“Prinsesa, bilis po. Baka mahuli tayo ng iyong nakatatandang kapatid,” nagmamadaling sabi ni Georgette at halos itulak ako para mas madali kaming makapunta sa gilid.
Nasa likuran ko kasi siyang bahagi habang abala rin ako sa pagtingin sa paligid. Nag-iingat na hindi mahuli ng kahit na sino. Sa pagkakataranta ni Georgette ay hindi ko na rin mapigilan ang mapagaya sa kaniya. Sa mga oras na ito ay dapat mananatili kaming kalmado.
“Kumalma ka, Georgette,” mahinang wika ko sa kaniya.
Nasa tapat na kami ng aking silid. Kahit sa paligid nito ay may mga nakaabang na mga sireno para magbantay kahit na hindi naman nila alam kung ano ang binabantayan sa gawing iyon. Hindi rin naman nila mararamdaman ang aming presensya dahil nakakubli iyon. Itinapat ko na ang aking kamay sa pader ng aking silid at agad na nagkaroon ng parang pwersa roon.
“Okay na po ba, prinsesa? Baka po mahu—”
Hindi ko na pinatapos ang sasabihin niya dahil kasabay nang pagpasok ng aking katawan sa sikretong lagusan na aking ginawa ay hinila ko na si Georgette. Pagpasok namin ay agad na nawala rin iyon. Mabilis na itinulak ni Georgette ang isang cabinet na nakalagay dapat doon.
“Bumalik ka na sa iyong silid, Georgette. Magpahinga ka na rin. Maraming salamat.” Marahang tinapik ko siya sa balikat at ngumiti.
Tumango naman siya sa akin. “Sige po, prinsesa. Kayo rin po, matulog na kayo. ‘Wag ninyo nang isipin ang mga nilalang na ‘yon.”
Kahit hindi niya sabihin ay alam kong nag-aalala siya sa akin dahil sa nangyari kanina. Sa akin naman ay wala na iyon. Pagkatapos ay kinalimutan ko na ang bagay na iyon. Nabigyan ko na sila ng leksyon at malabo na rin na magkita-kita kaming muli. Ang mga basura na dumikit sa kanilang katawan ay mananatili roon hanggang sa hindi sila nagtatanda.
Ang kaparusahan na ibinigay ko sa kanila ay hindi kasing lubha ng naiisip ko noong una. Ngunit hindi ako ganoon kasama kaya mas pinili ko na iparamdam na lang sa kanila nang harapan kung ano ang kabayaran ng kalapastanganan nila.
“Aalis na po ako,” muling aniya at tinungo na ang aking pinto.
Tumango naman ako. Hawak na niya ang seradura ng pinto nang biglang may kumatok doon. Nabitin ang kaniyang kamay na akmang pipihit dito at mabagal na nilingon ako. Nanlalaki ang kaniyang mga mata at kahit ako ay nakaramdam din ng kaba. Hindi pa man namin nakikita kung sino ang nasa labas ay may hinuha na kaming dalawa.
Akala ko ay bukas pa ang dating ng aking kuya kasama ang hukbo. Gaya na lang nang sinabi ni Georgette sa akin kanina kaya malakas din ang loob ko na lumabas ng silid.
“Lana?” ani ng pamilyar na boses na nagmumula sa labas.
“Si Prinsipe Alon…” Halos naging pabulong na lang iyon habang itinuturo ni Georgette ang pinto.
Tumango ako. Alam ko. Kilalang-kilala ko ang boses ng aking nakatatandang kapatid. Kinakabahan man ay kahit paano nakahinga ako ng maluwag. Sakto lang ang ginawang pagbalik namin ni Georgette. Kung siguro nahuli kami kahit na ilang minuto lang ay siguradong tapos ang maliligayang araw ko.
“Lana, tulog ka na ba?” Muling kumatok si Kuya Alon. Sigurado akong naiinip na siya.
“Opo, kuya. Sandali lang!” malakas na sagot ko para marinig niya.
Mabilis na tinanggal ko ang balabal sa aking ulo. Itinago ko iyon sa ilalim ng aking unan. Inilibot ko pa ang tingin sa paligid para siguraduhin na walang kahina-hinalang naganap. Pagkatapos na masiguro iyon ay sinenyasan ko na si Georgette na buksan ang pinto.
“Bakit ang tagal mong—Georgette!” Nagkagulatan pa silang dalawa nang magkaharap.
Napahinto si Kuya Alon sa harapan ni Georgette habang ang kaibigan ko naman ay hindi magkaintindihang kung ano ang gagawin. Mula rito sa aking kinauupuan ay ramdam ko ang tensyon nilang dalawa. Nakagat ko ang aking labi para pigilin ang pagngisi. Gusto kong kabahan ngunit parang mas gusto ko silang asarin muna.
“M-magandang gabi po, Prinsipe Alon…”
Halos magpilipit ang dila ni Georgette habang binabati ang bagong dating. Bahagya siyang nagbaba ng ulo habang ako naman ay pinapanood silang dalawa. Mayroong naglalarong ngiti sa aking mga labi.
“Isang hug naman diyan!” Tudyo ko sa dalawang nilalang na kasama ko rito sa aking silid.
Noong sa tingin ko ay nakabawi na si Kuya Alon ay tinanguan na lang nito ang kaibigan ko at nilampasan ito.
Tsk. Ang sungit. Hindi man lang binati pabalik ang kaibigan ko. Hindi rin pinansin ang sinabi ko na bigyan man lang ng yakap si Georgette. Nakakainis talaga si Kuya Alon.
Mabilis na inilibot ang paningin sa loob at noong makita ako ay dali-daling nagpunta sa akin. Hindi nakawala sa aking paningin ang paghugot ng malalim na hininga ng aking kaibigan. Napahagikhik ako at mula sa nakatalikod na bulto ng nakatatandang kapatid ko ay pabirong sinamaan niya ako ng tingin.
“Bakit?” Nawala lang ang atensyon ko sa kaniya nang makarating sa aking harapan si Kuya Alon.
Napapangisi pa rin ako ngunit umiling na lang. Tumayo ako at dinaluhong siya ng yakap. Ilang araw na hindi rin kami nagkita dahil “I miss you, kuya!” malambing na ani ko sa kaniya habang niyayakap ng mahigpit.
Naramdaman ko ang paghaplos niya sa aking ulo. “I miss you too, little sis. Kumusta ka rito? Sobrang na-miss kita. Walang makulit doon. Tsk!”
Siya na ang humiwalay sa pagkakayakap sa akin ngunit bago iyon ay kinintalan niya ako ng isang halik sa noo. Kahit kailan talaga ay napaka-sweet ni Kuya Alon at isa iyon sa mga katangian niya na gustong-gusto ko sa kaniya.
“Ako lang, kuya? Paano si Georgette? Wala ring yakap?” pabirong wika ko habang sinusulyapan sa likod ang kaibigan ko na halos pumutok na ang pisngi sa sobrang pula. Nasa mood ako ngayon para asarin silang dalawa at wala silang magagawa kung hindi tanggapin ang lahat ng pang-aasar ko.
“Hindi mo man lang binati ang kaibigan ko. Ang daya mo!” dagdag na turan ko pa.
Sunud-sunod din ang naging pag-ubo ng babae kaya mas lalo akong napangisi. “M-mauuna na po ako sa aking silid. Gabi na rin po. Magpahinga ka na, prinsesa,” mabilis na turan niya na hindi na pinansin ang sinabi ko.
Ang bilis naman umalis. Alam ko rin naman na na-miss niya si Kuya Alon. Hindi pa nga ako tapos sa pang-aasar sa kanila. Hindi pa ako nag-enjoy. Tsk.
Napahagikhik na lang ako sa kalokohan na naiisip.
“Dito ka muna, Georgette. Hindi ka pa binabati pabalik ni Kuya. Hahayaan mo na lang ba 'yon?” hindi pa rin tumitigil na turan ko sa aking kaibigan.
Tiningnan ko ang aking kapatid na ngayon ay kapansin-pansin ang pamumula ng tainga. Sinundot ko pa ang kaniyang tagiliran at isinenyas ang babae na nakatayo sa hamba ng pinto.
“Tsk. Ang kulit, Lana,” sambit niya na nakapagpasimangot sa akin.
“Damot mo. Bati lang naman, kuya. Ang damot-damot mo talaga. Nakakainis!” Inirapan ko siya at bahagya akong lumayo. Umakto ako na nagtatampo at alam ko na ilang sandali pa lang ay hindi rin niya ako matitiis.
Rinig ko ang paghinga niya ng malalim bago tumikhim.
“Magandang gabi rin sa ‘yo, Georgette,” wika niya sa malalim na boses.
Agad na sumilay ang ngiti sa aking mga labi at sinulyapan ang aking kaibigan. Alam kong pigil na pigil na niyan ang kilig na nararamdaman. Alam ko naman na hindi niya ako matitiis. Kailangan lang minsan ay dramahan mo siya.
"Masaya ka na?" Baling din niya agad sa akin.
Malaki ang ngiting tumango ako sa kaniya. Iyong ngiti na kitang-kita ang mga ngipin ko.
Napatikhim muli ang aking kuya bago muling humarap kay Georgette.. “Bakit nga malalim na ang gabi ay magkasama pa kayo?” Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa akin at kay Georgette.
Patay! Mukhang mali yata ang ginawa ko, ah? Mukhang mas mapapansin pa yata iyon dahil sa kalokohan ko.
Kabadong lumunok ang babae kaya pasimple ko siyang pinaningkitan ng mata. Masyado siyang nagpapahalata na may kalokohan kaming ginawa. Dapat ay kalmado lang kami sa lagay na ito. Tsk.
“Ano ang ginawa ninyo, Georgette? Bakit pareho kayong bihis na bihis?” seryosong tanong ni kuya na ngayon ay nakatuon na ang atensyon sa aking kaibigan.
Kita ko ang paghigpit ng hawak niya sa seradura ng pinto na akala mo ay roon na lang kumukuha ng lakas. Sunud-sunod ang naging paglunok niya bago tipid na ngumiti. Akmang ibubuka na niya ang bibig nang mauna na akong magsalita.
“Bakit po, kuya? Bawal na ba kaming magkwentuhan ni Georgette?” malungkot na tanong ko.
Kailangan ko pang haluan iyon ng drama para lang maging matagumpay. Normal na lang naman na lagi kaming magkasama ni Georgette dahil siya lang ang nakakaalam ng tungkol sa akin bukod sa aking ina at kay Kuya Alon. Siguro nga kung wala siya ay matagal na akong nasiraan ng bait sa sobrang bagot dito sa loob ng aking silid.
Masyado kasing maisip si Kuya Alon. Hindi lang naman ito ang unang beses na ginagabi si Georgette rito sa kwarto ko. Tsk.
Huminga ng malalim ang aking kuya at umiling bago ako tiningnan. “Hindi naman. Iniisip ko lang na baka mapuyat ka. Ayokong napapagod ka.”
Hinagod niya ng tingin ang katawan ko at alam kong nagtagal ang tingin niya sa suot kong bestida. Nakalimutan ko pala na magpalit ng damit. Bigla kasi siyang dumating. Akala ko talaga ay kinabukasan pa ang kanilang uwi. Bago pa siya makahalata ay muli akong nagsalita. Nakaisip na agad ako ng sasabihin.
“We played dress-ups, kuya. Sayang naman ang mga damit ko kung hindi magagamit, hindi ba? Ang dami mong ibinibigay na bagong damit. Nakaimbak na nga lang 'yon sa closet ko.” Nakanguso pa ako habang nagsasalita.
Sa tuwing umaalis kasi siya ay hindi siya nakalilimot na bilhan ako ng kahit ano, ganoon din si ina. Lagi man silang abalang dalawa ay hindi nila ako kinakalimutan. Ramdam ko pa rin ang pagmamahal nila. Sa akin naman ay hindi na kailangan akong bilhan ng kahit anong materyal na bagay. Sapat na sa akin na makasama silang dalawa kahit sandali lang dahil naiintindihan ko na pareho silang maraming ginagawa at inaasikaso para na rin sa lahat ng mga nasasakupan ng aming kaharian. Kapag lumalabas naman ako ay tinitiyak ko muna ang eksedyul nila para hindi kami mahuhuli kung sakali.
“Hindi naman ako makakalabas dahil alam natin na hindi pwede…” wika ko pa ngunit sa tinuran na iyon ay wala naman akong plano na mangonsensya pero kita ko ang pagguhit ng lungkot sa mga mata ng aking nakatatandang kapatid.
“Pasensya ka na, Lana. Alam mo naman na gusto lang namin na protek—”
Mabilis akong umiling para putulin ang kaniyang sasabihin. Ikinawit ko ang kamay sa kaniyang braso at bahagyang inihilig ang ulo sa kaniya.
“Okay lang po ‘yon, kuya. At saka bakit naman mapapagod? Wala nga po akong ginagawa rito sa loob ng silid. ‘Wag ka na mag-alala, matutulog na rin naman kami bago ka dumating. Saka ‘wag mo na pagalitan si Georgette. Alam mo ba na bukod sa akin ay miss ka na rin niya? Sinabi niya sa akin ‘yon kanina,” mahabang sabi ko at dinaan na lang sa biro dahil bukod sa aking ina ay ayaw ko ring malungkot si Kuya Alon.
Alam ko naman ang dahilan nila kung bakit mas pinili nilang ikulong na lang ako rito sa aking silid, ngunit minsan ay hindi ko na talaga maindintihan.
Muling napaubo si Georgette kaya napahagikhik ako. Patawad, kaibigan. Kailangan ko lang iyon para hindi na maraming tanong si kuya. Iyon lang din kasi ang paraan para makatakas kaming dalawa kaya dapat na magpasalamat pa siya sa akin. Napahagikhik ako sa aking isip.
“B-bakit ako na naman?” halos paanas na tanong niya ngunit hindi nakalampas sa aming pandinig.
Aksidenteng nagtama ang tingin ng dalawang kasama ko ngunit agad ding naghiwalay iyon. Akala yata nila ay hindi ko ito napansin. Lihim akong napangiti. Kung sakali man na may gusto ako para sa aking nakatatandang kapatid ay si Georgette lang iyon. Hindi naman nagkakalayo ang kanilang edad at bagay na bagay silang dalawa. Walong taon ang agwat sa akin ng edad ni Kuya Alon habang tatlo naman kay Georgette. Alam ko rin na aalagaan ng kaibigan ko ang kuya ko. Kahit hindi sabihin ni Georgette ay alam kong may pagtingin siya rito kaya malakas din ang loob ko na asarin siya.
Napatikhim na lang ang aking nakatatandang kapatid. Ginulo niya ang buhok ko. “Puro ka kalokohan, Lana. Sige na, matulog at magpahinga ka na.”
Inalalayan niya akong humiga sa kama. Inayos na rin niya ang kumot hanggang sa aking dibdib.
“Babalik na ako sa aking silid. Matulog ka na,” muli pang sabi niya at hinalikan ang aking noo.
Tumango na lang ako at ngumiti sa kaniya. “Isabay mo na rin si Georgette, kuya.”
“Ha? Hindi na. Aalis na dapat ako, e!” natatarantang wika ng kaibigan ko at hindi magkaintindihan sa pagbubukas ng pinto pero bago pa niya magawa iyon ay nagsalita na si Kuya Alon.
“Sabay na tayo, Georgette. Lalabas na rin naman ako,” seryosong sabi ng kapatid ko at dahil nakatalikod siya sa aking kaibigan ay hindi na nakita pa ni Georgette ang nakalolokong ngisi sa mga labi ni Kuya Alon.
“H-hindi na kailangan, prinsipe.” Parang binuhusan ng suka si Georgette sa kinatatayuan pero wala na siyang nagawa nang nilapitan na siya ng aking kapatid.
"Ikaw kasi lagi mo akong binubuyo..." Narinig ko pang bulong ni Georgette habang sinasamaan ako ng tingin.
“Pumayag ka na, Georgette. Baka kasi maligaw ka…” Napahagikhik ako nang muli niya akong samaan ng tingin.
“Tama na ang kalokohan, Lana. Magpahinga ka na. Pupuntahan na lang ulit kita, bukas.”
Nangingiting tumango na lang ako habang pinagmamasdan silang dalawa. Hindi na halos makagalaw si Georgette roon habang nasa kaniyang likuran lang ang aking Kuya Alon. Nilingon muna ako nito bago sila tuluyang lumabas. Ang cute lang nila tingnan. Masyadong pahalata ang kaibigan ko habang ang kuya ko naman ay feeling walang pakiramdam kahit na ang totoo ay alam kong natutuwa rin siya.
Tsk. Ewan ko nga sa kanila. Ako na nga ang gumagawa ng paraan para magkaroon ng progreso, e.
Nakasara na ang aking pinto at pinitik ko lang ang daliri ay nag-lock na ang aking pinto. Muli akong bumangon para magpalit ng damit pantulog. Isang simpleng bestida na nga lang ang sinuot ko kanina ay halos mapansin pa rin ni Kuya Alon iyon. Kung hindi ko pa sila inasar ni Georgette ay siguradong magiging mahaba pa ang pag-uusisa niya roon. Sa tingin ko rin naman ay hindi niya maiisip na lalabas ako.
Alam kong mali ang ginagawa ko ngunit gusto ko lang din naman maranasan ang buhay sa labas. Siguro ay mas mag-iingat na lang ako sa susunod. Sigurado rin na magtatagal si Kuya Alon dito kaya matatagalan na naman ang paglabas-labas ko.
Bago ko tuluyang ipinikit ang mga mata ay umusal muna ako ng isang taimtim na panalangin, na galing sa aking puso. Ipinapanalangin ko na sana ay magkaroon na ako ng kalayaan. Sana dumating ang araw na hindi ko na kailangang kuntsabahin pa si Georgette para lumabas kami. Ayaw ko naman na dumating ang araw na mapapahamak din siya nang dahil sa akin. Hanggang ngayon ay umaasa pa rin ako sa pangako nina ina na balang araw ay hindi lang ang apat na sulok ng silid na ito ang makikita ko.