Prologo:
Sampung taon mula sa kasalukuyan, isang mayamang makatang ang pangalan ay Manuel ang nagkagusto sa isang mahirap na babaeng nagngangalang
Angelina.
Mestizo, matangos ang ilong, at galing sa angkan ng mga matatalino at
mayayaman si Manuel. Samantalang, isang mahinhin, laging nakalugay ang
itim na buhok, may beloy sa kaliwang pisngi, at biniyayaan ng
mala-anghel na mukha ang kakikitaan mo naman kay Angelina.
Kahit langit at lupa ang agwat ng binata sa babae ay hindi ito naging
hadlang upang ipahayag ang kanyang totoong nararamdaman. Nangyari nga ito nang
minsang magpanggap na isang kalahok sa bayan ng Lopez Jaena ang una.
Isang paligsahan kung saan ang mga kalahok ay magpapatagisan ng
kanilang talino sa pamamagitan ng pagbigkas ng tula.
Ang magiging premyo ay ang maka-date ang nag-iisang Mutya ng Lopez Jaena na si Angelina Lopez na sadya namang ikinatuwa ng puso ni Manuel Ayala.
"Minamahal kong kababayan,
Ako'y nalulugod na kayo'y nariyan,
Upang tunghayan ang tulang damdamin ang puhunan.
Sa pamamagitan ng paligsahang aming inihain,
Na bibigyang buhay at bibigkasin ng mga kalahok natin,
At iaalay sa ating nag-iisang babaeng mahinhin."
Halos matunaw sa hiya si Angelina sa patulang introduksiyon ng Punong Barangay ng Lopez Jaena. Isa-isa na ring nagsipagbigkas ng
kani-kanilang mga katha ang mga kalahok. Umakyat naman sa entablado ang
huling manunula na si Manuel Ayala at nagsimulang magbigkas na hindi
tinantanan ng tingin ng dalaga.
"Ako'y hindi mo kilala,
O, Mutya ng Lopez Jaena.
Pero ika'y matagal ng aking nakikita.
Sa lugar kung saan puso ko'y matamlay at nag-iisa.
Ang iyong mala-anghel na mukha,
At beloy na kahali-halina,
Pumana sa'king puso't ika'y minahal na."
Napahawak sa dibdib si Angelina nang marinig ang mga katagang binitiwan ng binata sa kanya. Mas lalo namang kumabog ang pintig ng puso nito nang mapansing nakatitig din ito sa kanya.
"Kaya sana ako'y iyong pagbigyan,
Kahit langit at lupa man ang magiging pagitan,
Kahit panain man ako ng sibat sa iyong harapan,
O kaya'y dagitin ng malaking ibon mula sa kalangitan,
Tanggalan man ng karapatan at kayamanan,
Basta't kapiling kita kahit saan pa man,
Mamahalin kita hanggang sa aking kamatayan."
Isang masigabong palakpakan at ang lahat ng manonood ay tumayong hiyawan nang hiyawan sa huling katagang binanggit ng binata. At itinanghal ngang
Makata ng iniibig ni Angelina si Manuel. Marami ang nainggit sa kanyang pagkapanalo dahil bihirang-bihira na makausap o makasalamuha man lamang ang isang Mutya ng Lopez Jaena.
Makalipas ang ilang panunuyo na tumagal ng isang taon ay sinagot ni
Angelina si Manuel. Ipinagtapat din ng binata sa una na anak siya ng
kilalang angkan ng mga Ayala. Ipinakilala rin siya ng huli sa magulang nito na labis ang pagkatutol.
"Hindi ka maaaring magpakasal sa hampaslupang babaeng 'yan," singhal ng ina nito.
"Pinalaki ka naming matalino hindi bobo, Manuel. Hindi ko aakalaing sa
isang babaeng hindi namin alam kung saang maduming tahanan mo pinulot ka lamang iibig," pagtatanggi naman ng ama nito.
"Kung ayaw niyong tanggapin si Angelina bilang aking magiging kabiyak, mas mabuti pang lisanin ko ang pamamahay na ito. Halika na, Angelina," pagtatanggol ng binata at agad na tumalikod sa kantang magulang.
"Bastardo! Pagsisisihan mo ang gagawin mong pagtalikod sa pamilya natin, Manuel.
Tatanggalin ko ang lahat ng karapatan at kayamanang ipapamana ko sa
iyo," pagbabanta ng ama nito ngunit, patuloy lamang sa paglakad si Manuel hawak-hawak ang kamay ng kasintahan.
"Manuel! Manuell!" sigaw ng ina nito.
Halos madurog ang puso ni Angelina sa nasaksihan. Hindi niya aakalaing pipiliin siya ni Manuel higit sa mga magulang nito.
"Ano man ang mangyari, Angelina, magiging tapat ako sa aking
ipinangako. Mamahalin kita kahit mawalan pa ako ng mana. Hindi ko
ipagpapalit ang tunay na pag-ibig ko sa kahit ano mang pilak sa
mundong ito," naluluhang mahigpit na hawak-hawak ang dalawang kamay ng dalagang wika ni Manuel.
"Makakaasa kang susuklian ko ang sakripisyo mo, Manuel. Mahal na mahal kita higit pa sa aking buhay. Magtutulungan tayo at malalagpasan natin ito," sagot naman ni Angelina na agad siniil ng halik sa labi ang binata.
Kahit walang alam sa buhay at naging mahirap si Manuel ay tiniis niya iyon. Kaagapay niya sa bawat pagsubok ang kanyang maybahay na si Angelina. Ang sakripisyong ginawa ng binata ay hindi lingid sa kaalaman ng mga magulang ng dalaga na lalong namang minahal ng buong puso ng mga ito.
Hanggang sa magsilang nga ng isang malusog na sanggol na lalaki si Angelina na pinangalanan nitong Emmanuel. Isang masaya at mapagmahal na pamilya ang namayani sa dalawang taong labis na nagmahalan.
Subalit, ang kasiyahan palang iyon ay mababahiran ng isang insidenteng pagsisisihan ng may sala.
"Manuel, lumabas ka riyan!" sigaw ni Manny.
"Manny, maghunos dili ka! Tahimik na ang buhay ng anak mo. Huwag na natin siyang guluhin," alo ni Ella.
"Papa, anong kaguluhan ito?" gulat na tanong ni Manuel habang nasa
likod naman ang asawa.
"At ako talaga ang tinanong mo niyan? Nang dahil sa'yo binaba ako sa puwesto bilang mayor ng bayan natin. Nang dahil sa iyo pinaratangan akong
nagwaldas sa kaban ng bayan. Nang dahil -" galit na galit na paninisi
ni Manny sa anak.
"Pa, gabi na po. Ang mabuti pa, ihahatid ko na po kayo. Bukas na lang po tayo mag-usap," pag-aalo ni Manuel.
"Papa, tama po si Manuel," sabat ni Angelina.
"Isa ka pang hampaslupa ka! Dahil sa 'yo, iniwan ako ng anak ko. Ang
dapat sa iyo ay mawala sa landas niya!" sumbat ni Manny sa asawa ng anak at inilabas sa kanyang likuran ang kalibre-45 na baril.
"Manny!" sigaw ni Ella na pilit inaagaw ang baril sa asawa. Ngunit
malakas si Manny at aksidenteng naiputok ng dalawang beses ang baril sa direksyon ng mag-asawang Manuel at Angelina.
Napatigil bigla si Ella nang makitang parehong tinamaan ang mag-asawa. Tinamaan sa ulo ang kanyang anak na si Manuel at sa dibdib naman si Angelina na kapwa magkayakap pa.
Nagsisising itinapat naman ni Manny ang baril sa kanyang ulo at sa huling pagkakataon ay humingi ng tawad sa anak at asawa.
"Patawarin mo ako anak, Ella. Paalam," wika ni Manny at pinaputok ang baril.
Kasabay ng putok na iyon ay ang pag-iyak ng sanggol na si Emmanuel, na walang kaalam-alam sa sinapit ng kanyang magulang.