Chapter 10: Ang Piging at ang Misyon

2077 Words
Central Palace DraK Kingdom Matapos ang matinding pakikipaglaban ng Emperatris at Emperador kina Death Spade at Black Queen, sa tulong na rin ng kanilang mga kanang kamay ay nagtagumpay silang ibalik ang katahimikan ng buong kaharian. Naisaayos na rin ang mga nasira at naibalik na rin ang dating kaayusan ng palasyo mula sa East Side, Central, at ang lower DraK, ang entrada papasok sa kaharian. Sa loob naman ng palasyo, nakaupo at nakangiti nang nagmamasid sina Emperador Majar at Emperatris Lika sa mga nasa loob ng bulwagan. Kabilang sa mga naroon ay ang magigiting nilang mga kawal, ang Lucky 7 at ang 7 Hearts. At nang magsimulang magsalita ang emperador, lahat ay tumahimik at nakinig. "Ito ay isang mahalagang araw para sa ating lahat. Tinipon at ipinatawag ko kayong mga mandirigma ko upang magpasalamat sa tulong na ginawa ninyo sa ating kaharian. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi natin matatalo ang mga mago, ang mga itim na baraha, maging sina Death Spades, at Black Queen." Lahat ay nagsipalakpakan matapos ang unang mga linya ng emperador sa harapan ng kaniyang mga sakop. Natutuwa ring pagmasdan ng emperatris ang saya at ngiti sa mga labi ng mga nakikinig. "At hindi ko kakalimutan ang tulong na ibinahagi ng ating mahal na emperatris," bigla namang napatitig si Lika sa kaniyang emperador at ngumiti. "Kung hindi dahil sa kaniyang 7 Hearts ay hindi namin matatalo sina Alamang at Mulaka. Kaya ibinibigay ko ang pagkakataong ito sa ating emperatris upang makapagsalita sa inyong harapan." Tila hindi inasahan ng emperatris na magsasalita siya sa harapan ng maraming tao. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magbibigay siya ng kaniyang personal na pagpapasalamat. Humugot muna ng isang malalim na hininga ang emperatris bago tumayo. Nang mailabas ang kaba ay sinimulan niya ang pagbati sa isang napakagandang ngiti. "Ako ay nagagalak at nabigyan ng pagkakataong magsalita sa inyong harapan. Minamahal naming mga kawal, Lucky 7 at 7 Hearts, ako ay nagpapasalamat sa napakalaking tulong na inyong ginawa. Kung hindi dahil sa inyo ay hindi tayo magtatagumpay sa labang ito. Wala akong ibang hiling sa ngayon kung hindi ang patatagin pang lalo ang pundasyon ng ating kaharian. Sa tulong ninyo, kami ng inyong emperador ay nangangakong gagawin ang lahat upang maproteksyunan ang kahariang ito. Iyon lamang ang nais kong sabihin. Muli, ay maraming salamat." Maiksi man ang talumpating iyon ay isang masigabong palakpakan naman ang narinig ng emperatris mula sa nakikinig sa bulwagang iyon. Ang palakpak na iyon ang tanda ng pagiging matapat ng mga sakop nito sa kaniya at ang mismong kahalagahan niya bilang isang emperatris ng DraK. "Walang hanggang buhay para sa emperador!" "Walang hanggang buhay!" "Walang hanggang buhay para sa emperatris!" "Walang hanggang buhay!" "Kapayapaan sa buong DraK!" "Kapayapaan!" "Kaligtasan sa buong kaharian!" "Kaligtasan!" "Kaligtasan sa pagbabalik ng nag-iisang tagapagmana ng Kaharian ng DraK!" "Kaligtasan para kay Prinsesa Maharlika!" Walang tigil ang pagbubunyi ng mga naroon. Hindi naman maipagkakailang ang huling hiling ng mga DraK ay ang kaligtasan ng kanilang anak na si Maharlika. Kung nasaang parte man siya sa mundo ng mga mortal ay dalangin nila pareho na nasa mabuti itong kalagayan. "Oras na upang bigyan natin ng misyon ang ating mga tapat na alagad, mahal na emperador," bulong ni Emperatris Lika habang magkahawak ng kamay ang dalawa. "Sumasang-ayon ako. Kailangan muna nating ituloy sa labas ng palasyo ang piging. Ako na ang bahala, mahal kong emperatris," mahigpit din ang pagkakahawak sa kamay ng emperador sa emperatris. Upang ipagpatuloy ang kasiyahang nadarama ng mga DraK ay nagpasiya ang emperador na dalhin ang mga ito sa labas. At hihingin niya ang tulong ni Lancelot na kasalukuyang nakabusangot ang mukha nang tingnan ito ng emperador. "Lancelot," tawag ng emperador pero tila hindi ito nakikinig. Mabuti na lamang at nasa tabi nito ang mga kapatid na sina Queen Juno, at Charlemagne King. Isang kurot sa tagiliran tuloy ang natikman ni Lancelot mula sa kaniyang ate Juno. "Aray! Ate Juno. Bakit?" reklamo nito sabay himas-himas sa tagilirang nakurot. "Tinatawag ka ng emperador," sagot naman ni Queen Juno, na ikinagulat ni Lancelot. "Paumanhin po, mahal na emperador. Hindi ko po narinig ang inyong pagtawag. Ako ay nalulungkot lamang po pagkat hindi man lamang nabanggit ang aming pangalan sa pasasalamat ninyo— Aray! Ate," nakatikim na naman siya ng isa pang kurot sa tagiliran. Palibhasa ay prangka talaga si Lancelot at natutuwa ang emperador at emperatris sa kaniyang ka-prangkahan. "Bunganga mo. Walang preno. Paumanhin po sa inasal ng aming bunsong kapatid, mahal na emperador," pagpapasensya ni Juno sa harapan ng emperador at emperatris. Nakangiti at napailing lamang ang dalawa sa kaniya. "Mamaya ko na sasabihin ang rason, Lancelot. Ilipat mo muna ang mga DraK sa labas ng palasyo, sa malawak na hardin, sa lugar kung saan ikaw at ako ay naglaban kina Alamang at Mulaka. Maaari ba?" Biglang lumiwanag ang mukha ni Lancelot at napatango agad ito ng wala sa oras. "Mga mahal kong DraK, ituloy ninyo ang kasiyahan sa labas ng palasyo. Muli, kami ng inyong emperatris ay nagagalak na makabalik ang katahimikan sa ating kaharian!" At sa isang iglap ay nagawang ilipat ni Lancelot ang mga DraK sa labas ng palasyo. Siniguro din niyang maganda ang paligid, maraming pagkain, at may musika upang mag-enjoy ang mga ito sa isang buong ara na kasiyahan. Pagkatapos maisaayos ang lahat ay bumalik si Lancelot sa loob ng palasyo at biglang nangulit sa mahal na emperador at emperatris. "Maraming salamat, Lancelot. Ngayon ay nais kong sagutin ang iyong katanungan," nakangiti ang emperador sa kaniya nang magsalita ito. "Hindi ko na kailangan pang sambitin ang mga pangalan ninyo, lalo ka na, Lancelot dahil nasambit ko na rin kanina ang salitang mga mandirigma. Hindi ba? Maging ang emperatris ay nasabi din niya ang salitang mga kawal. Ibig sabihin lamang ay kasama kayo roon sa aming pinasalamatan, Lancelot." "Ganoon ba, mahal na emperador?" paniniguro pa nito. "'Yan kasi, hindi ka nakikinig. Hindi lang nabanggit ang pangalan natin, lalo na ang pangalang Lancelot ay nagdamdam ka na agad. Para kang bata," pangangaral ng nakatatanda sa kanilang si Charlemagne King. "E, maingay kasi. Sorry naman. Paumanhin po sa aking inasal, mahal na emperador, mahal na emperatris," agad itong yumuko at humingi nang paumanhin. Ang emperatris naman ay natuwa kaya agad niyang pinalapit si Lancelot. "Lumapit ka nga rito, Lancelot," nagulat naman sina Charlemagne at Juno nang marinig ang utos ng emperatris kay Lancelot. "Mahal na emperatris, hindi po—" natigil ang sasabihin ni Juno nang pigilan siya ng emperador. "Natutuwa lamang ang emperatris sa kapatid ninyo. Halika, Lancelot. Lumapit ka sa amin," ang emperador na mismo ang nagyaya. Hindi naman makatanggi si Lancelot habang dahan-dahang lumalapit sa trono ng emperador at emperatris. Ang mga mata nito ay malikot ding nakatingin sa miyembro ng Lucky 7 at seryong 7 Hearts. "Mukhang may bago nang paborito ang emperador at emperatris, Lucky 7," bulong ni Diez sa katabing Lucky 7. "Siyang tunay, Diez," segunda naman ni Ace. "Magsitahimik kayong dalawa, Diez, Ace," saway naman ni Diamond sa kanila. Tumigil na rin nito sa kakasalita at nagpatuloy sa panonood. Halata naman ang pamamawis ni Lancelot at tila ramdam din niya ang panginginig ng mga tuhod. Napansin iyon ng emperador at emperatris habang lumalapit siya sa kanila. Muling napangiti ang dalawa. Nang makalapit at maabot ang kamay ni Lancelot ay agad itong niyakap ng emperatris. Gulat na gulat ang Lucky 7 at ang magkapatid na sina Juno at Charlemagne sa ginawa ng emperatris. Sa kauna-unahang pagkakataon, ang labimpitong taong gulang na si Lancelot ay nayakap ng emperatris. Mas lalo pa silang nagulat nang ang emperador din ay yumakap dito. "Nakakahiya, mahal na emperador, mahal na emperatris. Tama na po," pulang-pula na ang mukha ng mestizong si Lancelot. Lalo tuloy pinanggigilan ng emperatris ang kaniyang mukha. "Ate, Kuya! Help!" Napuno ng tawanan ang bulwagan nang mga sandaling iyon, maliban na lamang sa 7 Hearts na seryoso pa rin ang mga mukha. Nang matapos ang maiksing kasiyahan ay agad na bumalik sa pagseseryoso ang emperador at emperatris upang ianunsyo ang isang mahalagang misyon. Bumalik na rin sa tabi nina Juno at Charlemagne si Lancelot na hindi pa rin kumakalma ang mukha. Nangangamatis pa rin ito. Hinayaan na lamang ng dalawa ito at nakinig sa emperador at emperatris. "Oras na para sa isang mahalagang misyon. Narinig naman nating lahat kanina na hiling ng mga DraK ang kaligtasan ng aming nag-iisang prinsesa na si Maharlika," anunsyon ni Emperador Majar. "At gusto naming ipadala ang ilan sa inyo upang hanapin ang aming anak sa mundo ng mga mortal," dugtong naman ng emperatris. "Pero hindi maaaring mawala sa aming paningin ang Lucky 7 at 7 Hearts, kaya napagdesisyunan kong ipadala kayong tatlo," natuon ang atensyon at mata ng emperador at emperatris sa tatlong magkakapatid na sina Juno, Charlemagne, at Lancelot na namumula pa rin ang pisngi. Nagpipigil pa rin ang emperatris sa nakikita nitong kakyutan sa bunso sa kanila. "Pero mahal na hari, paano po ang kaharian? Kayo ng emperatris?" hindi pagsang-ayon ni Charlemagne King sa desisyon ng emperador. "Nauunawaan namin ang hindi mo pagsang-ayon, Charlemagne. Ngunit buo na ang aming desisyon. Kayong tatlo ang ipadadala namin sa mundo ng mga tao. Kayo ang pillar ng kaharian, kaya kayo rin ang nais naming gumawa ng misyon," pagpapaliwanag ng emperatris. Hindi naman nagsalita si Juno. Mahalaga din sa kaniya ang kaligtasan ng DraK pero alam niyang hindi ibibigay ng emperador ang responsibilidad sa kanila kung hindi niya masisigurong ligtas sila at ang buong kaharian kasama ang Lucky 7 at 7 Hearts. Ang dalawang pares na ito ang magsisilbing guwardiya at mga mata nila pareho upang bantayan silang dalawa. "Sumasang-ayon po ako, mahal na emperador. Malakas ang loob kung hindi naman kayo pababayaan ng inyong mga sandatang Lucky 7 at 7 Hearts," napangiti naman ang emperatris sa pagtanggap ni Juno sa kanilang desisyon. "Nagdesisyon na po ang aking kapatid, kaya sumasang-ayon na rin ako, mahal na emperador. Malaki po ang tiwala ko sa inyo at sa inyong mga sandata," hindi na rin nagtanong pa si Charlemagne nang magdesisyon na si Juno. "At huwag na po ninyong asahang marinig ang sagot ni Lancelot. Kami na po ang bahala sa kaniya." "Kung ganoon ay binabati ko kayo sa inyong matapang na desisyon. Alam kong magagawa ninyo ang inyong misyon. Handa na ba kayong ipadala sa mundo ng mga tao?" muling siniguro ng emperatris ang desisyon ng magkakapatid. Habang naghihintay sila ng sagot ay sumingit naman si Diez. "Teka, mahal na emperador? True na ba ito? Hindi ba kami puwedeng sumama?" Napalingon naman ang lahat kay Diez nang magsalita ito na parang iba ang lenguahe. Nang makitang lahat ay nakatingin sa kaniya, agad niyang inayos ang pananalita. "Paumanhin, mahal na emperador, mahal na emperatris. Ang ibig ko pong sabihin ay hindi po ba puwedeng sumama kami sa kanila upang hanapin at ibalik ang prinsesa rito?" "Ipagpaumanhin mo po, mahal na emperador, ako na po ang magpapaliwanag sa aking kapatid na si Diez," si Diamond na ang pumigil sa biglaang pag-istorbi ni Diez, na siyang bunso naman sa kanilang pito. Tumango naman ang emperador at nakinig ang lahat sa paliwanag ni Diamond. "Diez, hindi tayo puwedeng sumama dahil manganganib ang buhay ng emperador kapag kinulang tayo ng isa. Lucky 7 tayo at tayo ay ipinanganak upang maging pinakamalakas na sandatang tutulong sa emperador sa bawat misyon at laban niya. Naiintindihan mo ba?" mahinahong sabi ni Diamond sa hindi pa rin maintindihang ekspresyon ng mukha ng kapatid. "Hindi ba puwede talaga?" nagbitiw na naman ito ng isa pang tanong. Kaya naman si Heart na ang nagpatuloy. "Diez, kung sasama ka, ano sa tingin mo ang mangyayari sa amin?" binigyan ni Heart ng isang tanong si Diez upang maintindihan ang punto ni Diamond. "Manghihina? Matatalo ang emperador sa laban?" sagot ni Diez na kahit hindi sigurado ay tama naman ito. "Tumpak. Kaya kung aalis ka at iiwan mo kami, manghihina kami. Hindi mabubuo ang Luck 7 kung wala ka, Diez. Naintindihan mo na?" Nginitian ni Heart si Diez nang mga oras na iyon habang ang huli ay palipat-lipat ng tingin sa kapatid. "Sige na nga. Dito na lang ako. Mahal ko kayo e," at niyakap na lamang niya sina Diamond at Hearts. "Ngayong malinaw na kay Diez, oras na upang ipadala ko kayo, Juno, Charlemagne, at Lancelot sa mundo ng mga mortal." Nakatingin na nang mga oras na iyon ang tatlo sa emperatris na unti-unting gumawa ng portal sa loob ng bulwagan at inihagis iyon sa harapan nina Juno, Charlemagne, at Lancelot. Ilang saglit pa ay hinigop na ang mga ito patungo sa kanilang destinasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD