'Wala pa ring pinagbago ang Palasyo na ito, simula ng huli kong pag espiya dito!'
Pasimpleng nagmamasid si Lorsan sa kanilang nadadaanan papasok ng Palasyo. Pagkatapos kasi ng digmaang naganap noon, sa pagitan ng Umbra at Gaelin. Napag utusan sya ni Reyna Amethyst na mag espiya sa Kaharian ng Nahara. Gusto lang nitong makatiyak na maayos ang kalagayan ng nag iisang kapatid nito na syang Reyna rin ng Palasyo.
Ang kaso, muntik ng mahuli si Lorsan. Papuslit na sya noon ng lagusan ng may biglang sumunggab sa kanya, kaya di sya nakapaglaho agad. Isang Kabalyerong Lobo ang kanyang nalingunan, namumulang mga mata nito at nakalabas ang matutulis na pangil. Wala syang pagpipilian kundi ang makipaglaban, para makawala sa pagkakagapos ng buntot nito sa kanyang katawan., ginamit nyang kakayahan ng pagbabalatkayo kaya sya nabitawan nito.
Nakawala man sya sa isa, may isapa pa lang naka abang lang sa isang tabi. Nabigla pa sya ng sunod sunod na inatake sya nito, sa laki ng katawan ng mga Kabalyerong Lobo halos mapuno na ng kagat at gat ang buong katawan ni Lorsan. Natigil lang ang labanan nilang tatlo ng may marinig syang sumipol.
Sa di kalayuan nakita nyang tagapagbantay ng Lagusan na si Calypso, una nyang naisip na hindi sya dapat mahuli nito, kaya kahit na puro sugat na sya't nanghihina ginawa nyang makakaya matakasan lang ang mga ito.
Isa syang mataas na uri ng Dwende, may kapangyarihan na hindi matatawaran. Kaya nga sila ni Arkin ang napili ng Reyma Amethyst, para gawing espiya ng Kahariang Umbra, dahil hindi lang sa makapangyarihan sila, kundi higit na matalino, matapat, maaasahan at higit na mapag kakatiwalaan.
'Kung di lang sana ako nahuli ng dalawang Kabalyerong Lobo at hinabol ng Calypso na yun, eh! di sana nakakapag labas pasok pa'ko dito sa Nahara!'
Dun nya napatunayan na hindi basta basta ang tagapag bantay ng lagusan ng Nahara. Hindi man si Calypso ang nakasagupa nya ng mga panahong yun, pero nabatid nyang malalakas ang dalawang alagad nitong mga Kabalyerong Lobo.
"Aray!" Napabaling bigla sa kanyang katabii si Lorsan ng malakas na tampalin ni Io ang dibdib nito. "Ba't kaba nananakit dyan!"
"Lutang kana naman! Anuba yang iniisip mo ha?"
"Tsk!.. Wala! Nagagandahan lang ako sa Palasyo ng Nahara!"
"Sus! Baka may halong kalokohan na naman yang iniisip mo ha! Tatamaan kana naman sakin!"
'Tatamaan! Eh! Tinamaan mo na nga ako!'
Bubulong bulong na pasimpleng dumistansya si Lorsan kay Io. Mahirap ng mabigwasan ulit sya ng Diwata. May kabigatan pa naman ang kamay nito, lalo na kapag pabigla nitong ginamit sa kanya... Iba eh! parang may kasamang parusa ang bawat paglapat ng kamay nito sa katawan nya.
Ramdam ni Lorsan na natigilan si Io ng sapitin nila ang bulwagan. Sinundan nya ng tingin ang tinitingnan nito.
'Kaya pala!'
Nakatayo sa pinaka gitna ng bulwagan ang Reyna Shera, sa tabi nito ay si Prinsesa Amihan na ngiting ngiti pagkakita nito kay Io. At sa magkabilang gilid ng mag Ina ay nakatayo ang buong Angkan ng Nahara. Apat na Babae at apat na lalaki ang walang imik na nakamasid sa dalawang panauhin ng Palasyo. Ramdam nila Io at Lorsan, ang malakas na enerhiya ng itim na mahika sa pagdapyo pa lang ng hangin. Marahil galing sa Angkan ng Hari. Kasi, kahit matagal na itong namayapa, ang diwa't kapangyarihan nito ay nananatiili pa rin sa Kaharian ng Nahara, ganun din ang buong Angkan nito na patuloy ang pag protekta sa mag Inang naiwan nito.
"Maaliwas na araw, Mahal na Reyna Shera! Nandito ng mga panauhin ni Prinsesa Amihan."
Nakayukod na ulat ni Ezra.
"Salamat! Ezra, maaari mo na kaming iwan!"
"Masusunod! Kamahalan!"
Muli itong yumukod sa Reyna at sa Prinsesa, bago humarap kila Io at Lorsan! Nakangiti itong nag paalam sakay ng makulimlim na ulap nito.
"Maaliwalas na araw, Reyna Shera! Prinsesa Amihan, at sa buong Angkan ng Palasyong ito!"
Magalang na bati ni Io, samantalang si Lorsan naman ay isa isang pinapasadahan ng tingin ang walong itim na Salamangkera't Salamangkero sa magkabilang tabi ng mag Ina.
'Hmm.. malalakas sila, lalo ng mga Babaeng Salamangkera! Ngayon lang ako nakakita ng mga sandatang hawak nila!'
Napaiwas ng tingin si Lorsan, ng magtagpo ang mga mata nila ng Salamangkerang Babae na dilaw ang kasuotan, bigla kasi syang nangilabot ng makita ang itim na mga mata nito. Hindi naman sa natakot sya, kasi ordinaryo na para sa kanya ang makakita ng kulay itim na mga mata, pero ng magkatitigan kasi sila, ramdam nyang pagkapos ng kanyang paghinga, tila hinigop nitong hangin sa kanyang dibdib kaya sya napasinghap.
'Iba sya! Haah.. haah.. Kung sya ang makakalaban ko, malamang bangkay na akong maiuwi sa Aviato!'
Ng maging maayos ang pakiramdam ni Lorsan, itinutok na lang nyang pansin sa Reyna at Prinsesa.
"Diwatang Io! Masaya akong dinalaw mo ako dito!"
Nagagalak na yumakap si Amihan sa nakangiting si Io. Tapos binalingan si Lorsan na tahimik lang na nakamasid sa kanila. Nginitian nya ito.
"Natutuwa akong makita kang muli Amihan!"
"Ako din.. Kumusta na sila Ayana, Urduja at Mayumi?"
"Wala pa akong balita sa kanila eh! Sa katunayan nga.. papasyalan rin namin sila, pagkagaling dito."
"Talaga! Pwede ba akong sumama?"
"Oo naman! Sinadya nga kita dito, kasi, may mahalaga akong pakay sa'yo!"
"Ano yun?"
Kunot noong tanong ni Amihan kay Io, na ngumiti lang sa kanya, bago humarap kay Reyna Shera.
"Kamahalan! maaari ba kitang makausap ng tayo lang!"
Seryoso ang mukhang pakiusap ni Io sa Reyna. Hindi ito sumagot, bagkus nagtaas lang ito ng kanang kamay at sa isang kisapmata. Naglaho ang lahat ng mga Salamangkero at Salamangkera. At sa pagbaba ng kamay nito may bumalot na puting ulap sa buong bulwagan na tanging silang apat na lang ang naiwan. Ay! mali! Lima pala sila! Ang Reyna Shera, Prinsesa Amihan, si Lorsan, Io at syempre si Pilar na gising na't gumagapang papunta sa mahabang buhok ni Io.
"Ilahad mo ng nais mong sabihin sakin Io! Tungkol ba yan saan?"
Nakangiti man ang Reyna ng magtanong kay Io, sa mga mata nito nababasa pa rin ni Io ang samot saring emosyon na tinatago nito. Ang pangamba at pag aala nito sa Prinsesa. Marahil ayaw lang nitong malaman ni Amihan ang tunay nitong nararamdaman.
"Inatasan ako ng aking Ina, na maghanap ng mga bagong tagapangalaga ng apat na Brilyante ni Bathalang Kaiser. Mahal na Reyna."
"At isa si Amihan sa napili mo, ganun ba, Io?"
"Kung pahihintulutan nyo ang Prinsesa Amihan, na maging isa sa mga tagapangalaga ng Brilyante ng Hangin. Pinapangako kong gagawin ko ang lahat maprotektahan lang ang iyong Anak, Kamahalan!"
"Talaga! Napili mo ako! Io? Ang galing naman.. ang saya saya ko!"
Nagniningning ang mga mata ni Amihan, sa labis na kasiyahang nadarama nito, ni hindi man lang napapansin ang nabubuong malilit na hanging naiipon sa paanan nito, na nagiging maliliit na ipo ipo. Palihim na nagkatinginan na lang sina Lorsan at Io dahil dito.
"Bakit si Amihan ang napili mong mag alaga ng Brilyante ng Hangin? Nakakatiyak ka bang makakaya nyang alagaan at protektahan ang Brilyante na syang pinagmumulan ng kaguluhan dito sa Engkantadya?"
"Ina! Kaya ko! Sige na, payagan mo na ako!"
"Amihan...!" Baling na saway ng Reyna sa Anak na napayakap sa kanya.
"Kamahalan!. batid ko, ang pag aalala nyu sa Prinsesa, pero bago sya maging ganap na tagapangalaga, may mga pagsubok at pagsasanay syang kailangang lampasan.. Sa Fairyland sila magsasanay, kaya makakaasa kang ligtas ang yung Anak habang malayo sya sa piling mo!"
"At sinong magsasanay sa mga taga pangalagang mapipili mo?"
Dipa rin kumbinsidong tanong ng Reyna kay Io. Kailangan nyang mapapayag ito, dahil wala na syang naiisip pang iba na makakahigit kay Amihan para maging tagapangalaga ng Brilyante ng hangin.
"Ang apat na Dyosa, na sinugo ni Bathalang Kaiser na mangalaga't magbantay sa kalikasan, kalupaan, karagatan at kabundukan. Nakumbinsi na silang apat ni Batalumang Enolla.. Sa oras at panahong mahanap at matipon ko ng napili kong tagapangalaga. Dadating sa Fairyland, sina Waterya, Aireya, Eartheya at Fireya.. Silang apat ang huhubog at magbibigay ng iba't ibang pagsubok sa mga bagong tagapangalaga ng mga Brilyante, Kamahalan!"
Malalim na napaisip ang Reyna Shera, walang sinuman sa mundo ng Engkantadya, ang nakakakita sa apat na Dyosang tagapagbantay. Ang paniniwala nga ng karamihan ay isa lang sila sa mga Alamat. Pero ngayon, dahil sa pinahayag ni Io sa kanya, parang hindi sya makapaniwala na makakadaupang palad ito ng kanyang Anak. Napaka swerte ng mga mapipili ni Io, kung ganun! Kasi, ang mga Dyosa pa mismo ang huhubog sa mga ito.
"Ina! Pumayag kana! Sige na, Ina!"
Mula sa malalim na pag iisip ni Reyna Shera, bumaling ito ng tingin kay Amihan, na nagpapa awa ng mukha sa kanya.. Kasunod nyang sinulyapan si Io, na tila nangungusap ang mga matang nakatingin din sa kanya, at ang huli nyang sinulyapan ay si Lorsan, na napansin nyang tahimik lang mula ng makipagtitigan ito kanina kay Lamina, ang nakababatang kapatid ng mahal nyang Haring namayapa na.
"Kamahalan?" Kuha ni Io sa pansin ng Reyna.
"Ina!" Hinawakan ni Amihan ang kamay ng Ina, mahinang pinisil pisil nya ito.
Napabuntong hininga na lang ang Reyna. Sabagay, mas maigi ngang payagan na nya si Amihan, para makalabas na ito ng Palasyo at para maging abala na ulit ito, malibang sa bagong kapaligiliran na pupuntahan.
"Pumapayag na ako!"
Sa narinig na sinabi ng kanyang Ina, mahigpit na yakap saka matutunog na halik ang ginawa ni Amihan dito.
"Talaga! Ina? Salamat, maraming salamat Ina!"
"Amihan, anuba! Umayos ka! Nakakahiya sa mga panauhin natin!"
"Wala kang dapat ipag alala, Kamahalan! Ganyan din ang ginagawa ko kay Ina, kapag labis labis ang nadarama kong saya!."
Natatawang niyakap na lang ng Reyna ang Anak nito. Sabagay baka matagalan ang pagsasanay na gagawin nito, matatagalan din bago sila magkita't magkakasama. Kaya hahayaan na lang nya ito.
Ng magbitaw sa pagyayakapan ang dalawa. Dun na ulit nagsalita si Io.
"Maraming salamat! Mahal na Reyna, wag kayong mag alala, aalagaan kong mabuti ang Anak nyu habang nasa Fairyland sya."
"Alam ko naman yun! Pakiusap ko lang.. na habaan nyu sanang pasensya nyu saking Anak, masyadong matigas ang ulo nito at pasaway!"
"Ina, naman... Magpapa kabait ako dun! Di ako magpapasaway, pangako!"
"Sya, sige na! Mag ayos kana ng mga kailangan mong gamit."
"Salamat, Ina!"
Muling yumakap si Amihan sa Ina, hinalikan nya pa ito sa pisngi bago sya nagmamadaling lumabas ng bulwagan pagkatanggal ni Reyna Shera sa tumatabing na mga ulap sa kanila.
"Magmula dito, saan kayo patutungo?"
"Sa Kaharian ng Inspra, Kamahalan! Susunduin namin si Prinsesa Urduja."
Napatango tango na lang ang Reyna, saka naglakad patungo sa trono nito. Bago umupo, tumawag muna ito ng tagasilbi.
"Alora, ihatid mo sila sa kanilang mga silid para makapag pahinga muna, bigyan mo rin sila ng makakain."
"Masusunod, mahal na Reyna!"
Yumokod sa Reyna si Alora, bago humarap kila Lorsan at Io, iminuwestra nito ang daan papuntang silid ng mga panauhin.
"Maraming salamat! Reyna Shera!"
Sabay pang sabi nila Io at Lorsan, yumukod muna ang mga ito sa Reyna bago sinundan si Alora. Ng makalayo sila ng bulwagan, dun na pinakawalan ni Io ang malapad nyang ngiti. Ikinubli pa nya ito kay Lorsan, pero ang hindi.nya alam, huli na sya, dahil nakita na ni Lorsan ang kanyang pag ngiti.
"Abah! Masaya sya! Bakit kaya? Hmm.. Dahil ba yan sa kakisigan ko, kaya ka kinikilig dyan! Ha! Io?"
Panunukso ni Lorsan, hinawi pang mahabang buhok saka dumikit ng paglalakad kay Io. Na mabilis syang itinulak palayo dito.
"Tse! Ikaw makisig? Isang kagat ka nga lang ni Pilar, lupaypay kana eh! Napakayabang mo talaga!"
"Ohoyyy! Aminin! In lab kana sakin nuh! Io? Wag kang mag alala!.. Kasi, lab na lab din kita!"
Lumapit na naman ito kay Io, sinilip ang mukha ng naiinis na Diwata.
"Lorsan! Tigilan mo na'ko! Wag mong sirain ang masayang nararamdaman ko ngayon! Tatamaan kana sa'kin!" Sabay siko sa makulit na katabi.
"Sige na nga! Hindi na kita kukulitin!" Saglit itong natahimik, maya maya dumaldal na naman ito.
"Io, masaya kaba? dahil nakumbinsi natin si Reyna Shera, na maging isa sa mga tagapangalaga ang Anak nya?"
"Oo naman! masayang masaya ako! Pero, mas higit na sasaya, kung makukumbinsi ko rin ang tatlo pang Kaharian na patutunguhan natin,"
"Wag kang mag alala! Nandito naman ako eh! Tutulungan kita! Malakas ka sa'kin eh!"
"Alam ko na yun! Halika na! Pahinga na tayo!"
"Tabi tayo?"
"Baliw!" Hinila nyang tenga ni Lorsan sa inis dito.
"Aray! wag naman ang tenga ko, Io!"
"Wala talagang laman yang utak mo! Kundi puro kalokohan!"
"Binibiro ka lang! Bilis mo namang mapikon!"
"Hay naku! Bahala ka sa buhay mo! Basta ako magpapahinga na, dahil kelangan natin ng lakas para sa paglalakbay natin patungo sa Kaharian ng Inspra!"
Himas himas ang tengang nasaktan, napasunod na lang ng lakad si Lorsan kay Io. Ang nais lang naman ni Lorsan ay pagaanin ang loob ni Io, alam nya kasing kahit nakatawa man ito o nakangiti lang, nababagabag ito sa kahihinatnan ng kanilang paglalakbay.
At kagaya ng kanyang nakasanayan.. Ibinubulong nya na lang sa hangin ang nilalaman ng kanyang damdamin.
'Wag kang mabahala mahal kong Io, hanggat nabubuhay ako, mananatili ako sa tabi mo, na parang anino mo lang na nakasunod sa'yo!'
💃MahikaNiAyana