“Hindi na kita aabalahin pa, mahal ko. Pangako na bukas pagkatapos ng aming pagpupulong ay babawi ako. Gusto mo ba na ipagluto kita ng paborito mong pagkain, pagkatapos ay sabay tayong maghahapunan?” mahinhing saad ng aking ina pagkaraan ng mga ilang minutong pag-uusap.
Hindi nawawala ang ningning sa kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ako. Samantalang ako naman ay nakaramdam ng lungkot ngunit hindi ko iyon ipinahalata.
“Sige po, ina. Kayo po ang bahala.”
Inalalayan niya ako patungo sa aking kama. Agad na niyakap ako ng kalambutan nito. Waring iniengganyo ako na matulog na.
“Matutulog ka na ba?” tanong niya kasabay nang paghaplos sa aking ulo.
“Magpapahinga na po, ina.” Isinandal ko ang likod sa ulunan ng kama. Itinaas naman niya ang kumot hanggang kalahati ng aking katawan.
“Kayo rin po. Magpahinga na kayo. Alam kong napagod kayo ngayong araw,” dugtong na saad ko.
Hindi biro ang mamahala ng isang kaharian. Humahanga ako sa dedikasyon niya na pangalagaan at siguruhing laging nasa maayos ang mga nasasakupan namin.
“Sige, mahal ko. Iiwan na muna kita. Tatapusin ko rin muna ang iba pang ginagawa, pagkatapos ay magpapahinga na rin ako.” Kinintalan niya ng halik ang aking noo. Ako naman ay umayos na ng higa habang pinapanood niya.
“Aalis na ako.” Tumango ako at ngumiti sa kaniya.
Habang pinapanood ang papalayo niyang bulto ay napabuntong-hininga ako. Kumalat agad ang sakit sa aking lalamunan at ang pag-alon ng aking sikmura dahil sa kaba.
“Patawad din, ina,” bulong ko na alam kong hindi na niya narinig dahil sa pagsara ng pinto.
Patawad po dahil sa gabing ito ay muli kitang susuwayin.
Marahang ipinikit ko ang mga mata hindi para matulog, kung hindi para pakiramdaman ang paligid. Kapag alam kong tahimik na ang lahat ay saka ako kikilos.
Kakaalis lang ng aking ina ngunit maya-maya lang ay naramdaman ko muli ang isang presensya na paparating. Alam kong hindi iyon ang aking ina ngunit pamilyar din ang isang ito, kaya hindi ako nakaramdam ng pangamba.
Nanatiling nakasara ang aking mga mata. Hindi pa lumilipas ang ilang minuto nang magbukas muli an1g pinto. Marahang kaluskos ang narinig ko hanggang sa naramdaman ko ang paglapit nito sa akin.
Payapa ang aking bawat paghinga na iisipin noong kahit sinong pumasok ay natutulog ako. Inangat niya ang kumot hanggang sa balikat ko at inayos ang gilid ng aking kama.
“Huli ka!” Nagpasya akong imulat ang mata kasabay nang paghuli sa kamay na akmang hahawak sa akin.
“Ay anak ka ng pating!” tili niya habang sapo ang dibdib.
Napahalakhak ako.
“Hindi ako anak ng pating, Georgette,” saad ko kasabay nang pagpunas ng ilang butil ng luha sa aking mga mata dahil sa sobrang pagtawa.
Sa harapan ko ay nakatayo ang isang babae na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabawi mula sa pagkagulat. Ang kaniyang kulot na buhok ay halos tumabon sa kaniyang mukha. Hindi naman siya magkaintindihan sa pag-aayos noon.
“Patawad, Georgette.” Natatawa pa rin ngunit tinulungan ko siyang ayusin ang sarili.
Ang sirenang nandito ngayon sa aking silid ay ang isa sa mga pinagkakatiwalaang nilalang na nakakaalam ng tunay kong pagkatao. Mas matanda siya sa akin ng limang taon. Si Georgette ang aking taga-silbi at ang nagbabantay sa akin sa tuwing wala ang aking ina.
“Ginulat mo naman ako, prinsesa. Akala ko po ay natutulog ka na.” Marahas ang bawat pagbuga niya ng hangin samantalang ako ay halos mawala ang mga mata dahil sa pagngisi.
“Patawad. Hindi na mauulit,” saad ko.
“Ilang beses mo na rin ‘yang sinabi, prinsesa.” Napailing siya sa akin ngunit may bahid na ngiti naman sa mga labi.
Napahagikhik ako. “Hindi ka pa ba nasasanay, Georgette?”
Umalis ako mula sa pagkakahiga sa kama at tinungo ang aparador na kanina lang ay hinahalungkat ko. Ngayon ay nagkita na ako ng damit na maaaring isuot. Naramdaman ko naman ang pagsunod ng mga tingin sa akin ng sirenang kasama.
“Bakit ka po kumukuha ng damit?” tanong niya sa akin.
Sa halip na sagutin iyon ay humarap ako sa kaniya.
“Maayos na ba ito? Hindi na ba mapapansin ng iba?” tanong ko habang hawak ang isang payak na kulay itim na bestida.
Nakakunot ang noo na tiningnan niya ako. “Kahit ano naman po ay babagay sa inyo, prinsesa, pero ano po ang dahilan ninyo at naghahanap kayo ng damit? ‘Wag ninyo po sabihin na–”
Hindi na niya nagawang ituloy pa ang sasabihin nang mabilis akong nakalapit sa gawi niya. Inilapat ko ang daliri sa mga labi niya at sinenyasan na ‘wag maingay.
“Oo, Georgette. Ang tanong sa sagot mo ay oo. Maghanda ka dahil aalis na tayo maya-maya lang,” mahina lang na saad ko sapat na para marinig niya.
Hindi ko na hinintay na makasagot pa siya dahil tumalikod na ako. Kailangan ko nang magbihis para makaalis na kami. Ayokong maudlot pa ito.
“Malalagot talaga tayo nito kapag nalaman ng reyna.” Narinig ko pa na bulong niya bago ko tuluyang sarhan ang bukod na pinto ng aking bihisan.
Hindi malalaman ni ina dahil mag-iingat naman kami. Walang makakakita sa paglabas namin ngayong gabi. Ito ang utos na ipinagbabawal ng aking inang reyna ngunit matagal ko na ring sinusuway.
Isang taon na rin simula noong pasikreto akong lumalabas tuwing gabi. Ganitong oras ko pinili upang wala masiyadong makahalata. Kapag patay na ang oras ay pagod na ang mga sirena at sireno mula sa buong araw na pagtatrabaho. Malabong may makapansin pa sa akin kapag pumuslit. Sa itinagal din naman ay wala pa kahit na sino ang nakakilala sa akin.
Alam kong mali at alam kong parurusahan ako kapag nalaman niya ngunit hindi ko mapigil ang sarili. Matagal na akong nangungulila sa buhay sa labas at gusto ko ring maranasan iyon. Naiinggit ako sa tuwing nagkukwento si Georgette ng mga bagay na ginagawa nila sa labas. Kahit hindi ko maranasan, kahit makita ko lang ay sapat na sa akin. Masaya na ako roon.
Si Georgette rin ang lagi kong kasama sa tuwing lumalabas. Alam kong lagi siyang hindi mapalagay ngunit ipinapangako ko naman na mag-iingat kami. Uuwi kami ng ligtas. Ito na lang din ang bagay na magpapakampante sa aking ina, ang malamang maayos ako.