Chapter 3: Ang Pagpasok ng Nakasisilaw na Liwanag

1105 Words
Pagkatapos ng miting de abanse sa opisina, at mayroon na lamang silang isang linggo para i-launch ang Find The Right One For Me app na ang utak sa likod ng app na iyon ay Severo Ilusyunado, sa approval na rin ni Luzio Batumbakal, na siyang may-ari ng Robotics For Life sa Ilohi Branch sa Yasavi, maagang nagsiuwian muna ang ilan sa mga empleyado upang gawin ang mga bagay na gusto nila sa natitirang oras. Bukas hanggang sa pagtatapos ng isang linggo ay magiging abala silang lahat upang maisaayos at maisakatuparan ang launching ng bago nilang app. Isa sa mga maagang umuwi at nagpaalam ay si Emmanuel Ayala. Pagkalabas na paglabas ni Emmanuel sa Robotics For Life, at nakakailang hakbang pa lamang siya nang hindi niya inasahan ang pagbangga sa kaniya ng nakasisilaw na liwanag. Tila agad na pumasok ito sa kaniyang buong katawan dahilan upang matumba siya at mapahandusay sa konkretong daan, ilang hakbang lamang ang layo sa kinaroroonan ng kaniyang opisina. Nang mga oras na iyon ay siya lamang ang nasa daan. Halos lahat kasi ng mga empleyado ay may kaniya-kaniyang sundong mga robot pauwi sa kanilang tinutuluyan. Tanging si Emmanuel lamang ang walang ganoong ka-advance na teknolohiya. Mas gusto kasi niyang maglakad pauwi sa kaniyang bahay dahil iyon ang nakasanayan na niya. Ayaw lang niyang sumunod sa yapak ng mga nakikita niyang prominenteng mga tao. Sa pagkakatumba palang iyon ni Emmanuel ay nakita siya ng isa niyang kasamahan sa trabaho na si Luhan. Galing pa yata ito sa ZtarBukz at bumili ng paborito niyang Espresso. Pero ang kapeng iyon ay bigla na lamang niyang naitapon at agad na tumakbo sa kinaroroonan ng walang malay na si Emmanuel Ayala. "Emman! Hoy! Emmanuel! Gumising ka! Bawal matulog dito sa daan!" Panay ang yugyog at alog nito sa kaniya pero hindi pa rin nagkakamalay. Sinubukan niyang itayo ang kalahati nitong katawan at isinandal sa dibdib niya. Muli niya itong inalog at niyugyog pero hindi pa rin nagigising. Halos sampung minuto na ang nakalipas at ang init na nagmumula sa araw nang mga oras na iyon ay tila nanunuot pa sa balat ni Luhan, kaya tagaktak din agad ang pawis sa kaniyang katawan. "Emman! Hoy gising! Hindi ka gigising? Tatapakan kita. Ah, kagatin ko na lang kaya ang taing mo. Tama iyon na lang para magising ka." Nakailang sampal na rin kasi ito sa pisngi niya pero hindi yata tumalab. Kaya, sa ayaw man niya at sa gusto, kailangan niyang gisingin ito. Agad niyang kinagat nang mahina ang kaliwang tainga nito. Sakto namang nakaramdam si Emmanuel ng sakit na may kumagat sa kaniyang tainga at nang dumilat mukha ng nakangiti at nagkukunwaring inosenteng si Luhan ang bumungad sa kaniya. "Ayun! Nagising ka rin. Kanina pa kita ginigising dito. Hindi ito bahay o kama mo para dito ka matulog, Emman," aniya at inalalayang tumayo ang kaibigan. "Salamat. Pero ikaw ba ang kumagat sa tainga ko, Luhan?" mulagat ang mata ni Luhan nang marinig ang tanong na iyon kay Emmanuel. "Hindi a. Baka sa panaginip mo ang kumagat. Kung hindi ka pa kinagat hindi ka magigising. Ano ba kasi nangyari sa iyo at bigla ka na lamang natumba rito ha? Pati ang kape ko nabitawan ko sa taranta upang tingnan kalagayan mo," inosenteng-inosente ang pagkakasagot ni Luhan sa kaniya pero hindi ito tumingin sa mata ni Emmanuel. Takang-taka naman si Emman nang magising ito kung paanong may kumagat sa kaniya sa panaginip. At ang huling naalala niya ay pauwi na dapat siya nang may mabangga siyang nakasisilaw na liwanag. Akala niya ay sinag ng araw lang iyon, kaya ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Ngunit nagkamali siya dahil nang banggain niya ito, natumba siya at napahandusay nang hindi niya namamalayan. May kung anong malakas na puwersa ang pumasok sa kaniyang katawan dahilan upang mawalan siya ng malay. Ngunit palaisipan naman sa kaniyang kung bakit naramdaman niyang may kumagat sa kaniyang tainga. At alam niyang hindi iyon panaginip. Si Luhan ang gumawa niyon upang magising siya. Kaya naman imbes na bigyan ito ng nakamamatay na titig ay nginitian niya ito at tinitigan sa mata pero ayaw nitong makipagsukatan sa kaniya. "Ano na? 'Yong kape ko, Emman," untag nito na parang batang gustong palitan ang natapon niyang inumin. "Oo na. Espresso?" sagot niya at sumilay naman ang ngiti sa labi ng isa. "Here is my credit card," sabay abot ng kulay gintong Visa card niya. "Totoo ba ito? Hiramin ko na at balik muna ako sa Ztarbukz nang mabili at mapalitan ang natapon kong kape dahil sa iyo," ngiting-ngiti at aalis na sana sa harapan ni Emmanuel nang pigilan siya nito. "Luhandi!" tawag niya na biglang ikinanlumo nito at agad na tinakpan ang bibig ni Emman. "Bunganga mo, Emman. Huwag mo akong tawagin sa pangalang iyan. Ang pangit e," patingin-tingin pa ito sa kalsada, kaliwa at kanang pinagmasdan kung may dadaan ba o wala, saka tinanggal ang kamay nito sa bibig ni Emman. "Hindi ba Luhandi Li Sermon ang tunay mong pangalan?" bulong nito sa tainga niya. Lalo pa tuloy siyang nanghina at hindi agad makakilos nang banggitin nito ang buong pangalan niya. "Stop na, Emman. Okay?" tawang-tawa naman ang huli sa ekspresyon ni Luhan matapos niyang biruin nito. Ilang taon na ba nang maging magkaibigan sila? "Oo na. Hindi ko na po babanggitin. Kahit ang totoo marami na rin naman nakakaalam. Hindi ba?" muli niyang pagbibiro at tiningnan ang nakasabit sa leeg niyang ID. "Paanong marami ang nakakaalam?" hindi niya na-gets ang sinabi nito. "Ang ibig kong sabihin ay nasa ID mo ang buong pangalan mo. Hindi mo naman siguro kayang itago iyan. Hindi ba?" Itinuro pa niya ang ID na nakasabit sa leeg niya. At nanlumo na nga ito na baka nga marami na ang nakaalam ng buo niyang pangalan. Gustuhin mang tumawa nang malakas ni Emman ay hindi niya magawa dahil sa biglang pagkulubot ng mukha at pagyuko ng kaibigan sa harapan niya. Kaya naman inalo na lamang niya ito at may ibinulong na ikinatuwa niya. "Papalitan natin ang kape mong natapon. Dadalhin kita sa pinakamasarap na pastry and coffee shop na alam ko, Luhan." "Talaga ba? Sige. Saan? Alis na tayo?" Ang kaninang gloomy nitong mukha ay biglang napalitan ng excitement. Napailing na lamang si Emmanuel sa kaibigang mahilig sa kape at keyk. Iyon ang kadalasang kinakain kasi nito. At nang-iistorbo pa sa kaniya sa thirteenth floor upang hanapin siya't yayaing kumain sa malaking pantry sa tenth floor ng Robotics For Life. "Tara na?" aya ni Emman. "Ako pa ba? Kanina pa ako excited e. Siguraduhin mong mawawala ang inis ko sa iyo sa pupuntahan natin ha?" "Kahit may cake na paborito mo roon?" "Larga na! (Alis na tayo!)"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD