Kenji Tamayo’s POVㅤㅤ ㅤㅤㅤㅤ ㅤㅤ
Kanina pa kami naglalakad, sinusundan kasi namin sila mama dahil nagbabakasakali kami na malapit dito ang bahay ng mga erpats namin dati.
Tangina, hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na nandito kami ngayon. Pero ano pa nga bang magagawa namin? Ika nga nila, life is full of mystery.
“Kailan ba titigil ‘tong mga ‘to? Ang init pa naman,” reklamo ni Jake habang nagtatago kami sa isang pader, pinapanood namin sila mama na nag-uusap habang naglalakad.
Nilingon ko si Jake at hindi na ako nagulat nang makita kung gaano kalukot ang mukha niya, ang asim na naman ng pagmumukha.
“Par, endorser ka ba ng sinigang mix?” tanong ko.
“Ulol.”
Sasagot pa sana ako pero nagsalita na si Warren. “Ayan na yata, papasok na sila sa loob.”
Pinanood namin sila mama habang pumapasok sa isang hindi kalakihan na bahay, nang makapasok na sila lahat ay isa-isa kaming lumabas sa pinagtataguan namin.
“Oh, ngayon, ano na gagawin natin?” tanong ni Lex. tumingin kaming lahat kay Warren dahil siya ang nag-isip na sundan namin sila mama.
Napakamot siya sa ulo habang nililibot ng tingin ang paligid, wala talaga akong nakikitang pamilyar sa lugar na ‘to. Nasabi nila papa na nang mamatay ang lola ko rito ay umalis na sila sa lugar na ‘to. Kaya hindi ko naranasan na tumira sa dating bahay nila papa.
“Teka, maglakad tayo ng konti ro’n,” sabi ni Gian kaya’t napalingon kaming lahat sa kanya.
“Kapag ito katangahan na naman ah,” bulyaw ni Gino.
Napatigil sa paglalakad si Gian at lumingon, tinuro niya ang kabilang bahagi ng daan. “Gago, seryoso, par. Punta ka ro’n.”
“Bakit?” tanong ng uto-u***g si Gino habang sinusunod ang sinabi ni Gian. Tangina, hindi maganda ang kutob ko rito. Hindi ko alam kung bakit nagpapaniwala ang tanga sa isa pang tanga.
Tumango si Gian. “Basta, dumiretso ka pa. Tapos kapag may nakita kang liwanag, sumama ka na.”
Sabi na e, ako lang naman ang nagseseryoso sa barkadang ‘to.
“Kung mamamatay lang din naman ang lahat ng tao, bakit hindi ka pa mauna?” sambit ni Gino.
“Biro lang, par. Alam mo namang ikaw lang ang star ng buhay ko e,” malanding sabi ni Gian.
“Luh, kakilig.”
“Gano’n talaga, kasi kumikinang ina ka.”
“Alam mo, putangina mo.”
“Hahahahahahaha!”
“Bukod do’n, puro kanto pa ang mukha,” singit ni Lex.
Lumingon si Gino kay Lex. “Isa ka pa, ang dami-dami mong pwedeng iambag sa barkadang ‘to kakupalan pa.”
“Ha? ‘Yung G nga sa pangalan mo ibig sabihin gago e.”
“Hahahahahahahaha!”
“Tumigil na kayo, alamin muna natin kung saan tayo matutulog ngayong gabi,” ani Warren.
Dahil doon ay napatigil sa pag-aasaran ang mga tanga, si Gian ay lumapit kay Warren.
“Seryoso, par. Maglakad-lakad pa tayo, parang pamilyar ‘tong lugar na ‘to sa’kin.”
“Bakit? Paano mo nasabi?” tanong ko.
“Noong elementary kasi ako ay nagpunta kami sa dating bahay nila papa, sa tingin ko ay nandito ‘yon.”
Tumango si Warren. “Iyon ang hahanapin natin ngayon.”
Naglakad-lakad kami para mahanap ang dating bahay nila na sinasabi ni Gian, kahit duda ay gusto ko na rin magtiwala sa kanya. Wala naman nang mawawala e.
Halos isang oras yata kaming naglakad-lakad nang mapadaan kami sa isang madilim na eskinita, may konting ilaw naman kaya nagpasya kami na magpahinga muna sa mga malalaking bato ro’n.
“Kanina pa tayo naglalakad, ano na?” reklamo ni Jake.
Umiling si Gian. “Malapit na siguro.”
“Awit, siguro lang?” sabat ni Lex.
“Kayo kaya mag-isip ng paraan?” Iritadong sabi ni Gian.
‘Yan na nga ba ang sinasabi ko e, umiinit na ang mga ulo nila dahil kanina pa rin kami naglalakad. Tapos ay inabot pa kami ng gabi, hindi ko rin alam kung anong gagawin namin ngayon. Ang magagawa na lang namin ay umasa sa kaunting naalala ni Gian.
“Siguraduhin niyo na malinis ang magiging trabaho niyo.”
“Opo, boss.”
Bigla kaming nagkatinginan anim nang bigla kaming may marinig na nagsalita. Maingat kaming sumilip sa isang maliit na butas ng dingding ng eskinita na ito kung saan namin narinig yung mga nag-uusap. Nakita namin doon ang ilang lalaki na mga itsura pa lang ay halatang amoy cracklings na, mukhang hindi gumagawa ng mabuti ang mga ito. Mga goons kung tawagin.
“Alis na tayo rito, baka madamay pa tayo sa mga ‘yan,” sabi ni Lex.
“Anong plano?” tanong ni Gino.
Nagbikit balikat ako. “Go with the flow? Wala naman tayong magagawa, nandito na tayo.”
Nagtayuan kaming lahat at sumunod kay Gian na nauna nang naglakad palabas ng eskinita, at nang makalabas kami ay kitang-kita ko ang tuwa sa pagmumukha niya. Nakangiting itinuro niya sa’min ang isang bahay sa hindi kalayuan na may nakatayong isang babae sa may pintuan.
“Sh¡t, sabi ko na nga ba.” Nagmamadaling lumapit si Gian sa bahay na itinuro niya kaya’t agad kaming sumunod sa kanya.
Nang makalapit kami ay doon lang namin nakita ang babaeng nakatayo ro’n, ang lola ni Gian! Kilalang-kilala namin siya dahil dinadalhan niya kami lagi ng mga biscuit kapag napapabisita siya sa’min.
“Lola, este mama,” sambit ni Gian. Nanay nga pala namin ang mga lola namin sa buhay na ‘to.
Pinagmasdan niya kaming lahat at nagsalita. “Kayo talagang mga bata kayo, kanina pa kayo hinahanap ng mga nanay niyo!”
“Uh, napa—”
“Umuwi na kayo at anong oras na,” sabi niya saka lumingon sa’kin. “Lalo ka na, Kevin. Maaga ka pa na kikilos bukas.”
“Opo,” sagot ko. Kahit hindi ko alam ang ibig sabihin niya ay um-oo na lang ako, ano kayang meron bukas?
“O’sya, magsiuwi na kayo. Mag-ingat sa daan ha!”
Nagkatinginan kaming lahat dahil hindi namin alam kung saan kami uuwi lahat bukod kay Gian, hindi namin alam kung nasaan ang mga bahay nila papa rito!
“Ma, pwede bang dito na sila matulog?” tanong ni Gian sa lola niya.
“At bakit? Hindi sila kakasya rito, maliit lang ang kwarto mo.”
Napangiwi kami kaya’t nagsalita ulit si Gian. “Gabi na kasi, ma.”
Hindi agad nagsalita ang lola niya, sana lang talaga ay pumayag na siya dahil hindi talaga namin alam kung saan kami magpupunta lahat. Kapag lumaon ay baka sa kalsada kami matulog ngayong gabi.
“Ipapasundo ko na lang kayo sa mga tatay niyo, tutal ay gabi na nga rin talaga.”
Nagkatinginan ulit kaming lahat at sabay-sabay na tumango, mukhang magandang ideya nga iyon para malaman na rin namin kung saan kami uuwi ngayong gabi. Hindi rin namin alam kung gaano kami katagal na mananatili sa katauhan na ito.
Hinayaan kaming pumasok ng lola ni Gian sa bahay nila habang tinatawagan niya sa telepono ang mga tatay namin na lolo naman talaga namin.
“Kinakabahan ako, par. Terror pa naman si Lolo,” ani Jake.
Natawa kaming lahat dahil hanggang sa kasalukuyan ay terror nga ang lolo ni Jake, bahala siya sa buhay niya. Basta ako wala akong lolo.
Napalingon ako sa kanilang lahat. “Hala, gago. Wala nga pala akong lolo.”
“Tanga, meron kang lolo. Hindi nga lang buhay,” sabat ni Gino.
“Paano ‘yan? Sinong susundo sayo?”
Sasagot na sana ako nang biglang bumukas ang pinto, niluwa no’n ang napaka-pamilyar na mukha. Binati niya muna ang lola ni Gian bago siya lumingon sa gawi ko.
“Halika na,” aniya.
Napakurap ako at mabagal na tumayo. Si Lola!
Hindi ko siya nakilala sa normal na buhay ko, dahil sabi ni papa ay namatay siya ng ganitong edad pa lang si papa katulad ng sa’kin. Si Lolo naman ay ang bata rin namatay, kaya’t ang halos nag-alaga kay papa ay ang mga lolo’t lola nila Warren.
Kaya’t lumaki rin ako na hindi ko naranasan magkaroon ng lolo’t lola, nakita ko lang sila sa mga larawan na naka-display sa dingding namin.
“Sige, par. Kitakits bukas ng umaga.”
Lumingon ako kina Lex na na nakaupo pa rin, tinanguan ko sila bago ako lumapit kay lola. Bago kami makalayo sa bahay na iyon ay nakita ko pa na dumating na rin ang mga lolo nila.
Napabuntong-hininga ako at pinagmasdan ang paligid, kailangan kong kabisaduhin ang lugar na ‘to para bukas.
Hindi ko alam kung anong mangyayari sa’min. Pero bakit naman gano'n? Sana man lang may kasama kaming mga babae, pampagana lang sana.
Ehem, Papa Jesus baka naman.