Kinagabihan, hindi na niya ikinagulat nang bumisita si Mory sa bahay nila.
“Magandang gabi po..” agad nitong bati sa kanila habang nasa labas at nakasilip sa pinto nila. Nakangiti ito ng maluwag sa Mama at Papa niya ngunit ni hindi siya nito sinulyapan.
“Oh, Mory anak, ikaw pala. Halika tuloy ka.” Napangiti agad ang Mama niya pagkakita kay Mory at sinalubong pa nito ang binata sa sala.
“Salamat po. Para po pala sa inyo.” agad iniabot ni Mory sa Mama niya ang dala nitong mga prutas. Kada punta ni Mory sa kanila ay palagi itong may dala. Kung hindi tomboy ang tingin ng mga tao sa kanya ay malamang iniisip na ng mga tsismosang kapitbahay nila na nanliligaw si Mory sa kanya dahil kahit bihira na itong pumunta sa kanila ay palagi itong may pasalubong sa kanya.
“Sus nag-abala ka pa. Pero salamat ha? Kumain ka na ba? Tamang-tama ang dating mo, halika sabayan mo na kaming kumain.” Hinawakan pa ng Mama niya ang isang braso ni Mory at hinila ito papunta sa hapagkainan nila.
Normal na ang ganoong klaseng pakikitungo ng pamilya niya kay Mory dahil sa lahat ng kaibigan niya ay si Mory ang pinaka-pinagkakatiwalaan ng Mama at Papa niya. Isa pa, gustung-gusto ng Mama niya ang pagkakaibigan nila ni Mory dahil bukod sa mayaman si Mory ay magandang impluwensiya raw ito sa kanya.
Pritong isda lang ang ulam nila at gulay, gayunpaman ay agad tinanggap ni Mory ang alok ng Mama niya at agad itong nakisalo sa kanila.
Iba man ang estado ng buhay ni Mory sa kanila, nananatili itong mababa ang loob at simula nang maging kaibigan niya si Mory ay hindi niya kailanman naramdaman na minamaliit nito ang klase ng pamumuhay nila.
“Salamat po.” Magalang na sabi ni Mory sa mama niya. Ngumiti lang ng matamis ang Papa niya kay Mory at ganoon din si Mory sa Papa niya.
Ni hindi man lang siya pinansin ni Mory kahit tumabi ito ng upo sa kanya.
“Mory, salamat ulit sa paghatid mo kagabi dito kay Angie.” Anang Papa niya kay Mory maya-maya.
“Walang anuman po iyon Tito, Tita.” Nakangiti namang sagot ni Mory.
“Oh, heto kumain ka ng marami.” Iniabot pa ng Papa niya kay Mory ang kanin pagkatapos ang ulam na malugod namang tinanggap ng binata.
Matapos kumain, maghuhugas na sana siya ng pinagkainan nila nang pigilan siya ng Mama niya.
“Ako na riyan. Puntahan mo na sa sala ang kaibigan mo at baka sakaling mapasukan ng katinuan iyang utak mo. Akala mo ba hindi ko malalaman na sina Romel ang kainuman mo kagabi? Oy Angela, maliit lang itong lugar natin kaya wala kang maitatago sa akin. Marami rin akong mga kaibigan na nakakaalam sa mga nangyayari sa labas ng baryo natin. Pasalamat ka’t hindi ko sinabi sa Papa mo. Hala sige puntahan mo na si Mory. Mabuti nga at nakikipagkaibigan pa yan sa’yo kahit wala naman siyang napapala sayo kundi sakit ng ulo.”
Wala na siyang nagawa kundi sumunod sa Mama niya. Sa totoo lang ay ayaw muna sana niyang makausap si Mory dahil bukod sa nahihiya siya rito ay alam niyang papagalitan din siya nito.
“Oh anak, halika at ikaw na muna ang bahala dito sa kaibigan mo. Papasok muna ako sa kwarto dahil masakit itong likod ko.” Nag sideline kasi ang Papa niya kanina bilang construction worker kaya pagod ito.
Tumayo na ito mula sa kahoy na sala nila na pinatungan lang ng manipis na kutson.
Umupo siya sa mahabang upuan at pag-upo niya doon ay napatingin siya kay Mory na nakaupo sa single na upuan sa kanan niya. Masama ang tingin nito sa kanya at alam niyang anumang sandali ay sesermunan na siya nito.
“Miss Angela Grace Fajardo, alam mo bang lasing na lasing ka kagabi? At alam mo bang nakatulog ka na sa mesa?” panimula nito.
Kada gumagawa siya ng kalokohan dati ay ito ang isa pang nanenermon sa kanya bukod sa Mama niya. Isang beses na late na siyang nakauwi dahil tumambay siya sa bahay ng classmate niya noon ay nalaman iyon ni Mory at kahit nasa ibang bansa ito noon ay nag long distance call ito para lang pagalitan siya.
Napayuko na lang siya dahil hindi niya alam ang sasabihin niya.
“Paano kung nalasing din sina Rina at Romel, ano’ng mangyayari sa’yo? Palagay mo ba makakalaban ka kung sakaling may manamantala sayo? Kahit ganyan ang suot mo, babae ka pa rin. Paano na lang kung may gumahasa sa’yo? My God! Umayos-ayos ka Angela at kung iinom ka sa malayo ay siguraduhin mong makakauwi ka ng maayos dito sa inyo kahit wala ako!” hindi kalakasan ang panenermon nito sa kanya para hind marinig ng Mama niya ang mga sinasabi nito.
“Hindi ko naman sinasadya—”
“Hind sinasadya? Baka naman pag nasa ibang bansa ako ay kung anu-ano ang mga kalokohan mo?”
“Hindi, noh! Ngayon lang talaga ako uminom ng ganon. Kahit tanungin mo pa sina Romel.” Aniya rito.
“Pasensiya ka na Mory, nasira ko pa yata ang gabi mo kasama yong babaeng mahal mo…”
“Forget about it. Basta tandaan mo ang sinabi ko sayo. Pag naulit pa to, pipilitin ko sina Tito na sa akin ka na magtrabaho para mabantayan kita.”
Agad siyang umiling-iling sa sinabi ni Mory. Tanga siya kung papayag siyang lalong mapalapit kay Mory kahit alam niyang may mahal itong iba.
Di bale nang lihim siyang nagmamahal dito basta’t palagi lang itong nasa malayo dahil sa oras na matagal niya itong makasama ay malamang lalong mahuhulog ang loob niya rito at baka hindi na siya makaahon.
Kung ngayon nga na bihira lang niyang makasama si Mory dahil madalas ay nasa ibang bansa ito ay hindi pa rin nawawala ang lihim niyang pagtingin dito, paano pa pag kay Mory na siya magtrabaho? Magiging kahiya-hiya siya oras na mabunyag ang lihim niyang pagmamahal kay Mory at iyon ang pinakaiiwas-iwasan niyang mangyari.