RFl Building
Ilohi Branch, Yasavi
Second day na at patuloy pa rin sa pagtatrabaho ang mga empleyado ni Luzio Batumbakal sa pamumuno ni Severo Ilusyunado. Pangalawang araw pa lamang ay halata na ang puyat ng mga tao roon lalong lalo na sa Information Technology Department, kung saan mas tutok ang mga ito sa digital part na kailangan maayos at pulido ang website na ilalaunch.
Ganoon rin sa sales and marketing department kung saan naglagay pa ng poll upang masigurong excited na rin ang mga tao at hindi ang robot sa launching nito. Siyempre, hindi mawawala ang Robotics Department na siyang in-charge sa pagtitingin ng mga robots na gagamitin para sa ila-launch na robot na siyang unang magiging experiment ng mga ito sa isang totoong tao.
"Kumusta naman ang chips ng mga robots na gagamitin?"
Gulat naman ang mga mukha ng nasa command center nang biglang pumasok sa loob si Severo Ilusyunado. Pansamantalang tumigil sa pagtatrabaho ang ilan habang si Emmanuel Ayala naman ay tutok na tutok sa kaniyang ginagawa, na tila ayaw maistorbo ng kahit na sinuman.
"Hands on na po kami, sir Severo," sagot naman ng isa sa mga ka-trabaho ni Emmanuel nang mapansing nakatutok ito sa kaniya. Hindi pinansin ni Severo ang sagot ng isa. Nasa kay Emmanuel ang kaniyang mga mata.
"Sino siya?" tanong nito agad nang makalapit.
"Ah, ano. Si Emmanuel Ayala po, sir Severo," mabilis na sagot naman ng kasamahan ni Emmanuel. Siniko at kinalabit pa niya ito, ngunit ayaw talagang paistorbo.
"Ganoon ba? Mukhang hindi nga siya puwedeng maistorbo at kitang-kita naman sa kaniyang ginagawa dahil sa pagkakaalam ko ay siya ang punong-abala ng mga chips at access cards ng buong kumpanya. Tama?" sagot na lamang ni Severo bago tumalikod.
"Opo. Pasensya na po, Sir. Ganito po kasi talaga si Emmanuel. Ayaw pong maistorbo lalo pa at may kinalaman ito sa launching ng iyong project. May limang araw na lang po bago ang launching, kaya hindi po puwedeng ang command center, at ang in-charge ng mga chips at access cards ay hindi po puwedeng magkamali," eksplika naman nito pero hindi na ito pinansin ni Severo.
Dumiretso na palabas ng command center si Severo nang hindi man lamang sinagot o nagpaalam ito sa naroon. Isa-isa kasi niyang binibisita ang mahahalagang departmento na involved sa kaniyang proyekto. Malalagot din naman siya kay Luzio Batumbakal kapag pumalpak o may kaunting aberya sa proyektong iniatas sa kaniya. Hinding-hindi niya puwedeng ipagsawalang-bahala ang kaunting mga detalyeng magiging dahilan ng pagkadismaya o pagka-aberya nito.
Sa Command Center naman ay biglang nabunutan ng tinik sa lalamunan ang mga naroon. Matapos ang pagbisita ni Severo Ilusyunado, saka lamang sila nakaramdam ng pagka-uhaw.
"Mabuti na lamang at hindi na niya tiningnan ang mga ginagawa natin," sabi ng isang nasa loob.
"Magpasalamat kamo tayo kay Emmanuel dahil napansin niyang tutok ito sa kaniyang trabaho. Pabor na rin ito sa atin dahil kung hindi sa kaniya baka makita niyang hindi natin inaayos ang trabaho natin," untag naman ng kaninang nakipag-usap kay Severo.
"May sinasabi po kayo, Chief?" biglang tanggal ni Emmanuel ng headset niya at hinarap ang chief, na kanina ay nakalimutang magpakilala kay Severo.
"Naku, buti ka pa Emmanuel, hindi nakalimutang tawaging chief si Gomer pero ang walang noong iyon, hindi man lamang nirespeto ang posisyon niya," inis namang singit ni Shy, na siyang nag-iiisang babae sa thirteent floor ng Robotics For Life building.
"Bunganga mo talaga, Shy. Hindi nagtutugma ugali mo sa pangalan mo. Ang daldal mo. Baka nasa labas pa ng pintuan si sir Severo Ilusyunado at baka biglang bumukas ulit ang pinto at patalsikin ka. Ligwak ka na agad kapag nagkataon," pagbibiro at panunukso naman ni Chief Gomer. "Mabuti na lamang nga at si Emmanuel ang napansin niyang nakatutok. Siya lang naman kasi ang may mas malalim na kaalaman sa mga chips at access cards. Kaya no big deal sa akin kung hindi ako tawagin sa posisyon ko bilang Chief ng departamentong ito."
"Naku Quiet na lang ako. Baka nga nasa labas pa ang walang noong 'yon at pagalitan ako. Back to work na nga. Kahit ramdam ko nang lumalaki na ang eyebags ko, wala naman akong magagawa, walang tulugan, walang uwian ito e," parinig naman ni Shy at bumalik sa kaniyang inuupuan at muling itinuon ang atensyon sa ginagawa habang nakatingin sa bawat departamentong abala sa kanilang ginagawa.
"Ayiee! Oh my god! Nakita ko si crush!" Tili nito at nagulat naman ang buong command center nang sumigaw pa ito at nagpapadyak ng mga paa at mga kamay sa kaniyang upuan. "Aray! Chief naman e."
"Umayos ka sa trabaho mo ha? Huwag si Luhan," mahinang tampal lang naman ang ginawa ni Chief Gomer sa pisngi ni Shy.
"Oo naman. Kaya nga inaayos ko ang trabaho ko. Inspirasyon lang naman. Pero kinikilig ako," muli itong nagpapadyak at halatang namumula ang pisngin nito sa tuwing tinitigan ang mukha ni Luhan sa monitor niya. "Kailan ko kaya siya puwedeng yayain sa labas nang maka-date ko naman?"
"Bakit hindi mo tanungin si Emmanuel? Hindi ba at close sila? Hindi mo kasi siya naaabutan kapag pumupunta siya rito at hinahanap si Emmanuel," bulong naman ng katabi nito na ikinagulat niya.
"Ano? Bakit hindi ko iyan alam?" luwang-luwa ang mga mata nito matapos marinig ang mga salitang iyon.
"Oo. Magkaibigan sina Emmanuel at Luhan. Bakit hindi mo tingnan ang previous files ng mga bumibisita sa ating department nang makita mong nagsasabi ako ng totoo," muling sabat nito kay Shy habang ang huli naman ay tila napako sa kinauupuan at tinitigan na lamang ang kinauupuan ni Emmanuel.
Hindi naman kasi alam ni Shy kung paano i-a-approach si Emmanuel dahil hindi rin naman sila close. Kaya mahihirapan din siyang kausapin ito. Kaya, nag-flip na lamang siya ng hair niya at ibinalik ang tingin sa monitor kung saan naroon pa rin at abala si Luhan sa kaniyang ginagawa.
"Shy! Focus on your work," sigaw ni Chief Gomer nang makitang kay Luhan na naman ito nakatingin.
"Opo, Chief. Focus naman po ako," nagkunwari na itong magtipa at mag-click sa ibang parte ng monitor pero panaka-nakang sumusulyap sa isang monitor kung saan naroon si Luhan. Halata pa rin ang kilig na nararamdaman nito kapag tinitingnan ang mukha ng crush niya. Napailing na lamang ang katabi niya at si Chief Gomer.