Dalawang daang taon mula sa kasalukuyan sa Kaharian ng DraK, sa Hilagang Bituin ng Layka ay nakatayo ang isang kaharian ng mga prominenteng at dugong bughaw na mga tao.
Ang Kaharian ng DraK ay isang prominenteng kastilyong pinalilibutan ng mga diyamente at pilak. Ito ay nakatayo sa isang hugis-tatsulok na bundok sa gitna ng nakatagong ulap sa hilagang bahagi ng Bituin ng Layka. Dalawang daang taon na rin itong nakatayo at tahimik na namumuhay ang mga Drako.
Ang mga Drako ay bihasa sa mga baraha at sa baraha sila kumukuha ng lakas upang sugpuin ang mga kalabang gustong angkinin ang kanilang kaharian. Sa pamumuno ng Emperador Majar at Emperatris Lika ay walang nangahas at nagtangka upang angkinin pa ang kaharian ng DraK.
Sa kaharian ding iyon ay biniyayaan ang emperador at emperatris ng isang napakagandang prinsesa. Pinangalanan nila itong Maharlika. Walang pagsidlan ang kasiyahan ng emperador nang magsilang ang emperatris ng sanggol na babae. Ang kaniyang pagsilang ay itinakda na rin ng emperador upang maging susunod na tagapagmana sa trono ng mga DraK. Nagbunyi ang mga Drako sa balitang kanilang narinig at lahat ay humiling na sana ay humaba pa ang buhay ng emperador at emperatris.
PAGKALIPAS ng dalawampu at anim na taon ay nagdalaga na si Maharlika at walang araw na hindi ito lumalabas at gumagala sa loob at labas ng kaharian. Ilang beses na rin siyang pinaalalahanan ng kaniyang magulang na huwag masyadong maging kampante sa pagbisita sa labas ng kaharian dahil hindi nila alam ang panganib na dala nito sa buong DraK.
"Maharlika, ika'y nagdadalaga na at hindi nararapat sa isang dugong bughaw na katulad mo na basta-basta na lamang lalabas nang walang pahintulot mula sa amin ng iyong ama," minsang pagpapaalala ng ina nito sa kaniya.
"Nag-aalala lamang kami sa iyo, Maharlika. Hindi ka puwedeng lumabas nang hindi nagpapaalam sa amin. Hindi naman sakop ang labas ng kaharian, lalo na kung magagawi ka sa kagubatan. Hindi ka na namin magagawang proteksyunan roon. Sana ay naintindihan mo ang nais naming sabihin, anak," dagdag naman ng kaniyang ama.
Tumango at ngumiti lamang ang dalaga at nilapitan ang magulang. Isang mahigpit na yakap ang iginawad nito sa kanila bago humingi ng paumanhin sa inasal niya.
"Ako po ay buong pusong humihingi ng tawad sa inyo, aking ama, aking ina. Alam ko pong kapakanan ko lamang ang nais ninyong mabatid ko. Ipinagpapasalamat ko po ito at dadalhin ko po hanggang sa aking pagtanda. Huwag po kayong mag-alala dahil kaya ko na pong proteksyunan ang aking sarili sa sino mang mangahas na ako ay pagsamantalahan."
Masayang marinig mula sa kaisa-isang anak ng emperador at emperatris ang napakasinserong sagot. Ngunit, sa likod ng kanilang mga ngiti ay naroon pa rin ang mga agam-agam na anumang oras ay may panganib na darating at kailangan nilang bantayan.
HINDI nga nagkamali ang magulang ni Maharlika dahil isang linggo matapos ang pag-uusap nilang iyon ay sinalakay ang kaharian ng DraK at pinagsusunog ang ilang bahagi ng palasyo at tahanan ng mga Drako. Nasa kalagitnaan at tagong silid naman ang emperador at emperatris kasama si Maharlika upang ilayo ito sa kapahamakan.
"Wala na tayong oras, Lika. Kailangan na ninyong lisanin ang kaharian. Hindi titigil si Arkontika hangga't hindi niya nasusunog ang lahat ng mga Drako at maangkin ang buong DraK. Kailangan ninyong umalis at magtago sa mundo ng mga mortal," may diin at tapang na pananalita ng emperador sa kaniyang emperatris at anak na si Maharlika.
"Hindi kita puwedeng iwan dito, Majar. Asawa mo ako at ina ng iyong anak. Kaya nararapat lamang na samahan kita sa bawat misyon mo."
Hindi nakaimik ang emperador sa sinabi ng kaniyang emperatris habang si Maharlika ay palipat-lipat ang tingin sa magulang. "Kung iyan ang iyong nais, kailangan nating ipadala si Maharlika sa mundo ng mga tao."
"Hindi ako papayag!" asik ng dalaga. "Hindi ko kayo puwedeng iwan dito, ama, ina."
"Maharlika, makinig ka! Ito ay gagawin namin para sa iyong kapakanan. Gagawin namin ang lahat mailigtas ka lamang at ang buong DraK. Ikaw ang susunod sa aming mga yapak at kailangan mong mabuhay. Kapag hinog na sa pilit ay makababalik ka sa ating kaharian at magkikita tayong muli," naluluhang pag-eesplika ng emperatris kay Maharlika.
"Magtiwala ka sa amin, anak. Hindi namin hahayaan ng iyong ina na mawala ang kahariang ito. Tatalunin namin si Arkontika at hahanapin ka namin sa mundo ng mga tao. Mahal na mahal ka namin, anak, Maharlika."
Bago pa tuluyang maghiwalay ang mga landas ng emperador at emperatris kay Maharlika, isang nakasisilaw na liwanag na hugis baraha ang lumitawa at ikinulong roon si Maharlika. Bumukas naman ang isang lagusan patungo sa mundo ng mga tao at dahan-dahang hinihigop ang kinalalagyan ng kanilang anak.
Nanatili namang nakayakap lamang ang emperatris sa emperador habang pinagmamasdan ang unti-unting paglaho ni Maharlika sa kanilang paningin. Nang kapiranggot na liwanag na lamang ang nasisilayan ng mag-asawa ay nagbitaw ang dalawa ng isang matalinghagang salita para sa kanilang nag-iisang anak.
"Sa iyong pagbagsak,
Ika'y magiging bituin.
Makakatulog nang mahimbing,
Hanggang may busilak na puso ang sa iyo ay gigising."
SA LOOB naman hugis barahang barrier ay naroon si Maharlika. Iyak nang iyak ito habang patuloy na nag-iiba at tumatakbo ang oras pabalik sa isang daang taon sa mundo ng mga tao, taong dalawampu at dalawampu't anim.
Nang bumagsak ito sa mundo mga mortal, ang hugis baraha naman ay tila naging isang butil ng perlas na naglakbay upang maghanap ng isang bagay na kaniyang pansamantalang pahingahan hanggang sa muli siyang gigisingin sa mahimbing na pagkakatulog.
Ang butil ng perlas na iyon ay naglakbay nang naglakbay upang hanapin ang isang bagay na pagmamay-ari ng isang mortal. Makailang beses na itong pumasok sa mga hayop, at tao hanggang sa matagpuan nito ang isang mortal na may busilak na puso. Doon sa dugo nito ay natulog ito at naghihintay na lamang ng tamang pagkakataon upang magising.
PAUWI na nang mga oras na iyon si Emmanuel nang hindi niya inasahang babanggain siya ng isang nakasisilaw na liwanag mula sa kalangitan at pumasok sa kaniyang katawan. Natagpuan na lamang niya ang sariling nanlupasay at nawalan nang malay sa gitna ng kalsada, ilang hakbang lamang ang layo mula sa entrada ng RFL building.