Chapter 1: Missing
Eve
Ito ang bagong mundo. Isang bagong daigdig na pinamumunuan ng mga bampira.
Nagsimula ang lahat nang mapadpad sa daigdig ang isang nilalang na ang pangalan ay Aleyago. Siya ay isang prinsesang ipinatapon sa mundo ng mga tao bilang kaparusahan sa kanyang karumaldumal na pagpaslang sa kanyang mga nasasakupan. Siya ay isang halimaw na umiinom ng dugo ng kanyang kapwa. Napadpad siya sa mundong ito at natagpuan ang kanyang mortal na kalaban na isang lobo, si Zailo Hiroino. Isa siyang magiting na Rayka na ang tingin sa mga tao ay pagkain. Naging isang malaking digmaang ng aso't pusa ang kanilang hidwaan. Pinaslang ni Aleyago si Zailo ngunit ang lipi ng mga Rayka ay hindi pa niya nalilipon. Simula noon ay walang hanggan na ang hidwaan sa pagitan ng dalawang lahing ito.
Sa panahon ng Black Death noong 1300s, ang grupo ni Maria Aleyago ay nagkaisa na iligtas ang mundo sa pamamagitan ng dugo na nananalaytay sa kanyang mga ugat. Walang hanggang buhay ang kapalit na para sa karamihan na nakakaranas ng nakamamatay na sakit. Ngunit, marami sa kanyang kasamahan ang nagkamali ng pagliligtas.
Dahil dito, maraming uri ng bampira ang lumaganap sa mundo. Nagkaroon ng malawakang ebolusyon ang mga bampira. Dahil sa Black Death, maraming bampira ang napabilang sa pagbabagong iyon. Ang mga bampira na may kaluluwa ay tinawag na Zasek. Ang mga bampira na nagtago sa kweba ay tinawag na Vaz Harpia. Sa mga nagtago sa dilim, Vaz Dracula. Sa mga umanib sa salamangka at kapangyarihan ng elemento ng mundo, Vaz Hollow at Vaz Hac.
Sa paglipas ng panahon ay lalong dumarami ang iba't ibang uri ng mga bampira. Dumagdag na ang mga Vaz Mortal na bunga ng mga bampirang umiibig o nakikisalamuha sa mga tao. Dahil dito ay nauubos ang lipi ng mga mortal dahilan upang magkaroon ng ikalawang digmaan. Itinatag ang grupong tinatawag na House of Trinity na naglalayon na pagkaisahin ang lipi ng mga mortal at mga bampira sa iisang payapang mundo sa pamamagitan ng Line Treaty.
Ang Line Treaty ang pangmalawakang batas ng mundo upang mapanatili ang kapayapaan sa daigdig. Ito ay itinatag noong taong 1990. Ang sinumang lalabag sa kautusan ay hahatulan ng kamatayan.
Sa pag-usad ng panahon, umanib sa sibilisadong pamamaraan ang mga bampira at niyakap ang teknolohiya na hatid ng mundo ng mga mortal at lahat ay nagkasundo na panatilihin ang kapayapaang ito sa pagdedeklara ng Line Territories. Ang Black Line ay ang teritoryo ng mga bampira, ang Red Line naman ay ang teritoryo ng mga mortal na tao.
Sa kasalukuyan, marami nang nag-usbungang malalakas na grupo ng mga bampira at nagiging isang kompetisyon na ang pagiging imortal. Hindi nakukuntento ang lahat sa mundo at nais magsaliksik ng iba pang paraan upang maparami ang lipi ng mga bampira sa kahit na anumang uri at paraan.
Sa mundong ginagalawan ko, maraming sikreto na hindi pa nakikita ng sinuman. Ngunit, hanggang kailan mananatili ang inaakala ng iilan na kapayapaan sa mundong ibabaw? Hanggang kailan mapapanatili ng mga bampira ang kanilang pangako na hindi na muling papatay ng mga tao?
Mapagkakatiwalaan pa rin ba ang mga tulad kong sa dugo lamang humahanap ng lakas at kapangyarihan?
****
Rahanola Cariño
Missing
Height: 5'2"
Hair color: Blue-dyed
Last seen: —
Hindi ko na itinuloy ang pagbabasa nang may tila dumi na nagpapalabo sa aking mga mata.
Umiiyak ba ako? Posible kayang makaramdam ako ng emosyon na tao lamang ang nakagagawa?
"Huwag po kayong mag-alala, Lady Eve. Mahahanap din natin ang kapatid mo..." pagpapagaan ng loob ni Juno sa akin, ang secretary ni Lurin Cariño, ang aking foster mother. Naroon siya sa aking likod. Ramdam ko ang pagnanais niyang hagurin ang aking likod upang ako'y damayan. Wala siyang kaalam-alam na ang nais niyang pagaanin ang loob ay isang nakagigimbal na halimaw. "Tama lang po ba ang details na nakalagay sa posters, Lady Eve? Para ma-finalize na natin ang ibibigay sa printing press. We will do this as soon as possible para sa mabilis na paghahanap kay Lady Rana," dagdag pa niya.
"So far, so good, Juno. Sana mahanap na kaagad si Ranny. Hindi maganda ang pakiramdam ko sa ngayon," sagot ko naman.
Tumango ang isa sa aking likuran. "Naiintindihan ko po. Ah... Lady Eve. May bisita po pala kayo na naghihintay sa ibaba. Code Z."
Napalingon ako sa aking kanan at dinama ang paligid. Nang masiguro na tama ang aking pagsiyasat sa presensiya ay napahugot ako ng malalim na hininga. Narito na ang tauhan ng House of Z, si Agent Sky. Hinarap ko na lang si Juno at nakita niya ang malaginto kong mga mata. "Bumaba ka na at ialok mo siya ng maiinom," pag-uutos ko.
Napatungo siya. "Masusunod po, Lady Eve." Iyon lamang at tuluyan na niyang nilisan ang aking opisina.
Nakatira ako sa Borderline ng Red Line Territory sa South Korea. Dito kami nakatira at ng pamilya Cariño simula noong 2010.
Wala akong ibang nagawa kundi ang mapapikit at mapabuntonghininga. Isang linggo nang nawawala si Rahanola, ang kapatid ko at anak ni Lurin. Kinukutuban akong baka may kinalaman ang BLA o Blue Line Association sa kanyang pagkawala. Marami kasing nakakita kay Ranny sa unti-unting pagbabago ng kulay ng kanyang buhok, mula sa black hanggang sa pagiging blue nito.
Ang BLA o Blue Line Association ay ang grupong itinatag ng mga Bernardine o mga tao na may kapangyarihan na nanggaling sa mga demonyo. Sila ang mga tao na kinamumuhian ang lipi ng mga bampira sa mundong ibabaw at katulad ng mga Rayka ay ninanais din nilang mawala kami.
Humanda sila oras na saktan nila si Ranny... sambit ko sa aking sarili.
"Mamaya ka na mag-emote d'yan, Capt. Cariño. May sasabihin ako sa'yo," isang tinig ang biglang sumingit sa aking isipan.
Napairap ako. "Nand'yan ka pala? Akala ko hindi ka na magsasalita..." Napaharap ako sa kanya at pinagtaasan siya ng kilay.
Napatawa naman si Agent Sky sa aking tinuran. Kanina pa siya roon at pinagmamasdan ako. Mahilig talaga siyang pasukin ang pribado kong buhay. "Hindi ka pa rin nagbabago, Captain." Nakita ko ang walang pagbabagong mukha ni Sky Carlsmith. Isa siyang 85 year-old Vaz Hollow na kabilang sa House of Z. Napabilang kami sa iisang team noon na tinatawag na Valkyrie Squad. Siya ang aking Major. Kabilang kami sa mga bampira na secret agents. Ang pangunahing trabaho namin ay ang ligpitin ang mga traydor na bampira, manguna sa blood transfusions sa mga ospital, at sa mga delikadong operations lalo na sa borders. Kami ang tahimik na nagpapanatili ng kapayapaan sa bawat teritoryo sa daigdig.
Last year, na-demote ako from Captain to First Lieutenant dahil sa isang failed mission sa borderline ng Black Line Territory sa Malaysia nang may mga Vaz Dracula na nakapagpuslit ng mga buhay na tao mula sa Japan na sakop na ng Red Line. Imbes kasi na mailigtas ang mga mortal pabalik sa kanilang teritoryo ay namatay silang lahat dahil sa pagsabog ng bomba na nakakabit sa katawan ng mga sigang Vaz Dracula.
"Ayaw mo bang i-promote kita? Pagod na akong hawakan ang Valkyrie Squad," panghihikayat ni Sky.
"Captain?" pag-uulit ko. "Pagkatapos akong ma-demote, Captain pa rin ulit ako?"
"Pwede namang magsimula ulit, 'di ba?"
Napahalukipkip ako. "Ikaw ang nagtanggal sa akin sa squad."
"Ginawa ko 'yun dahil napag-utusan lang ako ni Senior Matheo."
"Wala kang isang salita."
"Ikaw ang kailangan ng team ngayon."
"Hindi na ako babalik sa squad."
"Pinadala ako ni Senior Matheo rito. Ayaw mo pa rin?" pangungumbinsi pa rin ni Sky.
Napaismid ako. "Ano bang problema ninyo? Busy ako. Wala na akong panahon sa pagiging agent."
Hindi nagsalita si Sky, sa halip ay bigla lang niya akong hinigit sa braso. Napasinghap ako hanggang sa ang mga mukha namin ay malapit na sa isa't isa. Sa isang iglap, nag-iba na ang lugar kung nasaan kami.
Napabilog ako sa aking kamao at agad na itinulak si Sky. Wala akong ibang narinig kundi ang tawa niya. Dinala na naman niya ako sa Z Corp. building nang walang pahintulot! Kahit pa noong magkasama kami sa team, palagi niya akong pinagtitripan. Hindi pa rin siya nagbabago. Napakatuso pa rin.
Ang Z Corporation building ay nakabase sa Baguio, Philippines, isa sa sakop ng Black Line Territory.
"Wala akong ibang choice kundi ang dalhin ka rito, Eve. Seryoso ako sa sinasabi ko. Kailangan ka ng Valkyrie ngayon," sabi niya pa habang nakatawa at bukas-palad na nakaharap sa akin.
"Nakikita mo naman siguro na abala ako sa paghahanap sa kapatid ko, 'di ba? Hindi ako pwedeng bumalik sa Valkyrie," pagtanggi ko.
Lumapit si Sky sa akin at inilapit ang kanyang mukha. Mas lalo ko tuloy nakikita ang kanyang maamong mukha.
Isa si Sky sa mga may gwapong mukha sa House of Z. Maraming bampira ang gusto siyang maging beloved pero dahil workaholic siya ay walang nakakalapit sa kanya kundi ako lang. Nakakapagtaka rin minsan dahil ako lang ang pinagtitripan niyang bampira sa Valkyrie. Sa bagay, ako lang din naman ang bukod-tanging babae sa team. Halos lahat ay mga lalaki na. Hindi kaya bakla si Sky?
Napahugot ng malalim na hininga si Sky habang nakapikit bago ako tiningnan nang may seryosong mukha. "Mamaya na ako sasagot sa napakakulit na tanong sa isip mo..." komento niya.
Napaismid naman ako. Oo nga pala. Hindi na ako nasanay na kahit anong gawin ko ay naririnig pa rin niya ang isipan ko. Iyon kasi ang kapangyarihan niya bilang isang Vaz Hollow.
"Paano kung sabihin ko sa'yo na may kinalaman sa pagkawala ni Rahanola ang magiging misyon ng Valkyrie?" bigla ay tanong ni Sky na ikinatigil ko.
"Anong ibig mong sabihin?"
Napaangat ang labi ni Sky at maayos na tumindig. Sinaluduhan pa niya ako bago ibinaba ang kanyang kanang kamay. "Welcome back, Captain Cariño..."
****
Nasa loob kaming lahat ng madilim na silid. Ito ang meeting room ng mga officials ng House of Z. Naroon si Miss Corin, isang Vaz Mortal, na namamahala sa Vaz Mortal Department sa Red Line Territories. Mukha siyang 18 years old ngunit ang tunay niyang edad ay 10 years old, dahil tulad ng mga Zasek, ang Vaz Mortals ay mabilis din ang paglaki mula sa sinapupunan ng aming mga ina. Naka-peach blazer siya at pula ang mga kuko. Ang buhok naman niya ay nakatali sa likuran at may pagka-blonde ang kanyang buhok. Mukha siyang anghel na bumaba mula sa langit ngunit ang kanyang ugali ay salungat dahil siya ay walang patawad sa kahit sino na lalabag sa kanyang kautusan.
Naroon din si Senior Howard Ong ng Red Line Protection's Arm. Ito ang sangay ng House of Z na humahawak sa frontline operations ng mga sundalo at pulis na mga bampira. Si Senior Howard ay isa sa mga makataong bampira na napabilang sa House of Z. Isa siya sa matalik na kaibigan ni Matheo at ang pinaka-pinagkakatiwalaan.
Ang panghuli ay si Senior Matheo Irving, ang main sire ng House of Zillion. Isang 2nd Generation Porlomolla Zasek na maputi ang buhok. Mukha siyang hindi katiwa-tiwala dahil halos maging kamukha na niya si Count Dracula, ang fictional Vampire ng mga mortal sa mga pelikula na kanilang ginagawa. Isa siyang Vampire Scientist na nanguna noon sa pagliligtas ng mga Terminally Ill Mortals o TIM upang gawin silang mga Vaz Hac at maging secret agents. Marami ang takot sa kanya pero ako lang ang nagagawang salungatin siya. Kaya palagi akong award-winning sa Valkyrie at nade-demote kapag hindi ako sumusunod sa protocols. Matigas ang ulo ko dahil ginagawa ko lang ang alam kong tama at mas makakabuti sa isang misyon. Ang last mission ko lang last year ang pinakapalpak sa lahat kaya talagang tuluyan na akong tinanggal sa team.
Malalim din ang pinagsamahan namin ni Matheo dahil siya ang unang bampira na nakilala ko simula nang ipinanganak ako...
Year 2010
Nagkamalay na lang ako sa harap ng napakaraming bangkay. Sa paligid ay madilim at mausok. Maraming gusali ang nakikita ko sa tuwing titingala ako. Nagpalakad-lakad ako sa paligid at nakita ang isang salamin sa daanan. Basag-basag na ito ngunit may parte pang nakikita ko nang mabuti ang aking repleksyon.
Nagimbal ako at nanlaki ang mga mata. Nakita ko ang maraming dugo sa katawan ko. Ang puting bestida ko ay napuno ng dugo. Pati ang bibig ko.
Nang ibaba ko sa aking katawan ang aking paningin ay pinagmasdan ako ang aking hitsura. Nanginginig ko ring iniangat ang aking kamay sa ere at nakitang napupuno rin ito ng dugo.
Wala akong ibang nagawa kundi ang umiyak.
Ako ba ang pumatay sa kanilang lahat? Ako ba? tanong ko sa sarili ko.
Hindi nagtagal ay may anino na tumabon sa akin. Napaharap ako sa nagmamay-ari no'n at nakita ang isang makisig na lalaki. Ang buhok niya ay kulay puti. Napangiti siya sa akin at hinawakan ang aking bumbunan.
"Sigurado akong busog na busog ka na. Gusto mo bang turuan kita kung paano maging isang mabuting nilalang?" tanong niya sa akin.
Napalabi at napatango naman ako bilang isang maliit na paslit. Sa panahon na ito, 10 taong gulang na ang aking hitsura. Ika-3 araw ko na sa mundo bilang isang Zasek.
Simula noon, natuto ako sa pamumuhay ng isang sibilisadong bampira sa tulong ni Matheo Irving...
Pumasok na ang officials ng Valkyrie at naupo sa pinakadulo ng mesa. May white screen na nasa harapan namin at naka-display roon ang mga information na kakailanganin ng team para sa isang operation.
Naging matagal ang pamamayani ng katahimikan sa paligid bago nagsalita si Matheo. "Good morning, Team Valkyrie. Alam na alam na ninyo kung bakit kayo narito. May panibago na naman tayong assignment na kailangan nating gawin sa lalong madaling panahon," panimula niya. "May report na nakarating sa atin mula sa Red Line na kumikilos na naman ang BLA sa pang-eengganyo ng ibang Ordinaries na umanib sa kanilang asosasyon. Alam natin kung gaano kadelikado ang mapabilang sa kanilang grupo. Nawawalan na ng saysay ang trabaho ng mga Vaz Mortal na panatilihin ang kapayapaan sa Red Line lalo na sa North Asia Pacific.
"Dahil dito, kinakailangan nating ibalik si Agent Cariño sa team upang matulungan tayo sa misyong ito. Napag-alaman din namin na ang kapatid ni Agent Cariño ay nawawala. Siya ay si Miss Rahanola Cariño. By the way, ang kapatid niyang ito ay isang mortal lamang. Hindi rin alam ng adoptive family ni Agent Cariño na siya ay isang bampira.
"Si Rahanola ay nawawala simula noong July 16, 2020 at isang linggo na siyang nawawala. Marami ang nakapagsabi na ang kanyang buhok ay unti-unting nagbabago mula sa maitim na maitim hanggang sa pagiging asul. Alam naman natin na ang mga Bernardine ay nadi-distinguish sa pamamagitan ng kulay sa kanilang buhok na asul. We presume that Miss Rahanola is a Bernardine." Napaharap si Matheo sa akin. "Agent, isa bang Bernardine si Mrs. Lurin Cariño?"
"Hindi. Si Rahanola, tulad ko, ay adopted din ni Lurin. Hindi rin namin alam na magiging Bernardine siya. Isa pa, nasa Scientific Studies ng House of Z na wala pa tayong matibay na ebidensya na genetically born ang mga mortal bilang mga Bernardine. Ang ating alam ay mula Ordinary, maaaring maging Bernardine ang sinumang aanib sa BLA," paliwanag ko.
Napatango naman si Matheo. "Marahil ay tama ka. Ibig sabihin, dahil isang estudyante si Rahanola ay doon siya naging kaanib ng mga Bernardine. At dahil doon ay nawawala na siya ngayon."
"Sabihin mo, ano bang kinalaman ni Rahanola sa magiging misyon namin sa Valkyrie?" malamig kong tanong.
Inilipat ni Matheo ang slide sa isang bagong picture. Isang picture ng isang babae ang ipinakita sa white screen. "Ito ang leader ng mga Bernardine, si Agnes. Siya ay nabubuhay mula pa noong 1600. Ngunit sa hindi maipaliwanag na pangyayari ay bigla na lang siya naglaho simula nang itatag ang Line Treaty. Maraming nagsasabi na patay na siya. Marami namang nagsasabi na kinuha na siya ng mga demonyo bilang kabayaran sa hindi niya nagampanang misyon na ubusin ang mga bampira na kanyang hinging kapalit sa kapangyarihang ibinigay sa kanya ng mga demonyo.
"Ang nakuha natin na impormasyon ay hindi lang si Miss Rahanola Cariño ang nawawalang tao sa Red Line kundi lima na babae na kinakitaan ng pagbabago ng kulay sa kanilang buhok. May hinala tayo na isa sa kanila ang sasaniban ng espiritu ni Agnes upang ipagpatuloy ang misyon na lupunin ang mga bampira sa mundong ibabaw. Misyon ninyong hanapin ang limang babae na kinuha ng mga Bernardine at alamin kung ano ang plano nila laban sa atin. Maliwanag ba, team?" mahabang paliwanag ni Matheo.
"Sir, yes, sir!"
****
Matapos ang meeting ay nagtungo ang officials ng Valkyrie sa aming headquarters. Kasama ko sina First Lt. Zoren Dawson at Second Lt. Vorun Patt, pati na rin si Major Sky Carlsmith.
"Na-miss ka na namin, Captain! Buti na lang talaga malakas si Major sa puso mo..." pahaging ni Zoren sa akin.
Napairap ako sa sinabi niya. "Pinagsasabi mo? Pag-iisipan ko pa kung talagang sasali ako sa inyo, 'no!" maang ko pang sabi.
"Hayaan n'yo na 'yan si Captain, Agent Zoren. Walang choice 'yan kapag si Senior Matheo na ang magsasalita," dagdag naman ni Sky.
Bwisit! Pinagkakaisahan na naman nila ako... Alam na alam talaga ni Sky na mahina ako pagdating kay Matheo.
Pagkapasok namin sa headquarters ay nagtipon ang lahat at tinawag sa labas. Lahat kami ay nakatikas ang porma at hindi gumagalaw. Hinihintay namin na magsalita si Sky sa harapan namin. Marahil ay iniiwasan ng karamihan na makapag-isip ng hindi maganda laban sa Major dahil alam nilang nababasa nito ang kanilang mga isip.
"Team, may bago tayong misyon. Dahil dito, babalik na si Captain Cariño sa Valkyrie," panimula ni Sky. "This time, ayokong tataliwas kayo sa utos ng Captain. Lahat kayo ay susunod sa alam namin na makakapagpabuti sa operasyon. Naiintindihan n'yo ba?"
"Sir, yes, sir!"
"We will be finding 5 women with blue-dyed hair. The order is not to kill them but to hold them captive from BLA. Understood?"
"Sir, yes, sir!"
"Good! Maghanda na kayo sa headquarters at magsisimula na tayo sa ating operasyon pagsapit ng madaling araw."
****
Lulan ng isang high-tech military helicopter, lahat kami ay nakasuot ng black vests at helmet. May mga dala-dala rin kaming mga de-kalibreng baril na ang mga bala ay nakakapatay lamang ng isang Ordinary. Mahigpit na ipinagbawal sa amin na gumamit ng dahas laban sa ibang bampira na maaaring makasalamuha namin sa borderline.
Sa ganap na alas tres ay nakarating na kami sa Red Line Territory ng Japan. Karamihan sa nakatira rito ay hindi na pure Japanese Ordinaries. Marami nang nahalong Pilipino at Indonesian sa kanila simula noong naitatag ang Line Treaty sa taong 1990.
Habang nasa himpapawid ay nakita ko ang napakagandang tanawin sa Red Line. Habang abala sa pagtingin-tingin, maya-maya'y may lumitaw na isa pang helicopter. Iba ang kulay nito kumpara sa military helicopter ng Black Line. Marahil ay galing ito sa Red Line Protection's Arm.
Hindi nagtagal ay tumunog na ang radyo sa aming sinasakyan.
"Valkyrie 4654, this is Falcon 7541. You're now entering the Red Line Territory. What's the protocol?" tanong ng nasa kabilang linya.
Napailing si Sky. "Tangina! Hindi ba sinabihan ni Senior Matheo ang mga 'to?" pagrereklamo niya. Wala siyang nagawa kundi ang abutin ang radyo at sagutin ang nasa kabilang linya. "Falcon 7541, this is Valkyrie 4654. We will send the code to your database now for confirmation," aniya sabay pindot sa tablet na kanyang hawak kanina pa. Malamang ay ipinasa niya ang seal ng House of Z. Sa pamamagitan kasi nito ay malalaman ng mga taga-Red Line Protection's Arm na may operation kaming dapat na gampanan sa pagpapalaganap ng kapayapaan.
Matapos ang ilang sandali ay muling nagradyo ang Falcon. "Valkyrie 4654, this is Falcon 7541. Access granted. You may enter the Red Line Territories in Japan."
Narinig ko ang pagbuntonghininga ng mga kasamahan ko. Napangiti silang lahat ngunit ako ay nanatiling seryoso ang mukha. Sa wakas ay makakapasok na kami sa teritoryo ng mga mortal.
Kinakabahan ako sa kahihinatnan ng misyon. Sana ay mahanap ko si Ranny sa lalong madaling panahon, at sana hindi ako magkamali...
-to-be-continued-