Nakauwi rin sa wakas si Emmanuel sa kaniyang tahanan, ilang lakad lang mula sa pinuntaha nila ni Luhan na isang pastry shop na may espesyal na kape at keyk na inihain at ipinatikim niya sa kaniya. Hindi rin niya inakalang magugustuhan ni Luhan iyon. Kaya ganoon na lamang ang pagtatagal na ginawa nilang dalawa sa loob hanggang sa mag-close na nga ito.
Sa isang hindi mataong apartment nakatira si Emmanuel. Wala kasing gaanong naninirahan doon kasi nga hindi na ito "In" sa mga tao sa taong 2026. Bibihira na lang kasi ang gustong manirahan sa isang makaluma at malayo-layo rin sa siyudad, kung saan halos lahat ng bagay ay pinapatakbo ng mga robot. Dahil iyon sa kumpanyang pinagtatrabahuhan niya. Wala rin naman siyang magagawa kung iyon ang gusto ng ilan sa mga ito, o halos lahat sa mga tao ay gustong maging sunod-sunuran ang mga robots.
"Kamusta po kayo, Mang Erning?" bati ni Emmanuel sa guwardiya. Nasa edad apatnapu at lima na ito at ganoon na rin katagal ang pamamalagi niya bilang guwardiya ng Apartamento Luma.
"Ginabi ka yata, Emman? Saan galing ang pogi kong tenant?" sagot ni Mang Erning na may kasama pang pagmamalabis na pagbati sa kaniyang maamo at guwapong mukha.
"Naku, Mang Erning. Ilang beses ko na po ba sinabi sa iyo na hindi nga po ako kapogian. At saka galing lang po ako sa isang pastry shop. Nagkape lang po at kumain ng keyk kasama si Luha," aniya habang tinitingnan ang ginagawa nito. Abala na ito sa pagtsi-check ng kaniyang logbook.
"Ah, si Luhandi Lee Sermon? Siguro may nagawa ka na naman, kaya nalibre mo na naman ang isang iyon?" panunukso nito habang may pinipirmahan na sa kaniyang logbook.
"Sinabi mo pa, Mang Erning. May nangyari lang po kasing hindi maganda sa akin kanina. At si Luhan ang naroon upang gisingin o alalayan ako. Tapos natapon daw niya ang Espresso niyang kape dahil nakita niya akong nakahiga sa kalsada. Ayun, the rest was history," pagpapaliwanag naman niya.
"Hindi na kita yayayaing kumain dahil alam kong kakain mo lang at busog ka pa. Magpatunaw ka muna at ako ay kakain na rin mayamaya," iniba na lamang ni Mang Erning ang sinabi niya at tumango naman si Emmanuel.
Nagpaalam na rin itong pumasok upang umakyat sa kaniyang apartment. Dalawampung palapag ang apartment na may tigsa-sampung room bawat palapag. At okupado niya ang buong twentieth floor ng apartment. Walang sinuman ang pinahihintulutan na pumunta roon maliban sa kaniya. Kung anuman ang kaniyang dahilan, siya laman ang nakaaalam.
Gaya nang nakasanayan ni Emmanuel, pagkapasok sa loob ay binatin din siya ng isang receptionist. Ka-edaran na rin ito ni Mang Erning, at kilala na rin niya. Isang matamis na ngiti ang iginanti niya bago pumasok sa elevator. Pagkapasok sa loob ay pinindot niya agad ang 20th floor at naghintay na umaandar ito paakyat sa huling palapag.
Nang mga oras na iyon, sa loob ng elevator ay muling inalala ni Emmanuel ang nangyari. Hindi pa rin siya makapaniwalang natumba at nakatulog siya sa kalsada. Isang nakasisilaw na liwanag na kakaiba sa mga liwanag na nakikita niya. Hindi niya alam kung anong klaseng liwanag ito pero ramdam niyang may puwersa o enerhiya itong hindi pa niya mapakiramdaman sa loob ng kaniyang katawan.
Nang makapasok sa maaliwalas at malawak na espasyo ng 20th floor, sa pinakagitnang bahagi nito, kung saan ang room lamang niya ang nagagamit roon, dumiretso si Emmanuel sa kaniyang silid at hinayaan ang sariling humiga sa kaniyang malambot na kama. Kung ang ipinagtataka ng marami kung bakit siya lamang ang nakatira sa huling palapag ng Apartamento Luma, at kung malaki ba ang binabayaran niyang rental fee sa buong 20th floor, oo ang sagot niya.
Siya lang naman kasi ang apo ng dating mayor nga kilala sa bayan ng kaniyang magulang, na nakabili ng Apartamento Luma, matagal na panahon na ang nakalipas. Ang lola nito ang nag-asikaso at nagpamana sa kaniya matapos ang pagkamatay ng kaniyang ina at lolo, na dating Alkalde ng kanilang nayon. Kung anuman ang tunay na dahilan kung bakit namatay ang kaniyang ama at ina, malalaman niya rin ito sa takdang panahon. Susuriin niya ang nangyari sa nakaraan ng kaniyang magulang dahil walang ibinahagi ang kaniyang lola tungkol rito. Kaya wala na ring may naglakas ng loob pang manghimasok o uriratin pa ang kaniyang pinagmulan.
Pagkahiga sa kaniyang malambot at malawak na king size bed ay kaagad na nakaidlip si Emmanuel. Hindi niya inasahan ang pagpasok ng isang alaala sa kaniyang panaginip. Isang memorya kung saan nakangiti siyang nakayakap sa kaniyang unan nang mga oras na iyon.
"Minamahal kong kababayan,
Ako'y nalulugod na kayo'y nariyan,
Upang tunghayan ang tulang damdamin ang puhunan.
Sa pamamagitan ng paligsahang aming inihain,
Na bibigyang buhay at bibigkasin ng mga kalahok natin,
At iaalay sa ating nag-iisang babaeng mahinhin."
"Ako'y hindi mo kilala,
O, Mutya ng Lopez Jaena.
Pero ika'y matagal ng aking nakikita.
Sa lugar kung saan puso ko'y matamlay at nag-iisa.
Ang iyong mala-anghel na mukha,
At beloy na kahali-halina,
Pumana sa'king puso't ika'y minahal na."
"Kaya sana ako'y iyong pagbigyan,
Kahit langit at lupa man ang magiging pagitan,
Kahit panain man ako ng sibat sa iyong harapan,
O kaya'y dagitin ng malaking ibon mula sa kalangitan,
Tanggalan man ng karapatan at kayamanan,
Basta't kapiling kita kahit saan pa man,
Mamahalin kita hanggang sa aking kamatayan."
Ang masayang panaginip na iyon ang naging dahilan upang masundan pa ng isa na namang panaginip na ikinagulat niya at napabalikwas ng bangon.
"Manuel, lumabas ka riyan!"
"Manny, maghunos dili ka! Tahimik na ang buhay ng anak mo. Huwag na natin siyang guluhin."
"Papa, anong kaguluhan ito?"
"At ako talaga ang tinanong mo niyan? Nang dahil sa'yo binaba ako sa puwesto bilang mayor ng bayan natin. Nang dahil sa iyo pinaratangan akong
nagwaldas sa kaban ng bayan. Nang dahil—"
"Pa, gabi na po. Ang mabuti pa, ihahatid ko na po kayo. Bukas na lang po tayo mag-usap."
"Papa, tama po si Manuel."
"Isa ka pang hampaslupa ka! Dahil sa 'yo, iniwan ako ng anak ko. Ang
dapat sa iyo ay mawala sa landas niya!"
"Manny!"
Napabalikwas ng bangon si Emmanuel sa huling panaginip na iyon. Hindi niya inasahang may papasok na alala sa kaniyang isipan nang umidlip lamang siya. At ang malaking tanong na sumagi agad sa kaniyang utak ay kung sino ang mga tauhan sa likod ng panaginip na iyon. Ano ang kinalaman ng mga tula sa huling panaginip na sumagi sa kaniyang isipan.
"Sino si Manuel? Sino si Papa? Sino si Manny?"