Robotics For Life Building
Ilohi, Yasavi
Huling araw na nang pagpupuyat at pagsusunog ng kilay ng mga empleyado ng Robotics For Life. Kinabukasan ay launching na at sadyang puspusan ang huling paghahanda na ginagawa ng lahat ng empleyado ng kumpanya. Kabilang na nga roon sa mga punong abala ay si Emmanuel Ayala.
Sa loob ng anim na araw ay sinigurado niyang ang lahat ng bilang ng dadalo sa launching bukas ay may nakahandang access o badge na gagamitin upang ma-explore ang kumpanya at masigurong walang kahit na sinuman ang basta-basta na lamang na papasok sa Robotics For Life nang walang pahintulot. Ganoon katindi ang siguridad na naka-imposed hindi lamang sa buong building o Ilohi Branch kundi pati na rin sa buong Robotics For Life branches.
At sa loob nga ng anim na araw na iyon ay pumukaw sa atensyon ni Emmanuel ang hindi pagsang-ayon sa ginagawang launching ng Find The Right One For Me App. Sa umpisa ay tutol na nga talaga siya sa proyektong ito pero hindi siya nagsalita nang kahit na anong ikasisira ng kumpanya. Ngayong huling araw ay nagpasiya si Emmanuel na tapusin na ang lahat at nang makauwi na siya. Sabik na rin kasi siya sa kaniyang komportableng higaan at amoy ng lumang apartamentong kaniyang tinutuluyan.
Kahapon kasi, ikalimang araw bago ang launching ay pansamantalang nakaidlip si Emmanuel sa kaniyang upuan habang ang mga kasama nito ay nasa sleeping quarters at nagpapahinga, at mag-isa lamang siya roon ay tumigil siya sa pagtatrabaho. Doon ay pumasok sa kaniyang isipan ang alaalang pilit ipinapaalala sa kaniya. Isang alaalang hindi siya sigurado kung alaala ng nakaraang sinapit ng kaniyang magulang o may mensaheng nais ipabatid ito sa kaniya.
Ang pangyayari kasing iyon ang naging dahilan upang pag-isipan nang maayos ni Emmanuel ang susunod na hakbang hinggil sa launching ng proyekto. Dahil mahal niya ang kaniyang trabaho at mas gusto niya pa ring maramdaman ng mga tao ang kahalagahan ng pagiging tao at hindi ang mahalin ang isang robot na hindi naman nila kauri, minabuti na lamang ni Emmanuel na gawin ang kaniyang trabaho. Dadalo pa rin naman siya sa launching kinabukasan dahil ayaw niyang pagmulan siya ng anumang anomalya o panghihinala.
"Pagkatapos ng launching na ito ay sisiguraduhin kung hindi magtatagumpay ang proyekto ni Severo Ilusyunado. Hindi ang isang ilusyon o robot ang magtatakda sa kung sino ang dapat mahalin ng tunay na tao. Naniniwala pa rin ako sa tunay na pag-ibig. Ang puso ay hindi kailanman iibig sa isang robot. Ang Find The Right One For Me App ay isang malaking sampal sa aming mga tunay na tao na ibaling ang pagtingin sa isang robot lamang."
Kahit na abala pa rin ito sa pagtitipa sa harapan ng kaniyang kumpyuter ay may binabalak na rin o plano si Emmanuel sa gagawin niyang pagsasabotahe, isang linggo pagkatapos ng launching. Gagawa rin siya ng isang proyektong magpapabagsak sa tagumpay ni Luzio Batumbakal at Severo Ilusyunado. Gagawin niya ito hindi para sa pansariling gusto lamang kung hindi para na rin sa ibang tunay na taong naniniwala pa rin sa kapangyarihan ng tunay na pag-ibig sa pagitan ng dalawang tunay na nagmamahalan. Hindi isang robot ang sagot sa hinahanap na the right one ng ilan sa mga desperadong magkaroon ng makakasama habambuhay.
...
Sa Palasyo
Kaharian ng Drak
Sa malawak na balkonahe ng palasyo, tanaw ang kabuuan ng kaharian ay naroon si Emperatris at nakapangalumbaba. Malalalim na buntong-hininga ang pinakakawalan nito habang inaalala ang masasayang araw niya kapiling ang anak, at ang mga huling nangyari sa nag-iisang anak prinsesa na si Maharlika.
"Maharlika, ika'y nagdadalaga na at hindi nararapat sa isang dugong bughaw na katulad mo na basta-basta na lamang lalabas nang walang pahintulot mula sa amin ng iyong ama."
"Nag-aalala lamang kami sa iyo, Maharlika. Hindi ka puwedeng lumabas nang hindi nagpapaalam sa amin. Hindi naman sakop ang labas ng kaharian, lalo na kung magagawi ka sa kagubatan. Hindi ka na namin magagawang proteksyunan roon. Sana ay naintindihan mo ang nais naming sabihin, anak."
"Ako po ay buong pusong humihingi ng tawad sa inyo, aking ama, aking ina. Alam ko pong kapakanan ko lamang ang nais ninyong mabatid ko. Ipinagpapasalamat ko po ito at dadalhin ko po hanggang sa aking pagtanda. Huwag po kayong mag-alala dahil kaya ko na pong proteksyunan ang aking sarili sa sino mang mangahas na ako ay pagsamantalahan."
"Wala na tayong oras, Lika. Kailangan na ninyong lisanin ang kaharian. Hindi titigil ang mga kampon ni Arkontika hangga't hindi niya nasusunog ang lahat ng mga Drako at maangkin ang buong DraK. Kailangan ninyong umalis at magtago sa mundo ng mga mortal."
"Hindi kita puwedeng iwan dito, Majar. Asawa mo ako at ina ng iyong anak. Kaya nararapat lamang na samahan kita sa bawat misyon mo."
"Kung iyan ang iyong nais, kailangan nating ipadala si Maharlika sa mundo ng mga tao."
"Hindi ako papayag!"
"Hindi ko kayo puwedeng iwan dito, ama, ina."
"Maharlika, makinig ka! Ito ay gagawin namin para sa iyong kapakanan. Gagawin namin ang lahat mailigtas ka lamang at ang buong DraK. Ikaw ang susunod sa aming mga yapak at kailangan mong mabuhay. Kapag hinog na sa pilit ay makababalik ka sa ating kaharian at magkikita tayong muli."
"Magtiwala ka sa amin, anak. Hindi namin hahayaan ng iyong ina na mawala ang kahariang ito. Tatalunin namin si Arkontika at hahanapin ka namin sa mundo ng mga tao. Mahal na mahal ka namin, anak, Maharlika."
Hindi napigilan ng emperatris na mapaluha nang mga oras na iyon habang muling sinariwa ang araw na kasama ang nawalay na anak.
"Nandito ka lang pala, mahal ko," tinig ni Emperador Majar. Agad na pinahiran ni Emperatris Lika ang kaniyang mga luha at humarap sa emperador. "Hindi mo kailangang itago ang lungkot sa iyong mga mata."
"Paumanhin, mahal kong emperador. Naalala ko lamang ang ating anak. Sana ay nasa mabuti siyang kalagayan," aniya.
"Alam kong nasa mabuti siyang sitwasyon. Magagawa ng magkakapatid na hanapin siya sa mundo ng mga mortal. Huwag ka nang masyadong mag-isip pa."
Niyakap na lamang ng emperador ang emperatris at parehong pinagmasdan ang tanawin sa kanilang harapan.
"Tila ikaw naman ngayon ang ramdam kong may malalim na iniisip, mahal ko," ramdam ng emperatris na may bumabagabag sa emperador kaya bigla siyang napatanong. "Makikinig ako, mahal ko."
"Wala ito. Naisip ko lamang ang nakaraang laban natin. Alam kong si Alamang at Mulaka ay dalawa lamang sa mga malalakas na kalabang ipinadala ni Arkontika," aniya habang ang emperatris naman ay sinundan ang tinitingnan nitong malawak na hardin sa ibaba.
"Kung ganoon, kailangan pa nating paigtingin ang pagbabantay at palakasin pa ang ating puwersa sa posibleng pag-atake ni Arkontika. Mukhang mas kailangan kong kapalan ang selyong nakabalot sa ating kaharian."
"Alam ko, mahal ko. Kahit na malayo tayo sa ating anak, may responsibilidad din tayo sa kaharian. At gagawin natin ang lahat maproteksyunan lamang ito. Kagaya mo ay sabik na rin akong muling mahagkan ang ating anak na si Maharlika."
Tahimik lang ang paligid. Muling niyakap ng emperador ang emperatris habang sinasariwang muli ang mga araw na kasama nila ang kanilang nag-iisang anak na si Maharlika.
...
Sa loob naman ng isipan, sa pinakailalim na kamalayan ni Emmanuel ay may isang nilalang na mahimbing na mahimbing ang pagkakatulog. Naghihintay na lamang ito ng pagkakataong magising muli. Hinihintay ang isang taong bubuhay sa kaniya upang maging isang instrumento at bahagi ng adhikain nito sa itinakdang panahon.
Naroon lamang siya sa loob ng kamalayan ni Emmanuel. Wala pang malay. Nakangiti habang nakahiga at nananaginip. Sinasariwa ang bawat masasayang alaala sa kaniyang nakaraan kasama ang kaniyang mga mahal sa buhay. Isang napakagandang alaala ng kaniyang kabataan. Sa isang malawak na hardin ay naroon ito at nakikipaghabulan sa mga taong naging parte ng kaniyang paglaki.
"Ina, takbo!" Ngiting-ngiti ito habang inuutusan ang ina na tumakbo. "Nariyan na si Ama sa likuran mo, Ina."
Hindi mapigilan ang kaniyang paghalakhak, paghagikgik, at tuwa nang magkahawak na ng kamay silang dalawang mag-ina. Nang mahabol sila ng kaniyang ama ay lalo pang naging makulay ang mundo ng kaniyang kabataan. Walang pagsidlan ang kasiyahan ng isang batang ang tanging alam lamang noon ay magsaya, ngumiti, at makipaghabulan sa taong kasa-kasama niya araw-araw.
"Ang bilis mong tumakbo, anak. Manang-mana ka sa akin," papuri sa kaniya ng kaniyang ama. Habang nakahiga ito sa kamalayan ni Emmanuel ay panay naman ang galaw at pag-iiba ng posisyon ng pagtulog niya.
"Anong mana sa iyo? Sa akin kaya nagmana ng liksi ang ating anak. Hindi ba, anak?"
Halos hindi na makita ang mga mata ng kaniyang ina sa tuwing ngingiti ito. Katulad niya ay hindi rin maubos-ubos ang tawa niya. Nakisali na rin ang kaniyang ama habang isa-isang pinaghahalikan siya sa pisngi, kilitiin sa kilikili o talampakan. Hindi nito napigilan ang labis na halakhak na muntik pang mabitawan ng ama niya sa kakulitan. Mabuti na lamang at nasalo siya bago pa bumagsak sa damuhang una ang kaniyang ulo.
"Anak, pagmasdan mo ang iyong paligid. Ang lahat ng nakikita mo ay magiging iyon iyan," wika na kaniyang ina.
"Talaga po? Kaya lang ayaw kong tanggapin kasi baka mawala na kayo," may bahid mang lungkot ang mga sinabi niya ay lihim namang napangiti ang kaniyang ama at ina.
"Hinding-hindi kami mawawala sa iyo, anak. Ipinapakita lang namin sa iyo kung gaano kaganda at kalawak ang kahariang sa hinaharap ay ikaw naman ang magiging reyna nitong lahat," nakangiting pagpapaliwanag naman sa kaniya ng kaniyang ama.
Niyakap na lamang niya nang mahigpit ang dalawa sa kaniyang mahal sa buhay. At sa panaginip na iyon ay naroon pa rin siya loob ng pinakamalalim na kamalayan ni Emmanuel. Naghihintay na magiging sa takdang panahon.