“P-tangina! Shot lang nang shot hanggang sa mamaga ang inyong mga atay! You only live once, mga pare!”
Malakas ang naging paghiyaw ng isang lalaki habang may hawak na bote. Itinataas niya ito at waring inaabot sa mga kasama niya na parehong nakapalibot din sa kaniya. Nasa bilang na lima ang kalalakihang nandoon habang may tatlo namang babae silang kasama at kapwa may hawak ring mga bote na may lamang inumin.
Hindi pa kami nakakalapit dito at nasa bukana pa lang kami ng ibabaw ng dagat ay rinig na rinig na ang ingay dulot ng pagsasaya ng mga ito.
“Iyon ay kung may atay pa tayong matitira pagkatapos nito,” malakas na sabi rin agad ng isa pang lalaki at sinabayan iyon ng matunog na halakhak na halos umugong sa tahimik na dalampasigan.
Nakisabay sa kaniya ang mga lalaki at babaeng kasama niya. Mukha silang masayang-masaya habang panaka-naka ring iniiindak ang katawan. Sumasaby ang paggalaw ng kanilang katawan sa isang tugtugin na hindi pamilyar sa amin dahil sa kakaibang lenggwahe na ginamit dito.
Sí, sabes que ya llevo un rato mirándote
Tengo que bailar contigo hoy (DY)
Vi que tu mirada ya estaba llamándome
Muéstrame el camino que yo voy
Oh
Tú, tú eres el imán y yo soy el metal
Me voy acercando y voy armando el plan
Solo con pensarlo se acelera el pulso
Oh yeah
Ya, ya me está gustando más de lo normal
Todos mis sentidos van pidiendo más
Esto hay que tomarlo sin ningún apuro
Napapakunot ang aking noo dahil kahit ano'ng gawin ay hindi ko maintindihan iyon. Pagtingin ko kay Georgette ay mukha rin siyang naguguluhan. Ganito ba talaga ang mga tugtugin na gusto ng mga taga-lupa?
"Despacito!"
Muli lang napabalik ang aking tingin sa harapan nang marinig na muli silang maghiyawan. Sinasabayan ang estrangherong tugtog na nagmumula sa isang aparato.
Quiero respirar tu cuello despacito
Deja que te diga cosas al oído
Para que te acuerdes si no estás conmigo
"Despacito!"
Napapatawang nagkatinginan na lang kami ni Georgette at bahagyang napailing. Muli lang naming ibinalik ang tingin sa mga kabataan na nagkakasiyahan. Muntik pa akong mapaalis sa aking pinagkukublian nang akmang mabubuwal ang isang babae mula sa pagkakatayo ngunit agad din namang inalalayan ng kasama.
Sa tuwing pumupunta kami rito ni Georgette ay iba't-ibang grupo ang naabutan namin. Mukhang sikat ang lugar na ito sa mga taga-lupa na gustong magliwaliw. Ngunit sa paligid nito ay wala namang makikitang kahit na anong kabahayan maliban sa isang mahaba at matitinik na harang.
“Sa tingin mo, Georgette, nakakapagpasaya kaya ‘yong bagay na iniinom nila?” wala sa loob na tanong ko sa babaeng aking kasama habang hindi inaagwat ang tingin sa mga nilalang na nagkakasiyahan hindi kalayuan sa amin.
Kitang-kita ko kung paano lagukin ng isang babae na nandoon ang laman ng isang bote at halos may tumulo pa sa kaniyang bibig pababa sa kaniyang leeg. Pagkatapos noon ay nakipaghampasan siya sa katabi habang tumatawa ng malakas. Habang pinapanood ko sila at kung sakaling hihingan ako ng komento, para sa akin, ang mga itsura nila ngayon ay 'yong mga nilalang na walang iniindang problema. Na ang layunin lang ay maging masaya sa buhay.
Napaisip ako. Hindi kaya ay iyon talaga ang epekto ng bagay na kanilang iniinom? Mukha kasi silang nakalaklak ng isang gallon na bitamina sa pagiging maliksi ng kanilang katawan.
Napatikhim si Georgette sa aking tabi. Bahagyang humampas ang tubig sa malaking bato na pinagkukublian namin. Nilikom ko ang aking buhok na nililipad ng hangin. Mas nagugustuhan ko rin ang bawat pagdampi ng hanging amihan sa aming balat. Mas nararamdaman ko na nandito talaga kami sa ibabaw ng dagat. Na hindi ito isang panaginip lamang.
“Bakit mo naman po naitanong, prinsesa? ‘Wag ninyo po sabihin na naiisipan ninyong tikman ang inumin na ‘yon! Hindi po maaari! Hindi po iyon pwede sa atin!” natitigagal na wika niya sa akin na ngayon ay nakaharap na sa aking gawi.
Halos manlaki ang aking mga mata dahil sa pagkakagulat sa kaniya. Hinawakan ko ang kaniyang balikat para kahit paano ay kumalma siya.
“Ang iyong boses, Georgette. Baka marinig nila tayo!” mahinang saway ko sa kaniya habang sumusulyap sa mga naroroon sa dalampasigan.
Pasalamat na lang kami at mukhang hindi naman nila narinig ang aking kasama. Mabuti na lang at malakas ang pag-ilanlang ng tugtog sa gawi nila. Abala pa rin ang mga ito sa pagsasaya. Nakahinga ako nang maluwag doon bago muling tiningnan si Georgette na hanggang ngayon ay nanlalaki pa rin ang mga mata na nakatingin sa akin.
“Muntik na tayo roon. Hinaan mo lang ang iyong boses. Baka maaga tayong makauwi kung nagkataon,” ani ko pa sa kaniya matapos nitong kumalma.
Napailing na lang ako. Minsan kasi talaga ay hindi niya mapigilan ang boses. Sa tagal na naming magkasama ay ilan beses na ba ako na muntik mabingi dahil sa sobrang ingay niya. Pero ang ingay na iyon ang nakasalba sa akin sa sobrang pagkainip sa ilalim ng dagat.
Napatutop naman siya sa kaniyang bibig. “Patawad, prinsesa. Nagulat lang ako sa iyong tinuran. Ikaw po kasi, kung anu-ano ang sinasabi ninyo,” wika pa niya na sinisi pa ako. Huminga siya ng malalim habang nangungusap ang mga mata.
“Nagtatanong lang naman ako, Georgette. Masyadong naglalakbay ang iyong utak sa ibang dimensyon." Mahina akong napatawa.
"Napapansin ko kasi na halos lahat ng umiinom ng ganoong inumin ay hindi maipaliwanag ang sayang nararamdaman. Isama mo pa ang dobleng lebel ng lakas ng kanilang boses,” paliwanag ko sa kaniya.
Ilang beses na kaming pumupunta rito ni Georgette. Palaging dito ang punto namin sa tuwing namamasyal kami. Halos sa lahat ng mga pagdalaw na ginagawa namin dito ay laging may nagkakasiyahan na mga grupo. Iba-ibang mga nilalang iyon ngunit may iisang bagay silang pagkakapareho. Iyon ay palaging may mga bote silang dala.
Pansin ko rin na kapag nagtagal ay parang may sariling kilos ang kanilang mga katawan na hindi na halos makontrol. Halos mabulabog nga nila ang katahimikan ng gabi, mabuti na lang at walang ibang nilalang sa karatig. Kaya rin siguro mas pinili nila rito ganapin ang pagsasaya ay dahil solo nila ang lugar.
“Alak iyon, prinsesa. Hindi ko alam kung nakakapagdulot iyon ng saya pero ang alam ko lang ay maaari kang malasing kapag uminom ka niyan. Madalas na iniinom ‘yan ng mga taga-lupa sa tuwing mayroon silang kasiyahan,” mahabang paliwanag naman ni Georgette sa akin.
Mabagal akong napatango. Ganoon pala iyon. Alak? Ano kay ang lasa noon? Bigla tuloy ay naging kuryoso ako sa bagay na iyon. Sa pagpunta-punta namin dito sa lupa ay sadyang may mga bagay na nakakakuha talaga ng aking atensyon.
“Bakit, prinsesa? Mayroon ka ba na balak tikman ang bagay na iyon?” nagdududang tanong niya na agad kong ikinailing.
“Hindi. Wala sa isip ko iyon. Nagtatanong lang naman ako, pero sa tingin mo ay ano kaya ang lasa noon?”
Alam kong sa ginagawa namin ngayon ay sinusuway ko ang matinding kautusan ng aking ina, ngunit hindi ko mapigilan ang sarili. Laging pakiramdam ko ay tinatawag ako ng kung ano at waring inuutusan ako nito na magpunta sa ibabaw ng dagat. Ayoko sanang suwayin ang aking ina ngunit ayaw rin naman patalo ng aking puso sa matinding kagustuhan nito. Siguro ay hindi na lang ako magpapahuli at walang balak na magpahuli kahit na kanino. Dahil kapag nangyari iyon ay katapusan na rin ng lahat ng maliligayang araw ko.
“Wala rin akong balak na dagdagan pa ang kasalanan ko sa aking ina,” sinserong ani ko pa.
Alam kong masasaktan si ina kapag nalaman niya ito at wala na akong balak pa na dagdagan ang isang bagay na alam kong magpapasama lalo ng kaniyang loob. Siguro kung sakaling magkabukingan at mahuli kami nang wala sa oras, ipapaliwanag ko na lang nang maayos sa kaniya kung ano ang aking nais. Sana lang ay hindi sila magalit sa akin. Sinisiguro ko rin naman na hindi mapapahamak si Georgette sa kung anuman ang ginagawa ko. Gusto ko lang naman magkaroon ng kalayaan, kahit na ako na ang magbibigay nito sa aking sarili.
“Mabuti naman, prinsesa. Siguradong malilintikan tayo kapag nagkataon. Baka hindi lang ako ipatapon sa malayong parte ng karagatan, baka ipakain pa ako sa malalaking pating na alaga ni Prinsipe Alon,” alalang-alala na wika niya.
Sa halip na maawa ay napahagikhik na lang ako. Minsan ay masyadong malayo na ang nararating ng utak nitong si Georgette. Sa mga ganitong pagkakataon na minsan ay seryoso ang pinag-uusapan, bigla na lang iyong malilihis at mapapalitan ng tuwa. Mas matanda sa akin si Georgette ngunit kapag magkasama kami ay pakiramdam ko ilang taon ang ibinata ng kaniyang isip kumpara sa akin.
“Hindi magagawa ng aking kuya iyon, Georgette. May pagtingin ang aking nakatatandang kapatid sa ‘yo kaya malabong mangyari iyon.” Mas lalo akong napatawa nang makita kong namilog ang kaniyang mga mata dahil sa gulat. Mula sa liwanag ng buwan sa gabing ito ay kita ko ang pamumula ng magkabila niyang pisngi.
Gustong-gusto kong tumawa ng malakas ngunit pinigilan ko pa rin iyon. Mahirap na dahil baka mabuko kami nang wala sa oras dito.
“H-hindi ko po alam ang inyong s-sinasabi, prinsesa.” Halos mabulol siya sa pagsasalita at hindi na rin halos makatingin nang maayos sa akin. Mas lalo namang lumaki ang pagkakangisi ko dahil dito.
Natutuwa talaga ako kapag inaasar ko siya sa aking kapatid. Alam ko kasi na hindi na siya magkakaroon pa ng ibang sasabihin. Laging hindi na niya alam ang gagawin. Magkasalungat sila ng aking Kuya Alon. Kung si Georgette ay namumula at halos mabulol, ang kuya ko naman ay nagiging madaldal kahit na ang totoo ay hindi siya halos nagsasalita dahil sa pagiging seryoso sa buhay. Ganoon pa man ay nakikita ko sila na bagay sa isa’t-isa.
Ang ginagampanan ko yata rito ay isang kupido ng dalawang nilalang na nagmamahalan. Ako kaya? May nilalang kaya na magkakagusto sa akin? Mararamdaman ko rin kaya ang pamumula ng pisngi katulad ni Georgette? Ang pagiging mahiyain kapag nasa harap na ng nilalang na aking napupusuan?
"Pagbalik ni Kuya Alon, salubungin mo siya ng isang mahigpit na yakap para naman maibsan ang pagod niya sa misyon." Hindi pa rin ako tumitigil sa pang-aasar sa kaniya at mas lalo akong natatawa sa bawat reaksyon ng kaniyang mukha.
"W-wala po akong lakas ng loob na gawin iyon, at siguradong kapag ginawa ko po iyon ay wala nang tanong-tanong pa, siguradong mapapalayas ako sa kaharian." Napakamot siya sa ulo habang nagsasalita.
"T-tigilan ninyo na nga rin po ang pang-aasar sa akin sa iyong kuya dahil siguradong hindi niya magugustuhan iyon kapag narinig niya. Alam ko na sisimangutan na naman niya ako na akala mo ay galit na galit siya sa mundo tapos pati ako idinadamay niya. Tsk." Kung kanina ay nahihiya pa ito ngayon ay tonong nagsusumbong na.
Mahina akong napatawa. Madalas kasing magsungit si Kuya Alon, ngunit kakaiba pagdating kay Georgette. Kaya mas gusto ko silang inaasar kapag kaharap ko sila ay para kitang-kita ko ang ekspresyon ng kanilang mga mukha.
“Basta kung sakali tayong mahuli, alam mo na ang sasabihin mo, Georgette.” Huminga ako ng malalim at ngumiti sa kaniya. Nagpasya ako na ibahin na ang usapan namin.
Sa ginagawa naming ito ay inaasahan ko nang malalaman at malalaman pa rin ito ng aking ina bandang huli. Ngunit alam ko man na mangyayari iyon ay pakiramdam ko hindi pa rin ako handa. Iisa lang kasi ang ibig sabihin kapag nalaman niya ang tungkol dito... mawawala rin ang kalayaan ko na hindi naman talaga nila ibinigay sa akin simula pa noong una.
“Wala po akong alam. Pinilit lang po ako ni Prinsesa Lana,” ani ko pa habang ginagaya ang tono ng kaniyang boses.
“Iyon lang ang sasabihin mo kung sakaling naging magulo ang sitwasyon. Hindi ba ay pangako ko naman sa ‘yo na hindi ka mapapahamak?”
Hinawakan ko siya sa balikat at muling nginitian. Isa si Georgette sa mga nakasama ko simula noong bata pa lang ako. Isa rin siya sa mga dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi pa ako nawawala sa pag-iisip sa sobrang pagkainip sa loob ng kwarto. Alam ko kasi na hindi naman ako nag-iisa.
Sa mga oras na ito, isa lang naman ang kinatatakutan ko. Iyon ay kapag nahuli kami. Hindi na ako magkakaroon pa ng pagkakataon na masilayan ang mundo rito sa ibabaw. Ang makukulay na paligid na laging hinahanap ng aking mga mata. Ang mga nilalang na ibang-iba kumpara sa amin, ngunit kahit paano ay nakakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na koneksyon.