Chapter 4

2000 Words
TRISHA MAKAILANG ulit akong nagpakawala ng malalim na buntong-hininga habang pinagmamasdan sa malaking salamin ang sarili ko. Suot ang maikli at hapit na palda na humahakab sa hubog ng balakang ko, tenernohan ko ng spaghetti strap na pang-itaas. Ito ang unang gabi ko sa Apo King Night Club na pungad ng mga halang ang kaluluwa. Buo ang loob ko nang tanggapin ang kasong ito ngunit tila bigla akong kinabahan hindi para sa sarili ko kung 'di para sa mga babaeng makakasalamuha ko roon. At isa na si Abby roon. Habang naghihintay ng oras ng pasok ko roon ay hindi ako mapakali sa loob ng apartment ko. "This is it, Trisha." Aniko habang nakaharap sa malaking salamin. Isang buntong-hininga pa ang muli kong pinakawalan bago kinuha ang bag ko. "Starting tonight, hindi ikaw si Trisha kung 'di ikaw si Shana Mercado, isang babaeng taga-aliw ng mga lalaking mahilig sa iba't ibang putahe." Paalala ko sa sarili ko bago umalis sa harap ng salamin. Dala ang bag na lumabas ako ng apartment ko habang suot ang isang itim na leather jacket. Tumingin ako sa palagid nang maramdaman ko ang mga matang nakamasid sa akin. Kampante akong tumawid sa kabilang kalsada para roon maghintay ng masasakyan papunta sa club. Pasimple kong itinaas ang kanang kamay ko at sumenyas. Alam kong nakamasid sa akin si Marco mula sa loob ng apartment nito. Tanging ito lamang ang nakakaalam ng senyasan naming dalawa tuwing magkasama kami sa misyon. Nang may dumaang jeep sa harap ko ay kaagad kong pinara iyon at sumakay. Nasa jeep pa lamang ako ay ramdam ko na ang mga matang nakatutok sa mga hita ko. Exposed na exposed kasi iyon. Pasimple kong tinakpan ng dala kong bag ang kandungan ko. "Miss, saan ka?" Anang kundoktor ng jeep na nasakyan ko. "Sa may Acca Restaurant po." Tukoy ko sa isang Chinese restaurant na halos katabi ng club na sadya ko. "Bente pesos, Miss." Kumuha ako sa bag ko ng pamasahe. At dahil medyo malayo ako sa kundoktor ng jeep ay kailangan kong ipakiabot iyon sa iba. "Makikisuyo na po ng bayad ko." Lihim akong napailing nang tatlong lalaki ang nag-uunahang kumuha ng bayad ko. Isang medyo may katandaang lalaki ang unang nakakuha niyon at gusto ko itong murahin nang pinisil ang kamay ko. Alam kong sinadya nito iyon. Nagpatay-malisya na lamang ako at pekeng ngumiti sa lalaki bago nagpasalamat. Habang lulan ng jeep ay ramdam ko pa rin ang nakakabanas nilang tingin sa akin. Lalo na sa hita ko. Laking pasalamat ko nang tumigil na ang jeep sa tapat ng Acca Restaurant na bababaan ko. Nakakailang hakbang pa lamang ako nang maramdaman kong may sumusunod sa akin. "Miss, sandali!" Anang boses lalaki. Hindi ko man siya tingnan may hula na akong ito ang lalaking pumisil ng kamay ko kanina sa jeep. Hindi ko siya pinansin. Tuloy-tuloy lang akong naglakad. "Miss, sandali!" Nagulat ako nang pangahas nitong hinila ang braso ko. "May kailangan ka po?" Mahinahong tanong ko kahit gusto ko na siyang singhalan. Ngumisi ito. "Saan ang punta mo?" "Po?" "Kako, saan ang punta mo?" Pasimple kong hinila ang kamay ko. "Trabaho po. Excuse me." Tinalikuran ko na ito ngunit sadyang makulit ang lalaki. Sumunod pa rin ito sa akin hanggang sa labas ng club. "Sinasabi ko na nga ba, eh. Dito ang punta mo." Malawak ang pagkakangisi nitong sabi. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang pagkislap ng mga mata nito. "Excuse me lang po, Tatay, pero nagmamadali na po ako." Lihim akong napangiti nang makita ko ang pagdaan ng inis sa mukha nito nang tawagin ko siyang tatay. "Ingat po kayo, Tatay." Pagkatapos kong sabihin iyon ay lumapit na ako sa security guard at pinakita ang ID ko. Tuloy-tuloy akong pumasok sa loob at alistong nagmasid sa paligid. Dumaan ako sa pinto na para sa mga nagtatrabaho sa club na iyon. Isang lalaki ang nakasalubong ko at tipid akong nginitian bago binati ng magandang gabi. Tipid ko rin siyang nginitian bago dumiretso sa loob. "Shana Mercado?" Dahan-dahan akong lumingon sa pinagmulan ng boses na iyon. Pagpihit ko ay isang babaeng nasa edad kuwarenta ang sumalubong sa akin. "Shana Mercado?" Ulit nito. Mabagal akong tumango. "Opo, ako po si Shana Mercado, Madame." Nanunuri ang tingin na lumapit ito sa akin. "Alam mo na ang patakaran dito?" Muli niya akong tiningnan mula ulo hanggang paa, pabalik sa mukha ko. "Siguro naman alam mo na kung ano ang pinasok mo rito, hindi ba?" "O-Opo.." "Ang puwede at hindi, alam mo na rin?" "O-Opo, Madame." Ngumisi ito. "Good. Mabuti naman at alam mo na. So, alam mo rin na bawal ang aarte-arte rito? Club ang pinasukan mo kaya h'wag kang magrereklamo kung mayroong bumastos sa iyo. Understand?" "Yes, Madame." Mukhang nasiyahan ito sa sagot ko. "Good. Call me Madame Lucy." Wala na itong maraming sinabi dahil hinila na ako nito papasok sa isang madilim na kuwarto. Kaagad namang nagliwanag ang paligid at tumambad sa akin ang mga babaeng kakapiranggot ang mga suot sa katawan. Sa lahat ng mga babaeng roon ay ako yata ang pinakamahaba ang palda. Lahat sila ay nasa akin ang mga mata. Mayroong tila nanunuri at mayroon din tila may pagbabanta. Pasimple ko silang tiningnan isa-isa. At hindi nakaligtas sa akin ang isang babaeng nasa pinakasulok habang tila malayo ang tingin. Nawala lamang ang atensyon ko sa kanya nang tumayo ang isang babaeng pinaka mapula ang labi sa lahat ng babaeng naroon. "Virgin?" Prangkang usisa nito habang ngumunguya ng chewing gum. Nakataas ang sulok ng mga labing naglahad ito ng isang kamay. "Barrey." Pakilala nito sa sarili. Tinanggap ko ang pakikipagkamay nito. "Shana." "Virgin?" "Barrey!" Sita ni Madame Lucy rito. "Nagtatanong lang ako, Madame." Balewalang sagot nito at ngumuya na lang nang ngumuya ng chewing gum. "So, ano na? Virgin ka pa?" "Oo." "Good luck then." Anito at tumingin kay Madame Lucy. "Nariyan na ba ang mga bigating parokyano natin, Madame Lucy?" "Wala pa pero on the way na raw kaya maghanda na kayo para sa performance ninyo." "How about Shana? Isasalang na rin ba siya?" "No. Papunta rito si bossing mamaya. Gusto raw muna nilang makilala ang bago natin bago ilabas. Dating gawi." Makahulugang sabi nito kay Barrey. Habang nasa kuwartong iyon ay nagsimulang lumikot ang mga mata ko. Tumigil lamang ako sa pagmamasid nang marinig ko ang pamilyar na boses. Si Abby. "Madame Lucy.." "Late ka na naman, Abby." Mahina ngunit mariing sabi nito. "Pasensya na po--" natigilan ito sa pagsasalita nang makita ako. "Shana!" Bulalas nito nang makita ako. Nilagpasan nito si Madame Lucy at lumapit sa akin. "Anong ginagawa mo rito?" Pabulong na tanong nito. "Magtatrabaho ako, Abby. First day ko-- I mean first night." "Shana, please--" hindi nito natapos ang sasabihin nang hilahin ni Madame Lucy papalayo sa akin. Nakita ko ang mariin nitong paghawak sa mga braso ni Abby at ang nagbabantang tingin. "Madame..." Nakangiwing sabi ni Abby. "Umayos ka, Abby. Papunta si bossing dito mamaya." Tila may lamang sabi nito. "K-Kinumusta ko lang po si Shana." "Paano mo siya nakilala?" Lihim akong natigilan nang iba ang sinabi ni Abby kung paano at saan kami nagkakilala. Sinabi nitong dati kaming magkaklase. Nang tanungin ako ni Madame Lucy kung totoo ba ang sinabi nito ay umuo na lamang ako. Ipinakilala na rin nito sa akin ang iba pang babaeng naroon sa kuwartong iyon. At pagkatapos niyon, lumabas na sila. Tatlo na lamang kaming natira. Makahulugang tumingin sa akin si Abby, para bang sinasabi ng mga tingin nito na bakit hindi ako nakinig sa kanya. Tipid na nginitian ko lamang ito, saka tinanguan. Mayamaya nama'y bumalik na rin si Madame Lucy at isinama ako palabas. "Hindi matutuloy si bossing ngayon. So, nagsabi siya na bigyan ka na lang muna ng dance number ngayong gabi. Siguro naman marunong kang sumayaw since iyon ang trabaho mo rito, hindi ba?" Tumikhim muna ako bago sumagot. "Marunong po akong sumayaw, Madame Lucy." "Good. Mukhang hindi ka naman mahirap turuan dahil mukhang marunong ka at alam mo kung ano ang pinasok mo rito." "Dancer po ang trabahong pinasok ko rito." Pinagdiinan ko ang salitang dancer para malinaw sa kanya na iyon lang ang trabahong gagawin ko. Hindi naman ito nagkomento sa sinabi ko. Muli nitong pinasadahan ng tingin ang kabuuan ko. "Hindi ba mas'yadong makapal ang makeup mo?" Puna nito kapagkuwan. "H-Ha, ah, hindi naman po, Madame." Nagkibit-balikat lamang ito, saka sinipat ang palda ko. "Hindi ba mas'yadong mahaba ang palda mo?" Bahagya kong hinila iyon pababa. "Sakto lang po ito, Madame Lucy, para hindi naman po ako masilipan." Nakita ko ang pag-ismid nito. "Ganoon talaga. Minsan kailangan mong ipakita ang kaluluwa mo para malaki ang tip na makuha mo. Anyway, tara na sa labas." Sumunod ako rito habang patingin-tingin sa paligid. Tumigil ito sa likod ng pinto, saka bahagyang sumilip sa labas kung saan naroon ang mga parokyanong sinasabi nila. Mula sa puwesto ko. Kita ko kung gaano karaming tao sa club na iyon. At alam kong pawang mga mayayaman iyon dahil hindi lingid sa akin na high class ang club na iyon. Lihim na nanghaba ang leeg ko habang nasa likuran ako ni Madame Lucy. Nang bumaling ito sa akin ay kaagad akong nagkunwaring nakatungo at nagkukutkot ng kuko ko. May kalakasang tapik sa braso ang nagpa-angat ng tingin ko rito. "Stand straight, Shana. At h'wag kang magkutkot ng kuko lalo na kung nasa oras ka na ng trabaho mo." Angil nito sa akin. "Pasensya na po." "Pagkatapos ng dancer number ng grupo ni Barrey ay ikaw ang kasunod na isasalang, understand? H'wag kang pahiya-hiya sa gitna mamaya." Muling paalala nito. Tumango lamang ako bilang sagot, saka bahagyang inayos ang suot ko. Nakaramdam ako ng ginaw nang mapatapat sa aircon. Pinaalis na kasi ni Madame Lucy ang leather jacket na suot. Nang matapos ang pagsasayaw ng grupo ni Barrey ay kaagad na lumabas si Madame Lucy at nagsalita sa gitna. Pinagkiskis ko ang mga palad ko nang ianunsiyo nito sa mga parokyanong naroon na may bagong mukha sa club na iyon. Makailang ulit akong nagpakawala ng malalim na buntong-hininga nang tawagin na nga nito ang pangalan ko. Bago lumabas sa pinagkukublihan ko ay inayos kong muli ang sarili ko. Maging ang pekeng nunal sa may sentido ko ay inayos ko ang lagay. Baka aksidenteng maalis ang mga kung anong peke sa mukha ko. Tiniyak ko kasing walang makakakilala sa tunay kong mukha. Kumbaga trabaho lang walang personalan. Nang muli akong tawagin ni Madame Lucy ay lumabas na ako. Siniguro kong nakapaskil sa mga labi ko ang isang napakatamis na ngiti para sa mga parokyano. Kahit nasisilaw sa liwanag ng ilaw ay pinilit kong igala ang mga mata ko kabuuan ng lugar na iyon. Maraming tao, pawang mga lalaking naka-three piece suit ang mga naroon. Kaniya-kaniyang buga ng usok ng sigarilyo at tungga ng baso. Bagama't naiilang sa sobrang ikli ng suot ko, ginawa ko ang lahat para h'wag nilang mahalata na hindi ako bayarang babae. Malakas na hiyawan ang pumuno sa lugar na iyon nang magsimula akong sumayaw sa saliw ng maharot na tugtog. Sumayaw ako sa mabagal na paraan na animo'y nang-aakit ng mga lalaking naroon. Habang sumasayaw, nakikita ko ang kislap ng pagnanasa sa mga mata ng karamihan. Ang iba ay nakatayo na at lumapit pa sa gilid ng entablado. Sa pag-ikot ko ay hindi sinasadyang nahagip ng mga mata ko ang dalawang lalaki mula sa di-kalayuan. Lahat yata ng mga lalaking naroon ay naglalaway sa akin maliban sa dalawang lalaki na iyon. Titig na titig sila sa akin, lalo na iyong isa. Para bang hindi sila makapaniwala na nagsasayaw ako sa harapan nila. Hindi ko alam kung anong nagtulak sa akin para makipagsukatan ng tingin sa kanya, at kapagkuwa'y nginitian ko siya ng ubod-tamis. Namumukod-tangi kasi ang lalaking iyon dahil napakaguwapo nito sa tunay na nakahulugan niyon. At kahit nakaupo ito, alam kong matangkad siya. Ilang sandali pa akong nakipagtitigan sa lalaking iyon bago muling sumayaw. Hingal na hingal ako nang matapos sa number ko. Bumalik ako ng backstage kahit naririnig ko ang hiling nilang isa pa raw.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD