Eve
Napapikit ako. Kailangan ko nang tanggapin ang katotohanan na hanggang dito na lang ang buhay ko. Tutal, wala akong karapatang mabuhay na muli. Isa lang akong hamak na halimaw na walang karapatang mamuhay nang payapa sa mundong hiram na ito. Para sa ilan, isa akong halimaw. Isang hamak na malupit na mananakop. Simula nang dumating ako rito ay ang daigdig ay sumailalim sa napaka-pait na pagkasira.
Dahil sa isang mananakop na tulad ko, bumaliktad ang natural na pamumuhay sa daigdig. Kung si Grace man o ang Valkyrie ang may dahilan kung bakit ako naririto, wala nang saysay pa ang mga iyon. Ito na ang pagkakataon na hinihintay ko.
Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong ito. Ang pagkakataong mahinto ang paghihirap ko. Dahil para sa akin, isang paghihirap ang mamuhay nang ilang libong taon at mamuhay sa iba't ibang katauhan. Marami akong sinirang buhay para lang makaligtas ako. Marami akong pinaslang na mga tao para lang maibsan ang uhaw ko. Marami akong kasamaang naidulot sa marami. Kaya tama lang na mawala na ako ngayon.
Hindi na ako magrereklamo pa. Sapat na sa akin ang mabuhay na may naitamang mali. Iyon ay ang mamatay. Baka sakali ay mabago ko ang lahat...
"Sa tingin mo ba ay matatapos na ang kasamaan sa mundo kung mawawala ka na, Evangeline?" isang tanong ang biglang pumailanlang sa isipan ko sa kabila ng maingay na kapaligiran.
Napatigil ako dahil doon. Nang mabosesan ko ang tinig ay hindi na ako makagalaw. Ito ang unang beses na nakipag-usap sa akin si Aleyago nang hindi ako hinihimatay. Anong ibig sabihin nito?
Anong kailangan mo, Aleyago? Hayaan mo na ako. Ito na ang kapalaran ng isang tulad ko. Hindi ka ba natutuwa na mawawala na ako? Alam kong ito rin ang gusto mong mangyari. Alam kong gusto mo na ring mawala sa mundong ibabaw at magpahinga, sagot ko naman sa kanya gamit ang aking isipan. Napapikit pa ako. May kaunting butil ng luha ang tumakas mula sa aking mata.
Ang totoo niyan, sobrang sakit ng dibdib ko. Marami pa akong gustong patunayan ngunit wala akong magagawa kung ang tadhana na ang nagtakda na mawala ako sa araw na ito.
"Sa tingin mo ba ay ito talaga ang gusto ng puso mo? Papayag ka ba na mamatay sa kamay ng Trinity? Tandaan mo na sila rin ang dahilan kung bakit namatay si Maria Michzus. Hindi ka muling mamamatay sa mga kamay nila. Hindi ako makakapayag!" asik ni Aleyago. Ramdam ko ang galit sa bawat salita niya.
Tama. Malaki ang galit ni Aleyago sa House of Trinity dahil sa ginawa nilang pagtataksil kay Maria Michzus noon. Si Maria Michzus ay ang second generation porlomolla zasek ni Aleyago.
Si Maria Michzus ang tunay na nagsulong ng kaayusan sa buong daigdig. Siya ang nag-draft ng Line Treaty. Ang tunay na Line Treaty ay hindi makasarili kung pakinggan. Ang Line Treaty ay para lamang sa kaayusan ng teritoryo ng tao, mga lobo, at mga bampira. Ngunit biglang umalma ang House of Trinity. Gusto nilang palitan ang batas na nagsusulong sa kaayusan ng mga lobo at bampira. Dahil dito, nagkaroon ng pangalawang digmaan noong 1939 hanggang 1945. Ang tunay na dahilan ng digmaan ay dahil lamang sa paglulunsad ng orihinal na Line Treaty ni Maria Michzus. At nang nanalo sa digmaan ay ang mga Vaz Harpia ay doon na nawalan ng boses ang orighinal na bampira sa mundo.
Ilang beses nagtago si Maria Michzus mula sa mga mata ng lahat upang mapangalagaan niya ang kaluluwa ni Aleyago. Iyon ang dahilan kung bakit ginugol lamang niya ang kanyang buhay sa paghahanap ng tamang pamilya na pagbibigyan ng kaluluwa ni Aleyago. At iyon ay ang pamilya ko...
"Tandaan mo, Evangeline... may kailangan pa tayong gampanan. Hindi ito ang dapat na maging katapusan mo. Hindi ito maaari!" mariin niyang tanggi.
Napangiti ako nang mapakla. Patawarin mo ako, Aleyago, ngunit ang laban mo ay hindi ko na laban. Ikaw man ang nasa katawang ito, pero ang diwa ko ay naiiba pa rin sa'yo. Kahit man magpumiglas ako ay huli na ang lahat...
Huminga ako nang malalim at ihinanda ang sarili. Naramdaman ko na bumuwelo pa ang bampira mula sa kinalalagakan ko. Nakaasinta siya sa leeg ko na plano niyang hatiin.
"Tigil!" isang malakas na sigaw ang dumagundong sa buong paligid. Narinig ko ang kasunod na singhap mula sa mga bampira na nasa loob ng Punishment Stadium. Lahat sila ay naglingunan sa isang direksyon.
Napadilat ako nang may gulat sa mga mata. Anong...
Nakita ko ang taas-noong paglalakad ni Matheo Irving sa gitna ng stadium. Lahat ay napatahimik nang pumasok siya. Pati ang bampira na nasa tabi ko ay napatigil at lumingon sa kanya nang may salubong na mga kilay. Nawala rin kaagad ang galit niyang ekspresyon nang malaman kung sino ang nilalang na nagpakita sa kanyang harapan.
"Pakawalan ninyo ang agent ko," mariin na utos ni Matheo habang nakatingin sa akin.
"S-Senior Matheo! Paumanhin ngunit siya ay nasa ilalim na ng jurisdiction ng House of Trinity. Hindi namin siya basta-basta ibibigay sa inyo kahit pa na agent ninyo siya. Iyon po ang mahigpit na ipinagbilin sa amin ng Trinity," katwiran pa ng taga-bitay.
Maya-maya ay may kinuhang kung anong bagay si Matheo sa kanyang bulsa at ipinakita ito sa bampira. Inilagay niya sa magkabilang bulsa niya ang kanyang mga kamay. Habang binabasa ng isa ang papel na iyon na kanyang inabot ay nagsimula na siyang magsalita. "Ang pagbitay sa kanya ay maaaring ipagpaliban lalo na kung may on-going mission siya kasama ang kanyang platoon. Nakasaad iyon sa kasunduan ng House of Z at ng Trinity. Hindi maaaring balewalain ng isa sa kanila ang hiling ko dahil isa akong Senior at kaanib nila. Makakaya mo ba na kalabanin ang kahilingan ko, mababang-uri na bampira?" matigas na saad niya.
Napaatras naman ang tagabitay at nanginig sa takot. "S-Senior..."
Napangisi naman si Matheo sa kanya. "Hindi mo gugustuhing paslangin ang nilalang na iyan, maniwala ka..." pangungumbinsi niya pa.
Saglit namayani ang katahimikan sa paligid hanggang sa may malakas na nagtrumpeta mula sa labas. Ito ang tradisyon na pag-anunsyo kung may paparating na sire sa loob ng isang sagradong lugar tulad ng Punishment Stadium.
Ang Punishment Stadium ay nakabase sa Malaysia. Ito ay ang pinakamalawak na stadium na nagawa sa buong mundo. Sa Malaysia rin nakabase ang Vaz Harpia Cave. Dito isinasagawa ang lahat ng kaparusahan sa isang nilalang, mapa-tao man o bampira.
Napalingon ang lahat sa pinanggalingan ng malakas na tunog na iyon. Maya-maya ay nagbukas ang dambuhalang pinto sa may harapan. May ilang kabayo na nagdatingan. Sa likuran naman ay mga tagasilbing bampira.
May anim na tagasilbi ang nagbuhat ng isang mabigat na palanquin. Ang plaform na iyon ay walang bubungan o apat na sulok na magtatabon sa sinumang nakasakay roon. Ang mayroon lamang ay ang apat na mahabang stick sa bawat sulok. Nababalot lamang ito ng manipis na puting tela kung saan natatabunan ang kabuuang hitsura ng nakasakay.
Sa loob niyon ay may isang pigura na nakaupo. Lahat ng nilalang sa paligid ay napatahimik. Ngunit ang malakas na tambol patuloy sa paghampas habang papalapit ang palanquin sa aming direksyon.
Hindi nagtagal ay nakalapit sila sa amin. Ibinaba nila ito at binuksan ang tela.
Magiliw namang lumabas mula roon ang isang napakagandang babae. Ang kanyang buhok ay kulay matingkad na kahel, malambot, maalon, at mahaba. Nakasuot siya ng mahabang kasuotan na kulay pula na sumasayad sa lupa. Ang ilang parte nito ay nakadikit sa kanyang magkabilang palapulsuhan. May maamo at walang ekspresyon siyang mukha.
Siya ay si Maria Meja, ang isa sa Trinity Sires ng kanilang house. Siya ay matandang nilalang na nabubuhay pa magpahanggang ngayon.
Taas-noo niyang tinitigan si Matheo. Nagpalipat-lipat pa ang kanyang mga mata sa paa at mukha ni Tanda. "Bakit mo pinag-aaksayahan ng enerhiya ang isang hamak na Vampire Agent lamang?" tanong niya.
"Iyon ay dahil importante ang kanyang gagampanan dahil kung hindi ay malaki ang mawawala sa buong tahanan mo," sagot naman ni Matheo na may halong pananakot.
"Sa tingin mo ba ay matatakot ako sa nasabi mo? Wala pang sinuman ang nakapagpabali ng pagpapasya namin. Tapos nakuha mong maglakas loob na kalabanin ako. Sino ka sa inaakala mo?!" hiyaw ng babae.
Napahalakhak si Matheo. "Sa tingin mo ba ay mapupunta sa'yo ang posisyong iyan kung hindi dahil sa akin? Huwag mong kakalimutan na ang lahat ng tagumpay na iyong tinatamasa ay hindi mangyayari kung hindi kita tinulungan, lalong lalo na ang mga kapatid mo..."
Nakita ko ang paghigpit na pagkuyom ng kamao ni Meja. Pero ang kanyang mukha'y hindi kakikitaan ng galit. Hindi nagtagal ay napangiti siya. Ang kanyang mata ay salungat ang ipinakikita. Hindi siya masaya. "Tama ka. Kung hindi dahil sa'yo ay hindi mabubuo ang tagumpay na ito. Bueno... hindi na ako makikipagdiskusyon. Maaari mo nang kunin ang mapangahas na bampira na ito sa harapan ko. Tapusin ninyo ang misyon na sinasabi mo. Ngunit sa oras na matapos ninyo ang misyon sa Zillion..." Mabilis na itinapon sa akin ni Meja ang kanyang matalas na tingin. "Sa akin na ang bampirang ito. Ako ang mismong magpaparusa sa kanya." Napangisi siya. "Dahil siya ang tanda ng aking pagkapahiya. Imbes na ikaw ang papaslangin ko, Matheo, ang iyong agent ang aking papaslangin para maibsan ang aking kahihiyan. Naiintindihan mo ba?"
Napayuko si Matheo. "Iyan ay masusunod, Maria," tugon naman niya.
Mahigpit na napakuyom ang magkabilaan kong kamao habang masamang nakatitig kay Meja. Humanda ka sa susunod na pagkikita natin. Ipaghihiganti ko pa rin kahit anong mangyari ang ginawa mo kay Michzus...
****
Nasa itaas kami ng bundok. Ang aking kamay ay nakakulong sa makapal na bakal na 'sing lapad ng plato. Ang bigat niya ay limang kilo. Magaan lang ito para sa akin.
Sa gilid ko naman ay apat na bampira. Sila ay tinatawag na Pomo o mga gwardya ng Punishment Stadium na nangangasiwa sa mga bilanggo at malapit nang ibitay na mga bampira o mortal.
Umaakyat kaming lahat papunta sa ituktok ng bundok. Sa di-kalayuan ay may naririnig akong ingay ng helicopter. Pagkatingin ko ay tumambad sa akin ang Valkyrie 4654, ang opisyal na helicopter ng platoon namin.
Sa labas ng helicopter ay nakatayo ay si Matheo at ang dalawang nakaroba na itim. Nang humawi bahagya ang kanilang hood ay doon ko nakilala kung sino-sino sila.
Lumamlam ang aking mga mata pagkakita sa kanila. "S-Sky... Grace..."
Pagkarating namin sa kanilang harapan ay nagsimula na akong kalagan ng mga Pomo. Namg sa wakas ay nakawala na ako ay napahimas pa ako sa dalawang palapulsuhan ko. Pakiramdam ko ay napakatagal kong nakakulong sa mga bakal na iyon. Nararamdaman ko pa rin ang mga ito sa palapulsuhan ko.
Napaangat ako ng tingin sa kanilang lahat.
Naglahad ng papel ang isang Pomo at iniabot iyon kay Matheo. "Ito ang kasulatan na pumapayag ang Maria Meja sa inyong kondisyon para sa bilanggo na si Evangeline Cariño. Kung anumang magiging problema habang nasa misyon ay lumapit ka sa aming tanggapan upang tugisin siya," pagbibigay alam niya kay Tanda.
"Makakaasa ka, Pomo. Halika na, Eve. Kailangan na nating umalis. Nagiging matagal ang misyon natin," aniya.
Napatango na lang ako. Dahan-dahan akong naglakad at sumakay sa helicopter. Ganoon din ang tatlo na naiwan pa sa labas pagkatapos magpaalam sa mga Pomo.
Maya-maya, umangat na ang sinasakyan namin mula sa lupa at tuluyan nang nilisan ang lugar ng Trinity.
"Welcome back, Captain!" pagbati sa akin ni Sky. Nakasuot pa rin siya ng mahabang roba ngunit nakababa na ang kanyang hood.
Mahina akong ngumiti sa kanya. "Kumusta kayo?"
"Ikaw dapat ang kinukumusta namin, Captain. Nag-alala kami sa'yo. Palagay ko'y sobra kang nagugutom. Heto..." Naglabas siya ng isang tumbler at iniabot ito sa akin.
Agad na nag-react ang ilong ko sa masarap na amoy ng dugo na nanggagaling doon. Bahagya nang nakabukas ang tumbler. Agad akong uminom. Ngayon ko lang napagtanto na sobra nga ang pagkauhaw ko. Ilang araw na ba akong hindi nakakakain? Hindi ko na maalala.
Matapos kong uminom ay napatingin ako kay Grace na mataman lang akong pinagmamasdan. Nakababa na rin ang hood sa suot niyang roba.
"Oo nga pala... ilang araw na ba ang nakalipas?" tanong ko.
"Limang araw na simula nang makuha ka ng mga taga-Punishment Stadium," sagot ni Sky.
Kaya pala hindi pamilyar sa akin ang mga lalaki sa Nagoya. Ibig sabihin ay mga Pomo sila. Pero nakakapagtaka na hindi nila suot ang kanilang uniporme.
Napaangat ulit ako ng tingin kay Grace. "Ikaw... sino ba ang kaharap namin ngayon? Si Grace o si Edward?" bigla ay tanong ko sa kanya.
Sabay napalingon sina Sky at Matheo sa aming direksyon. Pareho silang gulat sa aking itinanong.
"Anong ibig sabihin no'n, Captain?" tanong ni Sky.
"Nasa loob tayo ng Vaz Harpia's Cave. Nakita natin ang mismong Trinity Statue Seal. At ikaw... ikaw talaga ang tunay na gumuhit ng selyo na iyon sa lupa. Paanong..." Napatigil ako sa pagsasalita. Pinipigilan ko ang sarili ko na sumabog sa galit. Hindi ko rin maintindihan kung bakit nagiging emosyonal ako ngayon pero marami akong gustong malaman. Isa na doon ay ang kinalaman ni Grace sa misyon ng Valkyrie.
"Hindi ko alam kung anong nangyari pero may gusto akong linawin sa inyong lahat..." sa wakas ay sabi ni Grace.
"Ano 'yun?"
"May problema tayo sa kaluluwa ni Edward sa katawang ito..."
To be continued...