Line Treaty – it is signed in the year 1990 by the leaders of mortals and vampires. A promise to create a harmonious world with mortals and vampires, setting up boundaries to prevent vampires from hunting humans for a meal.
---------------
Eve
Isang babae na nakaputing bestida ang nakatayo sa kalagitnaan ng mga nagluluntiang ilaw sa paligid. Ang kanyang buhok ay 'sing tingkad ng dapit-hapong araw na sumusunod sa galaw ng banayad na hangin. Nakapikit siya habang ang dalawang palad ay pinagsalikop. Ang kanyang bibig ay may sinasambit na hindi ko mawari.
Ang paligid ay napakatahimik. Nakatayo ako sa kanyang likuran at pinagmamasdan ang kapaligiran. Hindi ko mawari kung ano ang aking ginagawa doon ngunit napakapayapa sa pakiramdam.
Naaamoy ko ang sariwang halimuyak na hatid ng mga bulaklak sa paligid. Ang dapit-hapong araw ay nagsimula nang humalik sa kagiliran. Tila tumalon ang puso ko sa ganda ng tanawin na aking nakikita. Walang ibang makikita kundi ang malalambot na ulap, nagsasayawang bermuda at talahib, at ang walang hanggang kalupaan na natatabunan ng mga naggagandahan at nagbabanguhang bulaklak. May mga dilaw, pula, karnasyon, at lila ang naroong kulay sa malawak na kalupaan. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong tanawin. Napakapayapa.
Natatabunan ng misteryosong babae ang araw at ang kanyang buhok at bestida ay sumasabay sa indayog ng hangin.
Napapikit ako. Gusto kong damhin ang simoy ng hangin at ang sinag ng araw na humahalik sa aking balat. Gusto ko ng mapayapang buhay. Sana ay ganito na lang ang hitsura ng daigdig. Bakasakali mas may payapa sa mundo.
Kung hindi ba dumating si Aleyago sa mundong ito, magiging ganito rin ba kaganda ang mundong ito? Marami kaya ang magiging payapa sa pamumuhay nila? Marami kayang magmamahal sa mga bulaklak na ito?
Napakaraming tanong ang gusto kong isambulat sa hangin. Pero wala ni isang sagot ang bumulong mula sa hangin.
Dito ko napagtanto... ang mundong perpekto ay isang kathang-isip lamang. At ang lahat ng kathang-isip na mundo ay ang pinakamalungkot na kasasadlakan ng isang nilalang dahil sila'y higit na naniniwala sa kasinungalingan kaysa ang makita ang katotohanan.
Sa kailaliman ng aking iniisip ay hindi ko namalayang nakaharap na pala sa akin ang babae. Gulat man ay nanatiling walang emosyon ang aking mukha.
Nakita ko ang kabuuan ng kanyang mukha. Ngumiti siya sa akin at iniangat ang kanyang kamay na tila nagpapaanyaya. "Halika... hindi ba't gusto mong makita ang isang perpektong mundo?" tanong niya.
Napakunot-noo ako. "Perpektong mundo? Totoo ba talaga ang bagay na 'yun?"
"Bakit hindi mo subukan at nang malaman mo ang katotohanan?"
Ilang sandali kong tinitigan ang kanyang nakalahad na kamay. Ilang beses nagpabalik-balik ang tingin ko sa kanyang inosenteng mukha at sa kanyang kamay.
Hindi nagtagal ay dahan-dahan kong ginagap ang kanyang kamay. Sa pagkakataong iyon, tila may malakas na enerhiya ang biglang bumalot sa paligid.
Nagulantang ako sa nasaksihan. Halos makalimutan ko na ang paghinga sa mga sandaling iyon. "P-papa'nong..."
Ang nasilayan kong maganda at maliwanag na kapaligiran ay naging isang walang hanggang kadiliman. Nakahihindik ang kalupaan. Maraming nagliliyabang tahanan at gusali. Nakaririnig ako ng malalakas na sigaw na tila humihiyaw na kaluluwa para sa hustisya. Maraming patay na katawan ang nasa kapaligiran kung saan nakita ko kanina ang mga bulaklak.
Sa gitna ay ang mga nilalang na nagpapatayan. Kalat-kalat ang dugo. Halos lumapot na ang lupa sa pagkadilig ng dugo nila doon.
Napasinghap ako. Napapailing.
"Hindi. Hindi 'to maaari. Hindi 'to nangyayari..." pabulong kong sambit.
Halos malunod na ako sa kalungkutan. Ito ba ang perpektong mundo? Bakit napakalungkot ng perpektong mundo? Bakit nasasaktan ako?
Napaluhod ako sa mainit na lupa. Nakatuntong ako sa burol ng mga kahoy na unti-unting nagiging abo. May luha na tumakas mula sa aking mata.
Ganito rin ba ang nararamdaman ng mga tao sa tuwing pinapaslang namin sila? Ganito ba kasakit? Nararamdaman ko ngayon ang pinaghalong takot at hinagpis para sa kanilang buhay. Ito ang dahilan kung bakit sa lahat ng nilalang sa mundo ay ang mga tao ang mga pinakatakot dahil sa kamatayan na naghihintay sa kanila, dahil sa kanilang kahinaan.
"Nakikita mo ba ang lahat ng ito, Evangeline?" sa wakas ay tanong sa akin ng babae sa aking tabi. Nanatili siya sa pagtayo habang ang aking kamay ay hawak-hawak niya pa rin. "Ito ang perpektong mundo para sa isang tulad natin. Dahil ito ang naging depenisyon ng nakararami sa hitsura ng perpektong mundo. At ang mundong ito ay nakatakdang mawasak dahil sa atin..." siwalat niya.
"Hindi ko maintindihan, Aleyago... bakit ito ang pinili nating landas?" tanong ko sa kanya. "Bakit kailangang may magdusa?"
"Hindi ko rin ginusto ang mga nangyayari pero ang tadhana na ang nagtakda ng lahat ng ito. Simula nang dumating ako sa mundong ito, alam kong nakatakda itong mawasak dahil sa akin. Dahil ginawa ito upang maging aking bilangguan," pagtatapat niya.
Doon ako napalingon sa kanya. Pakiramdam ko'y tutulo na ang luha ko. "Ako ba ang magiging dahilan ng lahat ng ito?"
Hindi ko yata makakaya kung mawawasak ang mundong ito nang dahil sa akin. Napakasakit. Wala akong maisip na dahilan kung paano hahantong sa ganito ang lahat. Sa tuwing uulit nang uulit ang panaginip na ito, pakiramdam ko'y hinihintay na lang ako ng daigdig na maglaho kasabay ng liping si Aleyago ang nagpalaganap...
****
6th Day...
"I'm so sorry. Did I hurt you?" isang hindi pamilyar na tinig ang bigla kong naulinigan nang magkamalay ako.
Napakislot ako nang maramdaman ang sakit na tila pagtusok ng isang punyal sa aking palad at ulo. Pagkamulat ko ng mga mata ay ang mukha ni Grace ang nabungaran ko.
Ang hitsura niya sa pagkakataong ito ay isa nang ganap na teenager. Sa tantya ko ay nasa 15 anyos na siya. May mahaba siyang buhok na kulot at ang kanyang mata ay kulay brown. May pag-aalala sa kanyang mata at ang mahahaba niyang pilik-mata ay ang nagbigay sa kanya ng inosenteng hitsura.
Maya-maya ay may narinig akong malakas na singhap. "Miss Grace! Anong ginagawa mo?" saway ni Lea. Saka siya tumakbo para ilayo mula sa akin si Grace.
Nang igalaw ko ang ulo ko ay doon ko napagtantong nakaupo pala ako at nakasandal sa pader. Nawalan na naman ako ng malay.
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid. Nasa loob pa rin kami ng Safe House. Ang walang kabuhay-buhay na kwarto na ito ay nilagyan nina Lea at Lileth ng pink wallpaper. Ito raw kasi ang paboritong kulay ni Grace. Nagdagdag pa sila ng iba pang gamit sa loob tulad ng closet at study table.
Napupuno naman ang mga pader ng mga nakadikit na papel. Maging ang study table ay tambak din ng papel. Nakahiligan kasi ni Grace ang lagsusulat at pagguhit ng iba't ibang paksa at larawan.
Madalas ay hindi nagsasalita si Grace. Kung may gusto siyang isang bagay ay idinadaan niya iyon sa pagsulat ng Hiragana o katakatana. Iyon kasi ang itinuro sa kanya ni Mr. Ignacio since taga-Japan naman sila. Pero madalas naman ay gumagamit siya ng Ingles na salita para maunawaan siya nina Lea at Lileth. Tinuruan naman siya ng Tagalog ni Lileth at nakakatuwang mabilis niya itong nakukuha.
Napatayo ako at inusisa ang bawat papel na makita kong nakadikit sa dingding. Ang isa sa mga nakatawag ng pansin sa akin ay ang tula na isinulat niya. Ang wikang ginamit ay Tagalog.
Dahil sa kanya ay mabubuhay ako
Dahil wala siya ay mamamatay ako
Siya ang dahilan kung bakit tumitibok ang aking puso
At siya rin ang dahilan kung bakit hihinto ito
Siya ang aking lakas
At siya ring aking kahinaan
Ang kanyang kamatayan ay siya ring aking katapusan...
Napangiti ako nang matapos ang pagbabasa. "Dugo..." pabulong kong sambit.
Maya-maya ay nakarinig ako ng yapak na tila kinakaladkad ang tsinelas na pambahay. Mahinang salitan ng pagkiskis sa sementadong sahig ang aking naulinigan bago ko nakita ang nakangiting pigura ni Grace.
"You know the answer?" naku-curious na tanong niya.
Lumawak ang ngiti ko at sinulyapan siya. "Natutuwa ka na nahulaan ko?"
Napayuko siya. "It's quite difficult to think of a riddle. I find it so hard since I don't like things such as secrets," pagtatapat niya.
Napaismid ako. "Mag-practice ka pa. Kailangan mo 'yang aralin ngayon dahil simula bukas ay sasabak ka na sa training para sa Valkyrie. Hindi ka pwedeng manatiling mangmang at nakakulong sa apat na sulok ng kwartong ito. Kailangan mong lumaban para makaalis tayo rito," pagpapaalala ko. Akmang aalis na ako nang bigla siyang nagsalitang muli.
"Is that why you're crying inside your dreams?" tanong niya na ikinatigil ko.
Nanlaki ang mga mata ko at lumingong muli sa kanyang direksyon. "A-anong sabi mo?"
"Don't blame yourself. Hindi ikaw ang may kasalanan. You know that you are not a monster," aniya, saka ngumiti nang mabini.
Napanganga ako dahil doon. Wala akong maapuhap na sabihin. Sa kawalan ng masasabi ay agad akong lumabas ng kwarto at dumiretso sa aking silid.
Isinarado ko ang pinto doon at sumandal pagkaraan. "Papaano niya nakita ang panaginip ko? Posible ba 'yun? Ano ba talagang kapangyarihan niya?" tanong ko sa sarili ko.
Nakalimutan ko. Dapat pala ay hinahanap ko ang tunay na identity ni Edward. Pero bakit lagi kong nakakalimutan? Totoo kaya ang sinasabi ni Sky na kaya hindi ko magawa ay dahil pinipigilan ako ni Grace?
Sunod-sunod na malalakas na katok ang nagpabalik sa akin sa mundo. Nag-atubili akong buksan ang pinto at nakita ko ang nag-aalalang mukha ni Sky.
"Captain!" Hindi na ako nakahuma dahil kaagad na niya akong sinugod ng yakap.
"S-Sky?" untag ko sa kanya ngunit hindi niya ako sinagot.
Matapos ang ilang sandali ay napabitiw siya sa akin at tiningnan ako sa mata. "Okay ka lang ba? Anong nangyari? Nakita ka raw ni Lileth na nakasandal sa pader. Nawalan ka ng malay..." pagbabalita niya. "Anong nangyari? Sabihin mo..." tanong pa niya.
"Ayos lang ako, Sky. Normal na 'to. Hindi ka pa ba nasanay?" pambabalewala ko.
"Anong normal? Hindi ganito kadalas ang pagiging unconscious mo. Hindi 'yan normal. Sabihin mo sa 'kin... anong nararamdaman mo? Nanaginip ka na naman ba?" sunod-sunod niyang tanong habang nakahawak sa mahkabila kong braso.
Tinitigan ko siya sa mga mata. Binabasa ko ang nasa isipan niya. Pero kahit anong klaseng usisa ko, hindi ko pa rin mahulaan kung bakit siya nagkakaganito. Napangiti na lang ako sa harap niya. "Okay lang ako..." sabi ko. Totoo namang wala akong kakaibang nararamdaman.
Natutuwa lang din ako na kahit matagal kaming hindi nagkita ni Sky simula nang mawala ako sa Valkyrie, naaalala pa rin niya ang nakaraan kong problema.
Simula kasi nang mapunta ako sa Valkyrie, si Sky lang ang nakakaalam sa tunay na nangyayari sa tuwing mawawalan ako ng malay.
Ang mga bampira ay hindi natutulog simula nang ipinanganak siya bilang isang bagong nilalang. Kahit ang mga Zasek ang bukod-tanging may kaluluwa sa lahat ng lipi, hindi ito nangangahulugan na may kakayahan sila para matulog. Ang tanging nakakapagpatulog sa isang bampira ay ang pamamagitan ng pagtanggal sa lahat ng kanyang dugo sa katawan at iimbak sa selyadong lalagyan. Ang tawag sa prosesong ito ay "Valkia". Ang may karapatan lamang na gumawa nito ay ang mga sires ng bawat House sa Black Line Territories. Mahigpit itong ipinagbabawal sa mga mababang klase ng bampira. Ginagamit lamang ito ng mga Senior at Maria kung walang ibang papalit sa kanila bilang isang sire ng house na pinamumunuan nila. Matapos ng 5 years ay maaari na silang buhayin o gisingin. Ang gagawin lamang ay magpapatak ng dugo sa may bibig ang acting sire ng grupo. Matapos niyon ay iinumin naman ng nagising na bampira ang kanyang sariling dugo matapos ang ritwal na iyon.
Sa kalagayan ko naman, kaya ako ganito ay dahil kay Aleyago. Mawawalan lang ako ng malay kung nagpapakita siya sa akin. Ang alam lang ni Sky ay nananaginip ako ng masama ngunit hindi niya alam na si Aleyago ang nagpapakita sa akin. Ni hindi rin niya alam na ako ang 3rd generation ni Aleyago. Ako, si Matheo, at ang House of Trinity lamang ang nakakaalam ng totoo kong pagkakakilanlan. Dahil nangangamba ang lahat na kung magpapakilala ako bilang ang ikatlong henerasyon ni Aleyago ay tiyak na magkakaroon muli ng pangatlong digmaan sa pagitan namin at ng mga mortal at mga lobo.
"Sorry..." bigla ay sambit ni Sky pagkakuwan. Napayuko siya at nag-iwas ng tingin. Unti-unti ay tinanggal na niya ang pagkakahawak sa akin. "Nag-alala lang ako. Nakalimutan ko na kaya mo naman ang sarili mo..." may himig ng pagtatampong sabi niya sa akin.
Teka... may nasabi na naman ba akong mali? Bakit pakiramdam ko ay nagagalit na naman siya?
Napatawa siya nang mapakla at napailing. "Wala 'to... hindi mo rin naman maiintindihan kahit sabihin ko pa. Pero pakiusap ko, sana hindi na ito mauulit. Gusto ko rin 'tong sabihin sa sarili ko," sabi niya. "Sige..." iyon lang at saka nagmadaling umalis sa kwarto ko.
Naiwan naman akong walang ideya kung ano ang nangyari. Nawiwirduhan na talaga ako sa ikinikilos ni Sky. Okay lang kaya siya?
To be continued...