Shaowman Management Building
Ilohi, Yasavi
Napapadighay na nang malakas nang mga oras na iyon sina Lancelot, Juno, at Charlemagne sa harapan ni Mr. Shaow. Hindi niya inakalang magugustuhan at masasarapan ang magkakapatid sa inihanda niyang lechon kawali, lechon, adobon pusit, roasted chicken, liempo, mga panghimagas at marami pang iba.
"Grabe. Hindi ko inakalang matitikman ko ang ganitong klaseng pagkain. Napakasarap. Kung hindi pa siguro punong-puno ang tiyan ko ay kakain pa ako," pabida ni Lancelot habang himas-himas ang may kalakihan na agad na tiyan.
"Masarap nga. Maraming salamat sa pagkaing iyong inihanda sa amin, Mr. Shaow. Isang karangalan ang makatikim ng ganitong uri at klaseng mga pagkain sa inyong mundo," pagpapasalamat naman ni Juno na ikinagulat ni Mr. Shaow.
"Mundo?" biglang pagtataka niya. Napansin agad iyon ni Charlemagne at Lancelot kaya agad nilang ipinaliwanag kay Mr. Shaow ang ibig sabihin ni Juno.
"Ang ibig pong sabihin ng aking kapatid, Mr. Shaow ay ibang klase po ang sarap ng pagkain inihanda mo para sa amin," pagpapaliwanag ni Charlemagne. Mabuti na lamang at tumango ito at naintindihan ang kaniyang mga sinabi.
"Mabuti naman at nasarapan kayo sa aking ipinahandang pagkain. Ang mabuti pa ay dalhin ko kayo sa gym sa building na ito. Doon ay puwede kayong magbawas ng inyong mga kinain," aniya Mr. Shaow.
"Gym?" sabay-sabay pa silang nagtanong sa harapan ng may-ari ng building. May isang namumungay ang mata sa tuwa nang marinig ang salitang gym habang ang dalawang mga mata naman ay tila naghihintay na naman ng eksplinasyon sa sinabi sa kanila.
"Silid pahingahan. Parang sa DraK, ate, kuya. Hindi ba at mayroon isang lugar sa kaharian kung saan tayo malimit tumatakbo, nagbubuhat, at nag-eehersisyo para palakasin ang ating katawan at upang ma-maintain natin ang ating kakasigan, at higit sa lahat ay upang hindi tayo tumaba o lumaki ang tiyan. Iyon ang gym na sinasabi ni Mr. Shaow."
Palipat-lipat naman ng tingin si Mr. Shaow sa magkakapatid. Tila nilalangoy ang bawat kalaliman ng kani-kanilang mga isipan. Nakangiti si Lancelot habang nakatingin sa dalawang magkakapatid na tanging mga mata lamang ang nakikita niyang nagsasalita. Kaya naghihintay din siyang matapos ang kung anumang usapan ng mga ito sa kanilang mga mata.
"Maaari ko na ba kayong samahan patungo sa gym? Aakyat pa tayo sa rooftop at doon ay makikita ninyo ang infinity pool at ang malaking gym. Gusto na ba ninyong makita o baka kailangan pa ninyong pansamantalang magpahinga?"
Sabay na nilingon ng magkakapatid si Mr. Shaow at muling nginitian. Ginantihan naman ng mga ito ng isang napakalapad na ngiti.
"Kami ay lubos na natutuwa at nagagalak sa iyong kabaitan, Mr. Shaow. Sapat na po ang napakaraming pagkaing iyong inihanda para sa amin upang makapagdesisyon na tanggapin ang iyong alok na maging inyong mga modelo. Susubukan po naming tulungan kayong palaguin pa ang napakabait na may-ari ng talent agency na ito."
Si Charlemagne na ang mismo ang nagdesisyon sa kanilang tatlo. Tumango naman at sang-ayon sina Juno at Lancelot sa naging pagpapasiya ng nakatatandang kapatid. Tila naurong naman ang dila ni Mr. Shaow at nakalimutan niyang magpasalamat agad sa narinig niyang desisyon mula kay Charlemagne.
"Hindi kayo magsisisi na naging aking talent sa kumpanya ko. Ihahanda ko na ang mga dokumentong inyong pipirmahan maging ang kontratang kailangan din ninyong malaman at mabasa. Sa kontratang pipirmahan ninyo mayamaya ay nakapaloob doon ang inyong sasahurin at taong gugugulin ninyo sa pagiging talents ko," aniya. Hindi pa rin kasi ito makapaniwalang ang tatlong nakitaan niya ng potential ay magiging parte na ng kaniyang kumpanya bilang isa sa mga talents. Malakas ang loob niyang muling babangon ang kaniyang talent agency mula sa kasalukuyang pagkakabagsak sa pamamagitan nilang tatlo.
"Kung ang ibig po ninyong sabihin sa kontrata ay ang araw na aming gugugulin, nais naming huwag mo na lamang lagyan. Nang sa ganoon ay malaya kaming makakaalis kapag nakatakda na kaming umalis at malaya pa rin naman kaming makababalik sa iyong kumpanya upang maging talents mong muli, Mr. Shaow. Iyan lamang ang aming hiling," si Juno na ang nagsalita. Naintindihan niya ang sinasabing kontrata o pangakong kasulatan. Kaya naman hiniling na lamang niya na maging bukas iyon at walang permanenteng katapusan.
"May punto at gusto ko ang iyong suhestyun, June. I'm sorry. Nais ko lamang linawin at sabihin sa inyong tatlo na kapag nakapirma na kayo ng kontrata ay gagamitin na ninyo ang inyong screen name, malibban kay Lancelot, na mananatiling pareho ang unang pangalan at kung papayag kayo o hindi ninyo alam ang inyong mga apelyido, puwede ko kayong ipakilala bilang aking adopted children. Tatawagin kayong June, Charlie, at Lancelot Shaow's children. At lahat ng nakikita ninyo rito, pagkain man iyan o mga pasilidad na pagmamay-ari ko ay magiging bukas na karapatang magamit ninyong lahat bilang aking mga adopted children. Iyon ay kung sasang-ayon lang naman kayo sa suhestyon ko, Juno, Charlemagne, at Lancelot."
Nakangiti si Mr. Shaow sa kanilang tatlo habang hinihintay ang kasagutan ng mga ito. Pansamantalang katahimikan ang namayani. Tanging mga mata lamang ng tatlo ang muling nangusap habang palipat-lipat na namang nakatingin sa kanila si Mr. Shaow. Maririnig din sa loob ng malawak na bulwagan na may mahabang table na iyon ang kalansing ng kutsara sa baso, na ginagawa pala ni Lancelot.
"Paumanhin," aniya kay Mr. Shaow.
"Tanggapin na natin ang offer, ate, kuya. Magiging priviledge na sa atin iyon kapag umo-oo tayo. Lahat ng mayroon si Mr. Shaow ay magiging atin na rin bilang adopted children niya," panghihimok ni Lancelot.
"May punto naman si Lancelot, kuya Charlemagne. At saka kapag may karapatan tayo sa kumpanyang ito ay madali na natin mahahanap ang kinaroroonan ng prinsesa. Mararanasan din natin ang hindi natin naranasan sa kaharian, ang pansamantalang maging malaya sa responsabilidad bilang mga kawal ng emperador at emperatris," segunda naman ni Juno na hinihikayat din si Charlemagne na sumang-ayon.
Malalim ding pinag-isipan ni Charlemagne ang magiging kasagutan niya sa harapan ni Mr. Shaow at tinimbang niya rin ang mga punto de vista ng kaniyang dalawang kapatid. Napapapikit pa ito nang ilang beses hanggang sa buo na ang desisyon nitong pumayag sa gusto ni Mr. Shaow.
"Tinatanggap po namin ang suhestyun mo, Mr. Shaow. Ako bilang si Charlie, si Juno naman bilang si June, at si Lancelot ay nais maging parte at mga anak mo sa kumpanyang ito. Pumapayag po kami sa iyong kagustuhan, maliban lamang po sa kontratang hindi po namin lalagdaan kapag may nakalagay na expiration," natapos rin sa wakas ang pagninilay-nilay ni Charlemagne.
Tila nakalutang naman sa heaven's gate si Mr. Shaow nang marinig ang desisyon ni Charlemange, bilang nakatatandang kapatid sa tatlo. Hindi na rin muna siya nagsalita. Dinaan na lamang niya sa pagtawa at pagsi-shake hands bilang pasasalamat sa kanila in advance.
...
Black Star
Somewhere in a vast galaxy
Sa isang itim na planeta na kung tawagin ay Black Star, naroon at nakita ni Arkontika ang buong pangyayari. Hindi niya inakalang matatalo at magagapi ng emperatris at ng emperador sina Alamang at Mulaka. Nang sumabog ang mga ito mula sa kapangyarihang taglay ng Lucky 7 at 7 Hearts na siyang naging sandata ng dalawa, nagkalat ang sa galaxy ang kanilang mga katawan. At walang inaksayang oras si Arkontika upang isa-isang higupin ang mga ito at ibalik sa kaniyang kaharian sa Black Star Kingdom.
Nagtagumpay naman siyang ipunin ang mga ito. At sa kaniyang kaharian, sa loob ng kaniyang palasyo ay unti-unti niyang iniluwa ang mga particles ng katawan ng kaniyang mga alaga mula sa kaniyang bunganga at ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang muli silang buhayin. Sa kaniyang harapan, ang mga particles na iyon ay unti-unting nabuhay at nagising sina Alamang at Mulaka na gulat na gulat ang mga mukha nang makita ang kanilang panginoong si Arkontika.
"Mahal na hari, hindi po namin inaasahang kayo ang muling bubuhay sa amin," aniya ni Mulaka. Yumuko agad ito tanda ng kaniyang pagrespeto at pasasalamat.
"Maraming salamat po, mahal na haring Arkontika. Ang iyong lingkod na si Alamang ay magiging alipin mo habambuhay upang ika'y mapasalamatan," wika naman ni Alamang na agad ring yumukod at nagbigay pugay sa kaniyang saviour.
"Hindi ko kailangan ang kadramahan dito sa aking palasyo, Mulaka, Alamang. Pero gusto kong magpahinga muna kayo at magpalakas dito sa Black Star. Hangga't hindi ko sinasabi oras na para kayo ay umalis at maghasik ng lagim, mananatili kayo sa aking palasyo. Maliwanag ba?"
Awtorisado. Bilog na bilog ang boses. Matatalim din ang mga titig nito sa kanila. Walang bahid ng emosyon ang makikita sa kaniyang mukha lalo na sa mata ni Arkontika. Ganiyan kung ilarawan nina Alamang at Mulaka ang kanilang hari. Ang mga sinasabi o inuutos nito ay pinal na at hindi kailan man mababali. Ang sinumang mangahas na sumuway sa kaniyang utos ay ipinapatapon niya sa black hole at doon ay habambuhay na siyang makukulong at mamamatay. Ganoon kabagsik ang kaniyang mga sinasabi at inuutos. Walang dapat na sumuway. Lahat ay kailangang sumunod sa kagustuhan niya.
"Masusunod po, mahal na haring Arkontika," sagot naman ni Mulaka na tila kumindat pa at sadyang inaakit ang kaniyang hari.
"Magpapalakas po kaming dalawa sa inyon palasyo, mahal na Arkontika. Hihintayin po namin ang iyong basbas upang kami ay makapaghiganti sa ginawa ng DraK sa amin," nanggagalaiti naman sa galit ang mga mata ni Alamang kapag naalala ang kanilang sinapit.
Hindi naman nag-aksaya ng oras si Arkontika sa mga sagot nila. Tumalikod na lamang ito at naglakad patungo sa kaniyang silid upang magpahinga. Nagawa na niya ang kaniyang parte at pakay sa kaniyang dalawang alagad. Oras naman niya ngayon ang kailangan niya.