Chapter 8: Identity

2164 Words
"If ever he sees the secret within you, It means you have told him by means of your eyes Or by means of your heart; But what reveals the secret the most Is the fact that fear made you like an open book." - Vampires ------------------- Eve Napatigil ako sa malalim kong iniisip nang marinig ang sunod-sunod na katok sa pinto. Binuksan ko iyon at nakita ang nakasandal na si Sky sa may pintuan. Nakangiti siya bilang pagbati sa akin. Inirapan ko na lang siya at bumalik sa pagkakaupo ko sa higaan. Narinig ko ang pagsunod niya sa akin sa loob. "Nakahanda na ang laptop sa kwarto ko. Ano bang gusto mong hanapin?" tanong niya bilang panimula. Napahiga ako sa kama habang ang dalawang paa ko ay nakalawit pa rin sa sahig. Napabuntonghininga rin ako. "Alam mo na kung ano 'yun. Nababasa mo naman ang isipan ko," masungit kong tugon. Napatawa siya. "Bakit ba lagi kang nagsusungit sa akin? Galit ka pa rin ba dahil sa pagpupumilit ko na isali ka ulit sa Platoon?" Napaismid ako. "Hindi ko rin kasi maintindihan kung bakit kailangang ako pa ang kulitin ninyo. 'Di ba kayo nagsasawa sa stratehiya ko?" "Nagsasawa," diretso niyang sagot. Napabalikwas tuloy ako ng bangon at napamaang. "Aba talaga namang--" Akma ko siyang sisipain pero kaagad siyang lumayo habang tumatawa. "Alam kong may sasabihin ka pang iba. Sabihin mo na at papalayasin na kita rito dahil gusto ko nang maligo," pag-iiba ko. Napalingon ako sa kanya at napansin ang paglamlam ng kanyang mata. Nakita ko kung paano naging seryoso ang mukha ni Sky. Mula sa pagiging kengkoy ay naging seryoso na kaagad ang hitsura niya. Hindi ko maintindihan pero parang pamilyar sa akin ang ekspresyon niyang iyon. Nangyari na ito noon, noong hindi pa ako natanggal sa Valkyrie. "Tama ka. Ganitong ganito nga iyon..." sagot niya sa naiisip ko. Tumingin siya sa mga mata ko at tipid na ngumiti. "Hindi ko pa 'to nasasabi sa'yo, Captain... pero pwede bang magsalita nang impormal?" pagpapaalam niya. "Nagpapaalam ka sa tauhan mo, Sky. Pali!" (Bilis!) mataray kong sabi sa kanya. "Na-miss na kita... sobra..." Napakunot ang noo ko dahil sa sinabi niya. Tila nawala sa hulog ang utak ko at hindi ko makuha ang sinabi niya. Teka, tama ba ang naririnig ko o nagkakamali lang ako? "Anong sabi mo?" Napailing siya at mapait na napatawa. Ramdam ko sa pagtawa niya ang pagkadismaya. May nasabi ba akong mali? Hindi ba dapat 'yun ang sasabihin ko? Ano nga ba ang sasabihin ko? "Wala. Wala kang dapat na sabihin. Gusto ko lang sabihin 'yun dahil iyon ang nararamdaman ko. Well..." Bigla siyang sumaludo sa akin at seryosong umayos ng tindig. "Permission to leave the captain's deck!" sigaw pa niya. Napairap akong muli at sumenyas na lumayas siya. "Oo na. Oo na. Umalis ka na! Pupunta na lang ako sa kwarto mo pagkatapos kong mag-ayos. Amoy mop na ako. Hindi mo alam kung gaano kami katagal nagtago sa loob ng mabahong utility room na iyon!" reklamo ko pa. Napahalakhak siya habang umiiling. Pagkatapos niyon ay nagpaalam na siya at kaagad na umalis ng kwarto ko. **** Matapos kong maligo ay nagsuot ako ng komportableng itim na blouse at tokong. Nagsuot pa rin ako ng boots at may isinuksok akong swiss knife sa may binti ko. Inilugay ko ang blonde kong buhok at saka lumabas ng kwarto. Pagkarating ko sa kwarto ni Sky ay napansin kong wala siya doon. Pinagmasdan ko ang kabuuan ng kwarto niya. May lampshade sa tabi ng higaan niya. Nakapatong iyon sa isang table. Iyon ang nagsilbing liwanag sa loob ng silid. Dim ang ilaw at nakatutulong ito sa pag-relax ng utak ko. Katabi naman nito ay ang laptop na tinutukoy ni Sky. Nagkibit-balikat na lang ako at sinimulan na ang pakay ko doon. Umupo ako sa harap ng laptop niya at nag-search ng file sa system ng Valkyrie. Tinipa ko ang pangalan na matagal nang bumabagabag sa isipan ko. Edward Manalo. 2010. Gwangju Hangkook Hospital. Iyon ang mga impormasyon na inilagay ko sa search template. Naghintay ako ng ilang segundo at hindi nagtagal ay lumabas na ang ilang resulta. Lumabas ang sandamakmak na tao na nasa ganoong pangalan. Napamura ako. May 100 katao na nasa ganoong pangalan sa loob ng Gwangju. Nakalimutan kong halos mga Pilipino na ang nakatira sa South Korea simula nang maitatag ang Line Treaty noong 1990. Kailangan ko pang salain ang lahat ng impormasyon bago ko makita ang tao na hinahanap ko. Saglit na nagtipa at nanatili sa enter button ang daliri ko bago nagpasyang magtipang muli. Dinagdag ko sa search template ang edad. 30 years old. Nang maisumite ko ang template ay naghintay akong muli ng ilang sandali. Sa pagkakataong ito ay mas mabagal pa ang pag-loading ng information. Umabot ito ng 5 minuto. Lumakas ang pagtapik ko sa mesa sa sobrang pagkainip. Sa wakas ay nagwakas na rin ang pag-load ng information. Ngunit nang titingnan ko na ang mga nakalagay ay bigla namang namatay ang laptop. "Tangina!" Naihilamos ko ang kamay ko sa aking mukha. Napaungol pa ako sa sobrang pagkainis. Pagtingin ko sa gilid ng laptop ay nakita kong hindi pala ito nakasaksak. Napatingin ako sa kisame at marahas na napabuntonghininga. "Tanginang buhay 'to! Ang sarap maging isang tanga!" bulalas ko pa. Ando'n na ako, e! Ando'n na ako sa impormasyon na kailangan ko pero hindi ko naisipan na may limit ang buhay ng laptop. Marahil ay nabawasan na ang battery nito dahil naghintay pa iyon nang matagal bago ako natapos sa seremonyas ko sa pagligo. Pabagsak kong isinandal ang likod ko sa upuan at nagmuni-muni nang panandalian. Huhulaan ko... panimula ng tinig ni Sky sa isipan ko. Hindi mo sinaksak ang laptop, 'no? Napairap ako sa kawalan. "Hindi ka manghuhula. Mind reader ka lang talaga. Pwede ba?!" Tatawa-tawa na pumasok si Sky sa kwarto at umupo sa higaan niya. "Bakit kasi hindi mo sinaksak ang charger?" "E, malay ko ba na mamamatay siya kaagad! Nakakainis! Iyon na nga ang chance ko para makita kung sino ang Edward na 'yun pero hindi nakikisama ang laptop na 'to!" pagmamaktol ko pa. "Baka naman ay ayaw pa talaga ni Edward na magpakilala sa'yo?" Napalingon ako sa kanya nang may pagtataka sa mukha. "Anong ibig mong sabihin? Hinaharangan ako ng batang paslit na 'yun na alamin kung sino siya, gano'n ba?!" Imbes na sumagot ay napanguso lang si Sky at itinuro ang nakabukas na pinto sa gilid ko. Paglingon ko ay doon ko nakita ang nakasilip na si Grace. Malakas siyang humagikhik at kumaripas ng takbo. Umaalingawngaw tuloy sa buong lugar ang matinis niyang pagtawa. Napabuntonghininga ulit ako at tumingala sa kisame. "Bwisit!" **** Kinabukasan. Ito ang ikaapat na araw ng maturity stage ni Grace. Kaagad na nagpulong ang buong Valkyrie team sa isang bakanteng kwarto sa loob ng safe house habang ang Vaz Mortal na si Lea ay nakabantay kay Grace sa kanyang kwarto. Naroon si Vorun, Zoren, Lileth, Tupac, at si Sky. Anim kaming naroon sa loob ng kwarto. Alas diez na nang umaga at lahat ay nakapag-almusal na ng dietary animal blood consumption namin. Panata naming mga Vampire Agents na hindi na muling iinom ng dugo ng tao. Nang makita ni Sky na lahat ay busog na, saka niya sinimulan ang meeting. "Anong status ng sub-team natin sa Taiwan? May report na ba silang pinadala?" panimula niyang tanong. "Negative, Major," tugon ni Lileth. "Hindi natin sila ma-contact simula nang mag-shift mission tayo sa Osaka. Hindi rin natin malaman kung ano ang status ng former mission dahil naipasa na ito sa ibang platoon," dagdag pa niya. Napabuga ng hangin si Sky at napatango. "Gaya ng inaasahan natin, talagang inabandona na tayo ng House of Z dahil sa pangalawang misyon na ito," sambit niya. "Makinig kayong lahat... simula ngayon, ang utos tungkol sa kapakanan ni Grace ay mawawala na. Isa na tayo sa itinuturing na Vampire fugitives sa Red Line. Ang kailangan nating siguraduhin ngayon ay ang maging ligtas ang bawat isa. Ang misyon lang natin ngayon ay ang obserbahan ang paglaki ni Grace at ang pag-train sa kanya bilang isang vampire agent. Understood?" "Sir, yes, sir!" sabay-sabay nilang sigaw. "Good. Ngayon, gusto kong marinig ang status ng 4th day ni Eliza Grace. Anong pagkakaiba kahapon at ngayon?" "Sir, ayon po sa report na isinumite ni Miss Lea ay naging mabilis ang development ng katawan ni Grace. Mas advanced din ang kanyang mga kaalaman. Ang bago po ay ang madalas niyang pagsusulat at pagsasalita," panimula ni Zoren. "Nakahiligan ni Miss Grace ang pagsusulat ng poem. Tungkol po sa pananalita..." Bigla ay napatingin sa akin si Zoren na ipinagtaka ko. Hindi ko na lang iyon ipinahalata at hinintay siyang magsalitang muli. "Heto po ang recording na nagpapatunay na may kakaiba sa pananalita ni Grace..." May kinuha siyang isang aparato at inilapag sa mesa. Isa iyong recorder. Pinindot niya ang pulang pindutan at lahat kami ay nakinig sa tinig. "Miss Grace, bakit ka nakahawak sa akin?" tanong ni Lea sa kanya. "Wala akong choice kundi ang ibigay ang information ng buong team ng Valkyrie sa Osaka. Iyon lang ang tanging paraan para maprotektahan ko ang House of Z. Alam kong sa mga oras na ito, nagtatago na sila sa Echizen. Mahihirapan ang Trinity na matunton sila. Wala silang magagawa," sambit ng isang pamilyar na boses ang biglang sumingit sa recording. Maya-maya ay nakarinig ako ng malakas na pagsinghap sa recording. "M-Miss Grace?" "Binigyan ko sila ng fake violation. Sinabi ko na pumatay ng mga Ordinary ang buong platoon. Nakaplano na ang lahat. Alam ko rin na maibibigay ng batang iyon ang mensaheng ito sa kanila. Kailangan nilang buksan ang file sa system. Doon nila makikita ang plain ticket na inihanda ko sa paglipad nila patungong California. Naroon ang pakay natin. Naroon ang buong lipi ng mga Bernardine. Naroon ang lead natin sa mga nawawalang mga bata..." iyon lang at naputol na ang recording. Lahat kami ay nagulantang sa narinig. Maging si Sky ay hindi rin inaasahan ang maririnig. Napahampas siya sa mesa at saka tumalikod. Lahat kami ay mabigat na sumandal sa aming mga upuan. "Ibig sabihin... ang buong paggalaw ng House of Z ay naaayon sa utos ng Trinity?" napatawa ako sa sarili kong sinabi. "Buong akala ko ay independent house tayo sa Black Line. Kontrolado pa rin pala nila tayo sa lahat ng bagay. Pati na mga misyon natin ay manggagaling pa sa kanila." "Alam din niyang mangyayari ito. Sa pag-aakalang dahil kay Grace, kaya tayo tumatakbo, umalis tayo at pumunta sa safe house. Pero planado na palang lahat ito ni Senior Matheo." Napatingin sa akin si Sky nang may seryosong hitsura. "Alam mo ba 'to, Captain?" Sinalubong ko ang mga mata niya at walang ganang ginalaw-galaw ang upuan ko. "Hindi. Nagkataon lang na alam na ni Tanda ang nasa isip ko. Alam niyang hindi ako titigil hangga't hindi ko nakikita si Ranny. Ang tanong, gusto n'yo pa bang tulungan ang House of Z na matapos ang misyon at tulungan akong mahanap ang kapatid ko, o mananatili kayo rito hanggang sa magsawa na ang Trinity sa katutugis sa atin? Mamili lang kayo. "Madali akong kausap. Kaya kong gawin ang misyon na ito nang mag-isa. Pwede n'yong iiwan sa akin si Grace at maghiwa-hiwalay tayo o sasama kayo sa akin at bubuksan ang system para makita ang ticket," mahaba kong paliwanag sa kanilang lahat. Namayani ang katahimikan sa buong kwarto. Walang nagsasalita. Ang paghinga lamang nila ang bukod-tangi kong naririnig at ang t***k ng puso ko. Matapos niyon ay si Lileth na ang bumasag sa katahimikan. "Permission to speak, Major..." pagpapaalam niya. Tumango si Sky sa kanya. "Hindi ko po kayo personal na kilala. Ang alam ko lang noong pumasok ako sa House of Z, pangarap ko ang makapasok sa Valkyrie Platoon. Gusto kong maranasan ang natatamasa ninyong tagumpay. Gusto kong malaman kung paano kayo gumalaw at kung paano ninyo napakikisamahan ang bawat isa. "Sobrang curious ako noon. At ngayon na kahit napakabago ko pa lang sa team ay may mga nadiskubre na ako. Dito ko nalaman na kahit iniwanan na kayo o napaparusahan, hindi importante sa inyo ang pagsunod sa mga utos ng mga nakatataas, kundi ang pagtuwid sa mga mali kahit pa ang kapalit nito ay ang dangal ng bawat isa," mahaba niyang salaysay. "Kaya wala akong ibang sagot kundi ang sumama sa inyo..." Napataas din ng kamay si Tupac. Isa siyang Nigerian Descent Vaz Hac. Maitim ang kanyang balat at ang buhok niya ay naka-dreadlocks na hanggang siko. "Same! Alam n'yong lagi lang akong sumasama sa inyo. For better or for worst ako para sa Valkyrie..." Napataas din ng kamay si Zoren. "Count me in!" Ganoon din si Vorun. "Kailan ko ba kayo iniwan?" Napangiti naman si Sky at tumango sa kanilang lahat. "Wala akong iniwan ni isa sa inyo, team. Lahat tayo ay pupunta ng California, sa ayaw at sa gusto ni Captain Cariño. Are we clear?" "Sir, yes, sir!" sigaw nilang lahat. Napangisi lang ako kay Sky. Maghintay ka lang, Ranny. Magkikita rin tayo muli... To be continued...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD