Shaowman Talent Management Building
Ilohi, Yasavi
Habang nasa building ni Mr. Shaow ang magkakapatid na sina Charlie, June, at Lancelot, napapanood naman sa buong building at opisina ni Mr. Shaow ang nangyaring launching ng proyekto ni Luzio Batumbakal. Ang kaniyang building ay equip din ng mga malalaking LED Television. Kaya hindi nakapagtataka kung bawat floor ay may maririnig kang balita mula sa malaking telebisyon na iyon.
Ang magkakapatid naman ay nasa rooftop swimming pool. Abala ang mga ito sa pagkain at kakalangoy nang marinig nila ang announcement at maiksing talumpati ng may-ari ng Robotics For Life Building. Napatigil din ang mga ito sa kanilang ginagawa at nakinig. Tutok na tutok ang mga mata ng tatlo sa malaking monitor ng telebisyong kanilang pinapanood.
"Mga robots na lamang ba ang nagpapatakbo ng buhay ng mga tao dito?" aniya ni Juno.
"Mukhang isang malaking kahangalan ang ginawa nilang proyekto. Paano nila mapapaibig ang isang robot sa isang tunay na tao? At ang isang tunay na tao sa isang walang pusong robot?" si Charlemagne naman ay sadyang napailing lang nang makita ang unang phase ng launching sa Robotics For Life building.
"Ganoon talaga, ate, kuya," singit naman ni Lancelot. "Ang mga tao ay may kakayahang mag-imbento ng kahit anong gusto nilang gawin. Kung ano ang gusto ng nakararami, gagawa at gagawa sila ng paraan matupad lamang ito. Ganoon sila."
"Pati puso ng tao kaya nilang i-replicate?" biglang tanong ni Charlemagne.
"Maaari. Puwede. Hindi ko alam. Pero posible, kuya," sagot naman ng bunsong kapatid.
"Hindi puwede iyan. Kung ang natitirang tao rito sa mundo ay mga robot, paano na lang ang mga lahi nila? May tao pa bang naniniwala sa tunay na pag-ibig? Iyong hindi robot ang makakapareha habambuhay," muling pagtatanong ni June.
Nang mga oras na iyon ay ibinalik nilang muli ang kanilang tingin sa pinapanood at saktong narinig ni Mr. Shaow ang tanong ni June habang naglalakad ito patungo sa pool kung saan sila nakaupo at inilulublob ang mga paa.
"Ganito na ang takbo ng buhay ng mga tao, June," sabat naman ni Mr. Shaow nang makalapit at lumingon naman agad ang tatlo sa kinaroroonan nila.
"Magandang araw po, Mr. Shaow," bati nila pareho at ngumiti sa kaniyang harapan.
"Drop the formality, daddy Shaow na lang ang itawag ninyo dahil kayo ay mga adopted children ko na," aniya at isang napakalapad na ngiti ang nakita nila sa kaniyang mukha.
"Salamata, daddy Shaow," sinubukan namang sundin ni Lancelot ang sinabi nito at napatawa na lang silang lahat pareho.
"Tungkol naman sa tanong mo, June, maraming pagkakataon talaga na ang mga tao sa paligid natin ay hindi mo na malalaman kung sila ba ay tunay na tao o isang robot lamang. Replikado at markadong-markado na kasi sa kanilang isipan ang wangis ng mga ito," pagsisimula ni Mr. Shaow at hinubad na muna ang suot na tsinelas bago inilublob ang dalawang paa sa pool.
"Pati pag-ibig po ba kaya na ring gawing imposible ng mga tao? Kaya nakagawa sila ng robot?" muling tanong ni June.
"Gaya nga ng sagot ni Lancelot, maaari pero hindi kailanman magagawa ng tao ang lagyan ng puso ang isang robot. Puwera na lamang kung fantasy world ito at may kakayahan ang imbentor na lagyan ng puso ang isang robot," sagot niya. Napabuntong-hininga pa ito at napailing.
"Tila hindi po kayo sang-ayon sa proyektong iyan, Mr. este daddy Shaow?" nag-aalangan pa at hindi komportableng tanong ni Charlie.
"Huwag mong piliting sundin ang sinabi ko, Charlie kung hindi ka komportableng tawagin akong daddy Shaow," ngumiti muna ito kay Charlie bago sinagot ang tanong niya. "Actually, oo. Tutol ako sa proyektong iyan. Lahat yata ng proyekto ng Robotics For Life na pagmamay-ari ni Luzio Batumbakal ay tutol ako simula noon pa man."
"Magkaaway po ba kayo?" si Lancelot naman ang nagtanong. Napukaw ang atensyon nito sa sagot ni Mr. Shaow.
"Simula kasi noong umangat ang kumpanyang iyan, ay unti-unti ring nawala ang kinang ng Shaowman Talent Management. Ang mga talents ko na nakatapos ng kanilang kontrata ay hindi na nag-renew pa. Doon sila sa kumpanyang iyan lumipat bilang isang modelo ng mga produkto nito. Malaki ang offer at tempting talaga. At ang malala pa ay bawat isa sa mga modelo nito ay ginawan ng sariling robot na siyang magiging tagasilbi nila sa kani-kanilang mga bahay o condo," aniya at tila naintindihan naman ni Lancelot ang ibig nitong sabihin.
"Kaya pala. Ibig sabihin lamang uupo, tatayo, o hindi naman ay pati siguro ang pagtatae nila ay sa robot na nila lahat inaasa. Tama po ba?" gusto lamang ni Lancelot na manigurado kung tama ang pagkakaintindi niya.
"Tama ka. Maliban sa Shaowman Talent Management, na ang mga empleyadong natitira rito ay mga tunay na tao pa at hindi mga robot," sagot naman ni Mr. Shaow.
"Kung ganoon ay gagawin namin ang lahat matulungan ka lamang na makabalik sa dating posisyon mo ang kumpanya mo, daddy Shaow," pinatatag naman kahit papaano ni June ang may-ari ng building kung saan tinatamasa at ini-enjoy nilang tatlo ang pansamantalang kalayaang hindi nila nagawa noong nasa DraK pa sila.
"Maraming salamat sa inyo, mga anak. Kung may mga katanungan pa kayo, huwag kayong mahihiyang magtanong. Maiwan ko muna kayo rito at aasikasuhin ko pa ang adoption papers ninyo. Pumunta lamang ako rito upang kamustahin kayo. Dahil mukhang natigil ang kasiyahan ninyo ay babalik na muna ako sa aking opisina. Huwag kayong mahiyang mag-utos. Anumang mayroon ako ay inyo ring matatamasa."
Tumango na lamang ang tatlo at sinundan ng tanaw ang pagtayo ni Mr. Shaow hanggang sa pagtalikod nito sa pool. Tila lumamlam naman nang kaunti ang mukha ni June habang si Lancelot naman ay may nahagip at naramdamang kakaiba sa isang taong nakita niya sa monitor.
"Ate, kuya. Tingnan ninyo ang isang lalaking nakatayo sa gitna."
Mabilis namang ibinalik ng dalawa ang atensyon sa LED at nang makita ang tinutukoy ni Lancelot, doon ay tila nakaramdam din ang dalawa ng kakaibang presensya ng enerhiya sa lalaking nakatutok ang camera sa kaniya. Parang may kung anong bagay na hinihila ang kanilang isipan upang kilalanin ang lalaking iyon, subaybayan, at tuklasin ang kung ano mang mayroon ito na nagbigay sa kanilang kapangyarihan ng kakaibang kuryusidad.
"Malakas ang kutob kong nahanap na natin ang prinsesa," napalingon naman sina Juno at Lancelot sa tinuran ni Charlemagne.
"Ang ibig mong sabihin ay nasa katawan ng lalaking iyan si Prinsesa Maharlika?" paniniguro ni Juno.
"Tumpak, ate," singit naman ni Lancelot.
"Kung ganoon ay kailangan nating planuhin ang bawat schedule natin nang makilala at tuklasin ang tungkol sa lalaking iyan," dagdag pa ni Juno.
Pansamantalang katahimikan ang namayani at tutok na muli ang tatlo sa panonood. Hindi na nakatutok sa lalaking kanina lang ay tinitigan nila ang camera. Lahat ay malakas ang kutob na may kakaiba sa lalaking iyon at iyon ang kailangan nilang pagtuunan din nang pansin sa mga susunod pang pamamalagi nila sa mundo ng mga tao.
Hindi na sila mahihirapan pang maghanap sa prinsesa. Kung nasa katawan nga ng lalaking iyon ang hinahanap nilang susunod na magiging reyna ng DraK, kailangan nilang proteksyunan siya. Nangako silang babalik sila DraK na kasama ang prinsesa. Ang pangakong binitiwan nilang tatlo sa emperador at emperatris ay mapapanindigan lamang at matutupad kung makababalik sila kasama si Prinsesa Maharlika.
"Malapit ka na naming masilayang muli, mahal na prinsesa," aniya sa isipan ni Juno.
"Gagawin namin ang lahat maproteksyunan ka laban sa mga mapang-aping tao rito sa mundo," asik naman ni Charlemagne.
"Pagkain lang sapat na, mahal na prinsesa Maharlika," nagpapatawa namang sabi ni Lancelot sa isipan, na ikinagulat ng kaniyang ate at kuya, na nakakabasa ng kani-kanilang isipan. "Joke lang iyon. Gutom na yata ako, ate, kuya."
...
Black Star Kingdom
SAMANTALA, sa kaharian ng Black Star ay pansamantalang naglalakad-lakad at nagninilay-nilay sina Alamang at Mulaka sa pasilyo ng kaharian. Parehong nag-iisip nang malalim sa susunod nilang hakbang na makapaghiganti sa ginawa sa kanila ng emperador at emperatris.
"Ano ang iniisip mo, Alam?" si Mulaka ang unang nagtanong.
"Tungkol sa nangyaring pagkatalo nating dalawa mula sa mga kamay nina Majar at Lika," sagot niya habang patuloy silang naglalakad sa pasilyo.
"Ang babaeng iyon!" nanggigigil na asik naman ni Mulaka. "Magbabayad silang lahat sa ginawa nila sa atin. Itataga ko iyan sa lahat ng sulok ng black hole sa kalangitan."
"Relaks, Mulaka. Mahihina pa tayo. Gaya nga ng sinabi ng kamahalan, ni Arkontika, kailangan nating magpalakas. Hindi tayo puwedeng magpadalos-dalos."
Tila huminahon naman si Mulaka nang maalala ang sinabi ng kanilang pinuno. Utang nila pareho ang buhay nila pareho kay Arkontika ang kanilang buhay. Isang maling desisyon lang ay maaari nilang ikamatay.
"Tama ka, Alam. Utang nating pareho ang ating buhay kay Arkontika. Kailangan nating magpalakas. Mauuna na muna ako sa aking silid at magkita na lamang tayo sa templo ng Anino."
"Sige, Mulaka. Bukas sa templo ng Anino."