Chapter Five

1406 Words
“Prinsesa…” mahinang tawag sa akin ni Georgette na siyang pansamantalang nagpawala ng aking atensyon sa mga kabataan na nagsasaya hindi kalayuan.     “Hmmm... ano 'yon, Georgette?”  Bahagya lang akong sumulyap sa kaniya at pagkatapos ay muli kong ibinalik ang tingin sa harapan. Kahit paano pala ay nakakaengganyo rin pakinggan ang tugtugin na pumapailanlang doon sa pampang kahit na dayuhan ang lenggwahe na ginamit.     Mahina siyang tumikhim na waring may hindi  masabi agad. Mukha siyang nahihirapan pang magsalita at sabihin ang kung ano mang gusto niya. Naghintay pa ako ng ilang sandali bago siya ituloy ang kung anumang dahilan nang pagtawag sa akin.     “Sa tingin ko po ay kailangan na nating umalis, prinsesa. Baka po makahalata na wala kayo roon sa inyong silid.” Bakas ang pag-aalala sa kaniyang boses na sinundan pa ng malalim na pagbuga ng hangin.     Bago sumagot ay sinilip ko muna ang relo na nakapalibot sa aking palapulsuhan. Mga perlas na pinagdikit-dikit ang nagsilbing porselas nito para hindi maalis sa aking palapulsuhan. Ang mga sirena at sireno na katulad namin ay mayroong ding mga ginagamit na bagay na tulad din sa mga nilalang na nasa lupa. Kung mayroon silang relong pambisig, kami rin ay may ganoon. Ang mga telebisyon ay gumagana rin sa ilalim ng dagat ngunit ang kaibahan lang ay mayroong mahika na tumutulong dito para magamit namin.     Sa katunayan ay halos magkapareho lang naman ang buhay ng lahi namin sa mga tao na nasa lupa. Ang kaibahan lang noon ay sila ay nabiyayaan ng dalawang paa at mayroong abilidad na makapaglakad, habang kami namang mga nilalang na nasa tubig ay may kakayahang makahinga rito at makapaglangoy nang napakabilis. Mayroon din kaming taglay na kakaibang kakayahan, ngunit bilang lamang sa mga lahi namin ang nabiyayaan nito. Ang isa pangbagay na sa tingin ko ay nakalalamang kami sa kanila ay alam namin na mayroong mga nabubuhay na nilalang na katulad nila. Habang ang mga tao ay walang kaalam-alam na mayroong tulad namin na namumuhay kasama nila sa mundo, iyon nga lang ay sa ibang parte ng daigdig.     Sa ilalim naman ng karagatan ay namumuhay rin ng normal ang mga sirenang katulad ko. Mayroon silang mga hanapbuhay para magkaroon ng pantustos sa pang-araw-araw nilang pamumuhay. Kahit hindi ako madalas nakalalabas ay halos alam ko rin kung ano ang nangyayari sa labas dahil na rin sa tulong ni Georgette. Halimbawa na rin noon ay ang mga sireno at sirenang nagsisilbi sa palasyo, iyon nga lang ay si Georgette lang ang nakakakilala sa akin.     Sa dami ng mga nagsisilbi sa aming kaharian ay hanggang ngayon namamangha pa rin ako na hindi nila alam na nabubuhay ako sa mundong ito. Ayon kasi sa aking ina, mas ligtas at mas tahimik kung bilang lamang sa mga daliri namin ang nakakaalam noong tungkol sa akin. Hindi ko alam kung bakit sobrang importansya ang ibinibigay nila sa akin na minsan ay hindi ko na maintindihan.      “Ilang minuto pa, Georgette. Manatili pa tayo kahit sandali na lamang. Baka kasi matagalan na naman kung kailan tayo makakabalik dito.” Pakiusap ko sa kaniya at bahagyang nakaramdam ng lungkot.     Kapag lumalabas kasi kaming dalawa ay nagbibigay ako ng palugit bago muling mamasyal dito sa ibabaw ng dagat. Ayokong lubus-lubusin ang pagkakataon dahil ayokong mabuko kami nang wala sa oras. Kung minsan ay tumatagal ng halos limang araw hanggang isang linggo bago kami makabalik dito. Dahil kahit abala ang aking ina ay hindi iyon nakalilimot na pumunta sa aking kwarto para tingnan ang kalagayan ko. Siguro ay iyon din ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay hindi niya nalalaman ang palihim na paglabas namin ni Georgette tuwing gabi.   Halos isang taon na rin simula noong unang beses akong lumabas at isama si Georgette. Siya lang naman ang tangi kong pwedeng isama, at hindi rin naman niya ako pinababayaan na mag-isa lang.   “Sige po. Ikaw ang bahala, prinsesa,” sagot niya agad at pagkaraan ay huminga ng malalim.     Sa sobrang lakas ng buntong-hininga niya ay halos sumabay iyon sa ugong ng mga alon. Masyado siyang nag-aalala kaya pati ako, kahit na ayokong mag-alala ay nadadamay rin ako. Napabungisngis na lang ako para pagaanin ang nararamdaman ng kasama.     “Bawasan mo kaya ang pag-inom ng mga inumin na nakakapagbigay ng nerbyos, Georgette,” natatawang sabi ko sa kaniya.   Tulog na naman sa mga oras na ito ang aking ina kaya hindi na niya mamamalayan na wala ako sa kwarto. Wala rin naman si kuya Alon kaya siguradong hindi kami mahuhuli. At saka, nag-iingat naman kami parati. Magaling din kasi gumawa si Georgette ng kahulma ko roon sa kama para kung sakali man na magkabukingan ay hindi mahihirapan.    Bahagya naman siyang napasimangot na mas lalong nagpatawa sa akin, ngunit sinigurado ko naman na hindi iyon malakas para hindi kami marinig ng mga taga-lupa. "Binabawasan ko na nga po, prinsesa. Hindi na nga po ako umiinom dahil sa tingin ko ay hindi ako mapapakali kapag mayroon tayong lakad na ganito," sagot niya na mas lalo lang nagpatawa sa akin.  Sumulyap muna ako sa maliwanag na buwan bago muling ibinalik ang tingin sa mga nagkakasiyahan ngunit halos mapasinghap kami nang magkasabay ni Georgette sa nasaksihan ng aming mga mata.     “Mahabaging taga-pangalaga ng karagatan! Bakit naman po ganito?” Narinig kong malakas na sambit ni Georgette at kahit nagugulat din ay nakuha ko pang takpan ang kaniyang bibig para pigilan ang susunod pang lalabas doon.     Bahagya ko rin siyang hinila para magtago pa dahil bahagyang lumingon sa gawi naman ang isa sa mga ‘yon.     “Nakakabigla naman, prinsesa. Bakit naghahalikan sila roon?” Namumutla siya sa aking harapan at sa puntong ito ay sinubukan niyang hinaan ang boses. Hindi siya halos makapaniwala sa nasaksihan habang ako ay gusto ko na lang kalimutan kung anuman ang nakita roon.     Napailing ako. Hindi ko rin alam. Ramdam ko ang pag-iinit ng magkabila kong pisngi. Ang kanina lang na nasaksihan namin ay ang magkakahinang na mga labi ng tatlong pares na nandoon. Humugot ako ng malalim na hininga para maikalma ang sarili. Hindi na naman bago sa akin ang makakita ng ganoon dahil ang ibang napapanood ko sa telebisyon ay hindi maiiwasan na may ganitong tema, ngunit ngayon lang ako nakasaksi nito sa totoong buhay.     Naiilang na inilayo namin ni Georgette ang tingin sa mga nangyayari sa dalampasigan ngunit agad ding naibalik ang tingin namin doon nang may marinig na sumigaw.     “P-tanginang buhay! Bakit naman sa harapan ko kayo naglalaplapan?” sigaw ng nag-iisang lalaking nandoon.  Siya lang ang walang kapares sa mga magkakasintahan na halos pinapapak na ang labi ng isa't-isa.  Gusto kong iiwas ang tingin dahil nakakaramdam ako ng hiya sa ginagawa naming panonood dito. Pero hindi rin naman kasi namin sinasadya. Hindi naman namin alam na may mangyayaring ganito. Gusto lang naman namin na bumalik dito sa pampang pagkatapos ng ilang araw na pagkasabik dito.    "Alam ninyo naman na single ako! Mga wala kayong respeto. Mga dep-ngal!" sigaw pa niya na siyang bumubulabog sa kalaliman ng gabi. Halos magulat pa nga ang kumpol ng mga ibon na nagliparan mula sa pamamahinga sa isang puno.   Hindi naman tonong nagagalit ang boses ng lalaki, bagkus ay humalakhak ito pagkatapos. Halos magkasabayan kaming napatalon ni Georgette nang marahas na ihampas nito sa buhangin ang bote na hawak. Nagdulot iyon ng ingay dahil tumama sa isang nakausling korales at agad na nabasag.   Bakit naman nagiging bayolente na sila? Kanina lang ay nagsasayaw sila at nagkakantahan. Sa tingin ko nga ay mas mabutin pang panoorin na magkakahinang ang kanilang mga labi kaysa nagkakalat sila sa paligid.    “Ang hirap ninyo namang malasing! Nakakalimutan ninyong may single rito!” dugtong na saad pa ng lalaking iyon.  Pagkatapos ay inihagis niya pataas ang isang bote na hawak at nang mahuhulog iyon mula sa ere ay agad siyang umiwas. Pagbagsak sa korales ay nagdulot muli ng ingay mula sa nabasag ng bote. Napailing na lang ako. Ibang klaseng mga taga-lupa!    “Ayaw pa kasing maghanap ng sa ‘yo, para hindi ka naiinggit dito!” tumatawang sabi ng isa sa mga kaibigan nito.     Naghalakhakan pa sila roon at ipinagpatuloy ang pag-aasaran. Nanatili naman kami ni Georgette na nanonood lang dito ngunit nakaramdam ako ng hindi maipaliwanag na galit nang mag-umpisa silang itapon ang mga bote na kanilang ginamit sa dagat na nasa harapan lang nila. Ang kaninang nananahimik na dagat ngayon ay unti-unting napupuno ng basura.      Dinudungisan nila ang aking tahanan at dapat lang silang parusahan... mga lapastangang nilalang!          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD