Warren Guevarra’s PoV
“Sinabi ko na kasi sa inyo!” Inis na sabi ni Lex. “Nagkamali kayo ng wrong move!”
Walang sumagot kahit isa. Pagkalabas namin ng bahay ay wala na ang mga kasama naming ibang estudyante, miski ang bus na sinakyan namin kanina ay wala.
Pero ang kinakabahala namin ay ang bahay na nasa harapan namin ngayon, nang dumating kami rito ay lumang-luma na ang itsura. May mga kaunting anay na, ngunit ngayon ay bagong-bago ang itsura nito na animo’y bagong gawa lang.
“Parang napag-tripan yata tayo," bulong ni Gian.
“Anong napag-tripan? Tignan niyo nga ‘yung paligid, nag-iba!” sabi ni Lex.
Napalingon na naman ako sa paligid, wala na naman nakapagsalita dahil tama ang sinabi niya. Nag-iba nga talaga ang paligid, ang mga puno na kanina’y halos nauubusan na ng mga dahon— ngayon ay malusog na ‘yon pati na rin sa mga bunga.
Hindi ko rin maiwasan na mapaisip, anong nangyari?
“Subukan ulit natin umakyat sa pinaka-taas,” sabi ko.
Walang sabi-sabi na pumasok ulit kami sa loob ng bahay, umakyat kami sa pinakataas at bumaba ulit. Nagbabakasakali na pagbaba namin ay balik na ulit sa normal, pero gano’n pa rin.
“Na-engkanto yata tayo,” ani Lex.
Kunot noo na napatingin kami sa kanya. Parang gusto ko na rin paniwalaan ang sinasabi niya, paano nga kung totoo pala ‘yon?
Teka, ano ba ang pangontra sa engkanto?
“Baliktarin natin ang mga suot nating damit,” sabi ko.
Parang batang sumunod sila Jake at hinubad ang mga damit nila kaya gano’n din ang ginawa ko, binaliktad ko ang suot ko at sinuot ulit. Pinagmasdan namin ang paligid at tinignan kung nakabalik na ba ang lahat sa normal pero parang wala naman nagbago.
“Hindi kaya’y kasama ang pang-ibaba?” tanong ni Ken.
Nauna nang hinubad ni Gino ang suot na pantalon. “Wala naman mawawala kung susubukan e.”
Kahit alam kong mukha kaming tanga ay nakigaya na lang din ako, baka mamaya ay maiwan pa ako mag-isa rito pag umepekto.
“Par, kasama ba ‘yung brief?” tanong ni Jake habang tumatawa. “Gago, isama na natin.”
Napabuntong-hininga ako at hinubad ulit ang pantalon ko, kasama ang brief ko, tapos binaliktad ko iyon at sinuot ulit. Sa gilid ng mata ko ay nakita ko si Gian na saglit napatingin kay Ken, magkatabi kasi sila.
“Par, ano ‘yan? Ba’t may kikiam ka riyan?” tanong niya.
Nag-angat ng tingin si Ken. “Ulols, gusto mo balasahin kita?”
“Gusto mo batukan kita sa mukha?” Balik na tanong naman ni Gian.
“Sino kayo? Anong ginagawa niyo rito? Bakit kayo mga nakahubad?”
Parang slow motion na napalingon kaming anim nang marinig ang boses na iyon, nakita namin ang dalawang lalaki na animo’y mga pulis na nakatayo sa may gate. Pinagmamasdan kami… habang nakahubad kami.
“Private property ito!” sigaw no’ng isa. Mabilis na humakbang palapit ang mga iyon sa’min kaya’t kumunot ang noo ko, mukhang balak nila kaming hulihin!
Nagmamadali kong isinuot ang pantalon ko, susuotin pa sana ni Jake ang sapatos niya pero hinila na siya ni Ken. Nagtakbuhan na kami palayo.
“Dalhin mo na lang ‘yan!” sabi nito.
Dinampot na lang ni Jake ang sapatos niya at nagmamadaling sumunod sa’min.
“Hoy! Bumalik kayo rito!”
Mas binilisan namin ang pagtakbo dahil sa sigaw na ‘yon, walang pagdadalawang-isip na umakyat ako sa mababang bakod na nakita ko. Lumingon ako sa mga kasama ko at nakitang gano’n din ang ginawa nila, pagkababa namin sa kabila ay hindi namin malaman kung saan kami pupunta dahil hindi pamilyar sa’min ang mga daan.
Sh¡t, nasaan ba kami?
“Doon.” Tinuro ni Jake ang lugar kung saan maraming tao kaya’t nagtakbuhan kami ro’n.
Pumasok agad ako sa bilihan ng mga damit, nagtago ako sa ilalim ng lamesa na pinagpapatungan ng mga damit na binebenta.
Lumingon-lingon ako sa paligid, hindi ko malaman kung saan nagtago ang mga gunggong.
Pinagpawisan ako ng malagkit nang makitang nadaanan ako no’ng isa sa mga pulis, nakahinga ako ng maluwang nang lumagpas lang ‘yon.
“William?”
Napaangat ako ng tingin nang marinig ang boses na iyon, isang babae ang nagsalita. Agad akong napatayo dahil nakaramdam ako ng hiya, nakatago pa rin kasi ako sa ilalim ng lamesa.
“Anong ginagawa mo rito, Wil?” tanong pa niya.
William? Pangalan iyon ng erpats ko.
“Hindi ako si William,” sambit ko at pinagpagan ang sarili habang inililibot ng tingin ang paligid.
Sa hindi kalayuan ay nakita ko sina Jake at Gian na magkasama, halatang naghahanap sila.
“Anong hindi ikaw si William? Ayos ka lang ba? Hindi ka pumasok kanina, ah.”
Napabaling ulit ako sa babae at kumunot ang noo. “Hindi nga ako si William, Warren ang pangalan ko.”
“Hindi ko alam na loko ka rin pala!” Tumawa siya. “Tigilan mo ko, Guevarra!”
Natigilan ako dahil doon. Apelyido ko ang Guevarra, at si William Guevarra ay ang erpat ko. Bakit ako tinatawag ng babaeng ‘to sa pangalan ng tatay ko?
“Kilala mo si papa?” tanong ko
Nagtaka ang itsura niya. “H-hindi, bakit ko naman makikilala ang papa mo?”
“Par, tara!” Napalingon ako kay Gian nang marinig ang boses niya. May sinabi pa ‘yung babae pero hindi ko na iyon pinansin, lumapit na agad ko kila Jake.
“Ayos ah, hinahabol na ng pulis pero may chikababes pa rin.”
Nilingon ko si Jake. “Selos ka?”
“Oo,” sagot nito at umaktong nasasaktan. “Gusto ko ay ako lang ang gravy sa ibabaw ng iyong chicken joy.”
Napangiwi ako. “Nakakapanginig ka ng laman, Montero.”
Humalakhak siya at pinakyu-han ako bago sumunod kila Gian na nauunang maglakad.
“Saan na tayo pupunta?” tanong ni Gino.
“Uuwi tayo. Magtanong-tanong na lang tayo ng daan pauwi,” sagot ko.
“Bago ‘yan, par. Pwede bang bumili muna tayo ng maiinom?” ani Gian.
Nagpunta kami sa isang tindahan na una naming nadaanan, kumatok si Gian sa tindahan kaya’t lumabas mula sa pinto ang isang matandang babae.
“May sprite kayo?” tanong niya.
“Meron.”
“Isang bote nga,” sagot niya at nilingon kami. “Hati-hati lang, walang bakawan.”
“Ikaw lang naman ang bakaw dito,” ani Ken.
Tumango si Gian. “Huwag kang iinom ah.”
Sasagot na sana si Ken pero nagsalita na ang tindera mula sa loob, dala ang isang bote ng sprite.
“Nasaan ang bayad?” tanong nito.
Nagbigay si Gian ng singkwenta pesos, mabuti na lang ay may pakinabang din pala ang isang ‘to at may dalang pera. Kanina pa rin ako nauuhaw dahil pagtakbo namin.
Iniwan pa naman namin ang mga gamit namin sa bus kanina kaya wala akong pera ngayon. Pati na rin ang mga phone namin dahil bawal kumuha ng litrato sa loob ng bahay.
Hindi tinanggap no’ng matanda ang singkwenta pesos, pinagmasdan lang niya iyon at kumunot ang noo.
“Ano iyan? Bakit binibigyan mo ako ng pekeng pera?”
“Huh?” Nagtatakang tanong ni Gian at binawi ang inaabot na pera.
Lumapit ako at pinagmasdan ang pera, hindi naman iyon peke. Isa nga ito sa mga bagong pera na inilabas ngayong taon.
“Nay, hindi naman peke ah,” ani Jake at siya na mismo ang nag-abot ng pera sa matanda.
Galit na pinagmasdan niya kami. “Aba’y, niloloko niyo ako! Umalis kayo rito sa tindahan ko! Wala na talagang magawa ang mga kabataan ngayon!”
Ilang segundo kaming natigilan nang pagbagsakan niya kami ng bintana, nagkatinginan kami at iiling-iling na umalis sa tindahan.
“Sa iba na lang tayo bumili,” sabi ko.
Lumapit kami sa isang tindahan na katabi lang ng pinagbilhan namin kanina, nagtanong kami kung may sprite at sinabi na meron nga.
“Isang bote, boss.”
“Ay! Huwag mong pagbilhan iyan! Nanloloko lang ang mga batang iyan!” Gulat na napalingon kaming lahat nang lumapit ang matandang tindera kanina, kinakausap niya ang lalaking tindero na pinagbibilhan namin ngayon.
Kumunot ang noo nito. “Bakit, nay? Anong ginawa ng mga ito?”
“Aba’t, ibabayad sa’kin ay pekeng pera! Akala yata nila na porket matanda ako ay hindi ko na mapapansin!”
Napakamot sa ulo si Lex.. “Nay, hindi po talaga—”
“Ipakita niyo nga! Ipakita niyo!”
Bumubuntong-hininga na iniabot ni Gian ang pera sa matanda. Pinipilit lang namin kumalma dahil matanda na ‘yung tindera, ganito yata talaga kapag tumatanda na.
“Oh, tignan mo! Anong pera iyan? Gawa-gawa lang yata nila iyan!” Galit na sabi niya.
Magsasalita na sana si Jake pero nagsalita na rin ang tindero. “Oo nga, peke ito. Anong pera ito? Lolokohin niyo pa ang matanda!”
Halos malaglag ang panga naming lahat dahil sa pagtataka. Nilabas ni Gino ang isang-daan sa bulsa niya at inabot sa mga ito.
“Ito na lang, para matapos na.”
Pinagmasdan no’ng dalawa ang pera at maya-maya ay tumawa ‘yung lalaki. “Gusto niyo ipa-pulis ko kayo dahil sa panloloko niyo? Parang mga wala kayong magawa ah!”
“Teka—”
“Ito, ito ang totoong pera!” Pinakita sa’min no’ng tindero ang pera na iba ang itsura. “Saan ba kayo nanggaling at iba ang pera niyo, akala niyo yata ay may mabibiktima kayo rito!”
Nagtatakang nagkatinginan kaming anim, iba nga ang pinakita nitong pera at pamilyar iyon!
“Tara na,” sabi ni Gino at nauna nang umalis kaya’t nagtatakang sumunod sila Jake.
“Pinag-mukhang tanga lang tayo ng mga iyon.” Nayayamot na sabi ni Ken.
Pinagmasdan ko ang paligid, may kakaiba talaga. Ang mga tono ng pananalita ng mga tao, ang mga binibigkas nilang mga salita. At nang dumapo ang tingin ko sa kalendaryo na nakapaskil sa isang barber shop ay saka ko lang nakumpirma ang hinala ko.
Tumigil ako sa paglalakad. “Hindi, par. Nakikilala ko ang pera na pinakita nila.”
“Oh, saan ‘yon?”
“Nakita ko ‘yung mga pera na iyon sa mga koleksyon ni mama, ‘yung mga lumang pera.”
“Luma pala, e bakit iyon ang ginagamit nila?” Nalilitong tanong ni Lex.
“Tingnan niyo.” Nginuso ko ang kalendaryo na nakita ko.
Ang nakalagay doon— Marso, 1998.