"WHAT do you think, Bri?" Tanong sa akin ni Aria, ngunit hindi rito nakatuon ang aking buong atensyon, kaya't hindi ko masyadong inintindi ang sinabi niya.
Kanina pa sila nag-uusap ni Kael pero kumibo-dili ako. Halos wala rin akong nasusundan sa mga pinag-uusapan nila. Ang otsenta porsyento yata ng atensyon ko ay nasa kabilang lamesa. Kung saan nakaupo ang may-ari ng kabubukas pa lamang na coffee shop na pinuntahan namin ng mga kaibigan ko.
Hindi ko kilala ang babaeng may-ari, pero kasama nito sa table ang Ninong Aki ko.
Pagpasok pa lamang namin kanina ay napansin ko na ito. Ewan ko ba, mayroong tila enerhiya na humahatak sa akin para tumingin sa kanilang direksyon. Hindi niya marahil ako napansin, sapagkat busy siya sa pakikipag-usap sa babaeng kasama niya sa mesa.
Mula pa lang nang dumating kami ay hindi na mapaknit ang matamis na ngiti sa mga labi ng babae, na alam ko, na para sa ninong ko. Panay din ang mga pasimpleng paghawak nito sa kamay, o kaya naman ay sa braso ni ninong habang sige sa pagtawa sa kung ano man ang sinasabi ng kausap. Kung minsan pa nga, ay may pagpalo pa ito sa hita ni ninong. Hindi naman kumikibo ang ninong ko. Para pa ngang nagugustuhan niya ang mga ginagawa ng babae.
"Huy!" Untag sa akin ng kaibigan ko nang hindi ako sumagot.
Duda rin ako kung napansin nito kanina si ninong. Dahil kung oo, malamang ay kanina pa ito namimilipit na naman sa kilig. Ang buong atensyon kasi nito ay nakatuon sa malaking menu board, pagpasok ng coffee shop.
"H-ha?" Kumurap-kurap pa ako nang muling bumaling sa kanya. Saglit kong sinulyapan si Kael sa tabi ko, na sa akin din pala nakatuon ang nagtatakang tingin.
"You okay, babe?" May himig pag-aalala pang tanong din nito sa akin.
Binigyan ko ito ng alanganing ngiti, at saka marahang tumango. "Y-yeah. Yeah, sorry." Alanganin pa rin ang ngiting sagot ko, saka bumaling muli kay Aria. "What was that, again?"
Napailing na lamang ito, ngunit inulit naman ang naunang tanong. "Ang sabi ko, sa palagay mo papayagan ka ng papa mo kung magpapaalam ka, na sa Maynila tayo mag-grade ten?"
Bahagya pang napa-urong ang leeg ko at napakunot ang noo sa tanong niya. "Bakit sa Maynila pa? Okay naman dito sa atin, ah. Sa St. Ignatius?" Banggit ko sa school, kung saan kaming tatlo nag-aaral.
Binalingan ko si Kael ng nagtatanong na tingin upang alamin kung may alam ba ito sa mga sinasabi ni Aria. Nagkibit lang ito ng balikat at nalukot ang gilid ng bibig.
Ibinalik ko ang tingin ko kay Aria at naghintay ng sagot mula rito.
"Sira, mas magaganda ang mga school sa Maynila, no." Tila pangungumbinsi nito sa akin. "Saka mas maganda kung mag-senior high school tayo kung saan na natin balak na pumasok ng college. At least pamilyar na tayo sa school, at hindi na tayo masyadong mangangapa." Dagdag pa nito.
Sandali akong natigilan at napasandal sa kinauupuan ko, habang napapa-isip sa mga sinabi ni Aria. Parang bigla akong na-excite sa sinabi niya.
Sa totoo lang ay pangarap ko naman talaga na sa Maynila mag-college. Matagal ko na rin naman iyong pinag-iisipan. At sa tingin ko naman ay papayagan ako nina papa at mama, kung sakali.
Ngunit ang mag-senior high school sa Manila?
Lihim akong napangiwi.
Para kasing nahuhulaan ko na ang sagot.
"So?" Maya-maya ay muling untag sa akin ni Aria, nang tila mainip na ito sa sagot ko.
Kinagat ko ang pang-ibabang labi ko at saka pinilit na ngumiti rito. "Hindi ko alam kung papayagan ako ni papa. Hindi ba masyado pang maaga? Kung sa college na lang kaya?" Suhestiyon ko.
Napag-usapan na kasi naming tatlo na sa iisang paaralan pa rin kami mag-eenrol kahit tumuntong na kami ng college.
Binalingan ko si Kael sa tabi ko, na tila hinihingi ang opinyon nito.
Muli naman itong nagkibit ng mga balikat at bahagyang kumibot ang mga labi. "Ako, kahit saan ako, kung saan n'yo gusto. Tiyak naman na papayagan ako nina dad. Besides, may bahay naman kami sa Manila, so, pwedeng doon ako umuwi habang nag-aaral doon.
Totoo 'yon. Mayroon ngang bahay sina Kael sa Maynila, at doon nakatira ang dalawa pa nitong kapatid. Isang babae, at ang isa ay lalaki rin. Hindi naman sila talaga taal na taga-rito. Nakabili lang ng malaking lote ang mga magulang niya rito sa San Ignacio. Sa Manila talaga ito lumaki, pati na ang mga kapatid nito. Hindi ko nga alam kung bakit dito sa San Ignacio nito napiling mag-aral.
"At siyempre, kung saan ang babe ko, doon din ako." Nakangising sagot nito, sabay kindat sa akin. Nakapatong ang isang braso nito sa sandalan ng kinauupuan ko, at dahil nakasandal ako, parang naka-akbay na rin siya sa akin.
Ipinaikot ni Aria ang mga mata, bago kami inirapan dalawa ni Kael. "Respeto, okay?" Sikmat pa nito sa amin. "Respeto sa single." Ani pa nito saka dinampot ang super jumbo hotdog sandwich na order nito at malaking kumagat doon.
Napatingin na lang ako sa kinakain nito. Hindi nagsisinungaling, o nag-e-exaggerate ang nasabing coffee shop nang pangalanan nilang super jumbo hotdog sandwich ang kinakain nang mga oras na iyon ni Aria, dahil talaga namang napakalaki niyon. Umabot yata sa isang ruler ang haba niyon, at ang taba ay halos kasing laki ng lata ng sardinas. May palagay ako na pinasadya pa ng may-ari ang cheesedog na ginamit dito, gayon din ang tinapay.
Tuwang-tuwa naman si Aria nang makita ang order. Favorite niya kasi talaga ang hotdog sandwich. Kahit anong hotdog sandwich, patol ito. Hotdog sandwich nga lang sa convinience store, masaya na ito, eh. Hainan mo pa ng ganito kalaki at kataba? At siyempre pa, katulad ng sinabi nito kanina... unli ang ketchup, hot sauce at mustard. May pa mayo pa nga. Kaya't heto, palagay ko ay mapapalaban ang kaibigan namin.
"Meghad!" Napapatingala, at napapapikit pang sabi nito. "Ang sarap nito!" Sabi pa nito habang tila ninanamnam ang lasa ng kinakaing hotdog sandwich. "Ito na talaga ang bagong favorite ko na coffee shop, promise."
Natatawa lang kami ni Kael na nakatingin sa kanya.
"I'm glad, nagustuhan mo ang super jumbo hotdog sandwich namin." Singit ng tinig ng isang babae na nakapagpadilat kay Aria ng maayos.
Nagkukumahog na nagpunas ito ng bibig na mayroon pang naiwang bakas ng mga condiments na ginamit nito.
"Ahm, hi, po." Nangiting bati nito babae, kapagkuwan.
"Hi." Nakangiti ring balik naman nito.
Nag-angat ito ng tingin sa amin ni Kael na nakamata lamang dito.
Hindi nga ako nagkamali. Kung maganda ito sa malayuan, ay mas hamak na maganda ito nang malapitan. Pati nga si Kael na ume-MU sa akin, napatulala sa ganda nito.
Ang kinis-kinis ng mukha nito, na wala ka yatang makikita kahit na isang pores. Hindi makapal ang make-up ng babae kaya't alam ko na natural ang ganda niya, at hindi dumedepende lang sa makapal na kolorete. Kahit ang buhok nito ay basta na lang nakalugay sa likod nito, at walang kahit na anong ginamit na accessory. Pamatay din naman ang nipis ng katawan nito na hindi itinago ng masikip na skinny jeans at off shoulder black crop top nito.
"Hi, ma'am," nakangiti rin nitong bati sa akin, pagkatapos ay bumaling sa nababato-balani pa ring si Kael. "...sir. How's the food, and the milk tea, po? Nagustuhan n'yo rin po ba?" Magalang na tanong nito sa amin.
Pinilit kong bigyan ito ng isang ngiti, at saka mabilis na tumango. "O-opo. Nagustuhan naman namin. Masarap." Tila aligaga kong sagot. Tinapik ko pa sa hita si Kael na nakatulala pa rin sa tabi ko at pinandilatan ito nang tarantang humarap sa akin. "Masarap, 'di ba?"
Mabilis naman itong tumango sa akin at saka muling bumaling sa babaeng nakatayo sa aming harapan. "O-of course. Of course, masarap. Lahat masarap." Sabi nito sa babae, na kulang na lang sabihing pati ang babae ay mukha ring masarap.
Lihim na lang akong napailing.
Ang lapad din naman ng ngisi ni Aria sa harapan namin. Tila nahuhuluaan kung ano ang nasa isip ko. Habang wala namang kamalay-malay ang katabi ko.
Hays, boys will always be boys.
"Thank you, sir," nakangiti pa ring sabi ng babae kay Kael, saka kami binalingan ni Aria. "Ma'am. Kung may mga comments, or suggestions po kayo, whether, it is good or bad, may mga kasama pong comments and suggestion slips ang isinerve sa inyo kanina," tumingin pa ito sa tray kung saan naroon nga ang ilang maliliit na papel at isang may kaliitan ding ballpen, na para doon pala. "... pwede n'yo pong isulat doon at iwan na lang po sa table. Ang mga staffs na po namin ang bahalang mag-collect n'yan, later."
"I'm really sorry, Honey, but I really have to go..." muling singit ng isang tinig na kilalang-kilala ko. "Kanina pa tawag ng tawag si dad. May mga ilan daw siyang ibibilin bago ako bumalik ng Manila, mamaya."
"Oh, sure, no problem." Kaagad namang baling ng babae rito. "Thank you for coming."
"Of course, ikaw pa ba?"
Nang bumaling ito sa amin ay tila saka lang ako nito nakita. May gulat pang sandaling bumakas sa mga mata nito bago nagliwanag ang mukha at sumilay ang isang matamis na ngiti.
"Brianna!"
Tumayo naman ako at kaagad na lumapit dito para magmano. "Ninong..."
"You know them?" Takang tanong ng babae.
"Of course, Honey," Nakangiti pa ring sagot ng ninong ko. "She's Kit's daughter."
"Oh." Sa reaksyon ng babae ay obvious na kilala rin nito ang papa ko. Sabagay, matagal na ngang magkaibigan sina ninong at papa, kaya hindi malayo na kilala na ng mga ito ang halos lahat ng kakilala ng isa't isa, lalo na kung taga-rito sa San Ignacio. "Hi, again. Your father is also a good friend of mine." Mas matamis na ngayon ang ngiti na ibinigay nito sa akin. Siguro ay dahil nga kakilala n'ya ang papa ko.
"Who would have thought? May dalaga na si Kit, ha?" Natatawang-naiiling na wika pa nito, na ewan ko kung bakit ikinakunot na noo ko. Lalo na nang may mahina pang paghaplos sa balikat ng ninong ko, na abot hanggang tainga pa rin ang ngiti. Lihim na napaismid na lang ako.
"Yeah. Her name's Brianna." Pakilala ni ninong sa akin.
Binalingan naman ako ng nakangiting babae. "Hi, Brianna. I'm Carlene. Friend ng daddy mo, at Tito Aki mo."
"Actually, inaanak ko siya." Ani pa ni ninong.
"Oh. Okay, Ninong Aki pala dapat."
Pinipilit ko itong ngitian at saka marahang tumango. "Hi, po."
"Oh, my God, Aki! I feel so old." Natatawang anito na tinawanan lang din ni ninong.
Muntik ko nang hindi mapigilan na paikutin ang mga mata ko.
"Anyway, pa'no? Aalis na 'ko?" Maya-maya ay sabing muli ni ninong. "Honey?" Paalam nito sa katabi bago ito bigyan ng magaang na halik sa pisngi.
Pagkatapos ay binalingan kaming muli. "Bri... Aria," nginitian din nito si Aria na mukhang kinikilig na naman sa ninong ko.
Tumingin din ito kay Kael na katabi ko. Sandali nitong pinagmasdan ang lalaki bago bumaba ang tingin sa braso nitong nakasampay pa rin sa sandalan ng kinauupuan ko. Hindi ko mabasa kung ano ang ibinabadya ng mga mata niya nang sandaling magtagal doon ang tingin nito, bago ikinurap ng ilang beses ang mga mata at napailing-iling.
Kapagkuwan ay muling bumaling sa katabi. "Pa'no? See you, when I see you?" Pabiro pa nitong sabi sa babae.
"Ewan ko sa'yo." Natatawa naman nitong sagot na tinawanan lang ni ninong. "Maiwan ko na rin kayo, ha. Thank you for coming. At sana hindi pa ito ang last. Sana nagustuhan n'yo ang food and drinks namin." Baling muli sa amin ng babae na sinagot ko lang ng isang matipid na ngiti.
"Brianna..." Paalam ni ninong sa akin, sa huling pagkakataon, bago naglakad nang patungo sa pintuan ng coffee shop. Isang marahang tango naman ang sagot ko sa kanya, habang nakasunod ang aking tingin hanggang sa makalabas siya ng coffee shop.
Isa pa uling sulyap ang ginawa niya sa mesa namin, bago tuluyang lumabas. Kapansin-pansin din ang pagtutuon niya ng tingin sa katabi ko bago tuluyang umalis.
Hindi ko naman iyon binigyan ng ibang kahulugan. Marahil, inakala nito na boyfriend ko si Kael, at sa tingin nito ay masyado pa akong bata para sa ganoong mga bagay.
Bumuntong-hininga na lamang ako at itinuon muli ang atensyon sa mga kasama ko.
"Ang gwapo talaga ng ninong mo, Bri, jusko!" Narinig ko pang kinikilig na namang sabi ni Aria.
Marahan ko na lang itong tinawanan at inirapan. "Sira."