Alexander Cabrera’s PoV
“Imposible ‘to, kalokohan.”
Kanina pa ako pabalik-balik sa paglalakad, sina Gian naman ay nakaupo sa mga duyan. Sa isang playground kami tumambay dahil doon walang tao, hindi namin alam kung saan kami pupunta dahil wala kaming kaalam-alam sa lugar na ito.
Ano ba talaga ang nangyayari?
“Kasalanan niyo ‘to!” Nagpamewang ako at pinagmasdan ang mga hayop kong kasama.
Si Jake ay nakaupo lang sa isang bench, katabi si Warren. Si Gian at Ken ay nakaupo sa duyan, at si Gino ay nakatayo lang sa gilid— nakasandal sa isang puno.
“Oh, ano? Hindi kayo makasagot? Baka dahil kaya hindi tayo pinayagan umakyat doon sa pinakataas dahil ganito ang mangyayari.” Tumingala ako at inis na pumikit. “Awit sa inyo, tangina.”
Tumawa si Gian. Hindi ko alam kung bakit siya tumatawa, nababaliw na yata ang isang ‘to.
“Hinahanap na kaya nila tayo?” Wala sa sariling tanong ni Gino.
“Hala, pusang gala!” Napatayo si Ken mula sa duyan. “Death anniversary ni Lola bukas, patay na naman ako sa ermats ko.”
Napangiwi kaming lahat, ang sungit kasi talaga ng mama ni Ken. Pero mabait naman iyon kapag sumusunod kami.
“Lagot ka, par. Kapag nagkataon, magiging pareho kayo nang death anniversary ng Lola mo.” Pang aasar ni Jake.
Sarkastikong tumawa si Ken habang humahawak pa sa tiyan niya, kunwari ay tawang tawa. “Nakakatawa ka talaga, ang sakit ng appendix ko sa kaka-laughter.”
“Par..”
Napalingon kaming lahat kay Gino nang may ituro siya gamit ang nguso, sinundan namin ng tingin ang nginunguso niya at nakita namin ang ilang mga babae na nakatayo sa hindi kalayuan sa’min. Nasa kabilang bahagi lang sila ng daan.
Kahit na alam na namin ngayon na nasa taong 1998 kami ay napansin ko na hindi gaano nagbago ang pananamit ng mga tao, nagbago nga pero sa present ay ginagaya na ng mga tao kung paano manamit ang mga nasa nakaraan.
Tulad ng mga babae na tinitignan namin ngayon. Ang iba sa kanila ay nakasuot ng maluluwang na damit, ang iba ay naka-tucked in pa sa pantalon nilang konti na lang ay aabot na sa bandang dibdib.
Hindi namin maiwasang mamangha sa mga sapatos na suot nila, ang classic kasi ng mga iyon.
“Arat,” aya ni Ken kaya’t akmang susunod na sana si Gino. Ang dalawang ito talaga ang magka-partner sa pang bababae, mga tigang!
“Kadiri kayo, isipin niyo nga na matanda na ang mga ‘yan sa kasalukuyang panahon.” Nagpatigil sa kanila ang sinabi ni Jake.
Aba, unang beses mula nang magkakilala kami ay may nasabi rin si Jake na may sense.
Ngumisi si Gino. “Ang mahalaga ay ‘yung ngayon.”
Tumawid na silang dalawa papunta ro’n sa mga babae kaya’t iiling-iling na sumunod kami nina Gian.
Hindi pa kami tuluyang nakakatawid ng kalsada ay lumingon na ‘yung isa, ngunit parang napako ang mga paa namin sa kalsada nang makita namin ang mukha no’ng babae.
Kamukha ng mama ni Warren!
Napaigtad kaming lahat nang businahan kami ng padaan na sasakyan, nasa gitna kasi kami ng kalsada. Nagmamadali kaming gumilid at nilapitan kami no’ng babae na kamukha ng mama ni Warren.
“Hoy, anong ginagawa niyo? Magpapakamatay ba kayo?” tanong niya.
Hindi makapagsalita na pinagmasdan namin ang babae. Ngayong malapitan ay lalo naming napagtanto na sobrang kamukha pala talaga, pati na rin ang maliit na nunal nito sa kaliwang mata nito.
“Lauren?” tanong ni Warren, nagdadalawang isip. Lauren ang pangalan ng mama niya.
Kumunot ang noo nito. “Bakit, Wiliam? Ayos lang ba kayo? Para kayong mga wala sa sarili!”
Parang nabulunan sa sariling laway si Warren. William nga ang pangalan ng papa niya at nagkataon na Lauren din ang pangalan ng babaeng kamukhang-kamukha ng mama ni Warren!
Nagkataon nga lang ba talaga?
Napatakip ako sa bibig ko na kamukha ni Leonardo DiCaprio at binaling ang tingin sa mga babae pa na palapit. Isa-isa ko pinagmasdan iyon at lahat ng iyon ay kamukha ng mga nanay namin!
Tumigil ang mata ko sa isang kamukhang-kamukha ni mama, nakatingin siya sa’kin at maya-maya ay umirap.
“Anong tinitingin mo?” tanong niya sa’kin.
“Cassandra?” tanong ko pabalik.
Pilit itong tumawa at umirap ulit. “Baliw talaga.”
Napahawak ako sa noo ko na kamukha ni Harry Styles, para na yata talaga akong mababaliw dahil sa nangyayari. Kung hindi ako nagkakamali ay bumalik kami sa panahon na kung saan kaedad lang namin ang mga nanay namin!
At nasa katauhan kami ng mga tatay namin sa panahong 1998!
“Dino, ang sabi mo sa’kin ay nasa bahay ka pa?” sabi ng isa sa mga ito habang nakatingin kay Gino, kamukha iyon ng mama niya!
“Huh?” Nagtataka niyang tanong.
Hindi nakapagsalita si Gino, halatang dahil iyon sa kamukhang-kamukha ng mama niya ‘yung babae.
Sumimangot ito at inilabas ang Nokia 3110 mula sa bulsa nito. “Tinext mo ako, magkikita sana tayo maya-maya at ang sabi mo ay nasa bahay ka pa ninyo!”
“Uh..” Napangiwi si Gino. Bigla kong naalala ang kinuwento nila papa dati na sa mga magulang namin lahat ay ang magulang ni Gino ang unang nagkatuluyan, mukhang nang mga panahong ito ay mag-jowa na ang mama’t papa niya!
Sh¡t, hindi ko maiwasan na mamangha.
“Par, suyuin mo,” bulong ni Ken na natatawa.
“Sweet home Alabama,” sambit ni Gian.
Narinig ko pang tumawa si Jake at sumabat. “What are you doing, step-mom?”
“Mga tarantado.”
“Alis na nga tayo rito! Doon na lang tayo sa bahay!” Galit na sabi ni tita Greta, ang mama ni Gino.
Hinila niya ang ibang babae palayo sa’min, ngunit hindi agad umalis ang isa. Galit na pinagmasdan nito si Gino.
Ang masungit na mama ni Ken, si Anji!
“Wala ka talagang kwenta.” Galit na sabi nito bago tumalikod at nagmartsa paalis.
Hindi makapaniwalang nagkatinginan kaming lahat, binalik namin ang tingin sa mga batang bersyon ng mga nanay namin na ngayon ay malayo na ang narating.
Huminga ng malalim si Warren. “Mukhang kailangan natin hanapin kung saan nakatira ang mga tatay natin no’ng 1998.”
“Wala tayong kaalam-alam sa lugar na ito,” apila ni Ken.
“Diba’t sinabi ng mama ni Gino na sa bahay na lang nila sila?” ani Warren kaya’t tumango kaming lahat. “Pwedeng malapit lang ang bahay nila mama sa bahay nila papa dati.”
“Edi susundan natin sila?” tanong ni Jake.
Ngumisi si Warren at tumango. “Huwag lang tayong magpapahuli.”