Chapter Ten

2161 Words
“Mahal na reyna… Reyna Anahita?”     Nagkatinginan kaming tatlo nang makarinig nang sunud-sunod na katok na nagmumula sa aking pinto. Agad na sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang marinig ang pamilyar na boses noong nasa labas.     “Makikisuyo naman po. Makikibukas ng pinto, Kuya Alon,” malambing na turan ko sa nakatatanda kong kapatid.     Tinaasan niya ako ng kilay. “Bakit ako?” parang bata na tanong niya.     Mas lalo akong napangisi. Alam kasi niyang si Georgette ang nasa labas at alam niyang aasarin ko na naman siya.     Ipinungay ko ang aking mga mata. “Ako na lang po ba?” Tunog nangongonsensiya iyon.     Nakagat ko ang aking labi para pigilan ang pagngisi nang bumuntong-hininga siya at umiling.     “Sige na, anak. Buksan mo na ang pinto. Tulungan mo na rin si Georgette dahil siguradong dala na niya ang mga pagkain natin,” wika naman ng aming ina na umaayon sa plano.     Napabungisngis ako nang walang nagawa ang nakatatandang kapatid ko kung hindi ang tumayo at tinungo na ang pinto ng silid. Nilingon ko siya at maya-maya lang ay sumulpot doon ang maliit na bulto ng kaibigan kong si Georgette. Kita ko pa na bahagya itong natigilan nang si Kuya Alon ang sumalubong sa kaniya.     “M-magandang umaga po…” Mula rito sa kinauupuan ko ay narinig kong binati niya ang aking kuya.     Katulad kagabi ay tumango lang sa kaniya si Kuya Alon ngunit ito na rin ang kumuha ng cart na dala niya. Nauna nang umibis si Kuya Alon dala ang mga pagkain namin habang si Georgette naman ay maingat na sinarhan ang pinto.     Halos matakam ako habang sinusundan ng tingin ang pagkain na isinusulong ni kuya. Si Georgette ay nakasunod lang sa kanila.     “Ina, tara na po sa hapag. Bigla akong nagutom.” Natatawang hinila ko ang aking ina patayo.     Napapailing na hinaplos na lang niya ang aking mukha at nagpadala sa aking paghila. Kasalukuyang inaayos ni Georgette ang mesa nang makarating kami roon. Sa kaniya nakaatang ang pagdadala ng pagkain sa akin dahil wala namang ibang pwede na gumawa noon. Sa pinakamataas na parte ng kaharian matatagpuan ang aking silid. Walang kahit na sinuman ang pinapayagan na magpunta rito, liban na lang siyempre sa reyna at sa anak nito.     “Umupo ka na po, ina.” Pinaghila ni Kuya Alon ang aming ina sa gitnang upuan at inalalayan iyong umupo. Pagkatapos ay mabilis din niyang inayos ang upuan na katabi lang nito sa kanang bahagi.     “Dito ka na, Lana.” Hinawakan niya ako sa balikat at siya na rin ang nag-upo sa akin. Umikot naman siya sa kabilang bahagi at doon umupo sa aking tapat.     Napapalakpak ako sa dami ng pagkain na nakahain sa harapan. Kanina naman ay hindi pa ako nagugutom pero noong makaharap ko na ito ay pakiramdam ko ay isang buong araw akong hindi nakakain dahil sa gutom na nararamdaman ko. Hindi lang iyon, excited din ako dahil alam ko na ngayon na lang ulit kami mabubuo na kumain sa iisang hapag.     “Maraming salamat sa masasarap na pagkain, Georgette!” Pasasalamat at pagbibigay ko ng papuri sa kaibigan na siyang nag-asikaso ng lahat ng ito.     “Walang anuman, prinsesa.” Tumango at ngumiti naman siya sa akin.     Iba’t-ibang halamang dagat ang nakahain sa aming harapan. Iyon lang naman ang maaari naming kainin dahil labag sa kautusan ng dagat ang kumain ng kalahi mo.     “Mauuna na po ako.” Bahagyang ibinaba niya ang ulo sa amin bilang pagbibigay-galang at akmang ipipihit na ang katawan nang tawagin siya ng aking kuya.     “Sumabay ka na rin sa amin, Georgette. Maupo ka na,” parang wala lang na sabi ni Kuya Alon sa kaibigan ko na mukhang natulos na ang mga buntot sa kinatatayuan.     Napagsalikop ko ang aking magkabilang palad dahil sa tuwa. Yayayain ko pa lang sana si Georgette na sumabay sa amin ngunit naunahan na ako ng aking kapatid.     “N-naku! Hindi na po. Sa baba na lang ako kaka—” Hindi magkaintindihan sa pag-iling ang kaibigan ko at halatang-halata ang pamumula ng mukha.     “Umupo ka na, Georgette. Minsan lang magyaya si kuya kaya sulitin na natin.” Kinindatan ko siya at noong wala pang balak na kumilos ay hinila ko na siya para makaupo sa aking tabi. Napahagikhik ako nang wala na siyang nagawa kung hindi sumabay sa amin.     Ang aking ina ang nagpasimuno nang pagdadasal at pagkatapos noon ay nagsimula na kaming kumain.     “Kumain kayo nang marami,” wika pa niya.     Tumango-tango ako. Mukhang mapaparami talaga ako ng kain ngayon, ewan ko lang sa dalawa pa naming kasama.     “Kain daw nang marami, Georgette… ‘Wag munang maliligaw ang mga mata kay kuya,” bulong ko sa aking katabi na dinugtungan pa nang marahang pagtawa.     Agad na kumalat ang pamumula ng kaniyang pisngi. “Hush…” Inilingan niya ako at bahagyang sinundot ang aking bewang.     Hindi naman halata na botong-boto ako sa kaniya para sa aking nakatatandang kapatid. Pakimi-kimi siyang sumubo ng pagkain at nagpasya akong galawin na rin iyong akin. Kasalukuyang nag-uusap ang aking ina at si kuya ng kung anong tungkol sa aming kaharian. Kagagaling lang kasi ni kuya sa misyon kasama ang hukbo.     “Kumusta naman kayong dalawa?” Natigil ang pagsubo ko ng pagkain nang magtanong si kuya.     Bahagyang iniagwat nito ang atensyon sa pagkain at hinarap ako. Rinig ko ang pagtikhim ni Georgette sa aking tabi. Napatingin ako sa kaniya at matagal kaming nagkatitigan. Pasimple ko siyang tinaasan ng kilay bago muling tumingin kay Kuya Alon.     “Ayos lang, kuya. Marami kaming pinagkakaabalahan ni Georgette,” nakangiting sagot ko at sumimsim sa aking inumin.     Kita ko ang pagtikwas ng kilay nito. “Katulad ng ano?”     Ang dami namang tanong ng aking kuya. “Katulad noong dinatnan mo sa amin kagabi. Nagsusukat lang kami ng mga damit,” sagot ko na lang.     Napansin ko ang bahagyang pagbagal ng aming ina sa pagkain. “Gising ka pa noong dumating ang iyong kuya?” tanong nito sa akin at ngayon ay nakatingin na.     “Opo, ina. Nandito rin si Georgette noon.” Si Kuya Alon ang sumagot noon.     Hindi na inagwat ng aking ina ang mga mata sa akin. Bahagya namang binundol ng kaba ang aking dibdib at marahang tumango.     “Matutulog na po dapat ako pero hindi naman ako dalawin ng antok kaya pinapunta ko si Georgette rito.” Ngumiti ako sa kaniya. “Ang dami ko pong bagong damit kaya nagpasya akong sukatin iyon.”     Tumango-tango rin si Georgette. “M-may bago rin pong laro na kinahihiligan ang prinsesa ngayon,” dugtong na wika ng kaibigan ko.     Totoo rin naman iyon dahil nitong nakaraang araw ay nahihilig ako sa paglalaro ng sungka. Si Georgette ang nagturo sa akin nito at kailangan lang ng dalawang player kaya saktong-sakto sa aming dalawa.     “Maraming salamat sa palaging pagsama sa aking anak, Georgette,” maya-maya ay malumanay na wika ni ina sa aking kaibigan.     Napatigil naman si Georgette sa pagkain at mabilis na umiling. “Wala po iyon, Reyna Anahita. Tungkulin ko po na bantayan at samahan ang prinsesa.”     Tiningnan ako nito at nginitian.     “‘Wag mo lang kukunsintihin kapag alam mo na mali ang ginagawa,” turan naman ni Kuya Alon na ngayon ay tapos nang kumain.     Pakiramdam ko ay pinamutlaan ako ng mukha sa narinig. Halos mapaubo naman si Georgette sa aking tabi. Mahahalata kami kapag laging ganito ang reaksyon naming dalawa.     “May problema ba?” Nag-aalala naman ang aking ina at inabutan ng tubig ang babaeng katabi ko.     Umiling naman ito. “Wala naman po, mahal na reyna. Nasamid lang po.” Bahagya niyang sinapo ang dibdib habang ako naman ay hinagod ang kaniyang likod para umayos ang pakiramdam.     “May tinatago ba kayong dalawa sa amin?” seryosong tanong ni Kuya Alon.     Napatigil naman ako sa ginagawa at tiningnan siya. Seryoso rin ang tingin na ipinupukol niya sa akin. Matamis akong ngumiti sa kaniya.     “Mukha ba na may tinatago kami, Kuya Alon?” malumanay na tanong ko sa kaniya.     Panandaliang namayani ang katahimikan sa pagitan naming lahat. Humugot ito ng malalim na hininga at kapagkuwan ay umiling.     “Wala naman…”     Napatawa ako at pumalakpak. “Masyado kang maisip, Kuya Alon. Sige ka, tatanda ka agad niyan. Wala ka pang asawa pero ang mukha mo daig mo pa ang may sampung anak na binubuhay,” sunud-sunod na sabi ko. Pinipilit na mapunta sa iba ang usapan bago pa kung saan makarating iyon.     Narinig ko naman ang mabining pagtawa ng aming ina. “Masyado kasing seryoso ‘yang kuya mo.”     Hinaplos niya ang balikat ng aking nakatatandang kapatid.     “Kumalma ka, anak. Alam naman natin na hindi magagawang sumuway ni Lana sa atin. Kilala mo ang kapatid mo,” marahang sabi nito na nagpatigil sa akin.     Unti-unting kumalat ang lungkot sa aking puso. May kung anong malamig na bagay ang bumuhos sa aking sikmura. Sinusundot na naman ako ng aking konsensya.     “Hindi ba, anak? Alam ko na hindi mo kami bibiguin ng iyong Kuya Alon.”     Ngumiti siya sa akin. Iyong ngiti na punong-puno ng tiwala at pagmamahal sa akin. Marahan niyang hinaplos ang aking pisngi at hindi ko magawang makangiti dahil pakiramdam ko ay manginginig lang iyon. Anumang oras ngayon ay parang maiiyak ako sa sobrang konsensya na nararamdaman ko.     “Mahal na mahal ko po kayo, ina. Kayong dalawa ni Kuya Alon.” Sa halip na sagutin iyon ay sa tingin ko mas magandang ito na lang ang sabihin. Walang makakapantay sa pagmamahal na nararamdaman ko para sa kanilang dalawa.     Sumilay ang malaking ngiti sa magagandang labi ng aking ina. “Mahal na mahal din kita, anak. Kayong dalawa ang kayamanan ko.” Hinawakan niya ang magkabilang kamay namin ni Kuya Alon at kinintalan iyon ng magkasunod na halik.     Ngayon ay ramdam na ramadam ko ang pag-iinit nang magkabilang sulok ng aking mga mata. Hindi ko na napigilan iyon at para hindi mahalata ng mga kasama ay uminom na lang ako para pawiin din ang panunuyo ng aking lalamunan. Huminga ako ng malalim at maya-maya ay muling ipinakita ang ngiti sa mga labi.     “Ina…” Pagtawag ko rito.     “Hmmm?”     “Sa tingin mo rin ba ay bagay si Georgette para kay Kuya Alon?” Pag-iiba ko ng usapan para mas maging magaan ang paligid.     Bumalik ang pagiging masigla ng aking boses lalo na noong sunud-sunod na ang naging pag-ubo ni Georgette samantalang si Kuya Alon naman ay tumitikwas na ang kilay.     “B-bakit ako na naman, prinsesa?” mahinang turan ng kaibigan ko sa aking tabi.     Para saan ba at may pupuntahan din ang pang-aasar ko sa kanilang dalawa. Hindi na sila bumabata at gusto ko nang magkaroon ng panibagong miyembro ng pamilya kapag naging isa na silang dalawa. Siguradong aalagaan kong mabuti ang magiging mga anak nila. Ituturo ko sa kanila ang lahat ng mga bagay na alam ko. Para kahit paano ay mayroong madagdag na nilalang na nakakilala sa akin.     “Oo naman. Napakabuting bata nitong si Georgette. Maalaga. Maasikaso. Maganda pa at simple lang. Sigurado akong hindi na lugi ang aking panganay sa kaniya.”     Malakas ang naging pagpalakpak ko sa tinuran ng aking ina. Mabuti na lang at hindi lang ako mag-isa na nakakaisip na bagay na bagay sila sa isa’t-isa.     “Opo, ina. Sang-ayon ako sa inyo. Lalo na at mainitin ang ulo ni Kuya Alon. Sigurado ako na kayang-kayang palamigin iyon ni Georgette.” Napahagikhik ako.     “Sandali. Nandito pa kami na mga pinag-uusapan ninyo.” Pagsingit ni Kuya Alon sa usapan namin.     “Bakit ba mas excited pa kayong dalawa sa buhay pag-ibig ko?” dagdag na tanong pa niya.     “E kasi nga po, hindi ka na bumabata, kuya. Bakit ba kasi ayaw mo pa yayain ng kasal si Georgette?” walang preno na sabi ko.     Napasapo sa kaniyang noo ang aking kapatid habang ang aking ina naman ay napailing na lang.     “A-ang bilis naman po noon, prinsesa.” Mahinang nagkokomento si Georgette sa aking tabi habang mariin din ang pagkakahawak sa aking kamay na animo ay sa akin na lang kumukuha ng lakas.     Tumikhim si Kuya Alon at umayos ng upo. “Hindi minamadali ang pag-ibig, Lana. Kusa iyong dadating kapag alam ninyong pareho na kayong handa. Hayaan mo, ikaw naman ang unang makakaalam kung sakaling may patutunguhan lahat.”     Nakita ko ang pagsulyap niya sa babaeng katabi ko na mukhang hindi na nito napansin dahil nakatungo ito. Habang pinapanood ko silang dalawa ay nakikita at nararamdaman ko na may pagtingin sila sa isa’t-isa ngunit sapat na nga ba iyon para tawagin na pag-ibig?     Ako kaya? Kailan ko iyon mararamdaman? Hindi naman sa hindi ko ito nararamdaman dahil alam kong mahal ko ang mga nilalang na nasa paligid ko ngayon, pero iyong sa ibang nilalang na katulad ko? Paano ko mararamdaman ang pagmamahal sa iba kung mananatili lang ako rito sa loob ng aking silid?  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD