“Bilisan mo, Georgette,” ani ko sa kasama.
Gamit ang mahika ay maingat at walang ingay na naiusog ko ang malaking aparador. Sa likod kasi nito ay mayroon akong ginawa na sikretong lagusan patungo sa labas ng aming kaharian. Kami lang dalawa ni Georgette ang nakakaalam ng tungkol dito.
“Sandali po, prinsesa.” Nilingon ko siya at nakitang halos patapos na sa pag-aayos ng aking kama.
Sa tuwing lumalabas kami ay ikinokorte niya sa katawan ko ang mga unan sa kama para kung sakali ay hindi mahahalata. Lumangoy ako pabalik sa kaniya para hilahin ang kaniyang kamay.
“Tama na ‘yan, Georgette. Tara na.”
Marahan ko siyang hinila at maingat na itinulak papasok sa lagusan. Nilingon ko muna ang buong silid at pinatay ang ilaw bago sumunod sa kaniya. Nakita ko agad ang mga nagkalat na kawal na nakabantay sa paligid ng aking silid, ngunit walang kahit na sinong nakapansin sa amin. May mahika na nakabalot sa aming dalawa ni Georgette kaya kampante ako.
Nauna akong lumangoy sa kaniya, agad naman siyang sumunod sa akin.
“Natatakot na po talaga ako sa ginagawa natin, prinsesa.” Bakas ang pag-aalala sa boses niya at hindi ko siya masisisi.
Sa kaniya rin ay ilang ulit na akong humingi ng tawad. Ayos lang naman sa akin kahit ako lang mag-isa ang lumalabas ngunit kahit na anong takot at kaba ang nararamdaman niya ay hindi naman niya ako pinababayaan.
“Pasensya na, Georgette,” sinserong saad ko.
Mahirap ang sitwasyon ko kaya ako na lang ang gumagawa ng sariling paraan.
“Naiintindihan po kita, pero hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng pangamba,” aniya.
Tumango na lang ako sa sinabi niya at pinagpatuloy ang paglangoy. Napapangiti ako habang pinapanood ang ilang mga isda na nakakasabay namin sa paglangoy. Nang makita kong may ilang nagtatagal ang tingin sa amin ay mabilis kong inayos ang bandanang nakabalabal sa aking ulo.
“Wala pa ba ang aking nakatatandang kapatid?” pagkaraan ay tanong ko sa kaniya.
“Wala pa po. Bukas pa ang uwi ni Prinsipe Alon kasama ang hukbo.”
Muli akong tumango. Mabuti naman. Kapag kasi nandiyan siya ay sigurado akong hindi kami makakalabas. Katulad ng aking ina ay ramdam ko rin ang mahigpit na pagprotekta niya sa akin. Mananatili siya sa kwarto ko at babantayan ako hanggang sa makatulog. O kaya naman ay makikipagkwentuhan sa akin hanggang sa maubusan kaming dalawa ng pag-uusapan.
Dalawa lang kaming magkapatid ni kuya Alon at siya lang ang bukod tanging kilala na anak ni Reyna Anahita. Wala akong maramdamang inggit doon, dahil para sa akin ay pabor pa nga iyon. Hindi naman kasi ako nagnanais na makilala ng lahat, ang gusto ko lang naman ay makalabas at maranasan ang simpleng pamumuhay ng mga sirena sa buong Oceana.
“Saglit lang tayo, prinsesa. Baka biglang bumalik ang reyna sa kwarto at mahuli tayo.”
Nilingon ko si Georgette na bakas ang pagkabahala sa magandang mukha. Huminto ako para hintayin siya, medyo malayo na pala ang nalalangoy ko kumpara sa kaniya.
“‘Wag kang mag-alala, Georgette. Katulad noong nakagawian natin, isang oras lang. Isang oras lang naman, pagkatapos ay babalik na ulit tayo.” Ngumiti ako sa kaniya at hinawakan ang kaniyang kamay para magsabay kami.
Sa sobrang tagal na naming magkasama ay kilalang-kilala na namin ang isa’t-isa. Nagsasabihan kami ng sikreto, tulad na lang nito. Alam kong kahit na anong mangyari ay hindi niya ako iiwan at ganoon din ako sa kaniya.
Noong sinabi kong isang oras lang kaming mawawala sa palasyo ay totoo iyon. Sapagkat isang oras lang din ang bisa ng mahika na kayang magtago ng totoong kulay ng aking mga buntot. Sa tuwing lumalabas ako ay hindi ko nakakalimutang palitan ito ng ibang kulay, tulad ngayon ay katulad noong sa aking ina, kulay lila ang buntot ko ngayon.
Ang ikalawang bagay na ipinagkaiba ko sa lahat ng mga nilalang dito sa ilalim ng karagatan ay ang ginto kong buntot. Nababalot ito ng gintong kaliskis. Sa bawat paglipas ng mga araw ay napapansin ko ang mas lalong pagkinang nito. Kasing-tibay rin ito ng bakal sapagkat walang kahit anong patalim ang kayang sumugat sa aking mga buntot, hindi tulad noong sa iba.
Nawala ang pag-iisip ko sa ibang mga bagay nang maramdaman ko ang pagsundot ni Georgette sa tagiliran ko. Nangungunot ang noong binalingan ko siya ng tingin.
“Nawawala ka na naman, prinsesa.” May halong pagbibiro sa kaniyang boses.
Sumilay ang ngiti sa aking mga labi dahil doon.
“Ang sabi ko po ay malapit na tayo.”
Nagbigay ng ibayong saya sa aking puso ang mga katagang narinig mula sa kaniya. Inilipat ko ang tingin sa harapan at nakikinita ko na ang pamilyar na liwanag. Naririnig ko na rin ang ilang ingay na nagmumula roon.
“Magmadali ka, Georgette. May ilang minuto na lang tayong natitira,” wika ko sa kaniya bago mabilis na lumangoy patungo sa liwanag na nakikita.
Ilang minuto ang lumipas nang marating namin ang pakay na lugar. Maya-maya ay umahon din ang ulo ni Georgette kasabay nang paglinga ng ulo. Kinuha ko ang kamay niya at iginiya sa malaking tipak ng bato, rito namin ikinubli ang mga sarili.
“Nagkakasiyahan na naman sila,” bulong niya habang nakatingin sa harapan.
Nakahawak ang mga kamay niya sa bato bilang suporta. Kumikislap din ang kaniyang mga mata na kahit hindi niya sabihin ay alam kong natutuwa siya.
Napatango ako at tinawid ng mata ang direksyon na kaniyang tinitingnan. Sinalubong agad ako ng mga nagkakatuwaang mga nilalang na nagtitipon hindi kalayuan sa amin.
Ang mga hiyawan na sumasabay sa saliw ng musikang naririnig mula sa kanila ay nagdudulot ng kakaibang galak sa aking puso. Nagniningning ang aking mga mata kasabay ng iba’t-ibang kulay ng ilaw na nagmumula sa isang bilog na bagay na umiikot sa gitna.
Ang mga nasa harapan namin ay ang mga nilalang na biniyayaan ng dalawang paa na tinatawag nilang tao. Ang lugar naman kung saan naroroon kami ay lupa kung tawagin nila.
Magkaibang mundo ang pinanggalingan namin ngunit may nararamdaman akong isang bagay na nagbubuklod sa akin mula sa mga ito. Iyon din ang dahilan kung bakit pabalik-balik ako rito.
Isang hindi makitang pisi ng koneksyon na balang araw ay malalaman ko rin.