❀⊱Remy⊰❀
Day off ko ngayon kaya may lakad kami ng mga kaibigan ko patungo ng city. Mamimili kami ng ilang gamit para dito sa bahay. Bibili na din kami ng bowl para naman may nagagamit kami na lalagyan namin ng sinigang. Maliit lang ang bowl namin dito, tinipid kasi namin ang pera namin, at dahil may maayos na kaming trabaho at sapat na sweldo ay pwede na kaming bumili ng ilang gamit. Bibili na rin kami ng isang maayos na electric fan at isasauli na namin sa land lady namin ang hiniram namin, nakakahiya na kasi. Buti na lamang at mabait ang may-ari ng apartment na tinutuluyan namin at sila naman ang kusang nagpahiram sa amin, pero syempre ayaw naming umabuso. Isa lang kasi ang gamit naming electric fan, nakakaawa si Makoy kapag natutulog siya, pag gising nuon naliligo na ng pawis, kaya pinahiram kami ng extra ng aming land lady.
Ilang katok ang narinig namin sa pintuan kaya agad ko itong binuksan. Si Rich ang kumakatok at napatingin ako sa hawak niyang tupperware.
"Hala, may lakad ba kayo? Nagluto pala ako ng sinigang na hipon, baka lang gusto ninyo kaya nagdala ako dito, masyado kasing naparami ang niluto ko, gusto nyo ba?" wika niya. Si Rich ang nakatira sa lumang bahay, sabi niya ay kasama niya ang dalawa niyang pinsan na lalaki, kaya nawala na ang takot ko sa lumang bahay sa tuwing titignan ko ito, lalo na ang bintanang 'yon na tanaw mula dito, dahil ngayon ay alam ko ng may taong nakatira at ang nakikita ko na naninigarilyo ay pinsan daw niya.
"Nag-abala ka pa. Nakakahiya naman yata, baka may masabi ang mga pinsan mo. Ayaw naman naming isipin nila na umaabuso kami. Kahapon kasi calderetang baka ang dinala mo sa amin, pero kung namimilit ka, ay okay na okay 'yan sa amin" ani ko sabay tawa ko.
"Huy! Ano ba ha?! Kaysa naman masayang at matapon lang noh! Ang mga pinsan ko kasi ay maaarte at ayaw kumain ng tira. Ang aarte ng mga 'yon, ang sarap idukdok sa mga plato nila, hindi naman mga kagwapuhan, pero ang seselan sa pagkain," sagot niya kaya natawa ako ng malakas.
"Beshie bakit may naaamoy akong masarap na ulam?" ani ni Leng ng bumukas ang pintuan ng silid namin.
"Nandito si Richelle, may dalang sinigang na hipon. Masyado daw naparami ang niluto niya kaya binigyan tayo. Tamang-tama pag-uwi natin mamaya ay may ulam na tayo, mukhang ang sarap pa ng pagkakaluto nito," sagot ko. Tuwang-tuwa naman ang bruha dahil paborito ni Leng ang hipon. Lalo pa at sinigang na hipon ang ulam niya.
"Salamat Rich, busog lusog na naman kami nito mamaya," ani ng kaibigan ko.
Naupo si Rich sa sofa at pinapanuod lang ang ginagawa namin, pagkatapos ay tumayo ito na nakatitig sa amin ni Leng. Napangiti ako sa kanya tapos ay nagtanong siya kung saan daw ba kami pupunta.
"Sa city may mga bibilhin kaming gamit, gusto mong sumama?" sagot ni Leng.
"Pwede ba akong sumama? May gusto din kasi akong bilhin, since pupunta kayo ng city, sige sama ako," ani ni Rich.
"Oo naman! Sige na magbihis ka na at hihintayin ka namin dito. Pagdating mo ay gagala na tayo, magpaalam ka na rin sa mga pinsan mo at baka sugurin kami ng mga 'yan kapag nawala ka sa paningin nila," wika ni Leng kaya natawa kami.
Tuwang-tuwa naman na umalis si Rich, at kami naman ay pinagpatuloy ang pag-aayos. Ipinusod ko lang naman ang buhok ko katulad ng laging ayos na ginagawa ko. Naglagay ako ng polbo at pinagpagan ko lang ang suot kong damit para hindi masyadong lukot dahil wala pa kaming plantsa, ngayon pa lang kami bibili.
"Jusko Remy, magpalit ka nga ng damit mo. Para kang labandera sa hitsura mo. Sayang ang ganda mo, nakakaloka ka!" ani ni Leng kaya inirapan ko lang siya. Tawa naman ng tawa si Makoy dahil sa tinuran ng aming kaibigan. Wala namang nakakatawa kaya naiinis tuloy ako sa kanilang dalawa.
"Bumili ka nga ng maayos mong damit saka ilugay mo naman 'yang buhok mo. Banat na banat na 'yang anit mo, hindi ba sumasakit ang ulo mo? Hindi ka naman kasi nerd, 'yang pananamit mo lang talaga ang kailangang mabago, kasi puro damit ng nanay mo ang sinusuot mo. Tignan mo ako ang sèxy kong tignan kahit luma lang ang damit ko," wika ni Leng sabay kembot pa nito sa harapan ko.
"Wala naman kasi kaming pambili ng magagandang damit kaya 'yung mga lumang damit ni mama ang sinusuot ko mula pa nuon, at dahil nasanay na ako sa ganitong uri ng pananamit kaya pinanindigan ko na," sagot ko. Naiiling naman si Leng sa tinuran ko.
"Ang buhok mo? Bakit laging ganyan ang ayos ng buhok mo?" tanong naman ni Makoy. Napahimas tuloy ako sa buhok ko, ano ba ang masama sa ayos ng buhok ko? Wala namang masama, saka naaalala ko ang sinabi sa akin ni mama nuon kaya tuloy lagi ko ng pinupusod ang buhok ko.
"Kasi sabi sa akin ni mama nuon na kapag nakita pa niya na magulo ang buhok ko ay kakalbuhin daw niya ako. Ayokong makalbo kaya lagi ko itong pinupusod ng ganito. Nakasanayan ko na at ganito na ako komportable kaya pinanindigan ko na rin," sagot ko sabay tawa ko pa.
"Hay naku! Bahala ka na nga sa buhay mo. Sinasayang mo ang ganda mo," sagot ni Leng habang nagpapahid ito ng lipistik.
Ilang saglit pa at dumating naman si Rich. Nakangiti ito sa amin at napahanga kami ni Leng kasi ang ganda ng suot niya at ang ganda niya. Bagay sa kanya ang suot niyang skirt at crop top.
"Ang ganda naman ng damit mo, anak mayaman ka siguro," ani ni Leng.
"Nakupo! Sana nga noh, kaso hindi eh! Hay naku, hindi ako mayaman. Tignan mo nga 'yang lumang bahay na 'yan, isang anay na lang ang hindi pumipirma at magkakahiwa-hiwalay na ang mga haligi niyan. Kung anak mayaman ako, sa magandang bahay ako titira at hindi diyan na nakakatakot sa gabi, parang laging may multo na lilitaw sa harapan ko, jusko!" sagot niya kaya tawa kami ng tawa. Pareho pala kaming matatakutin ni Rich sa multo.
Hindi nagtagal ay umalis na rin kami. Napatingin pa ako sa bahay nila Rich at sa parehong silid ay nakita ko na naman ang isang bulto sa likod ng makapal na kurtina. Nakatayo lamang ito na tila ba sa amin nakatingin, or should I say na sa akin nakatingin. Baka naman feelingera lang ako at dito siya sa pinsan niya nakatingin. Baka hindi niya gusto na nakikipag-kaibigan sa amin ang pinsan niyang si Rich.
"Hindi kaya magalit ang dalawa mong pinsan dahil nakikipag-kaibigan ka sa amin?" tanong ko.
"Wala namang pakialam ang mga 'yan. Saka hindi magagalit ang mga 'yon, mas masaya pa nga ang mga 'yon dahil may bago akong kakilala," wika ni Rich kaya tumango lang ako.
Pagtingin ko sa lumang bahay ay wala na ang lalaking nakatayo duon. Ewan ko ba kung bakit sa tuwing titingin ako sa bintanang 'yon ay ninanais ng isipan ko na sana ay makita ko ang lalaking 'yon na nakadungaw upang makita ko kung ano ang hitsura niya. Pero mukhang imposible, takot yata 'yun sa sikat ng araw kaya hindi lumalabas. Baka kaya bampira ang mga nakatira sa lumang bahay na 'yon? Sa isiping 'yon ay biglang kinilabutan na naman ako at napatingin ako kay Rich, sabay tingin ko sa sikat ng araw.
"Uhm, Rich, hindi ka ba napapaso sa sikat ng araw?" tanong ko kaya napatingin din siya sa langit. Ang dalawang kaibigan ko ay bigla ding napatingin sa akin na parehong nakataas ang dalawang kilay.
"Huh?! Hindi naman, okay lang naman sa akin. Bakit mo naman naitanong?" sagot niya kaya napangisi ako at muli akong napatingin sa dalawa kong kaibigan bago ako sumagot.
"Uhm, wala naman. Sige maglakad ka lang para makalabas na tayo dito sa eskinita, may naiisip lang kasi ako," sagot ko kaya tawa ng tawa si Leng at Makoy dahil tila ba naiisip na nila kung bakit ko tinatanong si Rich. Inirapan ko tuloy sila at nagpatuloy na lang ako sa paglalakad. Nakakainis sila, wala namang masamang magtanong. Saka, naniniwala naman kasi ako sa mga supernatural katulad ng ghost at white lady.
"Grabe ang imahinasyon mo. Nakakaloka, baka naman pati kami ni Makoy ay pinag-iisipan mong manananggal sa gabi ha? Huwag kang ganyan, sa ganda kong ito ay hindi ako mukhang manananggal, baka manananggal pa ng brief, pwede," ani ni Leng sabay tawa niya ng malakas. Maging si Makoy ay humahalakhak sa tinuran ni Leng.
"Ako naman, manananggal ng panty," sagot ni Makoy kaya mas lalong lumakas ang tawanan nila.
"Oo na! Alam nyo naman ako kung mag-isip, pero alam ko rin naman na hindi 'yon totoo. Pero sa multo at sa white lady, totoo ang mga 'yan kasi ang kwento sa akin ni..." hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko ng sumabat si Makoy.
"Sabi ng kapitbahay natin na si Lola Iday ay nakakita siya ng white lady nuon na lumulutang daw sa hangin, pero ang sinasabi naman ng mga apo niya, kasi daw may sampay na kumot sa labas na kulay puti. Dahil malabo ang mga mata ni Lola Iday kaya ang tingin niya ay white lady na lumulutang sa hangin. Naikwento din 'yan sa amin ni Lola Iday, dapat nakipag kwentuhan ka din sa mga apo ni Lola Iday para nalaman mo ang tungkol sa sampay na kumot." Sambit ni Makoy ng pinutol niya ang sinasabi ko.
"Oo na! Mga nakakainis kayo, puro kayo kontra sa akin!" inis kong ani at nagpatuloy na lang ako sa paglalakad habang silang tatlo ay pinagtatawanan naman ako.
Nang makarating kami ng kanto ay tumawag na ng tricycle si Makoy kaya pagsakay namin ay mabilis din agad itong sumibad. Buti na lang at puro kami slim kaya kasya kaming talo sa loob ng tricycle. Si Makoy naman ay nakasabit lang sa likuran. Mayamaya ay nagsalita si Makoy, kaya napalingon kami sa likuran dahil sa kanyang sinabi.
"Tayo yata ang sinusundan ng kotse na 'yon. Mula sa kanto ay nakita ko na 'yan pero hanggang ngayon ay nasa likuran natin," wika niya habang tinitignan namin ang sasakyan.
"Nakasunod lang sa likuran natin, iisipin mo na agad na tayo ang sinusundan? Ay grabe ka ha!" wika ni Rich. Lumiko na ang sinasakyan naming tricycle habang ang sasakyan sa likuran namin ay dumiretso naman kaya napakamot ng ulo si Makoy at tumawa.
Mas malala pa pala sa akin mag-isip itong si Makoy. Kapag may sasakyan sa likuran ay sinusundan agad kami. Akala ko ako lang ang praning, maging si Makoy pala.
Pagkarating namin ng pinaka city ay nagtungo kami ng mall. Dumiretso agad kami ng department store, diretso kami sa kitchenware. Bumili kami ng extrang tatlong plato at kutsara at tinidor para kung may bisita kami ay hindi naman nakakahiya dahil kulang nga kami sa plato. Bigla akong napapalingon kasi feeling ko ay may mga matang nakasunod sa bawat kilos ko. Praning na naman ako. Syempre maraming titingin sa akin dahil sa hitsura ko. Ganito man ang pananamit ko, mabango naman ako at malinis sa katawan. Maalaga naman ako sa sarili kong katawan kaya wala silang maipipintas na kahit na ano sa akin, maliban lang talaga sa pananamit ko. Napapaisip tuloy ako, sundin ko kaya ang sinasabi ni Leng sa akin na baguhin ko ang pananamit ko? Hindi naman siguro masama kung bibili ako ng ilang damit na maayos para naman magmukha na akong tao.
"Leng, samahan mo ako sa first floor, punta tayo sa ladies wear, bibili ako ng ilang damit, pero syempre depende pa rin sa presyo. Kapag mahal, saka na lang," wika ko. Natawa naman siya at sinabi niya sa akin na maraming naka-sales ngayon kaya makakatipid daw ako. Napangiti naman ako at inaya ko na siya upang tumingin kami ng mga damit.
"Remz, duon lang ako sa mga make up, may gusto lang akong bilhin susunod na lang ako sa inyo sa ladies wear," ani ni Rich kaya tumango kami. Si Makoy naman ay sumunod lang din sa amin ni Leng ng tinungo na namin ang escalator.
Ilang magagandang damit ang ibinibigay sa akin ni Leng, pero sa tuwing titignan ko ito ay parang hindi ko yata kayang isuot ang ganito kaigsing damit.
"Ayoko niyan besh," ani ko pero sa halip na makinig siya sa akin ay hinila pa niya ako sa fitting room.
"Isukat mo 'yan diyan. Gusto kong makita ang hitsura mo kapag sinukat mo na 'yan. Ang laki ng matitipid mo sa mga damit na 'yan dahil puro 'yan 50% off. Isukat mo na at ng magmukha ka ng tao," ani niya kaya inis kong tinanggap ang mga damit na ipinapasukat niya sa akin at pumasok ako sa isang maliit na fitting room.
Pagkatapos kong isukat ang skirt at blouse ay napa-awang ang aking labi. Ganito ba kaganda ang itinatago kong katawan? Umikot-ikot pa ako sa harapan ng salamin at aaminin ko na parang ayaw ko ng hubarin pa ang suot ko. Ang ganda kong tignan, para akong manika sa ganda ng suot ko. Lalo na siguro kapag inilugay ko ang mahaba kong buhok na medyo kulot, bagay na bagay siguro ito sa akin.
"Beshie! Lumabas ka na diyan para makita ko ang hitsura mo," ani ni Leng. Pero ewan parang ayaw ko ng umalis sa harapan ng salamin kasi gandang-ganda ako sa aking sarili. Nakakaloka, dati naman kapag nagbihis ako at humarap sa salamin ay okay na sa akin na makita ko ng isang sulyapan ang sarili ko, pero bakit ngayon ay parang gusto kong dito na lang ako sa loob para lagi kong nakikita ang sarili ko.
"Besh, ano ba?!" inis na ani ni Leng.
"Ayan na. Masyado ka namang mainipin," ani niya kaya narinig ko ang pagtawa nya. Binuksan ko ang pintuan at ganuon na lamang ang gulat niya ng makita niya ako. Pinaikot-ikot pa niya ako at hindi makapaniwala sa nakikita niya.
"Oh my God! Beshie ang ganda mo, ang seksi mo pala," ani niya.
"Heto sukat mo, skinny jeans, excited ako dahil siguradong babagay din ang mga jeans na ito sayo," ani niya na tuwang-tuwa dahil sa hitsura ko. Aaminin ko na gusto ko rin ang nakikita ko sa salamin kaya bibilhin ko ang mga ito. 'Yun nga lang ay kailangan kong sanayin ang aking sarili na magsuot ng ganito, sanay kasi ako sa mga lumang damit ni nanay. Naalala ko tuloy nuong unang beses akong isinama nuon ni Nimfa sa isang okasyon sa private island, naglaro ng games at duon ako unang nahalikan ni Diego. Duon nagsimula ang lahat. Suot ko nuon ay isang dress, pero hindi naman seksi, medyo maluwag sya sa akin dahil iyon ang hiniling ko sa aking kaibigan. Iyon ang kauna-unahan ko na nagsuot ako ng dress, lagi kasing maluwag na slacks ang suot ko. Mga lumang damit ni mama nuon. Naaalala ko tuloy nuon ng mahuli ko si mama na itatapon sana niya mga damit ko dahil hindi niya nagugustuhan ang pananamit ko. Ipamimili daw niya ako ng mga bagong damit pero tumanggi ako dahil kailangan namin ng pera para pangbili ng kanyang mga gamot.
Nalulungkot na naman tuloy ako dahil lagi kong naaalala si mama. Ulilang lubos na talaga ako, at tanging mga kaibigan ko na lamang ang makakasama ko. Alam ko may lolo at lola pa ako sa mother side ko pero hindi ko alam kung buhay pa, sabi kasi ni mama nuon ay wala na akong mga lolo at lola, pero ang sabi ni papa nuon bago siya namatay, buhay pa daw ang mga 'yon. Sana mahanap ko sila para naman kung buhay pa sila ay may kikilalanin pa rin akong pamilya kung tatanggapin nila ako.
"Ano, okay na ba?" tanong ni Leng kaya agad kong hinubad ang huling isinukat ko dahil babayaran ko silang lahat. Excited na akong isukat ulit ang mga ito pag uwi namin.