Chapter Nine

2452 Words
Kasalukuyan akong nakaharap sa isang malaking salamin habang nagsusuklay ng buhok nang makarinig ng sunud-sunod na pagkatok sa aking pinto. Katatapos ko lang maligo. Tatlumpung minuto ang nakakalipas matapos ang ika-anim ng umaga. Mga ganitong oras ay gising na ako. Hindi ko rin maintindihan ang body clock ko dahil kahit gaano ako ka-late natutulog tuwing gabi ay sobrang aga ko rin nagigising. Siguro ganoon talaga kapag walang masyadong ginagawa, maaga kung kumilos. O baka baliktad ako?     “Lana, anak. Gising ka na ba?” Narinig ko ang malamyos na boses ng aking ina na nagmumula sa labas.     Napangiti ako at agad na umalis sa harapan ng salamin. Mabilis na lumangoy ako papunta sa pinto para buksan ito. Isang magandang babae na mayroong malaking ngiti sa mga labi ang sumalubong sa akin. Nilakihan ko ang pagkakabukas ng pinto para makapasok siya.     “Magandang umaga, anak ko,” magiliw na bati niya sa akin at mahigpit na niyakap ako.     Matamis akong ngumiti sa kaniya at yumakap din pabalik. “Magandang umaga po, ina.”     Humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin at humalik sa aking noo. Marahan din niyang hinahaplos ang aking buhok habang malambing ang tingin na iginagawad sa akin.     “Napakaganda mo, anak ko,” maya-maya ay turan niya.     Mas lalong lumawak ang pagkakangiti sa aking mga labi. “Siyempre po. Kanino pa ba ako magmamana, ina?”  Alam kong hindi ko pa nakikita ang ibang nilalang sa labas ng aming palasyo ngunit nasisiguro ko na ang aking ina ang pinakamaganda sa lahat ng sirena sa buong Oceana.      Mabini siyang tumawa habang tumatango-tango. Habang pinagmamasdan kung gaano siya kasaya ay bigla naman akong nakaramdam nang pang-uusig ng aking konsensya. Kagabi lamang ay lumabag ako sa kaisa-isahang kautusan niya. Siguradong kapag nalaman niya iyon ay masasaktan at malulungkot siya. Ngunit kahit anong pilit ko ay palaging parang may humihila sa akin papunta sa ibabaw ng dagat. Kahit na hindi na ako makilala ng ibang mga sirena, basta siguro ay magkaroon lang ako ng kalayaan na makapunta sa kahit na saang parte ng aming mundo.     “Tara na nga po sa loob.” Anyaya ko sa kaniya.     Para hindi masyadong makonsensya ay ikinawit ko na lang ang aking braso sa kaniya at iginiya papasok ng aking kwarto. Akmang sasarhan ko na ang pinto nang may isang kamay na humarang doon. Bumukas na rin ito dahil sa ginawang pagtulak noong nasa labas.     “Sandali! Nandito pa ako.” Agad akong napalingon at tumambad sa akin ang nakasimangot na na mukha ni Kuya Alon.     Napaawang ang aking labi at humihingi ng paumanhin na tumingin sa kaniya. Gusto ko sanang tumawa pero nakataas na ang kilay niya sa akin. Ang cute lang talaga asarin ni Kuya Alon. Kung minsan ay lagi siyang seryoso at hindi ko pa man nakikita ay alam ko na ganoon siya sa ibang mga sireno at sirena sa labas ng palasyo... ngunit kapag kami ang kaharap niya ay para siyang musmos na bata na laging pinagdadamutan ng laruan.     “Nandito pa ako. Kinalimutan na ako ni ina noong nakita ka. Hindi mo rin ako binati nang magandang umaga!” sunud-sunod na sabi pa niya habang hindi magkamayaw ang paghaba ng nguso.     Napahagikhik ako. Kahit ang aming ina ay napatawa na rin. Humiwalay muna ako sa pagkakayakap sa kaniya at agad na dinaluhong ang nakatatanda kong kapatid na ngayon ay nagtatampo na.     “Patawad, kuya. Hindi ka po kasi nagsasalita kaya paano ko malalaman na nandiyan ka pala?” tumatawa pa rin na sabi ko.     Bakit kasi hindi nagsasalita. Ayan, muntik na tuloy siyang maipit. Para siyang bata na nakatingin sa akin habang nakasimangot kaya hindi matapos-tapos ang pagtawa ng aming ina. Hearing her laugh is the best thing in the world. Seeing my mother and him this happy made me the happiest also. Silang dalawa ang buhay ko at gagawin ko ang lahat para maprotektahan sila sa abot ng aking makakaya.      “Good morning, Kuya Alon.” Hinalikan ko ang kaniyang pisngi bago malambing na humilig sa kaniyang braso. Hindi ko naman abot ang kaniyang balikat dahil hindi hamak na mas matangkad siya sa akin.   "Ayan na po, binati na kita," biro ko pa.   Malawak siyang ngumiti sa akin. “Magandang umaga, little sis.” Naramdaman ko ang paghalik niya sa tuktok ng aking ulo.     Pakiramdam ko ay may kung anong humaplos sa aking puso sabayan pa na nakatingin sa amin ang aking ina ng buong pagmamahal. Ito ang dahilan kung bakit wala akong pakialam kahit na hindi ako makilala sa mga nilalang na nasasakupan ng aming kaharian. Kahit na hindi malaman ng buong mundo na may isang Lana Adira Warvigor na nabubuhay sa mundo dahil sa mga nilalang na nakapalibot sa akin ngayon. Sapat na ang pagmamahal na ibinibigay ng aking ina at ni Kuya Alon. Isama mo pa si Georgette na hindi nakakalimot at hindi nagsasawang samahan ako.     Maswerte pa rin ako dahil mayroong tatlong nilalang na pinupunan ang lahat sa akin. Mahal na mahal ko rin sila katulad nang pagmamahal na ibinibigay nila sa akin. At sana, palaging maayos ang lahat sa pagitan naming lahat. Isa rin sa mga hiling ko ay ang ilayo silang tatlo sa lahat ng kapahamakan lalo na at hindi ko naman sila laging nakikita.     “Masaya ako na magkasundong-magkasundo kayong magkapatid,” malumanay na turan ng aming ina pagkaraan ng ilang sandali na pagmamasid lang sa amin.     “Siyempre po, ina. Wala namang pagpipilian si Kuya Alon dahil ako lang ang nag-iisa niyang kapatid na ubod ng bait at ganda,” mataas ang kumpyansa sa sarili na sagot ko agad.     Nagtataas-baba ang dalawa kong kilay habang nagpapalipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa.     “Oo naman, anak. Ikaw ang pinakamagandang nilalang sa buong Oceana.” Nagniningning ang kaniyang mga mata habang marahang hinahaplos ang aking pisngi.     Napakaganda ng aking ina. Malayo ang pisikal na itsura niya sa edad na taglay niya. Ngunit sa aming dalawang magkapatid ay mas nakuha ni Kuya Alon ang halos ilang bahagi ng mukha ng aking ina. Kung titingnan ay mas magkamukha silang dalawa. Lalaking bersyon lang si Kuya Alon. Samantalang ako ay hindi ko makita halos ang pagkakatulad namin. Ngunit kahit na ganoon ay hindi sumagi sa isip ko na hindi niya ako anak.     “Nagbibiro lang naman po ako, ina.” Napatawa na lang ako at yumakap na lang sa kaniya. Nagbibiro lang naman ako pero masyado nilang siniseryoso. Tsk.     Pagkatapos ay gumiya na kami patungo sa salas na nasa loob lang din ng aking kwarto. Katulad nga noong sinabi ko ay halos kasing laki na ng buong bahay ang aking silid. May sarili itong tanggapan ng bisita na pwedeng magkasya ang halos nasa sampu hanggang labing-limang sirena kahit na ang totoo ay apat lang naman kaming nakakapasok dito.     “Totoo iyon, kapatid. Walang tatalo sa gandang tinataglay mo. Walang panama ang ibang mga sirena sa labas,” sulsol pa ni Kuya Alon na kasunod lang namin.     Napailing na lang ako at may tipid na ngiti sa mga labi.     “Wala po ba kayong trabaho ngayon?” tanong ko sa aming ina na ngayon ay nakaupo na sa aking tabi.     Muli niyang hinaplos ang aking buhok. “Mayroon, anak. Hindi naman mawawala iyon.”     “Kung ganoon po ay bakit—” Hindi ko na natapos ang aking sasabihin nang muli siyang magsalita.     “Ngunit mas uunahin ko ang tungkulin ko bilang ina ng aking mga anak bago ang trabahong iyon. Gusto ko na sabay-sabay tayo na mag-almusal ngayong umaga. Ngayon na lang tayo muling makukumpleto.”     Magkasabay kaming napatango ni Kuya Alon. Totoo iyon. Makalipas ang halos isang buwan ay ngayon na lang ulit kami magsasabay-sabay na kumain. Pareho kasi silang abala at kapag si ina ang kasabay ko, si Kuya Alon naman ang wala. O kaya ay kapag nandito si Kuya Alon, ang aking ina naman ang hindi halos makutaptapan dahil sa pagiging abala. Kapag nagkataon na wala naman sila ay si Georgette ang nandiyan para samahan ako.     “Kumusta ka naman?” maya-maya ay tanong sa akin ni Kuya Alon.     Kasalukuyan siyang naglilibot dito sa loob ng aking kwarto. Nasa parte siya kung saan nakapatas ang mga libro. Ngunit iyong cabinet din na iyon ang humaharang sa sikretong lagusan na dinaraaanan namin ni Georgette.     “Tapos mo na ba na basahin ang mga libro na ito? Sabihin mo lang para makakapagpabili ulit tayo ng mga panibago.”     Tumango ako. “Salamat, kuya. Siguro ngayong linggo ay tapos ko na ‘yan.”     Halos buwan-buwan ay mayroon akong bagong set ng mga libro. Iba’t-iba naman iyon, mayroong educational books, mayroon ding mga novel. Halos dito ko na nga lang din nalaman kung ano ang pakiramdam ng natatakot, masaya, at pati na rin ang tinatawag nilang kilig. Si Kuya Alon ang nag-aasikaso noon para aniya ay hindi ako maiinip dito. Kahit na mayroong telebisyon ay iba pa rin kung may mababasa. Malaking tulong iyon sa akin sapagkat doon ko na rin halos nalalaman ang lahat.     “Bakit naman hindi halos nababawasan itong mga pagkain na naka-imbak dito?” Pagkatapos sa mga libro ay lumapit naman siya roon sa aking pantry. Kung saan nakalagay ang mga pagkain para kung sakaling magugutom ako ay kuha na lang nang kuha.     Napasimangot ako. “Ano’ng hindi nababawasan, kuya? Hindi lang halata dahil ang dami ninyo laging inilalagay na pagkain dito. Ano ang akala mo sa akin kayang ubusin iyon mag-isa?”     Baka akala ni Kuya Alon ay sa tuwing pupunta siya rito ay inaasahan niyang ubos ko na ang isang malaking cabinet ng kung anu-anong pagkain. Katulong ko na nga si Georgette sa pagkain noon pero hindi rin namin maubos pareho.     “Tsk.” Iyon na lang ang naisagot niya bago muling bumalik sa kinaroroonan namin ni ina.     “Baka pinababayaan mo na ang iyong pagkain, anak,” may himig pag-aalala na turan ng aming ina.     Sa kaniya naman ako tumingin at bahagyang tumayo. “Mukha po ba na pinababayaan ko ang pagkain, ina? Tingnan mo mayroon na nga po ako na ikalawang tiyan.”     Kinurot ko pa ang tiyan ko na nasa loob ng damit pero halos wala rin pala akong makapa roon kaya bumalik na lang ako sa pagkakaupo sa kaniyang tabi. Tinawanan lang nila akong dalawa habang napapailing. Wala akong nagawa kung hindi makisabay na lang din. Ito ang mga panahon na nami-miss ko sa tuwing umaalis silang dalawa.     “Oo nga naman, ina. Tingnan mo at namimintog na ang kaniyang pisngi.” Pang-aasar ng nakatatanda kong kapatid at hindi pa nasiyahan ay kinurot ang magkabila kong pisngi.     “Aray ko naman po, kuya!” Malakas ang naging pagdaing ko kaya agad na pinalo siya ng aming ina.     “Tumigil ka nga, Alon. Nasasaktan ang kapatid mo,” saway niya rito.     Lihim akong napangiti nang agad na umagwat sa akin si Kuya Alon. Hindi naman talaga masakit dahil parang dumampi lang ang kaniyang kamay sa akin. Kahit kailan ay hindi ako nagawang saktan ng aking ina o kahit ni Kuya Alon. Hindi ko nga alam dahil kahit nga yata alupihang dagat ay ayaw nilang mapalapit sa akin.     “Ang arte naman ng kapatid ko. Hindi naman totoong nasaktan,” pabirong sabi niya.     Inakbayan niya ako ngunit hindi tuluyang inilagay ang bigat ng kaniyang braso roon. Sa laki kasi ng katawan niya ay siguradong mapipirat ako. Pagkatapos ay marahan niya ring ginulo ang buhok ko na kasusuklay ko lang bago sila dumating.     Kinindatan ko na lang siya at napatawa pagkaraan. Kahit na walong taon ang agwat namin sa isa’t-isa ay hindi iyon naging hadlang para hindi kami maging malapit sa isa’t-isa. Pakiramdam ko nga ay para pa rin kaming mga bata sa tuwing magkasama kami.     Iginiya niya ako pabalik sa upuan at tinabihan doon.     “Kumusta ka naman? Hindi ka naman ba naiinip dito, anak?” Pagkaraan ng ilang sandali ay nagtanong muli ang aming ina.     Ang kaninang tawanan namin ay unti-unting napawi. Palihim akong humugot ng malalim na hininga. Pinagmasdan ko ang babaeng nasa aking harapan na naghihintay ng isasagot ko.     “Kapag po ba sinabi kong oo, papayagan ninyo na po akong lumabas?” marahan at nananantiyang tanong ko sa aking ina.     Namayani ang katahimikan sa aming tatlo. Ramdam ko rin ang bahagyang pagluwag ng braso ni Kuya Alon na nakaakbay sa akin. Medyo naging tensyonado siya sa aking tabi habang ang aking ina naman ay napipilan sa kaniyang kinauupuan. Kita ko ang agad na pagbahid ng kalungkutan sa maganda niyang mukha kaya agad akong nakaramdam ng konsensya roon.     Napalunok ako at ramdam ko ang pagbikig ng mapait na bagay roon. Parang may kung anong humaharang sa aking lalamunan para makahinga nang maayos. Ramdam ko rin ang pagkirot ng aking puso.     Agad akong umusog palapit sa kaniya at yumakap. Inihilig ko ang aking ulo sa kaniyang dibdib.     “Naiinip na po ako, ina. Hindi naman po siguro maiiwasan iyon, hindi po ba?” Sinulyapan ko siya at binigyan ng isang tipid na ngiti. “Pero kaya ko pa naman po na magtiis. Hindi po ba at ang sabi ninyo ay para rin naman sa kaligtasan ko ang ginagawa ninyo?”     Sinapo ko ang kaniyang pisngi at marahang hinaplos iyon. Pagkatapos ay kinintalan ko ng halik ang kaniyang noo.     “Naiinip po ako pero kaya ninyo namang pawiin iyon. Saka naniniwala naman po ako na balang araw ay makakalabas din ako rito, hindi po ba?”     Umaasa pa rin ako na mangyayari iyon. Na hindi ko na kailangan pa na magtago para lang makalabas. Alam ko na magkakaroon din ako ng kalayaan. Iyong hindi na kailangan pang ilihim.     “Oo naman, anak. Balang araw. Darating din iyon.” Hinaplos niya ang buhok ko at hinagkan ang aking noo.     “Patawad... patawad, anak. Alam mo naman na ginagawa lang namin ito para sa ‘yo,” malungkot na turan pa niya.     Tumango ako sapagkat naiintindihan ko iyon. “Alam ko po, ina. ‘Wag ka na po malungkot.”     Niyakap ko na lang siya at tiningnan ang nakatatanda kong kapatid na nakatingin lang sa amin. Kapansin-pansin sa kaniyang mukha ang kalungkutan. Mukha siyang may malalim na iniisip kaya sinundot ko ang kaniyang pisngi.     “Hoy, kuya!” Natatawang tawag ko sa kaniya. “Ang lalim ng buntong-hininga mo. Hindi namin malangoy ni ina.”     Dinaan ko na lang sa biro ang lahat nang malalim siyang humugot ng hininga. Ngayon na nga lang ulit kami nagkasama-sama ay ayokong bahiran pa iyon ng kalungkutan. Alam ko naman na hindi rin nila ito ginusto. Naiintindihan ko kung bakit kailangan nilang gawin ito. Ngunit kahit paano ay gusto ko rin sabihin sa kanila ang totoo kong nararamdaman. Kahit doon man lang ay masabi ko iyon at hindi na kailangan pang ilihim katulad nang pasikretong paglabas ko ng silid.          
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD