Lumipas pa ang mga taon at napanatili ni Angela ang lihim niyang pagtingin kay Mory. Mabuti na lang at hindi naglalagi si Mory sa bansa kaya wala pa rin ni isa ang nakakapansin sa sekreto niya.
Kakatapos lang niyang mag 28 years old pero hanggang ngayon NBSB parin siya o No Boyfriend Since Birth.
May nagtangka na rin namang nanligaw sa kanya na taga kabilang Barangay ngunit agad niya iyong binasted.
Isang araw ay biglang dumating si Oscar, isa sa pinakamatalik niyang kaibigan simula bata pa siya.
“Angie!” ngiting-ngiti ito sa kanya at kumikislap pa ang mga mata sa kasiyahan. Talagang dinalaw pa siya nito sa bahay nila nang gabing iyon pagkauwi niya galing trabaho.
“Oscar? Ikaw na ba iyan?? Natulala siya habang nakatitig sa mukha nito. Kahit gabi na ay hindi maikakailang pumuti at kuminis ang balat nito. Naging maskulado na rin ang pangangatawan nito dahil nang umalis ito noong teenager pa lang sila ay payatot pa ito.
“Angie, sino ba yan?” Kunot-noong usisa ng Mama niya habang papalapit sa pinto. Madalas ay nakakunot-noo ang Mama niya na animo ay laging may kaaway.
“Oscar? Ikaw na ba iyan? Ang anak ni Mareng Minda?? Aba ikaw na nga! Kuh!! Ang gwapo mo na ah! Tsaka mukhang yumaman ka na!” pinagmasdan ng Mama niya si Oscar mula ulo hanggang paa at pabalik habang nakangiti ito ng maluwag kay Oscar.
“Magandang gabi po Aling Tere!” Masayang bati rin dito ni Oscar at nagmano ito sa Mama niya sabay abot ng isang malaking paper bag sa Mama niya.
“Pasalubong ko po sa inyo.”
“Naku, salamat iho!” anang Mama niya sabay tanggap sa bigay ni Oscar.
“Aba bakit hindi mo pinapapasok ang bisita mo, Angie? Halika iho at maupo ka.” Nilakihan ng Mama niya ang bukas ng pinto at pinapasok na nito si Oscar.
“Upo ka!” masiglang sabi ng Mama niya kay Oscar at inilahad pa nito ang kamay sa upuan.
“Kailan ka dumating? Nakita ka na ba nina Romel? Mukhang bigatan ka na ah…” nakangisi niyang wika rito.
“Kanina lang. Oo nagkita na kami kanina, nabanggit nga niya na nagtatrabaho ka raw sa mall. Mukha ngang lalo kang gumanda Angie.” Nakangiti nitong sabi.
Natawa naman siya ng bahagya bago siya nagsalita.
“Ikaw lang yata ang nagsabi niyan. Mabuti pala at umuwi ka. Ano’ng meron?”
“Wala naman… Binisita ko lang sina Lola rito. Tsaka namiss ko na rin kayo lalo na ikaw!” kinurot pa nito ng malakas ang pisngi niya.
“Aray! Hindi ka pa rin nagbabago, mahilig ka pa ring mangurot.” Aniya at ininat-inat niya ang pisngi niya.
“Hanggang kailan ka ba rito? Sayang nasa US na ulit si Mory. Kumpleto na sana tayo.”
“Buti nga at wala rito si Mory. Pag kasama natin siya noon, siya lang lagi ang pinapansin mo. Halos hindi mo na ako pinapansin.”
“Wag mong sabihing nagseselos ka?” biro niya rito at humagalpak siya ng tawa. Hinampas niya pa ang braso nito at umiling-iling siya.
“Paano kung sabihin kong oo??” seryosong sabi nito at tumitig pa sa kanya.
“Oh, Angie, pakainin mo muna yang bisita mo at baka hindi pa yan kumakain.” Pasigaw na sabi ng Mama niya habang papalapit sa kanilang dalawa.
“Oscar iho, kumain muna tayo. Pagpasensiyahan mo na lang ang ulam dahil ito lang ang nakayanan kong ihanda.”
“Sige po Aling Tere, sakto gutom na nga rin po ako. Ok lang po sa akin kahit anong ulam.” Nakangiting baling ni Oscar sa Mama niya.
Tuluyan nang nawala sa isip niya ang sinabi ni Oscar nang nagsimula na silang kumain. Saka naman dumating ang Papa niya at kasabay nito si Edmar.
“Magandang gabi po Mang Dario, Edmar. Makikikain po ako sa inyo.” Nakangiting bati agad ni Oscar sa Papa niya at nagmano pa ito.
“Oscar? Ang laki mo na.” Anang Papa niya na tipid na ngumiti kay Oscar.
Nagpatuloy silang kumain at nang matapos silang kumain ay nagkuwentuhan muli sila ni Oscar sa sala nila.
“Hanggang kailan ka ba rito?” usisa niya kay Oscar dahil hindi nito sinagot ang tanong niya kanina.
“Isang buwan siguro. Tapos babalik na ulit ako sa barko.” Anito.
Seaman na kasi si Oscar at balita pa niya ay nakabili na ito ng bahay sa isang subdivision.
“Sana umuwi si Mory ulit bago ka umalis para makumpleto naman tayo.” Aniya.
Bigla na namang sumeryoso si Oscar at hinawakan pa nito ang isang kamay niya. Nagulat siya at agad niyang naiwasiwas ang kamay niya.
“Oy! Ano ba yan?! Nanggugulat ka ah!” malalaki ang mga matang sabi niya rito.
Hindi nagbago ang ekspresyon ni Oscar at muli nitong hinawakan ang kamay niya, mas mahigpit na kaysa kanina. Sinikap niyang hilahin ang kamay niya dahil agad na rin siyang nakaramdam ng kaba ngunit malakas ang pagkakakapit ni Oscar sa kamay niya.
“Angie, gusto kita, matagal na. Isinekreto ko iyon sa inyo pero kahit nasa malayo na ako at marami na ang babaeng nakilala ko ay ikaw pa rin ang gusto ko. Gusto kitang ligawan Angie.” Pagtatapat nito sa kanya na diretso pang nakatingin sa mga mata niya.
“H-ha???” hindi niya maapuhap ang sasabihin niya.
May nagtapat na rin naman sa kanya dati ngunit iba ito dahil kaibigan niya si Oscar, matalik na kaibigan. At hindi niya inexpect na sasabihin nito iyon sa kanya.
Gusto niyang isipin na nagbibiro lang si Oscar ngunit sa uri ng titig nito sa kanya at sa higpit ng hawak nito sa kamay niyang bahagya nang pinagpapawisan dahil sa kaba ay kumpirmadong hindi nga nagbibiro si Oscar sa kanya.
“Ahhmm!!” Biglang tumikhim ng malakas ang Papa niya na nasa likod na pala niya at mataman itong nakatingin sa kanila at napatitig pa sa kamay niyang hawak ni Oscar.
Tumayo si Oscar at lumapit sa Papa niya.
“Mang Dario, gusto ko po sanang ligawan si Angie.” Pagpapaalam ni Oscar sa Papa niya at napanganga na lang siya.
“Gabi na Oscar, siguro mas mabuting umuwi ka na muna. Tungkol naman sa nais mong panliligaw kay Angie, hindi ko hahadlangan kung ano ang desisyon ni Angie sa bagay na yan. Pero ang mabuti pa siguro sa ngayon ay magpahinga muna kayo at mukhang nabigla rin ang anak ko sa sinabi mo.” Mahinahong sabi ng Papa niya at tinitigan pa siya. Saka lang din niya narealize na nakanganga pa pala siya kaya agad niyang isinara ang bibig niya.
“Tama po kayo Mang Dario.” Nakangiting sabi ni Oscar pagkatapos ay lumapit sa kanya.
“Angie, seryoso ako sa sinabi ko. Sa sunod na pagpunta ko rito ay pormal na akong manliligaw sa’yo.” Nakangiti pa ring baling naman nito sa kanya at hindi nagtagal ay nagpaalam na ito sa kanila.
Tulala siyang muling napaupo sa sala nila at malakas pa rin ang t***k ng puso niya. Pero hindi siya kinikilig kundi sobrang nabibigla siya sa sinabi ni Oscar sa kanya. Buong panahong nakakasama niya ito noon ay hindi man lang sumagi sa isip niya na may gusto ito sa kanya.
Tropa sila, palagi pang panlalaki ang mga porma niya. Kaya bakit at paano nagkagusto si Oscar sa kanya??
Pero katulad ni Oscar, may lihim din siya ngunit hanggang ngayon ay nananatili pa rin iyong sekreto at wala siyang balak sabihin iyon kahit kanino.