincere naman ang paghingi ko ng sorry sa kanya at sana tanggapin niya. Pero laking gulat ko na bago ko pa man maihakbang ang mga paa ko ay hinablot niya ako sa braso. Hinila niya ako paharap sa kanya at tinignan niya ako ng mula ulo hanggang paa. Kinikilabutan ako sa mga titig niya sa akin. Para siyang isang demonyo na nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Nakakatakot, kaya ngayon pa lang ay nagsisisi ako sa nagawa ko.
"Hindi mo ako kilala kung paano ako magalit kapag napapahiya ako. Tandaan mo ang pagmumukha kong ito Remy, dahil ito ang magiging bangungot mo, tandaan mo 'yan!" aniya sabay pabalagbag niyang binitawan ang braso ko. Napahawak tuloy ako sa aking braso. Ang sakit at namula din agad ito.
"Opo, tatandaan ko po at sisiguraduhin ko po na isasaksak ko sa utak ko ang mukha ninyong 'yan para po sa susunod ay makaiwas na ako. Hindi ko po nanaisin na mapasama sa bangungot na sinasabi ninyo kaya ngayon pa lang din po ay uunahan ko na kayo. Sa susunod po na mag krus ang landas natin, sisiguraduhin ko po sa inyo na kahit nasa harapan ko kayo, hangin na lang po ang tingin ko sa inyo. Pasensya na po ulit sa nangyari sir. Hindi na po 'yan mauulit," ani ko at tuluyan ng nalaglag ang mga luha ko. Inalis ko ang salamin ko upang punasan ko ang mga luha ko, at nakita ko ang pagkagulat sa mukha niya pero panandalian lamang ito at muling tumalim ang tingin niya sa akin.
Pagkaalis nila ay tuluyan ng tumulo ang mga luha ko. Napatingin ako sa mga empleyadong nanunuod. Lumapit si Leng at itinaboy niya ang chismoso at chismosa.
"Tapos na mga teh! Ang susunod na eksena eh may bayad na! Nakakaloka kayo," ani ni Leng.