“Ah, ang sarap magbasag ng bote kapag ganito ang nakikita mo!” sigaw pa ng lalaki na kanina ay walang kapares at ang mga nagkalat ng bote sa kanilang paanan ay nagsimulang basagin at ang iba ay itinatapon na nila sa dagat.
Ang kaninang nagkakasiyahan na mga kabataan na nagkakantahan lamang at umiindak ang katawan ay naging mas agresibo. Sobrang ingay nila roon na animo ay kanila ang mundo.
“Hoy, Marlou! ‘Wag kang magkalat diyan,” ani naman ng isang lalaki na kasama nito at akmang pipigilan sa braso ang kaibigan na nagngangalang Marlou nang matumba ito bago pa makalapit.
Tumatawa-tawa naman ang lalaking tinawag na Marlou. Hindi paawat sa kaniyang ginagawa at pakiramdam ko ay nanlalaki ang ulo ko at nag-iinit ito. Gusto kong sumabog sa galit ngunit hinayaan ko muna ang mga ito sa kanilang ginagawa. Nagbabaka sakali na tumigil ang mga ito.
“Lasing na yata ako. Umiikot na ang paningin ko!” dagdag na sabi pa ng lalaki na dinugtungan nang malakas na pagtawa at tuluyan nang humiga sa buhangin.
Ang babae naman na kanina ay kahugpong niya ang mga labi ay umupo sa kaniyang ulunan at ipinatong ang ulo ng lalaki sa kaniyang hita. Ang iba naman ay halos umaalingawngaw sa buong dalampasigan ang maingay na boses at halakhakan. Hindi pa nasiyahan doon ang mga pinagbalatan nila ng pagkain ay nagsimula ring itapon sa tubig.
Nagdala sila ng maraming mga pagkain at inumin, pagkatapos ay ikakalat lang din nila sa paligid. Ipinanganak ba silang walang disiplina sa katawan at hindi alam kung ano ang responsibilidad nila sa buhay?
“P-prinsesa…” Ramdam ko ang panginginig ng boses ni Georgette habang tinatawag ako.
Huminga ako ng malalim para pakalmahin ang aking sarili. Napatingin din ako sa aking mga kamay na ngayon ay nakakuyom na habang nakapatong sa bato na pinagtataguan namin. Nangingimi ang kamay ko na parusahan ang mga lapastangang ito. Kahit sinong nilalang ay hindi matutuwa kung sakaling masasaksihan ang mga ginagawa nila.
“Dinudungisan nila ang aking tahanan, Georgette. Dapat silang turuan ng leksyon,” nagngingitngit ang kalooban na ani ko.
Mainit at matalim ang tingin na ipinupukol ko sa mga kabataan na nasa hindi kalayuan. Umalis ako sa batong kinukublian namin at nagsimulang lumangoy patungo sa pampang ngunit bago pa ako makalayo ay nahawakan na ni Georgette ang aking kamay.
“S-sandali po, prinsesa. Saan ka po pupunta? ‘Wag mo po sabihin na—”
Natataranta na siya ngunit hindi ko na pinatapos pa ang dapat niyang sasabihin.
“Tuturuan ko lang ng leksyon ang mga lapastangan na iyon,” malamig na turan ko habang hindi pa rin inaagwat ang tingin sa mga iyon. “Manatili ka lang dito, Georgette.”
Nagpasya na akong lumangoy patungo roon. Nagtangka pa akong pigilan ni Georgette ngunit hindi ko na siya pinansin pa. Narinig ko na lang na tinatawag niya ako subalit hindi ko na nagawang lingunin pa ang kaniyang kinaroroonan. Mabilis akong nakarating sa malapit sa pampang. Sinigurado ko pa rin na hanggang kalahati lang ng aking katawang ang makikita. Ang bestida na kakulay ng gabi ang tanging tumatabon sa aking sarili.
Agad na humampas ang malamig na simoy ng hangin na sumasalungat sa mainit na pakiramdam na aking nararamdaman ngayon.
“Magandang gabi. Mukhang nagkakasiyahan kayong lahat diyan,” agad na saad ko sa mga ito na sapat na para marinig nila
Napahinto ang mga ito sa pagsasaya. Nabitin sa ere ang mga hawak na plastik na mga basura ngunit may isang tumilapon na bote sa hindi kalayuan sa aking tabi. Bahagya pa nila akong inaaninag bago nagsilapitan sa malapit sa tubig para tuluyan akong makita
“Magandang gabi, binibini!” Kumaway sa akin ang lalaki na siyang nagpasimuno sa pagtatapon ng basura sa dagat. Pansamantala siyang natulala habang nakatingin sa akin ngunit kalaunan ay humalakhak din.
“Mukhang siya na ang tinadhana para sa akin. Nakita ko na ang babaeng ihaharap ko sa altar!” Narinig ko pa na sabi niya.
Nagtawanan ang mga kasama niya at pinagtulakan pa ito na parang inaasar. Muntik pa na mapasubsob ang lalaki dahil doon.
“G-go, Marlou! Hindi ka papatulan niyan. Ang ganda niyan kumpara mo sa mukha mo! Mukha ka lang talampakan na tinubuan ng kalyo.” Kantiyaw ng mga kasama.
Ang dalawang magkasintahan na nakahiga ay bumangon din at nakiusyoso sa mga ito. Ngayon ay pitong pares na ng mga mata ang nakatingin sa akin. Habang tinitingnan sila ay napapasulyap din ako sa mga basurang nagkalat sa aking harapan. Mamaya lang ay aanurin ito ng dagat patungo sa gitna hanggang sa lumubog iyon sa ilalim ng dagat. Kalaunan ay makukulong dito ang maliliit na isda hanggang sa malason ang mga ito.
Hindi ba iyon naiisip ng mga kabataang nasa aking harap? Sa tingin ko ay bata sa akin ang mga ito ng nasa dalawa hanggang tatlong taon. Ngunit kita mo sa kanila ang kapusukan. Sa tingin ko ay may kakayahan na silang mag-isip ng tama ngunit bakit parang ang hirap noong gawin para sa kanila?
“Baka nilalamig ka, miss. Halika rito at paiinitin ka nitong aming kaibigan,” wika ng lalaki na sa tingin ko ay nasobrahan ang gupit sa kaniyang pang-unahang buhok dahil hindi nagpantay iyon.
Hindi ako sumagot bagkus ay lumangoy ako palapit pa sa kanila. Kita ko ang pagngingisian nila at ang pagtutulakan sa isa’t-isa. Habang ang mga babae naman ay nasa kanilang likuran lang at nanonood sa mga nangyayari.
“Pumapayag yata mga pare!” Malaki ang ngisi ng lalaking nagngangalang Marlou at bahagyang kinabig ang pang-unahang parte ng kaniyang katawan.
"Ikalma mo 'yang libido mo, Marlou!" Nagtatawanan sila roon na animo ay mayroong masayang magaganap.
"G-go! Siguradong papagurin ko 'yan. Walang tulog! Kapag ganiyan kaganda ay dapat hindi pinagpapahinga!"
Muling humalakhak ang lalaki at kahit mula rito sa kinaroroonan ko ay kita ko ang pagkislap ng mga mata nito. May kung anong emosyon na makikita roon na siguradong hindi ko magugustuhan. Inilabas pa niya ang dila at binasa ang pang-ibabang labi.
Hindi ko naiintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila roon at ang ibig nilang sabihin ngunit sa halip na pansinin pa iyon ay nagpatuloy ako sa paglapit. Nagsimula rin akong banggitin kung ano ang dahilan kung bakit ako nagpasayang magpakita sa kanila.
“Mukhang naliligaw ang inyong mga basura rito, mga ginoo,” malumanay na sambit ko sa mga ito at bahagyang tiningnan ang mga nagkalat na basura sa paligid.
Agad na nag-init ang aking ulo at bago pa makalimot ay huminga muna ako ng malalim para ikalma ang sarili. Makakatulong iyon para sa kaligtasan ng mga nilalang na nasa harapan ko.
Bigla naman silang nagtawanan sa aking sinabi.
“Hindi ‘yan naliligaw, miss. Diyan naman talaga ang tamang tapunan niyan. At saka, ano ba ang pakialam mo? Pulutin mo lahat kung gusto mo!” Pagsingit ng isa sa mga babaeng nandoon.
“Environmentalist ka, girl? Ano ang advocacy mo?” may himig na pang-aasar na sabi naman ng isa pang babae na hanggang balikat ang buhok.
Nanunuya ang mga ngisi nila na ibinibigay nila sa akin na animo ay ang baba ko kumpara sa kanila.
“Itapon ninyo na nga lahat ‘yan para makaalis na tayo rito! May epal na feeling maganda rito!” dugtong na aniya pa sa mga kasama na sinabayan nang pagsipa sa isang asul na plastik.
Nagkukumahog na sumunod ang anim na animo ay siya ang amo ng mga ito. Nagkani-kaniya silang kuha ng mga bote at itinapon ang lahat ng iyon sa dagat. Pito lang silang nandito pero ang mga basura nila ay halos katumbas ng hanggang dalawampung tao. Ramdam ko na ang pag-iinit ng aking mata dahil sa inis na nararamdaman habang nagpapatuloy ang mga ito.
“Wala namang nakalagay na bawal magkalat kaya pwede ‘yan,” wika pa ng mga ito.
Gumagawa ng sariling batas ang mga lapastangang ito.
“Nasisiyahan ba kayo kapag nagdudulot kayo ng perwisyo sa iba?” Hindi ko na napigilang sabihin iyon. "Masaya ba kayo sa inyong ginagawa?"
Nakakunot naman ang kanilang noo habang nakatingin sa akin na animo ay tinubuan ako ng ilang ulo sa katawan.
“Sandali nga. Sino ka ba? Sino ka para pangaralan kami? Well, b-tch, we don't know you and we have no intention of following your order!” Nakapamewang na ang babae na kaninang nag-utos sa mga ito.
“‘Wag mo masyadong sungitan, Nicole. Jojowain pa ni Marlou ‘yan!” malakas na sambit ng isang babae na agad bumenta sa mga kasama dahil nagtawanan ito ngunit may halong pang-aasar ang mga iyon.
Akala ba nila ay nagbibiro lang ako rito? Mukha ba akong isang payaso na nakakatuwa sa kanilang paningin?
“Babe, pasensya ka na kay Nicole ha? Medyo mainitin talaga ang ulo niyan. H'wag kang mag-alala, aalis naman na sila mamaya. Tapos tayong dalawa na lang ang maiiwan dito at paliligayahin kita!” sigaw noong Marlou at akmang lulusong na para lapitan ako ngunit agad na itinaas ko ang aking kamay para pahintuin ito para sa gagawing paglapit.
“Tumigil ka, lalaki. ‘Wag ka nang magtangkang lumapit at kung ako sa inyo ay kukunin ko ang lahat ng mga basura na itinapon ninyo,” malamig at seryosong sabi ko sa mga ito.
Kasabay noon ay ang pagsimoy ng malakas na hangin. Kita ko ang pagyakap ng mga ito sa kanilang sarili. Pinagbibigyan ko sila kanina pa ngunit ayaw naman nilang makinig. Kaya kung anuman ang mangyari sa kanila ngayon sa mga kamay ko ay hindi ko na kasalanan. Sila ang nagtulak sa kanilang mga sarili sa sitwasyong ito.
Muli akong humugot ng malalim na hininga. “Hindi namin pinapakialaman ang inyong tahanan kaya ‘wag ninyo ring lapastanganin ang amin. Sundin ninyo na lang ang sinasabi ko para matapos na tayo rito,” wika ko habang diretso ang tingin sa mga ito.
Mas lalong napakunot ang noo ng ilan sa kanila ang iba naman ay tinawanan lang ako. Mula pa kanina ay hindi na ako nagbibiro kaya ano ang nakakatawa sa mga sinasabi ko? Hindi bale, kailangan na rin nilang sulitin iyon dahil hindi na sila muling makakatawa nang ganito kalakas sa mga susunod na araw.
“I think she is crazy!” saad naman ng isang lalaki sa matatas na ingles. "Let us just get out of here because she is creeping me out! Geez!"
"Mukhang pakawala yata sa mental ang babae mo, Marlou. Hanap ka na lang ng iba!"
Kani-kaniya silang komento na kesyo nasisiraan na ako ng bait... maswerte sila kung ganoon nga ang nanagyari, ngunit pasensyahan kami dahil malabo pang mangyari iyon.
“Dalawang minuto..." Isang malamig na ngiti ang ibinigay ko sa kanila at kita ko ang ilang nanigas sa kanilang kinatatayuan.
|Dalawang minutong palugit para kunin ang lahat ng mga ikinalat ninyo. Sa oras na matapos iyon at walang kumilos sa inyo ay pasensyahan tayo.”
Pinipilit ko na maging kalmado ngunit hindi nakikisabay ang tubig dahil lumalakas ang pag-alon nito. Halos mapabalik sa pampang si Marlou habang ang kaniyang mga kasama naman ay napaatras para hindi maabot ng tubig-dagat. Umuugong ang dagat na kanina ay kalmado pa. Para itong nagising mula sa mahimbing na pagkakatulog.
“Tumatakbo ang oras, taga-lupa. Wala akong planong patagalin pa ito kapag nagkataon," nagpatuloy na wika ko.
Sumasabay sa lamig ng simoy ng hangin ang kalamigan ng aking boses. Natataranta ang iba sa kanila at hindi malaman kung susundin ako ngunit nanatili ang isang babae na nagmamatigas. Siya lang ang may lakas ng loob na makipagtagisan ng titig sa akin ngunit sa kaibuturan ng kaniyang puso ay ramdam ko ang hindi mapakaling puso.
“‘Wag kayong makinig sa kaniya. Umalis na tayo dahil baliw ang isang ‘yan!” mataas ang tono ng boses na sabi ng babaeng Nicole ang pangalan. "Nag-uubos tayo ng oras sa isang babaeng nasisiraan ng bait ang ulo!"
“Let’s go, babe!”
Hinaltak pa niya ang braso ng kaniyang kasintahan at tumalikod na, ngunit sa puntong ito ay hindi na nila nagawang makaalis dahil ang buhangin na kanilang tinutuntungan ay unti-unting lumulubog hanggang sa pare-pareho silang nahulog sa dagat.
Ito ang unang beses na malalaman nilang may mga katulad namin na namumuhay sa mundong ito at hindi na ako makapaghintay na ipakita sa kanila kung paano ako makaglit.