Chapter Seven

2623 Words
“Oh my gosh! Help!”     “What the f-ck? What in the world is happening?”     “P-tangina! Hindi pa naman ako lasing, hindi ba? Paanong nangyari na nandito tayo?” "Mama ko! Ayoko pa pong mamatay!"     Nagkakagulo silang pito roon at sa tingin ko ay pansamantalang nawala ang pagkalasing dahil sa nangyari. Naghihiyawan sila at hindi magkaintindihan sa paglalangoy pabalik sa pampang ngunit kusang ang tubig na ang humihigit sa kanila pabalik dito. Hindi naman sila malulunod sapagkat hindi pa naman sila tuluyang nilalamon ng dagat. Umaabot hanggang sa kanilang dibdib ang tubig-dagat kaya sigurado akong hindi pa naman nila iyon ikamamatay. Liban na lang kung maisipan ko na wakasan na ang paghihirap at takot nila at mas agahan ang hinihiling nilang kamatayan.     “Kung nakikita lang ninyo ang inyong mga sarili, ganiyan na ganiyan ang mga basurang itinapon ninyo kanina. Ngayon ay tatanungin ko kayo, masaya ba?” malamig na turan ko na siyang nagpalingon sa kanila sa gawi ko.     “You are crazy! You are a monster!” May gigil sa boses na pang-aakusa sa akin ni Nicole. "Sino ka ba? Hindi kami nakikipaglaro sa 'yo kaya tigilan mo na ito!"   Ramdam ko ang inis niya sa akin mula pa kanina kahit na hindi naman kami magkakilala. Ang masasamang tingin na ipinupukol niya sa akin ay tumatagos hangang sa buto ngunit hindi ako makaramdam ng kahit anong takot doon. Akmang lalanguyin nito ang aming pagitan nang pigilan siya ng mga kasama. "Sino ba ang nagsabi sa inyo na nakikipaglaro rin ako? Mula pa kanina ay hindi ako nagbibiro ngunit lahat ng iyon ay dinaan ninyo sa biro," sagot ko sa lapastangang babae. Masyadong matalas ang kaniyang dila.     “She is a monster! Paanong nangyari ‘yon? I am going to kill her!” Nagpupumiglas siya mula sa pagkakahawak ng mga kasama ngunit hindi siya hinayaan ng mga ito.     “Sa tingin ko ay kailangan ninyo munang alamin kung paano kayo makaaalis dito bago mo pagplanuhan na patayin ako.” Nginisian ko siya na sa tingin ko ay mas lalong nagpapuyos ng kaniyang damdamin.     Nakakaintindi ako ng ingles dahil na rin sa mga libro na aking binabasa at sa panonood ng mga programa sa telebisyon na makatutulong para mahasa ang aking karunungan. Kahit kailan ay hindi pa rin ako nakapapasok sa kahit anong institusyon. Sa mundo namin sa ilalim ng dagat ay mayroon ding mga paaralan at unibersidad para sa mga tulad ko at alam kong ganoon din dito sa mundo ng mga taga-lupa, ngunit sa sitwasyon na mayroon ako ay malabong makapasok ako roon. Hindi na binalak pa ng aking ina na magkaroon ako ng pribadong guro na magtuturo sa akin dahil ayaw niyang isaalang-alang ang kaligtasan ko.     Sa positibong pananaw ay hindi ko rin halos kailangan noon. Ang aking ina na si Reyna Anahita ay ang siyang nauna kong guro noong bata pa ako at sa tuwing wala siyang masyadong trabaho ay hindi siya nakalilimot na ibahagi sa akin ang mga bagay na sa tingin niya ay hindi ko pa alam. Ngayong nasa edad na ako ay masasabi ko na kaya ko ring makipagsabayan sa iba na nakapag-aral.     “Look, miss. Hindi ka namin kilala. Hindi namin alam kung sino ka, pero bakit mo ginagawa sa amin ito?” naguguluhang tanong ng isang lalaki na umaabot hanggang balikat ang makintab na buhok.      Napatawa ako. “Sa tingin ko ay alam ninyo na iyon.”  Kanina ko pa sinasabi sa kanila iyon ngunit mas ipinagsisiksikan nila sa kanilang sarili na nagbibiro lang ako. Sa ganitong pagkakataon at kapag ang aming tahanan na ang pinag-uusapan ay wala akong balak na makipaglokohan sa kanila.     Lumusong ako sa tubig at maya-maya lang ay nasa mismong harapan na nila ako. Rinig na rinig ko ang malalakas nilang singhapan.     “Oh, holy!” sabay-sabay na bulalas nila nang makita ako nang malapitan.     “Gusto ko lang naman na ‘wag ninyong lapastanganin ang tirahan namin sapagkat kailanman ay hindi namin pinakailaman ang sa inyo. Gaano ba kahirap umintindi ang mga taga-lupa na gaya ninyo?” sabi ko at malungkot na tinanaw ang mga basura na nagpapalutang-lutang sa tubig kagaya nila.   Kumpara sa amin, sila ang mas nagkakaroon ng pagkakataon na makapasok sa isang unibersidad at bigyan sila ng maayos na edukasyon. Pero bakit daig pa nila ang mga nilalang na pinagkaitan ng kaalaman? Sa tingin ko nga ay hindi na kailangan noon para sa simpleng pagtatapon lang ng basura.    “What? Ano ba ang sinasabi mo, miss? At ano'ng tirahan? Sabog ka ba?” Naisuklay ng isang babaeng kulot ang daliri sa kaniyang buhok. “Hello? Pare-pareho lang tayong nakatira sa Earth. Nakahithit ka ba ng katol? Sabihin mo lang kung ano'ng brand para iiwasan namin! P-cha!”     “Baka nga bagong labas ng mental. Pagpasensyahan ninyo na! Maganda sana kaso mukhang maluwag ang turnilyo sa utak,” may pang-uuyam na sabi pa ng isa.     “Okay na sa akin kahit may ubo ang utak basta maganda,” pasaring na ani naman noong Marlou ang pangalan, kapagkuwan ay nagtawanan sila.     Nawala ang kaba at pagkalito kung paano sila nakarating sa sitwasyon na ito at napalitan iyon ng pagtatawanan. Bumubulabog sa katahimikan ng gabi ang malalakas nilang halakhak na animo ay wala ako sa kanilang harapan.     “Gusto ninyo ba na malaman kung ano ang tinutukoy kong tirahan?” tanong ko na kaagad na nagpatigil sa kanila.     Isang mapaglarong ngisi ang ibinigay ko sa mga ito at bago pa sila makapagsalita ay pare-pareho na kaming nilamon ng tubig.     “Prinsesa!” Narinig ko pa ang malakas na sigaw ni Georgette ngunit hindi ko na binigyan pa ng pansin iyon. Ang gusto kong gawin ngayon ay bigyan ng leksyon ang mga kabataan na nasa aking harapan.     Magkakasabay kaming lumubog sa ilalim ng dagat. May isang liwanag na agad na pumalibot sa amin para makita nila ang lahat. Para magkaroon sila ng ideya kung ano ang tinutukoy ko na kanina pa nilang pinagtatawanan.     “Tingnan ninyo… tingnan ninyo ang tirahan namin na unti-unti ninyong sinisira!” Ramdam ko ang galit sa aking boses habang malalamig ang tingin sa mga nilalang na taga-lupa na nasa aking harapan.     Kitang-kita ko ang panlalaki ng kanilang mga mata habang nakatingin sa akin… pababa sa kalahati ng aking katawan na ibang-iba kumpara sa kanila.     “Sire— ack!” Akmang magsasalita ang isa sa kanila ngunit agad ding natigilan nang pangapusan agad ito ng hininga. Mabilis na pumasok ang tubig dagat sa kaniya habang hindi naman magkaintindihan ang mga kasama kung paano siya ililigtas.     Nagkani-kaniya silang langoy pataas ngunit kahit anong pilit nila ay may kung anong pwersa na humihigop sa kanila pailalim. Hindi ko alam kung ano ang dahilan kung bakit kailangan pa nilang itapon sa dagat ang mga basura na kanilang ginamit? Gaano ba kahirap na itapon iyon sa tamang lugar.     “Gusto kong iparanas sa inyo ang mararanasan ng mga nilalang na naninirahan dito sa ilalim kapag patuloy kayong nagtapon ng basura.” Sinigurado ko na maiintindihan nila ang bawat salita na lumalabas sa aking bibig at tumatak iyon sa kanilang utak.     Noong makita ko na pare-pareho na silang nauubusan ng hininga at bago pa matuluyan ay ibinalik ko na sila sa pampang. Habol ang hininga ng mga ito at pilit na ikinakalma ang mga sarili. Sunod-sunod na pag-ubo ang maririnig mula sa kanila kasabay ng ilang paghikbi.     Gamit ang tubig ay unti-unti akong umangat para makalapit sa kanila. Halos mamutla ang kanilang mga mukha habang pinagmamasdan ako. Walang nagtangkang magsalita ngunit bakas sa kanilang mga mukha ang matinding takot at hindi halos makapaniwala sa mga nangyayari.   Sino ba ang hindi magugulat kung sa harapan mo ay magpapakita ang isang nilalang na wala sa hinagap mo na totoo pala. Na akala ng lahat ay kathang-isip lamang at nabubuhay sa imahinasyon ng ibang mga nilalang.   “Sa tingin ko ay alam ninyo na ang mundong tinutukoy ko. At ngayon ay hindi pa tapos ang pagbabayad ninyo sa kalapastangan na ginawa ninyo.” Ngumiti ako ng matamis sa kanila ngunit kabaliktaran noon ang naghihintay sa kanila.     Itinaas ko ang magkabila kong kamay dahil kasabay noon ay ang pag-angat ng mga basura na sila ring may kagagawan at kani-kanina lang ay nagpapalutang-lutang sa dagat.     “Oh, f-ck! Tell me, I am just dreaming!” Kung kanina ay palaban ang ekspresyon ng mukha ni Nicole, ngayon ay balot na iyon ng takot at hilam ang luha sa kaniyang mukha. "Ayoko nito! Sana nananaginip lang ako!"    “Gusto ko lang ibalik ang mga bagay na sa tingin ko ay inyo rin. Ingatan ninyong mabuti.”     Kasabay nang pagpitik ko ng aking daliri ay ang pagdaluhong sa kanila ng mga plastic at bote na kanilang itinapon. Hindi na nagawang makatakbo pa ng mga ito para makaiwas dahil parang may sariling buhay nag mabilis na dumikit sa kanilang katawan ang mga basura.     Ah! Kay gandang pagmasdan. Panibagong palamuti sa kanilang katawan. Siguradong maalaala nilang lagi ang mga bagay na ito.     “Paalam. Hanggang sa muli nating pagkikita, mga lapastangan!”     Isa pang ngiti ang ibinigay ko sa kanila at huling pagkaway bago nagpatihulog sa tubig at mabilis na lumangoy palayo sa pampang. Kahit nasa ilalim na ng dagat ay rinig na rinig ko ang malakas na hiyawan at pagpalahaw ng mga iyon na umani ng isang ngisi sa aking mga labi.     Nababagay lang iyon sa mga nilalang na katulad nila. Kapag parati silang hinahayaan ay parati rin nila iyong gagawin. Sa tingin ko ay tama lang na turuan sila ng leksyon sapagkat sino pa ba ang magpoprotekta sa tirahan namin, kung hindi kami rin naman?     Mabilis na tinungo ko ang bato na kanina pang pinagkukublian ni Georgette. Katulad nang iniutos ko sa kaniya kaninang ‘wag umalis ay nanatili siya sa kaniyang pwesto mula pa kanina. Hindi pa niya halos naramdaman ang presensya ko sapagkat nakatulala siya sa mga taga-lupa na hindi malaman kung ano ang gagawin.     “Umalis na tayo, Georgette.” Tinapik ko ang kaniyang balikat at halos mapatalon siya sa kaniyang pwesto.     “Ay anak ka ng pating!” Sapo ang dibdib na humarap siya sa akin.     “Hindi nga ako anak ng pating, Georgette!” Tumalikod na ako sa kaniya at bago pa lumusong ay muli akong nagsalita.     “Tayo na’t lumisan. Nawalan na ako ng gana rito,” wika ko at nagpatiuna nang lumangoy. Sa susunod na paglabas namin ay siguradong hindi na ako magagawa rito. Baka hindi lang sila ang mga unang taga-lupa na makatanggap ng bangis ko.     “Sandali, prinsesa…” Ramdam ko ang pagkukumahog ni Georgette habang tinatawag ako.     Napasulyap ako sa relong pambisig at may sampung minuto na lang kami na natitira bago bumalik sa dati ang kulay ng aking buntot. Akala ko ay magiging masaya ang pagpunta ko sa ibabaw ng dagat ngunit panandalian lang pala iyon.     “Prinsesa, sandali lang po.” Binagalan ko ang paglangoy nang mabakasan ang hingal sa boses ng aking kasama. Bahagya akong napangiti dahil doon.     “Walang kupas, prinsesa. Ang bilis mo pa rin pong lumangoy.” Napangisi ako sa tinuran ni Georgette. Ngayon ay magkasabay na naming binabagtas ang direksyon pabalik ng aming kaharian.     Ipinagpatuloy lang namin ang paglangoy dahil medyo malayo rin iyon. Nararamdaman ko na rin ang pagbalik ng dating kulay ng aking buntot at bago pa mangyari iyon ay dapat nasa loob na ako ng aking silid.     “Prinsesa…” mahinang tawag ni Georgette sa akin.     “Hmmm?” Bahagya ko siyang tiningnan bago muling ibinalik ang tingin sa harapan.     “P-paano po ‘yon?” tanong niya na mayroong pag-aalala.     Napakunot pa ang aking noo dahil hindi ko agad nakuha kung ano ang ibig niyang sabihin.     “Ang ano ‘yon, Georgette?” Hindi ko kasi maintindihan ang gusto niyang iparating.     Pansin ko ang pag-aalinlangan pa niya bago muling nagpatuloy. “Nakita ka nila, prinsesa. Malabong hindi nila ipagsabi iyon, at baka makarating din sa reyna. Kung mamalasin pa ay baka pati sa ibang kaharian ay makarating din iyon. Matagal na ang panahon na walang nakakaalam na namumuhay tayo rito sa mundo, prinsesa. Natatakot po ako… natatakot ako sa kaligtasan mo,” mahabang sabi niya at punung-puno ng pag-aalala ang kaniyang boses.     Kung kanina ay binagalan ko ang aking paglangoy, ngayon ay tuluyan na akong huminto. Wala na akong pakialam kung sakali na maabutan ako ng pagbabago ng kulay ng aking buntot dito. Hinarap ko si Georgette na ngayon ay hindi maipagkakaila ang bumabahid na emosyon sa kaniyang mukha. Kita ko ang pangamba at pag-aalala roon.     Ngumiti ako sa kaniya at hinawakan ang kaniyang balikat. “Hindi mo kailangang matakot, Georgette. Hindi na nila malalaman ang tungkol sa akin dahil sa oras na naglaho ako sa kanilang harapan ay kasabay rin noon ang pagkawala ng alaala nila tungkol sa akin,” sabi ko sa kaniya para paglubagin ang kaniyang loob.     Agad naman nagliwanag ang kaniyang mukha at pagkatapos ay nakahinga nang maluwag. “Oo nga pala. Nakalimutan ko na kaharap ko nga pala ang pinaka-makapangyarihang nilalang sa ilalim ng dagat,” napapalatak na sabi niya.     Napailing na lang ako. “Tama na nga ‘yan. Tara na dahil babalik na sa dating kulay ang aking buntot.” Nagpatiuna na akong lumangoy at agad naman siyang sumunod sa akin.     Napapangiti ako habang pinagmamasdan ang mga pulutong ng isda na nakakasalubong namin. Kung minsan ay napapahinto pa ito sa aking harapan ngunit muling magpapatuloy kapag tinatanguan ko.     “Minsan po kasi ay nakakalimutan ko dahil sa sobrang lowkey mo, prinsesa. Hindi mo pinaparamdam na mas makapangyariha ka sa kahit na sino,” hirit pa na wika niya habang sinasabayan ako.     Nangunot ang aking noo. Lowkey? Ano naman ‘yon?     “Ano namang salita ‘yan, Georgette? Saan mo na naman napulot ‘yan?” naguguluhang tanong ko sa kaniya.     Napahagikhik siya. “Lowkey, prinsesa. Ibig sabihin noon ay low profile ka lang. Ayaw mo nang masyadong pabida. Ganoon ‘yon!” paliwanag niya.     Napailing na lang ako at napabuntong-hininga. “Ewan ko sa ‘yo, Georgette. Bilisan na lang natin.”     Napapatawa na binilisan ko na ang paglangoy. Ang ibang mga kakaibang salita ay sa kaniya ko rin natutunan. Hindi ko nga alam kung saan niya napupulot ang mga iyon.     Malapit na kami sa palasyo kaya mas pinakiramdaman namin ang paligid. Kailangang mag-ingat kapag ganitong nasa hangganan na kami ng Warvigor. Ginamit ko na rin ang kapangyarihan ko para itago ang presensya naming dalawa ni Georgette para kung sakali man na may makasalubong kami na kawal ng aming kaharian ay hindi kami mahuhuli.     “P-parang ang dami yatang sireno sa labas?” wala sa loob na sabi ni Georgette kaya napatingin ako sa lugar na tinitingnan niya.     Papunta na sana kami sa lagusan na nagdudugtong lang sa aking silid nang mapatingin ako sa unahang bahagi ng palasyo at halos manlaki ang aking mga mata nang makita ang bilang ng mga sireno at sirena roon. Hindi naman na bago iyon pero kakaiba ang dami ng nasa labas ng aming kaharian.     “D-dumating yata ang prinsipe…” Halos naging pabulong na lang na anas ni Georgette.     Nanlalaki ang mga mata na nagkatinginan kaming dalawa at wala pang segundo nang pumulas kami ng langoy pabalik sa aking silid. Hindi pwedeng mahuli dahil bumalik na ang aking nakatatandang kapatid, dahil sa oras na tumuntong siya sa palasyo mula sa misyon ay ang silid ko ang unang pinupuntahan niya. Hindi pwedeng malaman niya na wala ako roon.     “Magmadali ka, Georgette. Malalagot tayo kapag nagkataon!” may pagmamadali na sabi ko at halos magpulasan ang mga isda na nadaanan namin.     Ipinagdadasal ko na sana ay maunahan ko si Kuya Alon dahil kung nagkataon na nandoon na siya, tapos na ang maliligayang araw ko. Mawawalan na ako ng kalayaan na lumabas kahit palihim pa iyon.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD