Chapter 3 -May white lady daw-

2447 Words
❀⊱Remy's POV⊰❀ Habang naglilinis ako ng opisina ng aking amo na si Ma'am Hera ay narinig ko ang yabag na papalapit. Galit ito at may kausap sa telepono. Kinabahan naman agad ako, pakiramdam ko ay mababaling sa akin ang init ng ulo nito kaya agad akong gumilid upang pagpasok niya dito sa loob ay hindi ko siya mababangga. Pagbukas ng pintuan ay umalingawngaw dito sa loob ang malakas na boses ng amo ko. Napatingin pa siya sa akin pero hindi niya ako pinansin at naupo lang siya sa kanyang swivel chair. Nakahinga naman ako ng maluwag, pero dahil kinakabahan ako ay bahagyang nanginig ang aking mga kamay kaya kamuntikan ko ng mabitawan ang hawak kong picture frame na pinupunasan ko. Biglang napatingin sa akin ang aking amo ng marinig niya ang ingay na nagawa ko. Napatayo siyang bigla at tinignan ang kung ano ang hawak ko na kamuntikan ko ng maibagsak. "Hindi ka nandito para magbasag ng gamit ko. Lumabas ka na nga lang at naiirita ako," may inis na ani ng aking amo. Sa takot ko ay ibinaba ko agad ang picture frame ng isang magandang babae at nagmamadali na akong lumabas ng kanyang opisina. Naririnig ko pa ang sinasabi niya sa kanyang kausap sa phone at sinasabi na nakakainis daw ako. Halos takbuhin ko tuloy ang elevator upang makaalis na ako dito sa floor nya bago pa niya maibunton ng tuluyan sa akin ang galit niya. Lumipas pa ang mga oras at natapos na rin ang trabaho ko. Sinadya kong umiwas na hindi kami magkita ni Ma'am Hera dahil nakakatakot siyang tumingin. Parang laging galit at nanunuri kung makatingin. Pagod na pagod ako sa maghapon kong trabaho, pero kinakaya ko naman lalo na at kailangan naming mag-ipon ng pera para naman makapagtayo kami ng negosyo. At least mas okay dito kaysa naman magpakahirap ako sa karinderyang 'yon. Paglabas ko ng hotel ay naghihintay na sa akin si Makoy at si Leng. May tricycle na rin silang kasama kaya hindi na namin kailangan pa maglakad ng malayo. Pagkarating namin sa apartment namin ay bumaba agad ako ng tricycle, pero panay ang tingin ko sa paligid. Kasi iba talaga ang pakiramdam ko. Kinikilabutan tuloy ako. Baka kaya may multo sa lugar na ito at nagpaparamdam sa akin. May third eye kaya ako? Nakupo! Kung mayroon man, sana huwag didilat para wala akong makita. Sa isiping 'yon ay mas lalong nanayo ang balahibo ko at tumakbo ako ng mabilis papasok sa apartment na tinutuluyan namin. Nagulat naman ang dalawa kong kaibigan lalo pa at medyo tumili ako, baka kaya pati ang driver ng tricycle ay naweirduhan na rin sa akin. "Nakakita ka ba ng multo, ha?" tanong ni Leng. "Hindi, may naalala lang ako," pagsisinungaling ko. Natawa na lang sila at dumiretso ng kusina. Ako naman ay naupo sa sofa upang magpahinga saglit dahil nakakapagod din naman ang maghapong trabaho. Hindi ko namalayan na nakaidlip ako ng mahigit isang oras. nagising na lang ako ng niyuyugyog na ako ni Leng sa balikat. Napabalikwas pa ako ng bangon dahil nakita kong madilim na sa bintana. "Hala! Nakatulog ako, sorry hindi na ako nakatulong sa pagluluto," ani ko. Pero pinagtawanan lang nila ako at sinabing hindi pa sila nakakaluto kasi kadarating lang ni Makoy. Sumaglit daw siya sa palengke upang bumili ng isda. Ako naman ay nagpunta ng silid upang magbihis at pagkatapos ay kumuha ako ng pera upang bumili ng shampoo na naka sachet lang. Pakiramdam ko ay nanlalagkit ang katawan ko kaya kailangan ko ng maligo bago kami kumain. "Besh, bibili lang ako ng shampoo sa tindahan, may gusto kang ipabili?" ani ko. "Gusto mo ba na samahan na kita?" Napatingin ako kay Makoy tapos ay umiling lang ako. Kaya ko na naman ito, at kahit naman madilim sa labas ay marami namang kapitbahay ang nakatambay sa labas ng kanilang bahay upang makipag chismisan. "Sige, ibili mo na rin ako ng shampoo at maliligo ako bago matulog. Magluluto lang muna ako ng hapunan natin," ani ni Leng. Lumabas na ako ng apartment. Mga tatlong poste ang layo ng tindahan mula dito sa apartment. Habang naglalakad ako ay napatingin ako sa isang lumang bahay na may second floor. Madilim ang buong bahay pero bakit pakiramdam ko ay may nakatitig sa akin? Sa takot ko ay kinilabutan na naman ako. Umaandar na naman ang wild imagination ko. Pakiramdam ko ay may multo sa bahay na 'yon kaya ang mabagal na hakbang ko ay unti-unting bumibilis, pero hindi patungo sa tindahan. Patakbo na akong bumabalik sa apartment na tinutuluyan namin. Pagkapasok ko sa loob ay nagulat pa ang dalawa kong kaibigan ng kumalabog ang pintuan ng isinara ko ito. Mabilis na nagtataas-baba ang dibdib ko dahil sa mabilis din na pagtibok ng puso ko. Namumutla na yata ako ng mapatingin ako kay Leng at Makoy na natutulalang nakatitig sa akin. "Uhm, M-Makoy, nagbago na pala ang isip ko. Samahan mo pala akong bumili ng shampoo," wika ko. Malakas na halakhak ang pinakawalan ni Leng habang ako ay naiinis naman sa kanya. "Jusko! Huwag mong sabihin na hanggang ngayon ay natatakot ka pa rin sa multo at gumagana pa rin ang imahinasyon mo sa madidilim na lugar? Grabe ka Remz! Walang multo, nakakaloka ka!" Inirapan ko si Leng at humarap ako kay Makoy. "Yung lumang bahay na laging walang ilaw at madilim kapag gabi, parang may nakatitig sa akin, nakakatakot," ani ko kaya natawa si Makoy sa akin. "Beshie, may tao duon, nakita ko 'yon nuong isang araw lang yata 'yon. Hindi ko lang nakita kung sino ang mga nakatira duon, pero merong naninirahan sa bahay na 'yon. Baka umalis lang sila kaya madilim ang buong kabahayan," ani ni Leng. "Matatakutin kang masyado. Halika na nga at sasamahan kitang bumili ng shampoo ninyo," natatawang sabi ni Makoy. Binuksan ko ang pintuan at pinauna ko na siyang maglakad. Ayokong mauna at ayokong tumingin sa bahay na 'yon kasi pakiramdam ko talaga ay may nakatingin sa akin. Hindi naman kalakihan ang bahay na 'yon. Two storey house sya pero kaayusan lang naman ang laki nito, isa pa ay lumang bahay ito kaya talagang nakakatakot tignan. Para itong lumang bahay kastila kaya mas nakaka-pangilabot. "May ilaw naman 'yung bahay ah! Akala ko ba madilim? Niloloko mo lang yata ako," ani ni Makoy kaya biglang nag-angat ang mukha ko. Iniiwasan ko kasi itong tignan kaya nakayuko lang ako. Pero ng sinabi ni Makoy na bukas ang ilaw ay nagulat ako dahil kanina lang ay napaka-dilim sa loob nito. "Hala! Promise kanina ang dilim-dilim sa bahay na 'yan. Tapos pakiramdam ko pa ay may nakatayo sa bintana na multo at nakatingin sa akin," sagot ko. Isang malakas na halakhak ang pinakawalan ni Makoy kaya sa inis ko ay hinampas ko ito sa kanyang likuran. Nakakainis siya, lagi na lang nila akong pinagtatawanan. "Masyado ka kasing matatakutin. 'Yung guni-guni mo alisin mo sa sarili mo 'yan at baka tumanda kang hindi nakakalabas mag-isa sa gabi," wika ni Makoy. Hindi ko na pinapansin ang sinasabi niya at nakatingin lang ako sa lumang bahay. May nakikita akong anino na nakatayo sa bintana na may kurtina at tila ba ito naninigarilyo. Mukha nga yatang malakas lang ang tama ng imahinasyon ko kaya kung ano-ano ang nakikita ko at nararamdaman ko. Tama nga si Makoy, dapat ay hindi ako natatakot at hindi ko pinapairal ang imahinasyon ko. Muli kong tinignan ang lumang bahay. Humugot ako ng malalim na paghinga at nagsalita ako. "Tama ka. Hindi dapat ako natatakot sa mga ganyang bagay. Promise at hindi na ako matatakot sa bahay na 'yan," ani ko. Bigla namang dumilim ang buong kapaligiran dahil namatay na naman ang kuryente, at sa takot ko ay nagmamadali kong tinakbo si Makoy na nauuna ng maglakad saka ako kumapit sa braso niya. "Akala ko ba hindi ka na matatakot?" natatawa niyang ani. Pero hindi ko na siya sinagot at nagpunta na kami ng tindahan. Pagkatapos naming bumili ay pabalik na rin kami. Wala pa ring kuryente at napadaan na naman kami sa lumang bahay. Madilim na madilim ang paligid nito na tila ba walang pakialam ang nakatira dito kahit na ba walang kuryente. Kumakabog ang dibdib ko dahil may nakikita akong tao na nakatayo pa rin sa bintana na may kurtina. Alam kong may tao dahil sa sigarilyo nito na kitang-kita ang naglalagablab na baga nito sa tuwing hinihitit niya ito. "Bakit kaya pakiramdam ko sa atin nakatingin ang taong 'yon?" ani ko kay Makoy. Napahinto siya sa paglalakad at tinignan ang tinitignan ko, pero umalis na ang taong nakatayo sa bintana dahil hindi ko na nakikita ang sigarilyo nito na nagbabaga. "Wala namang tao, saka ang dilim-dilim sa loob, paano mong malalaman kung may tao sa lumang bahay na 'yan? Huwag ka ngang masyadong matatakutin Remz. Tinatakot mo lang ang sarili mo." Hindi na ako sumagot pa at mabilis na kaming nakauwi sa apartment. Tanging liwanag na nanggagaling lamang sa isang kandila ang ilaw sa loob ng apartment. Ganito kami dito halos araw-araw, na lagi na lang kaming nawawalan ng kuryente. Buti na lang at may poso sa labas kaya kahit na walang tubig ang gripo, may pagkukuhanan kami ng tubig na magagamit namin. "Nakabili ba kayo? Makoy pag-igib mo naman kami ng tubig ni Remy, mamaya pa raw magkakaroon ng kuryente sabi ni Ate Lulu. Walang tubig ang malaking balde sa banyo, baka naman!" ani ni Leng, kaya inis na napapakamot ng ulo si Makoy habang ako ay natatawa. "Paano kaya kung hindi ninyo ako kasama dito? Ginawa pa ninyo akong alila ninyo," inis na ani ni Makoy. "Hala, grabe ka naman sa ginawang alila! Slight lang," sagot ko kaya natawa si Leng ng malakas, habang si Makoy naman ay nakabusangot ang mukha. Inis na lumabas ng bahay si Makoy na may dalang dalawang malaking timba. Ako naman ay naupo sa labas ng apartment dahil sobrang init sa loob ng bahay. Kinuha ko ang telepono ko at ginawa ko itong ilaw para naman hindi ako masyadong matakot. Pinapanuod ko lang si Makoy na nagbobomba ng poso. Napatingin ako sa lumang bahay. Sarado na ang bintana, at wala din naman akong nararamdaman na nakatingin sa amin. May kataasan ang bakod nito, lagpas hanggang tao kaya hindi makikita kung ano ang ginagawa sa unang palapag, pero nakikita ko na tila ba may nagsisiga dahil may liwanag na nanggagaling at may usok din. Parang ang grupo lang nila Julian nuon na mahilig sa bonfire. Muli tuloy sumagi sa isipan ko si Diego. Hindi ko makalimutan ang huling sinabi niya sa akin nuong kaarawan ng kambal ni Lyka at ni Harvey. Ipinikit ko ang aking mga mata at inalala ang sinabi niya sa akin. "Patutunayan ko sayo na malinis ang intensyon ko, at kaya kong magtiis kahit pahirapan mo ako. Basta ang mahalaga sa akin ay mapatunayan ko sayo na mabuti ang hangarin ko." "Ewan ko sayo! Bahala ka sa buhay mo! Ang yabang-yabang mo, akala mo kung sino ka kung pagbantaan mo ako dati. Hindi mo naman ikinagwapo 'yon. Buti nga binuhusan ko lang ang katawan mo ng maruming tubig at hindi ko ipinaligo sayo," inis kong ani sa aking sarili sabay sipa ko ng lupa na tinatapakan ng mga paa ko. Pero bigla akong nagulat ng magsalita si Leng sa likuran ko. "Hoy! Sino ang kinakausap mo? Namamatanda ka na ba?" ani niya kaya inirapan ko siya at tumingin ako kay Makoy. "Wala, may naalala lang ako. Nainis akong bigla kaya nagsasalita akong mag-isa," ani ko. "Ahh, alam ko na kung sino. Akala ko ba ay hindi mo 'yon gusto, pero bakit naiisip mo siya?" may panunuksong ani ni Leng sa akin. Sumibangot naman agad ang mukha ko. Nakakainis naman itong kaibigan ko, bakit ba niya naiisip na may gusto ako kay Diego? Wala akong gusto kay Diego, at naisip ko lang naman ang mga sinabi niya sa akin. Tapos 'yung unang pagtatagpo namin na galit na galit siya sa akin dahil hindi ko tinanggap ang panyo na iniaabot niya sa akin. May reason naman kasi ako kung bakit hindi ko 'yon tinanggap. Una ay nahihiya ako dahil sa hitsura pa lang niya, jusko yayamanin na tapos dudumihan ko ang kanyang panyo? Pangalawa ay tulo na ang sipon at luha ko ng mga oras na 'yon kaya ayoko talagang tanggapin ang panyo niya, nakakahiya ng sobra. Mas gusto ko pang gamitin ang mop ng sahig na pamunas kaysa ang mamahalin niyang panyo. Hindi ko naman akalain na maiinsulto siya sa ginawa ko. Hindi ko naman siya nais insultuhin ng araw na 'yon, talaga lang na nahihiya ako na gamitin ang panyo ng ibang tao. Hindi ako sanay sa ganuon, lalo pa at nakikita ko ang karangyaan sa kanyang pananamit at sa kanyang tindig. 'Yun lang talaga 'yon, at ang mali ko lang ay hindi ko naipaliwanag sa kanya ng maayos. Ang nakakainis pa at nakakagalit ay ng pwersahan niyang pinunasan ng puting panyo niya ang mga luha ko, tapos sasabihin pa niya sa akin na magiging kanya rin daw ako. Sino ang hindi magagalit sa kanya? "Natahimik ka na? Iniisip mo si Diego? Gusto mo siya noh?! Umamin ka na kasi na may gusto ka sa lalaking 'yon. Sobrang gwapo ng lalaking 'yon at kung ang katulad niya ang manliligaw sa akin? Hay naku! Oo na agad at hindi ko na pahihirapan pa noh! Jusko, ang sarap kaya magkaroon ng ganyan ka-gwapong nobyo," ani ni Leng kaya natawa ako sa kanya. "Ako ba ang gwapong pinag-uusapan ninyo? Matagal ko ng alam 'yan," ani ni Makoy kaya ang lakas ng tawa namin ni Leng. "Sus! Asa ka? Hindi ikaw noh!" sagot ni Leng kaya natawa lang ng mahina si Makoy habang ako naman ay muli akong napatingin sa lumang bahay. Pakiramdam ko talaga ay may nakatitig na naman sa akin. Muling nagtaasan ang mga balahibo kaya bigla akong tumayo at mabilis na tumakbo papasok sa loob ng bahay. Malakas akong pinagtatawanan ni Leng, pero hindi ko na siya pinansin pa. Basta naniniwala ako na may multo sa lumang bahay na 'yon. Hindi na ako titingin sa bahay na 'yon sa tuwing mapapadaan ako dahil ayokong may makitang babaeng lumulutang sa hangin at bigla na lang akong habulin. Naniniwala ako na may white lady sa lumang bahay na 'yon. "Hay naku! Kinikilabutan talaga ako sa tuwing mapapatingin ako sa bahay na 'yan. Kailangan kong bumili ng rosaryo bukas para naman matakot sa akin kung ano man ang masamang espirito na naninirahan duon," ani ko. Nakatitig silang dalawa sa akin. Para silang naitulos sa kinatatayuan nila ng marinig nila ang sinabi ko. Pagkatapos ay bumunghalit sila ng malakas na tawa kaya sa inis ko ay pumasok na lang ako sa loob ng banyo upang maligo. Bwisit silang dalawa, nakakainis!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD